Napangiti si Ara ng maramdaman ang mainit na bisig na pumalibot sa katawan niya. Nakatalikod siya kay Domeng at umurong pa siya para madama ang init nito. Napapikit siya ng samyuhin nito ang buhok niya at lalo pa siya nitong niyakap ng mahigpit.
Natupad na ang isa sa mga plano niya, ang makapiling si Domeng sa ganoong pagkakataon. Marahil, sa iba ay naging marahas siya sa hakbang, para sa kanya’y hindi. Ilang taon siyang gumawa ng paraan para mapansin nito ngunit hindi siya nito nakikita. Sapat ng basehan iyon para tawirin na niya ang gahiblang pader na naghihiwalay sa kanila ni Domeng.
Hindi lang natapos ang pagniniig nila kagabi. Nasundan pa iyon ng dalawang beses. Naging mapusok ito sa pagangkin sa kanya na naging sanhi ng pananakit ng kanyang katawan ngayon. Gayunman, walang kapantay ang kaligayahang hatid noon sa puso niya. Wala mang salitang namutawi sa mga bibig nila ay walang kaso sa kanya. Nagkakaunawaan ang puso nila at iyon naman ang mahalaga. Marahil, ngayon umaga ay pormal na usapan na lamang ang kailangan nilang gawin. Hindi na nila kailangan pang dumaan sa courting stage dahil magkakilala naman sila nito.
“Domeng,” anas niya.
“Hmm… nagugutom ka na ba?” anas nito.
Napamulagat siya. Bakit parang nagiba ang boses nito? Parang bahagya iyong lumalim at tila naging husky? May sakit ba ito? Agad siyang nagalala dahil hindi naman niya iyon napansin kagabi. Puro anas lamang kasi sila at wala doon ang atensyon niya. Agad siyang humarap rito upang kumustahin ito ngunit napatili siya ng malakas ng mapagtanto niyang estranghero ang lalaki!
“Eeh!” tili niya at agad niyang hinugot ang kumot saka nagsumiksik sa head board. Nang mapagisip niya ang lahat ng nangyari kagabi ay lalo siyang nanlumo at nag-panic. Ibang lalaki ang nakainiig niya! Tili siya ng tili dahil sa nangyari!
“Shh!” tarantang awat nito sa kanya. Mukhang nag-panic din ito. Umasta itong hahawakan siya para patahimikin pero sa pagkagulat niya ay tinulak niya ito ng malakas at nasipa ito. Nahulog ito sa kama!
Ngunit hindi iyon naging sagabal sa panlulumo niya. Patuloy ang pagkudlit ng ilang alaala sa isip niya at lalong bumagsak ang kanyang pakiramdam. Lalo siyang napatili at napaiyak sa mga palad dahil sa labis na panlulumo.
“Please… please… don’t cry please… God… please, don’t shout,” natutureteng awat nito sa kanya. Pinilit siya nitong pinapahinto dahil patuloy pa rin siya sa pagsigaw. “Please, huwag ka munang umiyak at magwala. Pagusapan natin ito,”
“Pagusupan?! Paano natin paguusapan ito? Hindi ikaw ang dapat nandito! Dapat si Domeng! Oh, my god… what did I do…” nanghihinang saad niya saka muling napaiyak sa palad.
Ni sa hinagap ay hindi niya inakalang mauuwi siya sa ganoon. God… nakipagniig siya sa isang lalaking hindi niya kilala? Hindi siya ganoong uri ng babae! Muling bumagsak ang kanyang pakiramdam sa naisip.
“But I am Domeng… that’s why I went here. I thought you really know me and you were one of my flings so…”
Sa kabila ng panlulumo niya ay naginit ang ulo niya sa sinabi nito. One of his flings? Mukhang babaero pa ang nakauna sa kanya! Lalo siyang nadismaya sa natuklasan.
“Pero hindi ikaw ang Domeng na hinahanap ko!” singhal niya rito at marahas na pinunasan ang mga luha sa pisngi. “At mas lalong hindi ako isa sa mga flings mo!”
Sa galit at labis na panlulumo ay binato niya ito ng unan. Sapol ito sa mukha. Namula ang mukha nito pero nagpakapigil ito.
Napahagod ito sa buhok at tila frustrated na napatingin sa kanya. “Alam ko na ngayon—”
“Alam mo naman pala kaya p’wede ba? Huwag ka na lang magsalita dahil wala kang masasabing makakapagpagaan ng kalooban ko!” singhal niya rito.
Napabuntong hininga ito at saglit na tumahimik. Patuloy siya sa pagiyak sa sulok ng kama dahil sa pagkawala ng virginity niya. Papaano na ang mga plano niya para sa kanila ni Domeng? Nang dahil lang sa nalasing siya, nabulilyaso ang lahat ng plano niya. Lihim siyang nagsisi dahil hindi siya nagingat.
Hanggang sa kumilos ito sa kanyang likuran. Naramdaman na lamang niyang inilapat nito ang robe sa balikat niya. Isang masamang tingin ang iginawad niya rito. Kahit nagpapaka-gentleman ito ay wala na ring saysay. Nakuha na nito ang lahat sa kanya!
“Umalis ka na,” mariin niyang taboy dito saka galit na sinuot ang roba. Nakabihis na rin ito sa pagkakataong iyon.
“But I can’t leave you like this. Ano’ng gusto mong mangyari?”
Natawa siya ng mapait. Ano’ng akala nito? Maghahabol siya ng kasal? Letse! Hindi siya sira ulo para gawin iyon. Hindi niya ito kilala at wala siyang balak na maitali sa isang taong wala siyang damdamin. Isa pa’y si Domeng lang ang lalaking para sa kanya.
Kahit pa sabihing Domeng din ang pangalan nito. Halos kapareho nito ng built ang kaibigan niya, gupit ng buhok at hugis ng mukha. Maging ang suot nitong tuxedo at maskara ay kapareho rin kaya talagang naipagkamali niya ito pero mananatiling ibang tao ito.
Kahit sabihin pang napakaguwapo nito. Ang kaibigan niya ay guwapo lang samantalang ang Domeng na ito ay super guwapo. Ang klase ng kaguwapuhan nito ay lalong tumitingkad kapag tinititigan ito ng matagal. Nagiging hawig nito si Zac Efron kapag tinitigan ito. Pinoy version nga lang. Gayunman, hindi pa rin ito ang Domeng na gusto niyang makasama habambuhay!
“Ang gusto kong mangyari, huwag ka ng magpapakita sa akin kahit kailan. Isa itong aksidente. Isang malaking pagkakamali!” asik niya rito.
Nakakainis ito. Kung makaasta ito,parang gusto siyang panagutan samantalang hindi rin naman talaga siya nito kilala. Ilang babae na ba ang naka-one night stand nito? Tama. Parang ganoon na ang nangyari sa kanila. Lahat ba ng naka-one night stand nito ay tinatanong at sinusuyo nito ng ganoon? Ah, nakakabuwisit na isipin iyon dahil alam niyang ang mga ganitong klaseng lalaki ay hindi naman talaga magseseryoso. Mananatiling panandalian lamang iyon. Marahil, nagi-guilty lamang ito dahil ito ang unang lalaki sa buhay niya.
Napabuntong hininga ito sa ginawa niya at napatingin sa malayo. Hindi na niya ito binigyan pa ng pagkakataong magsalita pa ng kung anu-ano. Agad siyang nagtungo sa banyo at nagbihis. Paglabas niya ay agad siyang nagempake. Mabuti na lamang pala ay umuwi din ng gabing iyon ang kaibigan niya. Maitatago pa niya ang kahihiyan at kapalpakang nagawa. Siguradong uulanin siya ng sermon ng kaibigan kapag natuklasan nito iyon.
“Miss, let me at least know your name. Is it Amy? Amelia? Amber? What?” tanong nito.
Pumiksi siya sa pagkakahawak nito sa siko niya at pasimpleng hinagod ang pinanggalingan ng kamay nito. Pakiramdam niya ay mayroong koryenteng dumaloy doon. Kinalma niya ang sarili hanggang sa nakuha niya itong tingnan ng masama. “Bakit gusto mong malaman? Para ipangalandakan sa mga kaibigan mo?”
Napanganga ito. Mukhang nabigla sa sinabi niya. Napahinga siya ng malalim. Wala naman siyang makitang dahilan para magkakilanlan pa sila. Pagkatapos niyang sabihin ay ano naman ang susunod? Kukunin ang numero niya at tatawagan siya makalipas ang ilang linggo para humingi ng round two? Letse! Nagiinit ang ulo niya sa naiisip.
Isang masamang tingin ang iginawad niya rito. Kahit pigilan siya nito ay lumabas na siya ng silid. Kasabay ng pagbagsak niya ng pinto ay isinelyo niya ang kahihiyang iyon at pagkapahiya sa sarili. Doon nababagay ang lahat. Maiiwan sa loob ng silid ng iyon ang kapalpakan niya.