NAPAIGTAD si Duwayne nang marinig ang tunog ng cell phone sa loob ng shoulder bag ni Hannah.
"Hmm..." ungol ni Hannah, nang marinig ang pamilyar na ringtone ng cell phone niya.
Maingat na lumabas ng kotse si Duwayne sa takot na makita siya ng babae kahit wala naman siyang ginawa. Hindi sinasadyang maipit ang dalawang daliri niya ng pinto ng kotse. Mariin niyang nakagat ang ibabang bahagi ng kanyang labi upang hindi humiyaw sa sakit.
Namumungay pa ang mga mata na dinukot ni Hannah sa loob ng kanyang shoulder bag ang kanyang cell phone.
Setti is calling...
"Setti, bakit?" agad niyang tanong sa kaibigan at muling ipinikit ang mga mata.
"Anong bakit?!" Naidilat niya ang isang mata dahil sa lakas ng tono ng boses nito. "Nasaan ka ba? Kanina ka pa namin hinahanap. Sobrang worried na kami sa 'yo!"
"Nagpahinga lang ako, Setti," humihikab na tugon niya. "Nandito ako sa kotse ko. Nakatulog ako bago ka tumawag."
"Anong kotse?" tanong pa nito sa kanya.
"Kotse. My car!" nadidismayang turan niya.
"Hoy, babae! Hindi mo ginamit ang kotse mo. Nakalimutan mo yatang nakisakay lang tayo sa kotse ni Veronica nang tayo'y pumunta rito sa club."
Biglang napadilat ng mga mata si Hannah. Tila siya nahimasmasan dahil sa tinuran ng kaibigan. Biglang natutop niya ang sariling bibig. Kung hindi niya pagmamay-ari ang kotseng tinulugan, kaninong kotse ito?
Inilibot niya ang paningin sa loob ng kotse. Maging siya sa sarili ay masasabing hindi sa kanya ang kotse.
"Oh my god..." paanas niyang sabi. Nakakahiya ang ginawa niya. Pumasok siya sa kotse ng hindi naman sa kanya. Paano na lang kung naabutan siya ng may-ari ng sasakyan? "Oh, no!"
"Oh, yes!" ani Setti. Narinig nito ang mahinang bulong niya. "Lumabas ka sa kotseng 'yan bago ka pa abutan ng totoong may-ari niyan. Ikaw talaga Hannah, mapapahamak ka sa ginawa mo!"
Hindi na niya pinapansin ang panenermon sa kanya ni Setti. Mabilis na bumaba siya ng kotse.
"Sorry! Sorry! Sorry!" Pinagdikit pa ni Hannah ang mga palad na parang nagdarasal. Kinausap niya ang kotse. "Huwag mo akong isusumbong sa amo mo, huh?"
Umalis siya sa parking area, itinakip niya ang kanyang shoulder bag sa tapat ng mukha.
Nasundan ng tingin ni Duwayne ang papalayong si Hannah. Lihim na natatawa ang binata. Mukhang sanay na sanay ang babae na kumausap ng sasakyan. Oh, I can't believe it!
"Nasaan kayo?" tanong niya kay Setti.
"Nasa bungad kami ng club. Hintayin na lang natin si Kuya Santino. Uuwi na tayo," tugon naman nito.
Agad naman niyang nakita ang tatlong kaibigan. Ibinalik niya sa loob ng bag ang aparato. Gusot ang mukha ng mga ito nang malapitan niya.
"I'm sorry," pinalungkot niya ang tono ng boses. Sobrang guilty rin naman siya. Alam niyang nag-alala sa kanya ang mga kaibigan. "Nahilo kasi ako kanina. Naisipan kong magpahinga sandali. Hindi pala akin ang kotseng tinulugan ko."
Napangiwi siya.
"Naku, pasalamat ka't wala sa loob ng kotseng 'yon ang may-ari nito!" pumapalatak na wika ni Veronica.
"Mabuti kung 'yon lang," singit ni Monica. "Paano kung masamang tao pala ang may-ari ng kotseng 'yon? Magugulat na lang kami kinabukasan may masamang balita na sa telebisyon, radyo at social media."
"A-anong balita? Na kinarnap ko ang kotseng 'yon?" Bigla siyang kinabahan.
"Hindi gano'n," si Setti ang sumagot. "Na may isang actress ang natagpuan na sugatan. Baka nga mas malala pa!"
"Grabe naman kayo mag-isip ang brutal," aniya. Pero lihim siyang nagpasalamat na walang masamang nangyari sa kanya. Nag-sign of the cross siya.
"Where are your glasses? Isuot mo't baka may makakilala sa 'yo," pabulong na sabi sa kanya ni Monica.
Mabilis na hinagilap niya sa loob ng kanyang shoulder ang salamin na ginamit kanina. Dadismaya siya dahil wala iyon do'n. Napapiksi siya. "Wala sa loob ng bag ko. Baka naiwan ko sa loob ng kotse na pinasok ko kanina."
"Naku! Ikaw talaga nagkalat ka pa!" piksi ni Setti. "Wala bang naka-indicate na pangalan mo sa salamin na 'yon?"
Kagat-labi na tumango siya biglang tugon.
"Lagot na!" panabay na sambit ng tatlo.
"Tara, balikan natin ang kotse baka wala pa ang may-ari," mungkahi ni Monica.
"Oo, nga. Tara, puntahan natin. Mahirap na't baka bukas ay laman na ng balita itong si Hannah," sang-ayon naman ni Setti.
Isinama nga niya ang mga kaibigan sa parking area kung saan naroon ang kotse. Pero bago pa sila makalapit sa kotse ay umandar na iyon, tinamaan pa nga sila ng headlight.
"Wait!" sigaw ni Monica sa papalayong kotse.
"Hayaan na lang natin. Abangan na lang natin ang maaaring ibalita sa telebisyon at radyo bukas tungkol sa 'kin," malumanay niyang sabi. "Nag-quit na ako bilang isang cast sa upcoming movie na 'Summer Love'. Ayoko na rin muna tumanggap ng mga project."
"Dahil na naman ba kay Froilan?" panghuhula ni Setti. Kumibit siya ng balikat. "Bakit mo naman ginawa 'yon? Naisip mo bang sa ginawa mo'y baka pinagtatawanan ka na ngayon ni Froilan. Isama mo na rin ang malanding si Maricar Suncio."
"Tama si Setti. Huwag ka masyadong paapekto sa nangyaring break-up ninyo ni Froilan. Ipakita mo sa kanya na matapang ka. Sila nga ang dapat mahiya sa 'yo, e. Nahuli mo silang magkasama sa loob ng silid ng hambog mong ex-boyfriend!" segunda naman ni Veronica.
"Yes! And take note, hindi lang basta magkasama. May ginawa silang milagro! Paano kung malaman ng mga fans nila ang kanilang ginawa? Goodbye career sila! Big news 'yon at siguradong mag-uunahan ang mga media press na makiusyuso," sabi naman ni Monica.
Natigilan naman si Hannah. Parang sumuot sa utak niya ang mga sinasabi ng mga kaibigan. Subalit, kakayanin ba niyang magtrabaho kasama ang lalaking sobrang minahal na ang naging kapalit ay kataksilan?
Makakasama pa niya si Maricar na naging dahilan ng hiwalayan nila ni Froilan. Sabagay, kahit naman siguro hindi ito pumasok sa eksena ng relasyon nila ay sa hiwalayan pa rin ang hantong nilang dalawa. Mas masakit nga lang ang nangyari, dahil nakita ng dalawang mga mata niya ang panloloko ng nobyo.
Napabuntong hininga siya.
"Huwag kang mag-quit sa upcoming movie n'yo. Hayaan mong makonsensya silang dalawa habang nakakasama ka nila sa shooting," si Setti.
Ibinuka niya ang bibig pero hindi siya nakapagsalita nang biglang nagsalita ulit si Setti.
"Nandito na pala si Kuya Santi!"