"I love you, Jasmine." Puno ng pagmamahal na bulong ni Jerome sa may tainga ni Rosalinda.
Agad na napamulat si Rosalinda sa kaniyang mga mata at bahagyang nasilawan dahil sa sikat ng araw na tumatama sa may mukha niya. Ramdam niya rin ang pawis na tumutulo sa may noo niya at ang kabigatan ng loob niya matapos magising sa isang panaginip o maituturing niyang isang bangungot. Napatakip siya sa kaniyang mga mata gamit ang kaniyang braso at napangiti ng mapait.
Ilang linggo na ang nakakalipas pero patuloy parin siyang hinahabol sa isang beses na pagkakamali na nagawa niya. Ilang beses na rin siyang nagigising sa paulit-ulit na bangungot at kinakain ng matinding konsensya matapos may nangyari sa kanila ng boss niya. Alam niyang mali ang nagawa niya at pinagsisihan na niya ito ng lubusan. Gusto niya na rin itong kalimutan lalo na't tila walang naaalala ang boss niya sa nangyari. Siguro dahil sa sobrang kalasingan na nito at hindi rin siya naabutan nito kinaumagahan dahil agad niyang nilisan at iwan ito na mahimbing na natutulog sa penthouse nito.
Nang tuloyang mahimasmasan ay napasulyap siya sa nakasabit na orasan sa dingding at mahinang napamura na lamang sa sarili nang makitang late na siya sa kaniyang trabaho.
Agad siyang bumangon at kumilos dahil baka malintekan na naman siya sa kaniyang boss.
***
"Hoy, late ka na naman?" Bungad sa kaniya sa katrabaho niyang si Fely na nakasabay niya sa elevator.
"Dumating na si Boss?" Kabado niyang tanong nito.
"Oo, kanina pa. At mukhang wala na naman sa mood ang boss mo kaya good luck nalang talaga sa'yo."
Agad na nakaramdam siya ng kaba at napalunok sa kaniyang laway.
'Mukhang malilintekan na naman talaga ako ngayon.'
"Sige, mauna na ako." Pamamaalam niya sa kasamahan nang tuluyang huminto na ang sinasakyang elevator sa tamang floor at lumabas na siya.
Mabilis niya lang nakita ang pintuan ng opisina ng kaniyang boss lalo na't dalawang silid lang ang meron sa floor na ito. Iyong isang silid ay para sa meeting room habang ang isa naman ay ang opisina ng lalaki.
Sa tabi ng may kalakihan na pinto ng silid ng kaniyang boss ay ang mesa niya na may panibagong papeles na inilapag. Mukhang kailangan niya pa 'atang mag-overtime sa araw na ito para lamang hindi siya malunod sa mga gawain bukas.
Huminga muna siya ng malalim bago kumatok ng tatlong beses sa pinto ng opisina ni Jerome.
"Come in," malamig at bakas ang kawalan sa mood sa tinig nitong sagot mula sa loob.
Marahan niyang pinihit ang doorknob at maingat na binuksan ito.
"Goodmorning, Sir." Kabado niyang bati sa lalaki.
Nakita niyang napatigil ito sa ginagawa—mula sa pagbabasa ng mga papeles at walang emosyon na sinulyapan siya. Agad na pumukol sa kaniya ang madilim na pagmumukha nito, magkasalubong ang makakapal na mga kilay at bakas ang kawalan sa mood nito.
"You're late again, Ms. Liray. Pang-ilan mo na ito? Do you still want this job or not? Dahil kung hindi ay magsisimula na akong maghanap ng papalit sa'yo na mas may commitment sa trabaho." Walang kaemo-emosyon nitong sabi sa kaniya.
Agad na kumalat ang sakit sa loob ng sistema niya ngunit mas pinili niyang pinatatag ang sarili.
"Yes, Sir," matiim niyang sagot.
