15

1333 Words
NAGISING si Alodia nang maramdamang hindi siya komportable sa suot. Nang magmulat siya ng mata ay kalat na ang dilim. Saka niya naalalang naidlip siya sa opisina. Nandoon ang pamilyar na katahimikan, aabutin na lang niya ang switch ng lampshade nang marinig niya ang tunog ng pintong ibinukas. Hindi siya nag-iisa! Sandali siyang natigil sa kama. Sa maliit na siwang ng pinto ay naglagos ang bumahang liwanag sa sinindihang ceiling lamp mula sa pinakaopisina. Mabilis siyang bumaba ng kama. Ipinagpalagay niyang si Mang David ang pumasok. Pagbukas ng pinto ay napatda siya sa pagkakatayo. “What are you doing here?” Nauna siyang nakabawi sa kabiglaanan. “Sinusundo kita,” sagot ni Neil na nilagpasan siya. Ito na ang kusang nag-off ng air conditioner. Nakakunot-noong sinundan niya ito ng tingin. Ganito ka-at home ang lalaking ito, sa bahay man namin o opisina? “Kailan ka pa naging si Mang David?” Hindi niya makontrol ang magtaray. Ipinagkrus niya ang dalawang braso sa tapat ng dibdib at isinandal ang sarili sa hamba ng pintuan. Sandaling dumilim ang mukha ni Neil bago inilang-hakbang ang pagitan nila, saka nagsalita nang nasa tapat na niya ito. “Hindi ka makakauwi kung si Mang David ang hihintayin mo, Sinundo siya ng isang kaanak niya. Umuwi sa probinsiya,” salat sa emosyong wika nito bagaman matiim ang pagtitig nito sa kanya. “At sinong nagsabing hindi ako makakauwi? I’ll take a taxi,” aniyang hindi pa rin nagbabago ang tono ng pananalita. “At paano mo ipaliliwanag sa daddy mong naka-taxi kang umuwi gayong ako ang pinakiusapan niyang sumundo sa iyo?” Bahagyang tumaas ang boses ng binata na ikinagulantang niya bagaman hindi siya nagpahalata. “Magkasundo kayo ng daddy, hindi ba? Problema mo na iyon, hindi ako.” Umiwas siya sa nakaharang na katawan nito at sinimulang ayusin ang executive desk. Sa isang pagyuko niya para ipasok sa drawer ang mga papeles na hindi na niya iuuwi ay hindi niya napansin ang mabilis na pagpasok ni Neil sa kanyang tinulugang kuwarto. “Hindi ako magpapahatid sa iyo,” matigas niyang wika nang mapansin itong nakatayo sa tapat ng pintuan ng kuwarto. “Magpapahatid ka sa akin.” Nasa tinig nito ang finality sa sinabi. “Sinabi nang—” Natigil siya sa sasabihin nang kumilos ito at mapansin niyang nasa kamay nito ang blazer na hinubad niya. And to her shock, ngayon lang niya napagtantong tanging stockings ang proteksiyon ng kanyang mga paa. Waring bale-wala sa doctor kung bitbit man ng isa pang kamay nito ang sapatos niya. “If you have the guts to at least ride the elevator with your shoes off, then I’ll let you take a taxi. Kung hindi naman, nasa labas lang ako.” Tumalikod na ito, tangay ang blazer niya at sapatos. Hindi nito itinago sa kanya ang waring nakakalokong ngiti nito. CHAPTER EIGHT NAIINIS man ay walang nagawa si Alodia. Kaya lang siya nakatatagal na walang sapin sa paa ay dahil carpeted flooring ang tinutuntungan niya. Isipin pa lang niyang itatapak ang sarili sa malamig na lapag ay halos ibaon na niya ang mga daliri sa paa sa tinutuntungan. “You tricked me,” aniyang sumungaw nang makalabas na ng opisina si Neil. Nakatayo ito sa tapat ng elevator at prenteng hinihintay siya. Nasa ekspresyon ng mukha nito ang kasiguraduhang wala siyang choice kundi magpahatid dito. “Sapatos mo.” Ibinaba nito ang hawak at isinunod pa ang katawan na waring isusuot pa mismo sa mga paa niya. “Ako na.” Mabilis siyang yumuko at saglit lang ay nag-aagawan na sila sa sapatos. Siya sa pagtatangkang sansalain ang binata sa pagsusuot sa paa niya ng sapatos. At ito sa pagpipilit. “Let me—” Natigil ito sa pagsasalita. Sa pag-angat nito ng mukha ay halos magkadikit na sila ng mga mukha. Maging siya ay waring nahipnotismo ng pagkakalapit nilang iyon. Tila sandaling tumigil ang inog ng mundo. At ibinalik siya sa panahon nang gabi ng kanyang debut. Ang kaibhan ay ang presensiya ng liwanag ng ilaw sa lobby ng eighth floor. At kitang-kita niya ngayon ang mga mata ni Neil na mula nang dumating siya buhat sa America ay tila laging umaarok sa kanyang tunay na damdamin. Lumiliit ang pagitan ng kanilang mga mukha. At wala siyang ginagawa para umiwas. Dama niya ang mainit na hininga ng binata, at ang paghagod niyon sa kanyang pisngi ay nagbibigay ng masarap na kilabot sa kanyang katawan. Halos magkapalitan na sila ng hininga. Ang mga labi ni Neil ay pinayagan niyang lumapat sa kanyang mga labi. Magaan ang ginagawa nitong pagdama, waring sinusukat ang lambot ng kanyang mga labi. At nang tila hindi masiyahan ay nagpilit na lumalim ang ginagawa nitong paghalik. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang nararamdaman. It was like the very first time several years ago. Yet it was not. Kung papayagan niya ang sariling maniwala sa isang ilusyon ay maniniwala siyang may iba pang kalakip ang mga halik na iyon. Deep longing. Could she be right? How could this man long for her this time when it was this same man who rejected her eight years ago? But then she knew this was not the right moment to analyze things. Tila masarap na alak ang bawat pagdampi ng mga labi ng binata sa kanya. At nadadala siya sa kalasingan. Kusa nang tumaas ang kanyang kamay at iniyakap sa batok nito. “Alodia—” Tumakas mula sa lalamunan nito ang pananabik sa kanya. Alodia. Was this the first time he called her with her first name? Sa narinig ay mabilis siyang bumalik sa realidad. Anumang mahika ang hatid ng mga halik nito ay kagyat na naglaho. “Umuwi na tayo, Dr. Concepcion,” pormal niyang wika at mabilis na ring naisuot ang sapatos. Nagtataka man ay sumunod na sa kanya si Neil. Hawak niya ang button ng elevator at naghintay sa pagbubukas nito. MULA sa elevator hanggang sa pagsakay sa kotse ng binata ay hindi sinasalubong ni Alodia ang mga tingin nitong alam niyang hindi inihihiwalay sa kanya. Hinayaan lang niya itong umakto sa pagiging gentleman. Malapit na sila sa gate ng mansiyon nang basagin nito ang namuong katahimikan sa pagitan nila. “Alodia—” “Miss de la Rosa,” putol kaagad niya sa sasabihin nito. Mabilis siya nitong nilingon at nakita niya sa mga mata nito ang pagtataka. “I prefer to call you ‘Alodia,’” mayamaya ay wika nitong tila hindi narinig ang pagtatama niya. “And I wanna be called ‘Miss de la Rosa.’” Nakalangkap sa tinig niya ang nagbabangong inis. Tila magpoprotesta pa sana ito subalit naroon na sila sa driveway ng bahay nila. Inihinto nito ang kotse. At sa sandaling iyon ay nagpatiuna ang dalaga sa pagbaba ng sasakyan. Bago pa nakahabol ang binata ay nakaliko na siya para pumasok sa mansiyon. Halatang-halatang naghihintay sa pagdating nila ang kanyang ama. “Kumain na akong mag-isa. Iniisip kong nagkayayaan kayong kumain sa labas kaya ngayon lang kayo,” sabi nito. Mabilis ang naging paglingon niya sa binatang alam niyang nakasunod sa kanya. Pakiramdam niya ay pamumulahan siya ng mukha nang bumalik sa isip niya ang tila pagkatangay nila kanina. She fought hard to prevent her face from getting red. Pero sa pagkakasalubong niya ng tingin dito ay iyon pa ang nagsilbing mitsa upang mabilis na kumalat ang pamumulang iyon sa kanyang mukha. Ang mga titig nito ang siyang nagpapaalala sa maikling sandaling iyon sa pagitan nila. Kaagad siyang nagbawi ng tingin. Ngunit munti mang paghihinala ay wala sa tinig ng kanyang ama; bagkus ay bumadha roon ang tila panunukso sa ilang oras na pagsosolo nilang dalawa. “The new boss is dead tired nang dumating ako sa opisina. At natulugan niya ang newly renovated room. I let her rest kaya ngayon kang kami. Nawala sa loob kong tawagan namin kayo rito para hindi kayo naghintay nang husto.” Nadomina ng binata ang pagpapaliwanag sa kanyang ama. “Kumain na kayo kung gayon, Toni,” baling sa kanya ng ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD