HINDI sumabay sa kanila mananghalian si Duwayne. Siguro ayaw siyang makita. Mabuti at hindi siya inusisa ng lola nito.
Pagkatapos kumain nagtungo sila sa balkonahe ni Señora Candida. Nakalimutan niya ang kanyang kape, naalala lang 'yon nang ihatid sa kanya ni Aling Lilia. Kahit tirik ang araw, gusto niyang humihigop ng kape.
"Hindi ka na po sana nag-abala, Aling Lilia. Babalikan ko sana ito, nakalimutan ko lang po." Tukoy niya sa kape. Nagpasalamat siya rito.
"Wala 'yon, Ineng," pagkasabi niyo'y muli itong bumaba para tulungan sa kusina ang kasamang si Aling Teresa.
Humihigop siya ng kape nang biglang magsalita ang senyora.
"Hija, bagay na bagay talaga kayo ng aking apo," simula nitong ikinasamid niya. "Pihikan sa babae ang batang 'yon. Ikaw lang ang babaeng nadala niya rito at ipinakilalang nobya."
Napasulyap si Hannah kay Señora Candida.
"Nasa elementarya pa lang siya nang mamatay sa aksidente ang kanyang ina," dagdag nito at biglang nalungkot.
Nakaramdam siya ng lungkot para kay Duwayne. Siya, kahit never nakita ang ama, iniisip pa rin niyang buhay ito kahit hindi nagpaparamdam sa kanilang mag-ina.
"Ang father po ni Duwayne?"
"May iba nang pamilya ang ama ni Duwayne. May kapatid siyang kambal, sina Steffie at Aki. Maayos naman ang pakikitungo nila sa isa't isa, ngunit ramdam kong naninibugho ang aking apo sa mga kapatid niya. Lumaki siya sa aking poder, samantalang ang kambal ay kasama ang kanilang ama."
Napatango-tango siya habang humihigop ng kape.
"Mula nang mapunta sa aking poder si Duwayne, madalas na mapag-isa ang batang 'yon. Piling-pili ang mga kaibigan niya. Wala siyang hilig sa babae."
Kanda-samid siya. Aba, malay ba naman ng lola ni Duwayne na wala itong hilig sa babae. Maraming magandang dilag sa siyudad, baka nga nagbilang din ito sa daliri ng mga naging nobya.
"Mahilig mag-drawing ang aking apo. Nabanggit niya ba sa iyo?"
Umiling siya. Ilang araw pa lang naman niyang nakasama ang lalaki kaya wala siyang alam tungkol dito. Banyaga sa kanya ang sinasabi ng matanda.
"Hindi niya po nabanggit sa akin, La."
Nakita niya ang matamis na ngiti sa mga labi nito. "Isa sa mga talento niya'y ang pagguhit. Isa rin iyon sa pinagkakaabalahan niya kapag gusto niyang mapag-isa."
Ikinagulat niya ang nalaman. Hindi kasi halatang loner si Duwayne. Mukha namang healthy ang social life nito. May ugali lang talaga ito na 'di niya maunawaan. Minsan mabait, maamo, at minsan parang ayaw siya nitong makita, o makausap man lang.
"Gusto mo bang makita ang kanyang studio? Marami na siyang obra. Suki ako sa mga modelo niya," kinikilig sa tuwa na kwento ni Señora Candida. "Lahat ng taong mahalaga sa kanyang buhay, gusto niyang iguhit ng larawan, dahil ayaw niyang makalimutan ang mukha ng mga ito. Ang sweet ng aking apo, 'di ba?"
"Tama po kayo, La," sang-ayon niya, at ginagap ang ugating kamay nito. "Mahal na mahal ka ni Duwayne."
Marahil ay tambak ng larawan ni Maricar ang studio ni Duwayne. Ang babae ay naging bahagi rin ng buhay ng bunata at hanggang ngayon ay mahal pa rin nito ang dating katipan. No doubt.
Inalalayan ni Hannah sa paglalakad ang senyora. Dadalhin daw siya nito sa studio–dating silid ng nasirang ina nito.
MALAKI ang ginawang studio ni Duwayne. Ang ibang obra nito'y nakasabit sa wall. May mga abstract painting din na kasing gulo ng kanyang utak. Hindi niya maintindihan ang nasa larawan.
Umagaw sa kanyang atensyon ang larawan ng isang magandang babaeng kahawig ni Duwayne. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang ina ng binata.
Nilapitan niya ang canvas at hinaplos ng mga daliri ang bawat detalye ng larawan. Duwayne was very talented.
"Siya ang ina ni Duwayne." Mula sa likuran niya'y nagsalita ang senyora. "Siya ang nag-iisang anak ko."
"Magkamukha po silang mag-ina, La." Nakangiting nilingon niya ang matanda at saka ibinalik ang tingin sa larawan.
"Tama ka, Hija." Lumapit sa kanya ang senyora. "Ang ibang painting ng aking apo, hindi ko maintindihan."
"Alin sa mga painting po?"
Itinuro ni Señora Candida ang isang abstract painting. "Bakit kaya nakasama sa sining ang ganyang larawan? Mukha namang kinahig ng paa ng manok!" humahagikgik pang sabi nito.
"Abstract ang tawag sa larawang 'yan, La," sabi niyang nakangiti. Mula sa sulok ng kanyang mga mata'y napansin ang isang easel. Hindi makita ang larawan dahil ang kalahating parte ng canvas ay natatakpan ng puting tela. "La, may bagong ginuguhit si Duwayne."
"Tignan natin kung tapos na ba ang larawang nasa canvas," suhestiyon ng matanda. Bakas ang excitement sa mukha nito.
Saktong tatanggalin ni Hannah ang puting telang nakatakip sa canvas nang marinig ang boses ni Duwyne.
"Huwag!"
Sabay silang napalingon ng senyora sa pintuan. Parang kidlat sa bilis na agad nakalapit sa kinatatayuan ni Hannah ang lalaki. Humarang ito sa harapan niya.
"Sinong nagbigay ng pahintulot sa 'yo na pakialaman ang aking mga obra?" tanong nito sa galit na boses.
Daig pang nilamukos na papel ang mukha ni Duwayne nang titigan sa mukha ang nabiglang babae.
Hindi nakapagsalita si Hannah. Nanlamig ang kanyang pakiramdam. Matiim ang tingin nito sa kanya na ang mga mata'y sing dilim ng gabi na animo'y umaarok sa kanyang kaluluwa.
"Ako." Si Señora Candida. "Gusto kong ipakita sa kanya ang studio mo. Hindi mo nabanggit kay Hannah ang tungkol sa talento mo."
"Nilihim ko sa kanya ang tungkol sa mga paintings ko, La." Nakatingin sa kanya si Duwayne. Kagat-labing umiwas ng tingin ang dalaga.
"Apo, pwede ba namin makita ang bago mong obra?"
"Hindi pwede, La," tanggi ng binata. Tumalikod ito at inayos ang pagkakatakip sa canvas.
"Patingin lang kami," pangungulit pa ng matanda. Mabagal na lumakad ito palapit sa easel. Akmang aalisin nito ang telang nakatakip sa canvas nang pigilan ito ng binata.
"Ano ba kasi ang nasa canvas at ayaw mong ipakita sa 'min?" Dismayadong pinalo ng senyora ang kamay ni Duwayne na nakahawak sa bisig nito.
"Secret."
"Siguro si Hannah ang ginuguhit mo, 'no?" panghuhula pa ng matanda.
Ang bilis ng sulyap ni Hannah kay Señora Candida. Kanina pa nga niya lihim na hinihiling na sana'y gawan din siya ng self-portrait ng binata. Natawa siya sa sarili sa ideyang iyon. Very funny, indeed.
Bakit naman 'yon gagawin ni Duwayne? Mga mahal lang nito sa buhay ang gustong iguhit. Sampid lang naman siya sa buhay ng binata.
"Bakit ko naman siya iguguhit?"
In fairness, nasaktan siya sa sinabi nito.
"Duwayne!" waring galit na sambit ng abuela nito.
"I mean, naguhit ko na sa aking puso't isipan si Hannah," sansala ni Duwayne nang mapansin ang nagtatanong tingin ng abuela. "Isa pa'y gusto kong mga mata ko lang ang makakita sa larawan ng babaeng mahal ko."
Mukhang naniwala naman ang senyora sa sinabi nito. "Basta, patingin pa rin kami ng bago mong obra 'pag natapos na, ha?"
"Promise!" tugon ni Duwayne na ang mga mata'y nasa dalagang nakayuko. "Lumabas na po tayo at mainit dito sa studio."
Inakay ng binata ang abuela, nakasunod naman sa mga ito ang dalaga.
Naririnig ni Hannah na panay pa rin ang pangungulit ng matanda tungkol sa painting na ayaw ipakita sa kanila ni Duwayne. Maging siya'y hindi maiwasang ma-curious kung ano, o sino ang ginuguhit nito.