That was the most embarrassing moment of my life.
Ilang araw na ang nakalilipas mula nang nangyari iyon. But everytime it hit my mind, it felt like it just happened yesterday. Lagi akong nanghihina.
Nakakahiya!
Paniguradong narinig niya ang mga sinabi ko sa attendant ng drugstore na iyon. Natatakot akong isipin na baka isang pakawalang-babae na ang tingin niya sa akin. Hindi pa nga ako nakakagawa ng kahit isang hakbang para magpapansin sa kanya, bulilyaso na!
“Anong minumukmok mo d’yan?”
Kamuntikan na akong mahulog sa aking kinauupuan sa biglaang pagsulpot ni Mommy sa tabi ko. Napahawak ako sa dibdib.
“Mommy naman! Lumukso puso ko sa gulat, eh,” inis na sabi ko saka umayos sa pagkakaupo.
“Kanina pa kita tinatawag mula sa kusina pero ‘di mo ‘ko marinig kaya pinuntahan na kita.” Her forehead creased. “Ilang araw ka nang ganyan. May problema ka ba?”
I cleared my throat and shook my head. “W-wala po.”
“Halika na’t kakain na tayo,” aniya na halatang hindi kumbinsido sa sagot ko.
Pati pala si Mommy, napapansin na ang pagiging wala ko sa huwisyo nitong mga nakaraan. Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga saka tumayo at sumunod sa kanya.
“Magkokolehiyo ka na sa loob nang ilang buwan.” Halos masamid ako sa sinabi ni Daddy. “Napagdesisyunan mo na ba kung anong kurso ang kukunin mo?”
Pilit kong nilunok ang karneng nasa loob ng aking bibig. “H-hindi pa po ako sigurado sa ngayon kung ano talagang kukunin ko, Dad.”
Mula sa kanyang plato ay inangat niya ang mga mata sa akin. “Until now?”
“May ilang buwan pa naman para magdesisyon siya, Augustus,” malumanay na depensa sa akin ni Mommy. “Huwag mo siyang madaliin dahil mabuti nang pinag-iisipan niya nang maigi.”
Umiling-iling lamang si Daddy. Disappointment was all over his face. Lumingon sa akin si Mommy at marahang ngumiti na sinuklian ko naman.
Between my parents, Daddy was stricter than Mommy. Takot ako sa kanya. Bihira siyang ngumiti at tumawa kaya ilag ako sa kanya. Tahimik din siyang tao at pasensyoso. Madalas ay hindi niya ako pinagagalitan kahit na may ginawa akong mali. Pero oras na mapuno siya sa akin ay magdamag akong umiiyak.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago ipinagpatuloy ang pagkain.
“Kung ako ang tatanungin, gusto kong kumuha ka ng kursong makakatulong sa negosyo natin, Serafina. Ikaw ang magmamana ng mga hotel at restaurant natin. It’s practical if you choose a profession that’s in line with our business.”
“Augustus,” Mommy held his hand. “Let her choose what she wants to be. Hindi magandang diktahan natin siya.”
“Pero ‘di rin natin p’wedeng balewalain ang mga naipundar natin, Mercy,” depensa ni Daddy sa pagod na tinig. “We worked hard for those! Mas pinadali nga natin ang buhay niya dahil mag-aaral na lang siya at agad na may trabaho pagkatapos!”
Napatungo ako at mariing kinagat ang ibabang labi.
We owned three hotels and restaurants nationwide. Nasa Taguig City, Cebu City, at Davao City ang mga iyon. Hindi pa naglilimang taon matapos maipatayo ang mga iyon. Hindi pa ang mga iyon masyadong kilala ngunit kumikita na rin naman nang maayos. Nasaksihan ko ang paghihirap nila ni Mommy maipatayo lamang ang mga iyon.
I understood him. I was the only child and the only heir of our business. Alam ko rin naman ang responsibilidad ko bilang tagapagmana. Pero kahit kailan ay hindi ako naging interesado sa ideyang ako ang magpapatakbo ng mga naipundar nila sa darating na panahon.