"Then do your job right! Hindi ka naman ganito dati." Halos mapapikit at bahagya siyang napaigtad ng may kalakasan na ang boses nito.
"Yes, Sir," pigil ang luha siyang tumango at nagpaalam na pupunta na siya sa kaniyang mesa, kaya lumabas na siya sa opisina nito at nagsimulang gawin ang naghihintay na trabaho.
Ramdam niya ang kabigatan ng kalooban niya at tila may lumulukot sa puso niya. Hindi niya rin maiwasan na pangiliran ng mga luha. Huminga muna siya ng malalim para pagaanin ang loob.
Hindi niya maintindihan ang sarili ngunit ilang araw na rin niyang napapansin ang pagiging mas sensitibo. Napapadalas na rin ang pagiging late niya na magising. Siguro dahil na rin ay lagi siyang puyat tuwing gabi dahil sa kaguluhan ng isipan niya.
Isinantabi na lamang niya muna ang nararamdaman niya at mas piniling ayusin na lamang ang pagtatrabaho.
***
"Ms. Liray, go order some food." Bungad agad ni Jerome sa kaniya matapos sagotin ang tawag nito.
Tinignan niya ang relo na nasa pala-pulsohan niya at nakitang lunch time na.
"Okay, Sir," sagot niya at agad na tinigil muna ang ginagawa para gawin agad ang pinag-uutos nito kaya bumaba na siya ng floor at pumunta ng canteen.
"Goodafternoon, Miss Liray. Same order po ba?" Pagtatanong sa kaniya ng nasa counter.
"Oo," maikli niyang sagot.
Habang abala ang staff sa paghanda ng order niya ay hindi niya maiwasan na matakam habang tinitignan ang mga nakikitang pagkain na naka-display.
"Here's your order po. Enjoy your meal po." Masigla nitong sabi sa kaniya kaya tipid na napangiti naman siya.
Pagkarating niya sa loob ng opisina ng boss niya ay agad siyang lumapit sa isang may maliit na coffee table na nasa hindi kalayuan ng office table nito.
Habang nilalabas niya ang mga pagkain na in-order mula sa paper bag ay hindi niya maiwasan na maamoy ang mga ito. Sumama agad ang mukha niya nang tila nabahoan siya sa amoy. Agad siyang napatakip sa bibig nang bahagya siyang maduwal dahil sa pandidiring naramdaman.
Hindi naman nakatakas kay Jerome ang ginawa ni Rosalinda dahil kanina pa itong nakatingin sa ginagawa ng sekretarya nito.
"What happen? Are you okay?" May bahid na pag-alala sa tinig na tanong ni Jerome sa kaniya.
Ngunit sa isipan na baka pinaglalaruan lang si Rosalinda sa kaniyang isipan ay hindi na lamang niya ito pinansin pa.
Bahagya niya munang tinapik ang may bandang dibdib at saka umiling.
"Wala po. Ayos lang po ako, Sir." Pilit siyang ngumiti at pagkatapos ay pinagpatuloy ang ginawa.
Nang tuloyan niyang nailabas ang lahat na pagkain at inihanda sa ibabaw ng coffee table ay mas malakas na niyang naamoy ang mga ito kaya naramdaman niya na lamang ang bahagyang pagtaas ng kinain niya kaninang umaga sa lalamunan niya. Mariin na tinakpan niya ang bibig gamit ang kamay saka kumaripas siya ng takbo papunta sa pribadong banyo na nasa loob ng office ng lalaki at nagtungo sa isang inidoro. Pagkatapos ay doon hinayaan na ilabas ang mga kinain niya kaninang umaga.
Nanghihina siyang nakasalampak sa malamig na tiles at halos isubsob na lamang ang mukha sa inidoro. Nang tuloyang tumigil ang pagsusuka niya ay ini-flush na niya ang inidoro at napasandal na tila nalalanta na gulay sa malamig na dingding.
Pagkalipas ng ilang sandali ay naramdaman niyang bumubuti-buti na ang pakiramdam niya.
"What happened? Should I call an ambulance?" May pag-aalalang tanong ng lalaki sa kaniya at sabay dinaluhan siya.
"Hindi na Sir." Umiling siya. "Mukhang panes lang 'ata ang nakain ko kanina kaya sumama ang sikmura ko," aniya at maingat na itinayo ang sarili. Agad siyang hinawakan nito sa may braso at inalalayan.
"Are you sure?" Puno pa rin ng pag-aalala nitong tanong sa kaniya.
Nanghihina na tumango siya. "Yes po."
"How about you take an early leave today?" Suhestisyon nito sa kaniya.
Umiling siya. "Marami pa po akong gagawin. At salamat nga po pala." Umayos na siya sa pagtayo at inayos ang sarili. Lumapit siya sa sink at nagmumog ng bibig, habang isinawalang bahala ang tahimik na pagmamasid ng lalaki sa kaniya.
"Bakit?" Puno ng pagtataka niyang tanong sa lalaki mula sa salamin nang makita ang pagtitig nito sa kaniya.
"Umuwi ka ng maaga ngayon." May pinalidad sa boses nitong wika.
Tinapos niya muna ang pag-aayos ng sarili at saka ay hinarap niya ito. "Ayos lang talaga ako, Sir . At isa pa marami pa po akong trabaho na kailangan tapusin. Mahal ko rin pa po ang trabaho ko, kaya ayaw kong masi-sante." Huli na niya napagtanto na tila may mali sa pagkasabi niya. Nagtunog na may puno ng hinanakit kasi sa tinig niya.
Napabuntong hininga si Jerome at umayos sa pagtayo.
"Look, I'm really sorry from what I've said earlier. I didn't really mean it, Rose." Mahinahon nitong sabi.
Sumikdo ang puso niya dahil sa paraan ng pagtawag nito sa palayaw niya.
Tumikhim siya at pilit na pinapakalma ang puso na nagwawala.
Tipid siyang ngumiti at umiling. "Ayos lang talaga, Sir Rome. Tama ka nga rin po. Medyo napapabayaan ko na nga iyong trabaho ko. Kaya pasensya na po talaga. Ipinapangako ko na mas pagbubutihin ko na po lalo ang trabaho ko. Mauna na po akong lumabas," aniya at iniwan ang lalaki sa loob ng pribadong restroom nito.
Hindi na nagpumilit pa si Jerom at tinignan na lamang ang papalayong bulto ng sekretarya. Dahil pagdating pa naman sa katigasan ng ulo ng babae ay laging nanalo ito.
—
Nang matapos ang workshift niya ay umuwi na si Rosalinda. Buong araw rin siyang nagtrabaho kaya nang makauwi ay labis na lang na pagod siyang napasalampak ng upo sa maliit niyang couch na nasa living room.
Halos wala na siyang lakas pang kumilos. Napahikab siya nang makaramdam ng antok.
Tamad na hinayaan niyang naka-sandal ang kaniyang ulo sa backrest ng couch at aksidenteng napasulyap sa isang plastic bag na inilapag niya sa tabi. May logo ng drug pharmacy ang nakapaskil ito. Hindi niya maiwasan na kabahan sa kung anong binili niya.
Ilang linggo na ring delay ang period niya. Dapat sana ay no'ng last week pa sana siya dinatnan ngunit hanggang ngayon ay wala pa. Gustohin man niyang isipin na baka isa lang sa normal na delay lang ito sa period niya pero may ibang kutob ang nararamdaman niya. Kaya naglakas loob siyang bumili ng pregnancy test at siguroduhin na baka mali lang ang iniisip niya lalo pa't may malaking posibilidad pa naman na magkakabunga ang ginawa nilang pagtalik ni Jerome sa gabing iyon dahil walang ka-proteksyon nila itong ginawa.