Kabanata 19

870 Words
PUPUNGAS-PUNGAS si Hannah nang magising. Hindi niya namalayan nakatulog pala siya habang nagpapahinga. Hindi muna siya bumangon, inilibot niya ang paningin sa loob ng silid na iyon. Nagawi ang paningin niya sa nakabukas na bintana. Pumasok ang malamig na hanging nagmumula sa labas. Biglang nabaling ang paningin niya sa pinto nang marinig ang sunod-sunod na katok. Bumangon si Hannah at tinungo ang pinto. Si Duwayne ang napagbuksan niya. Nakasuot ito ng kulay puting sando at cargo shorts. Agad niyang napansin bagong shave ang bigote nito. Ang hairstyle naman ay hawig ng idolo na si Ben Adam–isang miyembro ng boy band na kinababaliwan noong kabataan niya. "Ikaw pala," namutawing salita sa kanyang bibig pagkatapos pagpiyestahan ang gwapong mukha ng kaharap. "Inutusan ako ni Lola." May inabot si Duwayne sa kanya. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya sa mukha nito. "Mga damit 'yan." Tumango ang dalaga. Nahihiya siyang magsalita baka amoy panis ang kanyang hininga lalo na't bagong gising. Napahakbang siya paatras nang walang pasabing pumasok ang lalaki sa loob ng silid. May hinahanap ito sa dingding, pagdaka'y biglang lumiwanag. "Wala ka bang balak maligo?" Awtomatikong sinipat niya ang sarili. Isang araw na pala siyang hindi naliligo. "Maganda sana… tamad naman maligo," dagdag pa nito. Napangiwi siya sa patutsadang iyon ng lalaki. "We will have dinner at seven o'clock. May isang oras ka pa para mag-ayos ng sarili." Humakbang palapit sa kanya si Duwayne, inilapit ang mukha sa kanya at bumulong. "Nangangamoy paksiw ka." Inis na hinampas ni Hannah sa balikat nito si Duwayne. Humagalpak lang ito at tinalikuran siya. "Ang yabang porket bagong ligo!" nanggigigil na sabi niya at tinulak ito palabas ng silid. Tinungo ni Hannah ang banyo para maligo. Bente kuwatro oras ang naging biyahe nila. Hindi nakapagtataka kung pamugaran man ng 'libag' ang kanyang buong katawan. Presko nang pakiramdam ng dalaga pagkatapos maligo. Umupo siya sa gilid ng kama at pumili ng isusuot. Humarap siya sa salamin pagkatapos magbihis. Sinuklay niya ang hanggang balikat na buhok. Tinitigan niya ang repleksyon sa salamin. Hugis puso ang kanyang mukha, na minana sa ina. Matangos ang ilong at may natural na mapulang mga labi na minana naman sa ama. Napangiti siya sa harap ng salamin. Wala siyang kolorete sa mukha, tingin pa nga sa sarili ay bumata siya ng tatlong taon sa edad na bente singko. Napalis ang ngiti niya nang makita ang orasan. There are only five minutes left, and it will be seven o'clock in the evening. HAPAG KAINAN… "Magandang gabi po," nahihiyang bati ni Hannah kay Señora Candida. Tila siya na lang ang hinihintay ng mga naroon sa hapag. "Sorry po, napasarap ang tulog ko." "Sadyang hindi kita pina-istorbo para makapagpahinga. Makulit lang itong si Duwayne, maya't maya ang tanong kung gising ka na." Nakangiting sinulyapan ng matanda ang binata. "La!" reaksyon ni Duwayne sa sinabing iyon ng abuela. "Hijo, asikasuhin mo ang iyong nobya." "Hindi na po kailangan," mabilis na sansala ni Hannah sa tinuran ng matanda. Hinugot niya ang isang silya at umupo sa tabi ng tahimik na lalaki. "Bagay na bagay sa 'yo ang duster, Hija." Bakas ang tuwa sa mukha ng matanda. "Nang ibalita sa 'kin ni Duwayne na kasama niyang magbabakasyon dito ang kanyang nobya, naisipan kong bumili ng mga duster para may maisuot ka." "S-salamat po, Lola," alanganing sagot ng dalaga. Bigla siyang na-guilty sa tinuran nito. Pasimpleng sinulyapan niya ang lalaki. Mahigpit ang hawak nito sa kutsara't tinidor. Marahil ay naaalala nito ang dating nobya. Alam niyang nasasaktan pa rin ito sa panloloko ni Maricar. "Duwayne, are you all right?" tanong niya rito. Parang nahipnotismo si Duwayne sa kagandahan ni Hannah. Bagay sa babae ang duster na suot at walang kolorete sa mukha. Napalunok siya nang makita ang bahagyang sumisilip na cleavage ng dibdib nito. Mabilis na binawi niya ang paningin. Inabot ni Hannah ang bandehado at nilagyan ng kanin ang pinggan niya at maging sa binata. "Kumakain ka ba ng gulay?" tanong sa kanya ni Duwayne, hawak nito ang mangkok na may ginataang gulay na langka. Nakangiting tumango siya. Nilagyan nito ng gulay at isda ang pinggan niya. Pinasalamatan niya ito. "Kumain ka nang marami, La," wika ni Duwayne pagkatapos pagsilbihan ang abuela. Kapansin-pansin ang maya't mayang sulyap sa kanya ni Duwayne. Subalit, umasta siyang kunwari hindi 'yon napapansin. At habang sila'y kumakain ng hapunan, maraming katanungan sa kanila si Lola Candida. Panay ang inom niya ng tubig kapag nagsisinungaling si Duwayne. Muntik siyang mabulunan nang sabihin nitong pinaplano na nila ang kanilang magiging kasal. At kapag sinusubukang kontrahin ang pagsisinungaling ng lalaki, inaapakan nito ang kanyang paa. Haharap ito sa kanya at pilit na pilit ang ngiti sa mga labi. Pinapahiwatig ng ngiting iyon na umayon siya sa mga pinagsasabi nito. Na lahat naman ay imbento! "Hija, hindi ba masarap ang sabaw ng tinolang manok?" tanong ni Señora Candida sa dalaga sabay tikim ng sabaw. "M-masarap po, Lola," sagot niya at nginitian ito. Lumipat ang tingin niya kay Duwayne at inapakan ang isang paa nito. "Aray k–naparami yata ang kamias," biglang sambit ni Duwayne. Upang supilin ang sariling humiyaw sa sakit, napahigop na lang ng sabaw ang binata. Hindi naman pinapansin ni Hannah ang masamang tingin sa kanya ni Duwayne. Ganado siyang kumain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD