GALIT na hinampas sa table ng film producer ang hawak nitong script ng romance movie na pinagbibidahan nina Froilan at Maricar.
Napaigtad naman sa gulat ang ibang cast nang 'Summer Love'. Mayroon pang ilang scene na kukuhanan sa ibang lugar pero hindi agad magawa dahil hindi sumipot si Hannah sa last call meeting.
"Rebecca," tawag ni Lady Z sa isang talent manager. "Hindi pa rin nagpaparamdam ang alaga mong si Hannah. Anong oras na, huh?"
"Hindi ko pa rin siya makontak. Wala rin po siya sa condo niya," sagot naman ni Rebecca, nakatingin ito kay Froilan na tahimik lang sa isang tabi. "Mamaya po ay kakausapin ko ang mga alaga ko, Lady Z."
"Marapat lang na makausap si Hannah. Marami nang kumakalat sa social media. Nag-back out na raw sa upcoming romance movie ang alaga mo, Rebecca. At 'yon ay dahil hindi na siya ang magiging bida," singit ni Derek Mateo Babas.
Lihim na sumimangot si Rebecca. Isa rin iyon sa tinitignan nitong dahilan kung bakit hindi sumipot sa mga meeting nila ang alaga. Umasa si Hannah na magiging bidang babae sa 'Summer Love'.
Hindi rin naman nagtagal ang meeting na iyon. Pasimpleng sinenyasan ni Rebecca ang male talent nitong si Froilan Dantes. Isinama ng babae ang actor sa opisina para makausap ng masinsinan.
"Ano ba talaga ang totoong nangyari sa girlfriend mo?" agad na tanong ni Rebecca sa aktor.
Hindi sumagot si Froilan. Nakatalungko ito sa ibabaw ng table ng talent manager nito.
Marahang tinapik ni Rebecca ang mukha ng lalaki. "Sagutin mo ang tanong ko."
"Hannah, caught me with Maricar in bed," amin ni Froilan.
"What?" Parang gustong umusok ang mga butas ng ilong ni Rebecca sa narinig. "You cheated on her?"
"Not like that," agad na sagot ni Froilan. "Ms. Becca, alam mong wala na akong pagtingin kay Hannah. Kayo lang naman ang nagpupumilit ipagpatuloy ang pakikipagrelasyon ko sa kanya. Dahil ayaw n'yong masira ang 'love team' na binuo n'yo sa 'min dalawa."
Napasapo sa sariling noo si Rebecca. Muli itong naupo sa swivel chair.
"Hindi ka ba nag-aalala sa magiging career mo, huh?" sermon pa nito sa aktor.
"Bakit ako mag-aalala?" balik ng lalaki at bahagyang tumawa. "Nasa larangan na ako ng showbiz bago ko pa nakilala si Hannah. Ibig sabihin, dahil sa 'kin kaya rin siya sumikat."
"Ang love team n'yo ni Hannah ang minahal ng mga fans n'yo," gusot ang mukha na turan ni Rebecca.
"She's nothing. Ako ang minahal ng mga tao. Kahit magsolo ako, sisikat pa rin ako!" tiwala sa sariling sagot ni Froilan. "Kahit hindi makasama si Hannah sa cast ng 'Summer Love', alam kong maraming manonood sa pelikulang iyon. Lalo na't si Maricar Asuncio ang kapareha ko. Sikat na artista na nanggaling pa sa kabilang network."
PUMALAKPAK si Hannah sa narinig na sinabi ni Froilan. Malinaw na sa kanya ang lahat. Hindi na nga siya mahal ng lalaki at ramdam niya ang sakit! Abala ang dalawa sa pag-uusap kaya hindi namalayang nakapasok siya sa opisina ni Ms. Becca, short for 'Rebecca'.
Sabay napalingon sa kanya ang dalawa.
"Hannah, you're finally here!" Abot tenga ang ngiti ni Froilan nang tumayo para sana salubungin siya ng yakap. Inis na tinabig niya ang mga braso nito.
"Mabuti naman at narito ka, Hannah." Nginitian siya ni Ms. Becca. Tumayo ito at nagbeso-beso sila. "Maupo ka."
"Hindi na, Ms. Becca," seryoso ang mukhang tanggi niya. "Tingin ko naman hindi na ako kailangan sa mga cast ng 'Summer Love'. Pwede na akong mag-quit."
Biglang tayo si Rebecca sa sinabi ni Hannah.
"Hindi ka pwedeng mag-quit. Malapit nang matapos ang shooting n'yo. Magagalit ang direktor!"
"I don't care!" mataray niyang sagot. Hindi pa hundred percent ang kanyang desisyong iwan ang showbiz. Pero dahil sa mga narinig niyang pag-uusap kanina ng talent manager niya at Froilan, biglang naging hundred percent iyon.
Alam naman niyang may kayabangan ang ex-boyfriend niya. Pero hindi naman niya akalaing sasabihin nitong ito ang dahilan kung bakit pati siya ay nakilala na rin sa larangan ng showbiz.
Aba! Nagsikap din kaya siya. Dugo at pawis ang isinugal niya para lang mahalin siya ng mga tao, ng kanyang mga fans. Hindi na nga siya mahal ni Froilan, gusto pa nitong palabasin may utang na loob siya rito. Jeez… kota na sa kanya ang taksil na lalaking nasa harapan niya!
"Hannah, baka naman pwedeng isantabi mo muna ang naging problema n'yo ni Froilan. Sayang ang project na ito."
"Ms. Becca, hindi ko pa naman nakukuha ang talent fee ko. So, pwede akong magback-out. Nagawa niyo ngang palitan ang magiging role ko sa movie na hindi man lang sinabi sa 'kin." Sinulyapan ni Hannah ang tahimik na lalaki. "Lalo ka na, Froilan. Masyado kang makasarili. Sana nga lang magdilang-anghel ka sa iyong mga sinabing maraming nagmamahal sa 'yo at sa upcoming movie na pinagbibidahan mo!"
Sasagot pa sana sa kanya si Froilan pero sinenyasan ito ng talent manager na manahimik.
"Hindi pwede ang gusto mong mangyari, Hannah."
"Ms. Becca, kahit mabura ang pangalan ko sa listahan ng cast of characters 'Summer Love', matutuloy pa rin naman ang pelikula." Nanunuyang sumulyap siya sa tahimik pa ring si Froilan. "I'm nothing. Baka nga tama si Froilan sa kanyang tinuran. Baka siya nga ang magiging dahilan kung bakit maraming manonood sa bagong pelikulang pagbibidahan niya."
Tumalikod na siya. Narinig pa niya ang pagtawag sa kanyang pangalan ng talent manager pero hindi niya ito nilingon. Makailang beses siya kumurap para pigilan ang luhang gustong umalpas sa kanyang mga mata.
Artista siya. Kaya nagawa niyang pagtakpan ang totoong nararamdaman habang kaharap ang dating katipan. Pero ang totoo, sobrang nasasaktan pa rin siya sa katotohanan. Hindi na nga siya mahal ni Froilan. Napilitan lang itong pakisamahan siya dahil sa 'love team' nila na minahal ng mga tao. Siya lang ang totoong nagmamahal dito. Kaya ngayon, heto siya't sobrang nasasaktan.
Parang may isang kamay na patuloy pa rin sa paglamutak sa puso niyang sugatan.