Prologue
Nakita ng isang babae ang pangbu-bully sa isang estudyante. Nasa third year high school pa lang siya sa isang private na eskwelahan. At alam na alam na nito ang kalakaran sa mga baguhang estudyante.
Napasulyap ulit si Janeth sa lalaking binu-bully. Isang nerd na lalaki na naman ang napag-tripan ng mga bully sa school nila. Nakita niyang napatitig sa kanya ang lalaking pinagtutulungang batuhin ng mga kalalakihan ng isang tray ng itlog. Malakas pa silang nagtawanan sa tuwing natatamaan ng itlog ang lalaki at nang hindi gumalaw ang lalaki sa kinauupuan nito ay mas lalo pa silang tumawa.
Napailing na lang si Janeth sa ugali ng nerd na estudyante. Kaya binu-bully sila ay dahil na rin sa kanila. Nagpapaalipin sila ng kanilang kahinaan.
Humakbang si Janeth papunta sa mga kalalakihang nang-bu-bully. Nakita niya pa ang pag-asa sa mga mata ng binata.
“Hoy! Tigilan niyo na nga ‘yan!” malakas na saway ni Janeth sa mga bullies. Nilingon ito ng mga estudyante at biglang namutla ang mga ito. Marahas na napabuntonghininga si Janeth.
Sikat siya sa eskwelahang pinapasukan niya. Kinatatakutan siya ng mga estudyante. Lahat ng mga kaibigan niya ay ang tawag sa kanya ay astig. Dahil ganoon talaga ito. Hindi maarte si Janeth Alvarez. Ang suot niya palagi ay lose t-shirt at faded jeans o kaya naman ay jogger. At isa sa signature aura niya ay ang kanyang pabaliktad na paglalagay ng baseball cap sa kanyang ulo. Sabi nga ng iba, she has a boyish style.
“J-janeth, ikaw pala.” Nautal pa ang lalaki sa pagbanggit ng pangalan niya. Tinaasan ito ng kilay ni Janeth. Apat na kalalakihan ang nakapalibot sa kawawang estudyante.
“Oo, at ano na naman ‘tong ginagawa niyo?” kalmado niyang tanong sa mga lalaki.
“A-ah, eh. . . Ahm, nagkakatuwaan lang kami.” Hilaw na tumawa ang lalaking kaharap nito at panay pa ang lunok.
Nginunguya ni Janeth ang bubble gum sa bibig nito at pina-lobo ‘yon at pinaputok. Sinulyapan niya ang lalaking nerd. Nakayuko na ang ulo nito. Napailing na lang ang dalaga.
“Ayaw niyo yatang magtanda. Tsk. Ang tatanda niyo na pero ang titigas pa rin ng mga kukute niyo. Bakit niyo siya pinagtutulungan?” kalmado pa ring tanong ni Janeth. Ilang linggo na rin siyang walang kaaway kaya nami-miss niya na ang makipaglaban.
“Ah, a-ano. . . Kasi, gusto niyang sumali sa grupo namin at. . .” hindi matapos-tapos ng lalaki ang sasabihin niya nang malakas na suntukin ni Janeth ang kausap sa panga. Napasinghap ang tatlong kasamahan nito.
“Ang tigas naman ng pagmumukha mo. Tsk.” Ani Janeth sabay hilot ng nasaktang kamao. Nagulat ang tatlo kaya walang nakapagsalita sa kanila.
“Ano? Tatayo na lang ba kayo riyan? O baka naman gusto niyong sumugod? Na-miss ko rin kasi ang pakikipag-suntukan. Kaya nang matanaw ko kayo, naisip ko na ang sarap pa lang mag-practice.” Seryosong wika ng dalaga.
“Hoy! Akala mo talaga kung sino ka?! Parati ka ngang nadadala sa guidance office dahil nang-bu-bully ka rin! Tapos kapag kami ang mang-bu-bully galit ka!” matapang na sigaw ng lalaking naka-gel ang buhok na parang si San Goko. Malakas na tumawa ang dalaga at tiningnan ang lalaki.
“Relax. Para ka pa namang isang super sayan dahil d’yan sa buhok mo. At wala kang pakialam kung mang-bully man ako. Bilisan niyo na, naiinip na ako eh. Kating-kati na ‘tong kamay ko. Gusto ko ng makipag-away.” Naiinip na saad ni Janeth sa kaharap. Iniluwa nito ang bubble gum na kinakain niya.
Sabay-sabay na sumugod sa kanya ang apat na lalaki. Mas lalong natuwa si Janeth dahil sa wakas ay makakapag-exercise na rin siya.
Suntok, sipa, at sabunot ang natamo ng apat na lalaki mula sa kanya. Duguan ang ilong nila at bugbog ang mukha ng mga bullies na estudyante.
“Sa susunod, huwag n‘yo akong kantihin. Alam niyo naman ang reputasyon ko sa eskwelahang ito. Magtanda kayo.” Wika ng dalaga sa mga lalaking estudyante.
Hinarap niya ang nerd na lalaking tinulungan nito. Inilahad niya ang kanyang kamay rito.
“Tumayo ka na riyan.” Naging malamig na ang pakikitungo ng dalaga sa binata. Alanganing hinawakan ng lalaki ang kamay ni Janeth. Tinulungan niya na itong makatayo.
“S-salamat. . . Ahm. . .” nagpasalamat ito ngunit hindi matuloy-tuloy ang gusto nitong sabihin.
“Wala ‘yon. Sa susunod, huwag kang lalampa-lampa. Dahil kung lalampa-lampa ka, araw-araw kang bu-bullyhin ng mga ‘yan.” Bilin ni Janeth. Tumango lang ang binata at umalis na.
“Wala ka na bang matinong gagawin?! Puro sakit na lang ng ulo ang ibinibigay mo sa aming bata ka!” nakasigaw na sermon ng ama ni Janeth sa kanya. Tahimik lang ang dalaga at parang wala itong naririnig.
“Janeth!” malakas na sigaw ng ama nito. Tumayo ang dalaga at matalim na tiningnan ang ama.
“Kailan ba ako may ginawang tama?! Hindi ba at parati namang mali ang ginagawa ko? Gumawa man ako ng kabutihan o kasamaan, parehas lang din naman ‘yon. Kaya it's useless ang pakinggan ang sermon niyo. Doon ka sa pinakamagaling mong anak. Siya naman ang paborito mo, hindi ba? Huwag ‘yong ako parati ang nakikita niyo!” inis at galit na wika ni Janeth sa ama.
Napahawak ang dalaga sa kanyang kaliwang pisngi nang malakas itong sampalin ng kanyang ama. Mapait siyang napangiti. Wala nga pala siyang ka-amor amor sa kanyang sariling ama. Ano ba ang aasahan niya?
Matapang niyang tiningnan ang ama.
“Tapos na po ba kayo? Gusto ko ng magpahinga.” Malamig na wika ng dalaga at mabilis na tinalikuran ang amang nagawa siyang saktan.
Ano naman ang bago d‘on? Wala naman. Wala siyang kwentang anak. Puro lang daw sakit ng ulo ang ibinibigay nito sa kanyang pamilya.
Pinahid nito ang luhang dumaloy sa kanyang pisngi. Simula ngayong araw ay magiging mas matatag pa ito. Hindi na ito kailanman magpapaapi pa.
Kinabukasan ay nagkagulo ang lahat ng mga estudyante. Ang iba ay napapalingon pa sa kanya sabay bulong sa katabi. Ang iba ay nakitaan niya ng panghuhusga at galit.
Pumasok kaagad si Janeth sa kanyang respective classroom. Halos lahat ng mga kaklase niya ay iba ang tinging ipinulukol sa kanya.
“Miss Janeth Alvarez, sa guidance office tayo, please.” Malamig na wika ng guro nila.
Pagpasok pa lang ni Janeth sa guidance office ay agad na nagsalita ang principal nila.
“Janeth Alvarez, you're expelled from now on in this school.” Walang ekspresyon na pahayag ng school principal nila.
Namilog ang mga mata niyang tiningnan ang principal.
“What?! Ano po bang ginawa ko?” tanong nito. May inilapag na brown envelope ang principal at iniabot sa kanya.
“See it to yourself.” Wika nito.
Nanginginig ang kamay niya at ang buong katawan nang makita ang laman ng envelope. No freaking way! Hindi ito ang may gawa niyon. Sigaw ng kanyang isipan.
Ngunit ano man ang gawin ng dalaga ay wala ng mababago pa. Walang maniniwala sa kanya.
Kumuyom ang kanyang kamao at mahigpit na hinawakan ang envelope.
Magbabayad sila sa ginawa nila sa kanya. Sinisiguro niya ‘yon.