“Ikaw ang nag-iisang tagapagmana at inaasahang magpapatuloy ng mga nasimulan namin, Serafina,” dagdag ni Daddy makalipas ang ilang segundong katahimikan. “Alam kong maaaring ‘di ‘to pabor sa’yo. Alam ko ring ‘di ka interesado sa larangang gusto kong tahakin mo. Pero kung ayaw mo, sino ang magpapatakbo ng mga naipundar namin? I don’t want my legacy to die immediately just because you can’t be responsible!”
“N-naiintindihan ko, Daddy.”
Bumuntong-hininga siya at lumamlam ang mga matang nakatunghay sa akin. “Ito lang ang hinihiling kong gawin mo para sa’kin, anak.”
Tahimik na natapos ang aming pananghalian. At natapos iyon na iniwanan ako ng mga karagdagang alalahanin.
Mukhang kailangan ko ngang sundin si Daddy. Tama naman siya. Ako ang nag-iisang tagapagmana nila. Ako ang magiging responsable sa mga itinayo nila sa darating na panahon. Dapat lang na paghandaan ko na iyon.
But, f**k, I never wanted to be in business!
Baluktot akong nakahiga sa kama nang may kumatok sa pintuan ng aking kuwarto. Tinatamad na nilapitan ko iyon at binuksan. Ang magandang ngiti ng aking ina ang bumungad sa akin.
“Maggo-grocery ako,” aniya. “Gusto mong sumama?”
“Nasa’n po ‘yong mga katulong natin?”
“They are all busy. Gusto ko ring lumabas kaya ako na ang nagboluntaryong mamalengke.” Mas lumapad ang kanyang pagkakangiti. “So, you want to come?”
Ngumuso ako at nilakihan ang pagkakabukas ng aking pinto. “Magpapalit lang po ako.”
Matapos magpalit ng denim shorts, isang may kaluwagang puting printed t-shirt, at mga puting sapatos ay inaya ko na si Mommy. Tuwang-tuwa siya dahil ang ganda-ganda ko raw sa suot ko kaya kinuha niya ang video camera at ilang beses akong kinunan.
“Intindihin mo na lang ang ama mo, anak,” basag ni Mommy sa katahimikan habang hawak-hawak ang manibela. “Ilang araw na ‘yong pagod at halos walang tulog dahil sa trabaho kaya gano’n ang mood niya kanina.”
“I understand what he meant earlier, Mommy,” ani ko. “Tama naman siya, eh.”
“He has a point. But I want you to do what you really want to do. Ayokong diktahan ka dahil ayokong napipilitan ka sa mga bagay na ‘di mo gusto. Kunin mo ang kursong gusto mo, anak. Huwag kang mag-alala sa ama mo. Ako ang bahala.”
I smiled at her. “Thanks, Mommy.”
“Ikaw ang nag-iisang anak namin, Serafina. And I want you to enjoy life to the fullest.”
That was what I loved about my mother. She was cool and she understood me like no other.
Mukhang nag-aalala nga siya sa akin. I knew she invited me to go with her because she was worried. Mabuti na nga dahil kung hindi ay naliligo ako ngayon sa self-pity at kalungkutan.
Pagkarating na pagkarating namin sa grocery store ay agad naming kinuha ang cart at naglibot-libot. Hinayaan naman ako ni Mommy na kumuha ng mga pagkaing gusto ko. Madalas ay hindi niya ako pinapayagang kumain ng mga junkfood sa bahay, although I ate a lot when she wasn’t around. But because of what happened at lunchtime, she was lenient.
“Oh, I forgot olive oil,” bulalas ni Mommy habang sinusuri ang mga produktong nasa cart namin. Susunod na siya sa lalaking kasalukuyang nagbabayad.
“Ako na lang po ang kukuha, Mommy,” I volunteered.
“Oh, sige. Dalian mo’t susunod na tayo.”
Tumango ako at hinanap ang istante kung nasaan ang mga mantika.
“Nasaan na nga ‘yon?” Tanong ko sa sarili habang palinga-linga.
Nagliwanag ang mukha ko nang nakita ang hinahanap. Malalaki ang hakbang na binaybay ko ang daan patungo roon. Kailangan kong magmadali dahil baka sa mga oras na ito ay nagbabayad na si Mommy!
Ngiting-ngiti kong kinuha mula sa istante ang olive oil. Paalis na sana ako nang nahagip ng mga mata ko ang isang napakapamilyar na mukha sa aking harapan.
Nanlaki ang mga mata ko nang makumpirma kung sino iyon. Hindi na magkamayaw sa pagtambol ang dibdib ko!
Iñigo . . .
Nasa harapan ko siya mismo sa kabilang istante! Kulang na ang mga olive oil sa istanteng kinunan ko at ganundin sa kanya, na sa tingin ko ay istante ng mga de-lata, kaya kitang-kita ko ang mukha niya. Kunot na kunot ang kanyang noo habang palipat-lipat ang mga mata sa mga de-latang hawak.
Ang guwapo niya talaga. Ang kinis ng kanyang mukha at mukhang walang pores! Ang malalago niyang kilay ay nagsasalubong at mas lalo siyang nagmukhang maldito dahil doon. His narrow and pointed nose was making me insecure. Ang mamula-mula niyang mga labi ay nagpaalala sa liptint na binili ko noong isang linggo. His hair was brushed sideways. Bahagyang nahuhulog ang ilang hibla noon sa kanyang noo.
Napalunok ako habang nakatitig sa kanya. Dahan-dahan kong inabot ang aking dibdib, hindi inaalis sa kanya ang tingin. Nagwawala ang puso ko, humahampas sa aking dibdib, galit na galit.
Siya lang ang may ganitong epekto sa akin.
Ilang araw ko lamang siyang hindi nakita pero pakiramdam ko, taon ang lumipas. Ang lakas ng epekto niya sa akin. Nakakaloko, nakakabaliw.
Nang akma niyang iaangat ang tingin sa akin ay agad akong nagtago. Damn it! Kamuntikan na! Basta pagdating sa kanya, nawawala ako sa huwisyo. Oh, forget it! Kahit nga lang isipin ko siya, nawawala na ako sa huwisyo!
“I found it!”
Napakurap-kurap ako at biglang nagunaw ang bagyo sa loob ko nang narinig ang matinis na boses na iyon.
“Ilagay mo na sa cart at magbayad ka na. Gusto ko nang umuwi.”
Naestatwa ako sa kinatatayuan nang narinig muli ang boses ni Iñigo. Did he just talk to the girl?
“Bibili pa ako ng mga tsokolate . . .” the girl trailed off. “Samahan mo ‘ko!”
“Fine, fine. Huwag mong gusutin ang damit ko.”
The girl chuckled. Hindi naman malandi ang tawa niya pero nag-init talaga ang ulo ko. Sino ba ang babaeng iyon?
Mayamaya ay narinig ko ang pag-usong ng kanilang cart. Nanlaki ang mga mata ko at agad na nagkunwaring abala sa pagtingin sa mga mantika sa istante nang bigla silang sumulpot ilang metro ang layo mula sa akin.
“Iñara likes this so I will buy her some,” ani babae. “Mahilig naman si Iñovyz dito. Oh, Iñaki loves this brand!”
“Great. Ako ang sumama sa’yo pero wala kang ibibigay sa’kin.” There was a hint of amusement in his voice boiling the jealousy in me.
“Eh, ‘di ka naman mahilig sa matamis! Tapos kanina, tinatanong kita kung anong gusto mo pero pailing-iling ka lang. Ngayon, magrereklamo ka?”
He wasn’t fond of sweets? I was a sucker for sweets! Kailangan ko na yatang pigilan ang sarili ko sa pagiging glutton pagdating sa matatamis na pagkain para kahit doon lang, masasabi kong may pagkakaparehas kami.
Teka . . .
Iñara, Iñovyz, and Iñaki . . . mga kapatid iyon ni Iñigo! Pasimple ko silang sinulyapan na abala sa istante ng mga tsokolate at parehong nakatalikod sa akin.
The girl was wearing a uniform of a well-known highschool. Maputi ito at maganda ang tindig kahit may kaliitan.
Sino ba siya?
Iñigo laughed a bit that turned my world upside down. “Hindi ba p’wedeng magbago ang isip ko?”
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil unang beses kong narinig ang tawa niya at napagtanto kung gaano kaganda iyon o maiinis kasi tumatawa siya dahil sa isang babae.
Sino ba siya? Kaano-ano siya ni Iñigo?
Parang gusto kong maglupasay sa ideyang baka nobya niya nga ito. Akala ko ba allergic siya sa babae? Then, what was this?
Shit! I was so jealous!
Biglang tumunog ang cell phone ko at iyon ang nagbalik sa akin sa realidad. Nanlaki ang mga mata ko nang nakitang si Mommy ang tumatawag.
“Nasaan ka na?”
“H-hinahanap ko pa po kung nasa’n ‘yong mga mantika,” pagsisinungaling ko at pasimpleng sinulyapan sina Iñigo na abala pa rin sa mga tsokolate. “Nakapagbayad ka na po ba, Mommy?”
“Oo, ngayon-ngayon lang. Sa susunod na ‘yang olive oil at marami nang nakapila rito. Hindi na ‘yan mahahabol. Papunta na akong parking lot. Sumunod ka na lang.”
“Sige po.”
Nang ibaba ko na ang tawag ay dahan-dahan kong nilingong muli ang dalawa. Halos himatayin ako nang nagsalubong ang mga mata namin ni Iñigo! Nakakrus ang mga braso niya’t bahagyang nakasandal sa istante habang matiim na nakatitig sa akin. Wala na ang babaeng kasama niya kanina. Just like before, his eyes pierced through me. Nakakakilabot ang tinging ginagawad niya sa akin. Tagos sa balat, sa laman, at kaluluwa. Dumako ang mga mata ko sa cleft chin niya.
Damn! Why was he so handsome?
Hindi ko alam kung naaalala niya ako kaya ganoon na lang ang titig niya sa akin. Kung anuman ang eksenang naaalala niya sa akin ay wala na akong pakialam. Hinihigop ng kanyang mga mata ang buong pagkatao ko!
Napalunok ako at sa wakas ay nagawang iiwas ang mga mata sa kanya saka walang lingong-likod na naglakad palayo.
Nanginginig ang mga tuhod ko. My heart was about to pop out of my chest. Damn it! This feeling was so foreign to me! How should I deal with this?
“Mabuti pa ang bruhang si Sam, papulot-pulot ngayon ng mga nahuhulog na cherry blossom,” nakapangalumbabang wika ni Jianne habang nakatitig sa punong naglililim sa amin. “Samantalang tayo, mamatay-matay sa mga quiz . . .”
“Madaya talaga ang abnormal na ‘yon,” nakangusong gatong pa ni Ditas. “Kung kailan naman puro tayo quiz, saka naman siya umalis. Wala tuloy tayong makopyahan. Buwisit talaga.”
Samantha was in Japan with her family. Dalawang araw na siyang wala at dalawang araw na kaming nagtiyatiyaga sa mga nakakahabag na iskor namin sa mga quiz.
Heto nga at nakatambay kami sa grounds sa ilalim ng isang puno at nagpapalipas ng hinanakit sa mga kaklase naming hindi ipinaalalang may quiz kami ngayong araw sa Physics at Intermediate Algebra!
Sana umuwi na si Samantha bago pa maging mga palakol na naman ang mga grado namin sa report card!
“Oo nga pala, Seraf,” nilingon ko si Jianne. “ kumusta na kayo ni Benj?”
Umirap ako. “Anong ‘kumusta’ kami?”
“Aba’t feel na feel mo ang napakahabang hair mo, ah!” Natatawang aniya. “Ang ibig kong sabihin, kumusta na ang pambubuwisit sa’yo ni Benj?”
“You don’t want to know.”
Hindi pa rin matanggap ni Benj ang pakikipaghiwalay ko. Pinagpipilitan niya ang sarili at paniwalang-paniwala na gusto ko nga siya. Ilang beses niya akong sinubukang kausapin na suwerteng nalulusutan ko palagi. Pinalitan ko na rin ang SIM card ko para hindi niya na ako ma-text at matawagan.
“Hindi ka ba naaawa sa kanya, Serafina?”
“Hindi.”
“Prangka, ah?” Natatawang aniya. “Hindi mo ba maramdaman ang sincerity niya? Ako kasi, ramdam na ramdam ko.”
“Pareho tayo,” sang-ayon ni Ditas. “Nakita mo naman siguro ang itsura niya nitong mga nakaraan. Malalim at nangingitim ang ilalim ng mga mata, halatang walang tulog! Hindi rin siya maghahabol sa’yo nang ganito kung ‘di siya seryoso. Gusto ka niya talaga.”
“Kung sa tingin niyo makokonsensya ako sa mga pinagsasasabi niyo, nagkakamali kayo,” walang interes na saad ko. “Maghabol man siya nang maghabol, umabot man sa leeg ang eyebags niya, totoo man siya, wala akong pakialam.”
“Malditang ‘to!” Sabay tawa nilang dalawa.
Ramdam ko naman ang sinseridad ni Benj. But what could I do? Ayoko talaga sa kanya!
“Makakarma ka rin, sinasabi ko sa’yo! Darating ang panahon na ikaw naman ang mababaliw at iiyak sa isang lalaki. I can’t wait to see you crawling your way to him while begging for his love and attention!” Saka humalakhak si Jianne.
I didnt know but suddenly, Iñigo’s face flashed in my mind. Naalala ko iyong huling pagkikita namin sa grocery store. Kung hindi lang talaga ako nanghihina sa titig niya, hinding-hindi ko iiiwas ang mga mata sa kanya.
Naalala niya kaya iyong eksena ko sa drugstore noong nakaraan?
Sa isipang iyon ay napahawak ako sa aking mukha. That was a nightmare. Dapat ko nang kalimutan iyon bago pa tuluyan nitong masira ang self-confidence ko!
Nang nagsimula nang dumilim ay napagdesisyunan na naming umalis. Ayos lang na ma-late ako pag-uwi ngayon dahil nasa Davao City sina Mommy at Daddy para asikasuhin ang problema sa hotel doon.
“Mga buwisit talaga . . .” nakangising sambit ni Ditas habang nakatitig sa kanyang cell phone.
“Bakit?” It was Jianne.
“Iyong mga bagong dating na pinsan ko, dadayo raw sa bagong bukas na bar para makita ang ArFa.”
My head snapped to Ditas.
“Kabubukas lang no’n kahapon. Kahapon dapat magpe-perform ang ArFa do’n. But something came up, kaya ngayon sila babawi. Sayang nga, eh. Gusto ko sanang sumama kaso underage pa nga ‘ko at may family dinner kami mamaya.”
“‘Sus! Just show your legs and they’ll let you in. Just like what you did to our escapades before. Kailan pa ba naging problema mo ‘yan?” nakangising kontra ni Jianne.
Itinaas ni Ditas ang middle finger niya na tinawanan lamang namin.
“O-oo nga pala.” Tumikhim ako. “Aksidente kong nakita si Iñigo sa grocery store no’ng isang araw. May kasama siyang babae. Kawawa naman si Sam, ‘no? Girlfriend ‘ata ‘yon ni I-Iñigo.”
“Ano bang itsura?” Kuryusong tanong ni Jianne.
“H-hindi ko nakita ang mukha niya. Nakatalikod sila sa’kin. Basta, maputi siya at maliit. Naka-uniform din-”
“Ay, si Anaddy,” tumatangong putol sa akin ni Ditas. “Si Anaddy ‘yon. Bestfriend ‘yon ni Iñaki na kapatid ni Iñigo.”
“Gano’n ba?” Muli akong tumikhim. “Akala ko,girlfriend siya ni Iñigo kasi mukhang close silang dalawa. Kawawa naman si Sam ‘pag nagkataon.”
I bit my lower lip to suppress a smile. Ilang gabi na akong hindi pinapatulog nang maayos sa pag-iisip kung sino ang babaeng iyon.
“Close talaga sila ni Iñigo. Pero ‘wag kang mag-alala. Friends lang talaga sila. Kaya ‘di masasaktan si Sam,” nakangising sagot sa akin ni Jianne.
Hanggang sa nakarating sa bahay ay hindi nawala sa isip ko ang tungkol sa babaeng kasama ni Iñigo noong nakaraan at ang bar kung saan magpe-perform sila mamaya. Ngayong magaan na ang puso ko at tahimik na ang utak ko, mas lumakas ang kagustuhan kong makita siya! Just the thought of seeing him again made me smile.
Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong wala si Samantha. Hindi kasi siya pumapalyang panoorin ang ArFa sa bistro kung saan ito tumutugtog kada Miyerkules at Sabado. Ngayong linggo lang niya hindi mapapanood ito. Kahit gustong-gusto kong panoorin din sila, siya, nang regular ay hindi ko magawa dahil natatakot akong makita ako roon ni Samantha at malaman niyang may gusto ako sa isa sa ArFa. Sinusuwerte rin yata ako ngayon dahil bago dumating si Samantha sa Linggo, tatlong beses kong malayang mapapanood ang ArFa – this Tuesday night for their performance in a bar and Wednesday and Saturday night for their regular gig in a bistro.
Nakangiting hinawakan ko ang naka-braid kong buhok. I was wearing a sleeveless top, skimpy skirt, and a pair of pumps. Naglagay din ako ng kaunting makeup. I looked mature and sexy!
Lumabas ako sa kuwarto nang ilang minuto na lang bago mag-alas otso. Naririnig kong nag-uusap ang ilang katulong at ang drayber namin sa likod-bahay. Dahan-dahan akong umalis. Nakahinga lamang ako nang maluwag nang makalabas na sa subdivision at tigilan ng isang taxi.
Ilang minuto lang ay nasa bar na ako. Makulay ang mga ilaw na nagpapatingkad sa b****a nito. A lot of people went in and out of the bar. There were two bouncers guarding the door with their arms crossed. Bahagya ring naririnig ang ingay sa loob sa kada bubukas ang pinto.
Habang naglalakad palapit sa mga bouncer ay tumikhim ako at inayos ang aking tindig. Sumabay ako sa isang grupo ng mga papasok at dahil na rin sa ingay at kaguluhan ay walang kahirap-hirap na nakapasok ako.
Marami-rami na ang nasa loob. May mangilan-ngilan sa dance floor at sumasayaw sa ginagawang musika ng disk jockey. Pinili kong pumuwesto sa isa sa mga mesa roon na malapit sa pader at luminga-linga.
This was the first time I went to this kind of place without my friends. Nakakapanibago.
I ordered a beer and some nuts just to kill time. Hindi ko alam kung anong oras lalabas ang ArFa kaya gagawa muna ako ng pagkakaabalahan. Abala ako sa pagbabasa ng mga chain message sa cell phone ko nang may umukopa sa sumunod na mesa sa akin.
“Anong oras daw ba darating ang ArFa?”
Pakiramdam ko, humaba ang mga tainga ko sa narinig na iyon. Pasimple akong sumulyap sa kanila. It was a group of girls. Base sa mukha at tindig, mukhang anim hanggang sampung taon ang tanda nila sa akin at may mga trabaho na. They all looked sophisticated in their expensive clothes.
“Mga alas nueve ‘ata. Kalma ka lang. Hindi na rin naman magtatagal, eh.”
“I swear to God, ‘di mo pagsisisihan ang pagsama sa’min!”
“They are hot as hell! Maglalaway ka mamaya!”
“Basta akin si Iñigo, ah? Walang agawan!”
Nagsalubong ang mga kilay ko sa huling nagsalita. Lalo na nang bumungisngis ang babaeng iyon.
Akin si Iñigo! Gaga ka!
Ilang minuto pa ang lumipas at unti-unti nang napupuno ang lugar. Everytime I heard someone say that ArFa was about to conquer the platform any minute from now excited me more.
“Excuse me.”
Napalingon ako sa aking gilid. Isang guwapong nilalang ang nakadungaw sa akin na nakangiti at bahagyang nakayuko.
“Would you mind if I sit here?”
“Not at all.” Saka ako ngumiti pabalik sa kanya.
He was handsome. Kung wala lang akong pagtatangi ngayon kay Iñigo, sigurado akong magugustuhan ko siya.
“Ang daming tao, ‘no?” he said, still wearing that smile on his face.
“Oo nga, eh.”
“Hindi na ‘yon nakakapagtaka kasi magpe-perform dito ang ArFa. Malakas humakot ng mga tao ang bandang ‘yon.”
That caught my attention. “Yeah. Magaling naman kasi sila at talagang mga guwapo.”
He laughed. Cute. “Idol ko nga sila, eh.” Mayamaya ay sumeryoso ang kanyang mukha. “Can I ask you something?”
“Shoot.” And I continued drinking my beer.
“Ilang taon ka na?” Halos masamid ako sa tanong niya. “You look . . . young.”
I bit my lower lip. “S-sixteen.”
“Sabi ko na nga ba.” He grinned. “Unang tingin ko palang sa’yo, nagsuspetsa na ‘ko.”
Tumawa ako. “Ikaw? Ilang taon ka na?”
“Nineteen.” Nilahad niya ang kamay. “Richard.”
Nakangiting tinanggap ko iyon. “Serafina.”
“Wow, you have a beautiful name. Parang ‘seraphim’, the angel of the highest rank.”
“Hindi mo naman siguro ako isusumbong na menor de edad ako . . .”
“Don’t worry. Gawain ko rin ‘yan no’ng menor de edad pa ‘ko. Naiintindihan kita.”
Parehas kaming natawa.
Richard looked nice. Madaldal siya kaya hindi siya nakakailang kasama. He was in college taking up BS Mathematics. Sa susunod na taon ay ga-graduate na raw siya. Nakakatuwa lang dahil marami kaming napagkakasunduan. He was a fan of ‘90s boybands, just like I was. He was a sucker for sweets which I was, too. Magaling siyang gumuhit at ganundin ako. Kaya halos hindi namin namalayan ang oras sa dami naming napagkukuwentuhan.
Natigil lamang kami nang nagtilian at nagsigawan ang lahat.
“Good evening, guys! We are ArFa and I am Raffy . . .”
Mas lalong nag-ingay ang lahat. f**k, it was them! Narito na sila!
Agad na hinanap ng mga mata ko si Iñigo. Napakunot-noo ako nang hindi ko siya nakita. Nasaan siya?
Nasa ganoon akong estado, litong-lito, nang muling nag-ingay ang lahat.
“f**k! ‘Ayan na siya!”
“You see that guy? ‘Yan si Iñigo!”
“God, ang guwapo!”
Amidst the uproar, I felt serenity when my eyes found him.
Siya ang kahuli-hulihang umakyat sa platform. Agad na tinungo niya ang microphone stand. Hindi na nagkamayaw ang lahat sa pagsigaw sa pangalan ng mga miyembro. But the loudest came from Iñigo’s fans.
At katulad nila, hindi na rin nagkamayaw pagwawala ang puso ko.