Kabanata 8

876 Words
"ANO ang dahilan kung bakit kayo naghiwalay ng aktres na si Hannah Lindsey?" tanong naman ng isang TV host na lalaki. Tingin ni Setti ay nasa middle age ito. "Sad to say, but–" pinabitin pa ng male actor ang isasagot. Pinalungkot nito ang ekspresyon ng mukha na lalong ikinairita ni Setti. "I caught her dating different men four times." Maang na napatayo sa kinauupuan si Setti at galit na dinuro ng hintuturo ang screen ng TV. "Ang kapal talaga ng mukha mo, Froilan Dantes! Binaliktad mo pa ang kaibigan namin!" Napataas naman ang kilay ni Santino sa ikinilos ng kapatid. Biglang tayo rin ang binata nang makitang dinampot ng kapatid ang isang maliit na flower vase at inambang ibabato sa telebisyon. "Easy–" natatawang pigil ni Santino sa isang kamay ng kapatid. Kinuha ang flower vase at muling ipinatong sa center table. "Ang mukha dapat ng lalaking 'yan ang binabasag at hindi ang telebisyon." "Naku, Kuya Santino!" nanggigigil na sambit ni Setti. "Oras na makita ko talaga ang hambog na 'yan, manghihiram talaga siya ng mukha sa aso! Manloloko na nga, sinungaling pa!" "Maupo ka nga," ani Santino. Sumunod naman si Settie. "Huwag ka ngang makisali sa buhay pag-ibig ng kaibigan mo. I don't have enough money to bail you out." Pagak na natawa si Settie sa birong iyon ng kapatid. "Nakagigil kasi sa galit ang hambog na 'yan, e! He cheated on Hannah. Ang kapal ng mukha at siya pa ang may ganang magpa-interview para baliktarin ang kaibigan ko." "Showbiz nga 'di ba?" paalala ni Santino sa kapatid. "Magulo talaga ang buhay ng mga showbiz. Iniingatan ni Froilan Dantes huwag masira ang imahe sa media kaya gustong mapanatiling malinis ang pangalan sa larangan ng showbiz." "Pero mali naman ang ginawa niyang paraan para malinis ang sarili niya!" inis na sagot ni Setti. "Puwede naman niyang sabihing na-out of love silang dalawa, o kaya'y pareho silang walang time sa isa't isa dahil sa trabaho nilang dalawa. My God, Kuya Santino! Pinalabas niyang masamang klase ng babae ang kaibigan ko. Para nga siyang 'Santo' kung sambahin ni Hannah maiparamdam lang ang pagmamahal dito. Then now, ito lang ang igaganti niya? Ang kapal talaga ng mukha niya!" Kumibit ng balikat ang binata. "Because he doesn't want to ruin his career." Tumayo si Setti. "Hay naku! Ang sabihin mo, puti ang bayag ng aktor na 'yan!" wala sa loob na sagot ng dalaga. Huli na bago ma-realize na mahalay ang words na ginamit. Nanlaki ang mga mata ni Santino sa sinabi ng kapatid. "Hoy, Setti! Bakit alam mo ang tungkol sa puting-bayag na 'yan ha?" Napangiwi ng bibig si Setti sabay dampot ng tasang nakapatong sa center table. "Pumunta ka ng komedor, Kuya. Utusan ko na lang si Aling Meding na ipaghain ka ng pagkain," pag-iiba ng dalaga sa usapan. Nagsimulang humakbang si Settie. Hinila ni Santino ang dulo ng buhok ni Setti kaya napaliyad ang dalaga. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko?" Seryoso ang mukha ng binata. "Ikaw Setti, baka naman, ha?" Mabilis na humarap ang dalaga at sinundot pa ang tungki ng ilong ng kapatid. "Pakitanggal ng agiw sa utak at marumi kang mag-isip!" nakairap na sagot ni Setti, nakahalukipkip. "Kuya, narinig ko ang words na iyon sa bibig mo mismo." "Sa akin?" ulit ng binata sabay turo sa sarili. "Kailan ko sinabi iyon, huh?" Kunwa'y nag-isip ang dalaga. "Noong nalaman mo yatang niloko ng bagong boyfriend ng ex-girlfriend mo-" Hindi natuloy ang sasabihin ng dalaga nang ipagtulakan ng kapatid. "Aray ko naman!" "Tawagin mo si Aling Meding. Gutom na ako," utos ni Santino. Dinampot ng binata ang attache case at umalis ng living room. Natatawang nasundan lamang ito ng tingin ni Setti. Hanggang ngayon ay madly in love pa rin sa ex-girlfriend nitong si Chelsea ang kapatid. Kung ano man ang dahilan ng hiwalayan ng dalawa ay hindi na inalam pa. Dinampot ni Setti ang remote control at in-off ang TV. Mabuti na iyon kaysa naman mapanood pa ang makapal na mukha ni Froilan Dantes. Nag-iinit lang ang ulo ng dalaga sa lalaki. Umalis na rin ang dalaga sa sala at sinimulan hanapin ang mayordoma. Matagal nang naninilbihan sa kanila bilang kasambahay ang matanda. Galing sa broken family silang magkapatid. Dahil matayog ang pride ni Santino ay isinama ng binata ang nakababatang kapatid sa bahay nito na ngayon ay fully paid na sa banko. Ayaw nitong makipisan silang magkapatid sa isa man sa mga magulang. "Aling Meding!" tawag ni Setti sa matanda. Nakita ng dalaga ang baguhan palang na kasambahay na si Lorena, edad trenta. Ito na lamang ang inutusan ng dalaga na ipaghain ng makakain ang kapatid. "Sige po, ma'am," sagot naman ni Lorena. Ang boses nito'y may puntong bisaya. "Papanhik na ako sa aking silid. Kayo na'ng bahala kay kuya, huh? Kailangan mainit ang pagkain na ihahain n'yo sa kanya," bilin pa rito ni Setti. Tumango-tango naman ang kasambahay bago tumalikod para tunguhin ang kusina. Napabuga muna ng hangin si Setti bago tinungo ang hagdan kung saan ay nasa ikalawang palapag ang kinaroroonan ng sariling silid. Mahaba-habang usapan ang magaganap sa pagitan nilang magkaibigan dahil sa kapapanood pa lang na interview sa actor na si Froilan Dantes. Hindi rin maiwasan ng dalaga ang mahabag sa kaibigang si Hannah.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD