Kabanata 21

943 Words
Nagsimula nang magluto si Hannah. Habang pinapakuluan ang elbow macaroni, nagsaing naman siya ng bigas. Alas-singko na ng umaga. Ayon kay Aling Teresa, alas siete ng umaga ay gising na ang senyora. Humihikab na bumaba ng hagdan si Duwayne nang matanaw niya ang dalawang kasambahay sa hardin. Abala ang mga ito sa pagdidilig ng halaman. Gusto niyang humigop (uminom) ng mainit na kape kaya tumungo siya sa kusina. Hindi pa man nakalalapit si Duwayne sa kusina ay may narinig siyang ingay doon. Tila may nagluluto dahil nalalanghap niya ang mabangong aroma ng bawang. Kung kanina ay gusto niya lang humigop (uminom) ng kape, ngayon naman parang nakaramdam siya ng gutom. Pasimpleng sumilip siya sa kusina upang mapag-sino ang nasa loob. Si Hannah ang nakita niya at kumakanta pa habang nagluluto. Wala sa loob na napangiti siya, hindi niya akalaing marunong din palang magluto ang dalaga. Ang buong akala niya'y pag-arte lang sa harap ng camera ang alam nito. "Kapag tumibok ang puso, wala ka nang magagawa kundi sundin ito. Kapag tumibok ang puso, lagot ka na… siguradong huli ka… yeah!" Todo bigay sa pagkanta si Hannah. Ginawa pang mikropono ang sandok na gawa sa bao ng niyog habang kumekendeng. Pinigil naman ni Duwayne ang sarili upang 'wag tumawa dahil baka marinig siya ng dalaga. Maganda siguro ang gising, mukhang masaya ito habang nagluluto. Luto na ang sopas at sinangag. Pagpiprito naman ang inatupag ni Hannah. Nagluto siya ng itlog, longganisa, at sinunod naman niya ang tapang baboy. Huli niyang lulutuin ang tuyong pusit. "Ouch!" hiyaw ng dalaga nang matilamsikan ng mantika sa braso. Agad na hininaan niya ang apoy. Nang makita ni Duwayne ang nangyari sa dalaga ay mabilis na pumasok sa kusina ang binata. "Patingin ako!" Hinawakan ni Duwayne ang braso ng dalaga. Napamaang naman si Hannah sa ginawang iyon ng binata. Hindi niya namalayan ang pagpasok nito sa kusina. Narinig niya ang marahas na ungol nito. "Bakit kasi ikaw ang nagluluto?" tila inis na wika nito. "Si Aling Teresa dapat ang gumagawa niyan." "Ako ang nagpumilit," agad niyang sagot. "Wala naman kasi akong ginagawa kaya inako ko ang pagluluto." "Masakit ba?" tanong nito habang hinihipan ang braso niya. Bakas sa gwapong mukha nito ang pag-aalala. Tama ba ang narinig niya? Lihim siyang natuwa sa isiping nag-alala sa kanya ang binata. "Nagulat lang ako." "Namumula ang balat mo. Halika sa sala para malagyan natin ng ointment." "Hindi na kailangan. Konting paso lang naman 'to," tanggi niya sabay bawi ng braso na hawak ng binata. "Gusto mo bang magkape, pagtitimpla kita?" Hindi ito sumagot pero tinitigan siya nito. "Sandali, pagtitimpla kita ng ka–" "Ako na," mabilis na sabi nito. "Maupo ka na lang at pagtitimpla kita ng kape," pagpupumilit niya. Hindi na hinintay magsalita ang binata. Tinalikuran niya ito. "Thank you." Hindi makatingin sa kanya ang binata nang inabot niya rito ang isang tasa ng kape. Ngumiti lang siya bilang tugon. Muling ipinagpatuloy ni Hannah ang pagluluto, medyo nakaramdam siya ng pagkailang. Alam ng dalagang pinagmamasdan siya ng lalaki kahit nakatalikod rito. "Gusto mo ba talagang mamasyal sa bukid?" Napapitlag siya sa gulat nang mula sa likuran ay marinig ang boses ni Duwayne. Naramdaman pa niya ang mainit nitong hininga sa kanyang batok. Nagsitayuan yata ang lahat ng balahibo niya sa katawan. Tumango siya habang binabaliktad ang piniritong tuyong pusit. "Mamingwit tayo mamaya pagkatapos natin mag-almusal," dagdag pa nitong waring hirap magsalita. "Talaga?" Biglang harap si Hannah kay Duwayne dahil sa tuwa. Kamuntik niya nang mahalikan sa labi ang binata dahil sa sobrang lapit nila sa isa't isa. Hindi nagsalita ang lalaki, nakatingin lang ito sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang unti-unting bumababa ang mukha nito. Jeez… hahalikan yata ako ni Duwayne! Amoy kape pa naman hininga ko! hiyaw sa isipan ni Hannah. Hindi alam ng dalaga kung ilalayo ba ang mukha, o hahayaang halikan siya ng binata. Kusang pumikit ang kanyang mga mata. "Baka masunog ang niluluto mo," bulong ni Duwayne sa dalaga. "Ha?" Biglang dilat ng mga mata si Hannah. "Baka kako masunog ang niluluto mo," ulit ng binata. "A, e, oo nga pala!" nahihiyang sambit ng dalaga, alanganin ang gumuhit na ngiti sa kanyang mga labi. Tinalikuran niya ito at hinarap ang niluluto. Tsk! Akala ko pa naman hahalikan niya ako! Lagi na lang akong na-wa-wow mali! Kagat-labi si Duwayne na muling bumalik sa mesa at umupo sa silya. Mabuti na lang napigil niya ang sarili na halikan ang dalaga. Sa tuwing nakikita ang mapulang mga labi nito, pakiramdam niya'y natutukso siyang halikan ito. "Ang aga n'yong nagising!" masayang bungad ni Señora Candida at pumasok sa kusina. Hindi namalayan ng dalawa na kanina pa sila pinagmamasdan ng matanda. "Mukhang masarap ang niluto mo, Hija." "La!" tila gulat na sambit ni Duwayne. "Kanina ka pa ba riyan?" "Ngayon lang," pagsisinungaling ng matanda. Pero nakita nito ang dalawa na magkalapit ang mga mukha. Tumayo ang binata at tinulungan makaupo sa silya ang abuela. "Good morning po, La!" masayang bati rito ni Hannah. "Nagugutom na po ba kayo?" "Hindi pa naman," ngiting sagot nito. "Pero nakagugutom ang masarap na amoy ng mga niluto mo." "Simple lang naman po ang niluto ko, La. May niluto po akong sopas. Ang sabi ni Aling Teresa, paborito mo raw po 'yon." "Talaga?" masiglang sambit nito. "Kung gayon, mag-almusal na tayo." "Sige po." Inayos ni Hannah ang hapagkainan, tinulungan naman siya ni Duwayne. Ang binata ang naglagay ng mga plato at baso. "Lola, kumain ka nang marami." Idinulog ni Hannah ang isang bowl ng sopas sa harap ng matanda. Nilagyan din niya ng sinangag ang plato nito. "Hinaluan ko po ng mixed vegetable ang sinangag para po masustansya." "Maraming salamat, Hija."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD