Ang Babae sa Salamin

1747 Words
Hindi ako nakapagsalit o nakapagkuwento sa buong biyahe namin ni Jerome. Si Jerome man ay hindi rin kumibo. Hindi niya alam kung ano ang magandang sabihin sa pagkakataong iyon. Kawawa naman si Jerome. Ang buong akala niya ay meron siyang nasabi o nagawa na hindi ko nagustuhan kaya’t ganoon na lamang ang aking pagkatahimik. Inalok niyang sunduin ako kinabukasan at sabay na kaming pumasok sa opisina. Ako ay tumangi at isinara ko agad ang pinto ng kanyang kotse bago pa siya nagkaroon ng pagkakataong magpumilit. Tuluyan ng dumilim ang buong kalangitan, maulap at nagtatago ang mga bituin. Hindi ko maipaliwanag ang mga pangyayari sa ladies room. Gusto ko mang kalimutan ang aking nakita, hindi ko ito magawa sapagkat tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, nakikita ko ang babaeng nasa salamin. Hindi ko man nakita ng lubusan ang kanyang itsura, naiisp ko siyang sinusubukan akong abutin. At kahit hindi ko naririnig ang kanyang tinig, nababasa ko sa galaw ng kanyang mga labi na tinatawag niya ang aking pangalan, “Tiffany…” Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Pinaglalaruan ako ng aking isip. Aking pinalipas ang buong gabing nakaupo lamang sa aking sofa. Nakabukas ang aking mga ilaw, natatakot pumikit at baka magtagal at makita ko siya ng lubusan. Magdamag akong hindi tumayo sa aking pagkakaupo sa aking sofa. 9:00 na ng umaga ngunit walang akong balak na pumasok sa aming opisina. Sinuot ko ang aking maong na pantalon at sumakay ako ng taxi papunta sa mall upang subukang patunayan sa aking sarili na guni-guni ko lamang ang pinanggalingan ng babaeng iyon sa salamin ng ladies room. Maraming oras ang aking sinayang sa paglalakad ng pabalik-balik mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo ng bawat palapag ng mall. Sinubukan kong mag-ipon ng lakas upang sumilip sa ladies room. Mayroong pagkakataon na nandoon na ako at halos nahawakan ko na ang door knob ng ladies room ngunit ako ay umatras. Natatakot akong makita kung sino ang nasa loob. Hindi ko pala kaya. Ako ay naglibang-libang at namasyal muna sa isang malaking department store sa loob ng mall. Napakaraming tao noong hapon na iyon. Maraming empleyado ang tumakas sa kanilang opisina upang tumingin-tingin, magsukat-sukat at mamili ng sari-saring mga bagay. Karamihan sa kanila ay mga babae, 50% discount noon ang mga blouse, at tamang-tama, natapat sa araw ng suweldo. Napakaraming mga salamin sa department store, kada ilang metro mayroong salamin kung saan ang mga babaeng namimili ay tumitingin sa kanilang sarili upang malaman kung bagay sa kanila ang kanilang bibilhin. Kung minsan, kahit walang bibilhin nakatingin pa rin sila sa salamin upang makapag-ayos ng kanilang buhok. 3:00 ng hapon, break time na para sa ilang mga sales lady. Isang grupo ng mga sales lady ang nagdaan sa aking harapan upang bumaba sa basement para magmeryenda. Nang nakadaan ang huling sales lady sa kanilang grupo, nakita ko ulit siya sa aking harapan, ang babaeng may suot na madungis na puting damit. Sinusubukan niya akong abutin. Napaka putla niya at ang kaniyang mga mata ay puro itim. Nilingon ko ang aking paligid at napatunayan ko na ang kanyang imahen ay walang pinanggagalingan. Ang babae ay nasa loob ng salamin. Tumakbo ako. Sinubukan kong iwanan ang babae, ngunit siya ay laging lumilitaw sa aking harapan, sa bawat salamin na aking dinadatnan. Tumakbo ako ng paikot-ikot sa loob ng department store at marahil, may mga nag-aakalang ako’y isang snatser o isang babaeng nababaliw. Nilapitan ako ng ilang guwardya at ako ay pinilit nilang pakalmahin. Dinala nila ako sa kanilang opisina. Habang kami ay naglalakad papunta sa security office, nakikita ko ang babae na palipat-lipat sa mga binatana ng bawat tindahan na aming dinadaanan. Ang babae ay nagmamadali, nagsusumikap na makahabol sa akin. Habang ako ay nagpapaliwanag sa manager ng department store, nandoon ang babae sa bintana ng kanyang opisina. Nawawalan na ng pasensya sa akin ang manager at pilit na pinipigilan ang kanyang pagngiti sa aking salaysay. Inaantay niya lamang akong makatapos upang pilitin akong umamin na ang lahat ng aking nabanggit ay guni-guni ko lamang. Nagtapos ang aming pag-uusap ng ako ay inabutan niya ng telepono upang tawagan, kung sino man ang maaaring sumundo sa akin. Isang pangalan lamang ang pumasok sa aking isipan; si Jerome. Mabilis na nakarating si Jerome sa mall at a security office. Ako ay humingi ng kahit anong bagay na puwede kong itakip sa aking mukha. Ayaw kong makita at makakita ng sino man hanggang makarating sa kotse ni Jerome. Inabot ni Jerome ang kanyang jacket at inalalayan niya ako papunta sa kanyang kotse. Ipinaliwanag ko kay Jerome ang lahat ng nangyari at naniwala naman siya agad. Malamag, kunyari lang iyon. Subalit, kahit ano man iyon, at least, may nakinig sa akin. Umikot-ikot kami ng walang siguradong patutunguan, hanggang kami ay nakarating sa opisina. Kinuha namin ang aking kotse sa opisina. Habang ako ay nagmamaneho pauwi, sinusundan ako ni Jerome sa kanyang kotse upang siya ay makasigurong makakauwi ako ng ligtas. Medyo umuulan pa rin noong gabing iyon. Hindi ako makapagpatakbo ng mabilis dahil malabo ang salamin ng aking kotse at madulas ang mga kalsada. Nang kami ay makarating at huminto sa harap ng aking bahay, sinilip ko si Jerome mula sa aking rear view mirror. Ngunit, ang aking nakita ay ang babaeng maputla. Ang babae ay nakatitig sa aking mga mata mula sa aking rear view mirror. Alam na niya kung saan ako nakatira! Napasigaw ako at tinakpan ko ang aking mga mata. Nang napayuko ako, tumama ang aking ulo sa businahan ng manibela. Agad-agad tumakbo si Jerome at inabutan niya akong umiiyak. Pinilit niyang hawakan ang aking mga kamay, tanggalin sa pagkakatakip sa aking mukha upang ako’y kanyang makausap, ngunit ayaw kung tanggalin ang aking mga kamay at buksan ang aking mga mata. Sinamahan ako ni Jerome noong gabing iyon. Tinakpan niya lahat ng mga salamin sa aking bahay ng mga tuwalya at masking tape. Habang ginagawa ni Jerome ang lahat ng ito, ako ay nakaupo lamang sa aking hapagkainan habang ang aking mga kamay ay nakatakip pa rin sa aking mga mata. Nang ako ay pumunta na sa aking living room, dinatnan ko si Jerome na nanonood na ng TV, nakaupo sa sofa. Nang Makita ako ni Jerome na papalapit, pinatay niya ang TV. Nang mawala ang imahen ng palabas, lumitaw muli ang babae sa screen ng TV. Ako ay napasigaw muli at agad namang tumayo si Jerome para ako ay yakapin. Doon ko naisip na sayang ang aking mga pinalampas na pagkakataon. Ito ang mga bagay na dapat matagal ko nang ginawa. Noon ko pa dapat hinayaan ang aking sarili na mahalin at alagaan. Sana nangyayari ang mga ito sa mas masayang pagkakataon. Nang lumuwag na ang aking dibdib, sinubukan ni Jerome na humanap sa internet ng ano mang bagay na maaaring makapagbigay linaw sa aking mga nararanasan. Hinanap niya sa Google ang lahat ng artikulong may kaugnayan sa salamin, white lady, at doon siya nakakuha ng posibleng kasagutan sa mga pahinang may kaugnayan sa mall na aming pinuntahan. Ayon sa isang artikulo, mayroong isang madre na nagwala doon sa mall na iyon. And madre ay bigla na lamang dumampot ng isang silya at inihampas ito sa lahat ng salamin na kanyang nakita at naabot hanggang siya ay napigilan ng mga security guard. Siya as si Sister Emma Fonacier na ngayo’y naninirahan at nananatili na lamang sa loob ng St. Mary’s Convent. Nabasa ni Jerome ang aking naiisip. Alam niyang wala akong balak na matulog noong gabing iyon, kaya ako ay kanyang niyakag na magpunta na sa kombento na kinaruruunan ni Sister Emma upang doon na maghintay ng pagsikat ng araw. Matanda na si Sister Emma, sa tangos ng kanyang ilong tila mestiza, medyo Espanyol. Nanginginig na ang kanyang tinig at medyo paos na ang boses, parang bumubulong na lamang. Hindi na siya nakasuot ng damit na pang madre. Ang suot niya ay isang makapal at malaking kumot na nakapatong sa kanyang ulo at nakabalot sa buong katawan, tila isang may sakit na giniginaw o may ketong na ayaw magpakita ng balat. Ang tanging makikita lamang ay ang dulo ng kanyang ilong, bibig at mga kamay. Madilim ang kanyang silid. Wala na ngang bintana, mayroon pang mga itim na kurtina na nakasabit sa bawat pader. Ang tanging ilaw ay nanggagaling sa isang lumang lampshade na nakapatong sa kanyang maliit na lamesang pinagkakainan. At ang tanging hangin ay nanggagaling sa isang maliit na electric fan sa sahig. Dalawampu’t dalawang taon na siyang nakakulong sa kanyang silid mula noong siya ay hinuli sa kanyang pagwawala doon sa mall. Siya ay aming dinatnang nag-aagahan, isang tasang kape. Hindi kami ni Jerome nagkaroon ng pagkakataong magpakilala o batiin man lamang si Sister Emma dahil nag-umpisa na kaagad siyang magsalita ng tuloy-tuloy. Ang sabi niya, "Alam ko kung bakit kayo nandito. Noong ako ay bata pa, nahulog ako mula sa ikalawang palapag ng aming bahay habang kami ng aking mga kaibigan ay naglalaro. Yung mga tulad nating namatay at nakabalik pa ay nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita ng mga ordinaryong tao. Nakikita natin yung mga taong hindi buhay ngunit, hindi pa rin naman patay, mga kaluluwa na hindi pa nakakatawid sa kabilang buhay, at nakikita rin nila tayo. Noong ako’y bata-bata pa, mayroon akong nakitang isang babae, at nakita rin niya ako.” Bigla akong sumabat. Sinabi ko kay Sister Emma na marahil ang aking nakikitang babae ay yun ding nakita niya noon. At sinabi ko rin sa kanya na ako ay sinusundan ng babaeng iyon kahit saan ako magpunta. Napayuko si Sister Emma at kanyang sinabi, “Sinubukan kong basagin lahat ng salamin na aking nakita dahil sunod siya ng sunod sa akin. Takot na takot ako noon, napakahina ng aking loob. Hinabol ko siya at binasag ko ang lahat ng salamin na kanyang kinalalagyan, umaasang mababasag ko rin siya, pero nandoon pa rin siya, nakatingin sa akin, pilit akong inaabot. Tinanong ko si Sister Emma, “Paano niyo po napahinto ang babaeng sumusunod sa inyo?” Ang sagot niya, “Hindi ko kinaya, kaya binunot ko ang aking mga mata para hindi ko na siya makita.” Doon lamang namin ni Jerome napansin na wala na pa lang mga mata si Sister Emma, dalawang butas na lamang na itim na may bakas ng natuyong dugo. At pagkatapos niyang haluin ang kape, nakita ko ulit ang babae sa kanyang makintab na kutsarita, nakatingin sa aking. Pagkatapos ni Sister Emmang humigop ng kape tinanong niya kami, “Bakit kayo natigilan, nandito ba siya ngayon?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD