"She doesn't fit to be a surrogate mother, Ma. Ang gusto ni Dylan galing pa sa ibang bansa." Umirap pa si Karla habang nakatingin sa kanya. Gusto tuloy niyang umatras at umuwi na lang ulit sa Aurora. Parang hindi naman siya kamag-anak kung ituring.
"You can try. Gusto mo na rin lang makabalik sa Paris para sa fashion show, bakit hindi mo subukan?"
Muli siyang sinuri ni Karla mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay lumapit at inamoy siya.
"Gusto mo ba ng two hundred thousand?" Ngumiwi ito ng pagkadisgusto bago dumistansya ulit. Wala naman siyang bad breath at naglilinis naman siya ng katawan araw-araw. Pero galing siya sa biyahe at malagkit sa jeep kanina kaya siguradong hindi na fresh ang amoy niya.
Pero kung pagka-disente ay disente naman siyang tingnan. Sinuot niya ang damit at pantalon na pinatago-tago talaga niya at.m bihirang gamitin. Unat di ang buhok niyang makintab na kahit gamit lang ang kamay niya'y mabilis suklayin. Ang balat niya'y hindi man kasingputi ni Karla ay mamula-mula rin at makinis.
Kung ihahambing nga lang kay Karla ay malayo ang itsura niya. Puno kasi ng alahas sa katawan ang tiyahin at mamahalin ang damit na suot. Pati ang buhok nitong alon-alon ay kulay ginto. Gayunman ay hindi niya kinaiinggitan ang tiyahin. Gusto niya ang kulay ng balat niya at ang maitim niyang buhok na tuwid at makintab.
"Ano ho ang trabaho?"
"Ikaw lang naman ang magdadala ng anak ni Karla sa sinapupunan mo."
"Ano ho?!" Napahawak siya kaagad sa puson niya. Pangarap din naman niyang magbuntis at magkaanak balang-araw. Pero hindi para sa iba kung hindi para sa sarili niya.
"H-hindi ho. Katulong lang ho ang sinabi ni Inay na magiging trabaho ko."
"Malaking pera ang katumbas na halaga. Malaking tulong 'yun sa pamilya mo," wika ng Lola Bilin niya. Si Karla ay nakamasid lang sa kanila ng Lola Belen niya na ipinaubaya na sa ina ang pangungumbinsi sa kanya.
"Hindi pa rin ho. Kaya naman ho naming magtiis sa kaunting kita dahil nag-e-extra naman si Itay sa bukid."
"Magkano? Three hundred pesos isang araw pero tatlong beses lang sa isang linggo? Paano maipapagamot ang Inay mong maysakit?"
"Maysakit? Wala hong sakit si Inay," pagtatama niya.
"Hindi mo alam? Hindi ba sinabi ng Inay mo na may sakit siya sa baga?"
"H-hindi ho..." Mabilis siyang kinabahan at pakiramdam niya'y nawalan ng kulay ang mukha niya. Bumalik sa isip niya ang paghahabol nito ng hininga kaninang nagpapaalam sa kanya. At ang matinding ubo nito sa hapon at gabi na minsan ay hindi mapatid-patid.
"May bukol sa baga ang Inay mo, Sarrah. Kailangan niyo ng perang pampagamot sa malaking ospital kung gusto niyong humaba ang buhay niya. Malaking tulong ang perang ibabayad namin sa 'yo kapalit ng pagpapahiram mo ng matres mo kay Karla sa loob ng siyam na buwan."
"Tatawagan ko ho si Inay para kompirmahin ang sinabi niyo." Kaagad niyang kinuha ang telepono sa bag at nag-dial. Si Annalyn lang naman ang puwede niyang tawagan para mangumusta.
Nakailang ring na ang kabilang linya pero hindi pa rin ito sumasagot. Baka maagang natulog ang mga ito o baka walang signal sa bukid.
Pero hindi siya mapalagay kaya't inulit-ulit niya ang pagtawag. Kahit naman paano ay matatanaw nito ang bahay nila kung may lampara pa bang nakasindi.
"Naku, Sarrah, itinakbo sa ospital ang Inay mo ngayong hapon lang. Kauuwi ko lang din sa bahay dahil walang kasama si Aljon at Ciara sa inyo. Ang Itay mo ang nagbabantay sa Inay mo ngayon sa ospital."
Sunod-sunod nang pumatak ang luha niya sa pisngi. Parang gusto niyang takbuhin ang pag-uwi sa Arora. Gusto niyang alagaan ang Inay niya. Mahal na mahal niya ang pamilya niya.
"K-kumusta na ang Inay?" Halos hindi lumabas sa lalamunan niya ang mga salita.
"May malay na siya bago ako umalis sa ospital kanina pero hindi pa siya pinayagan ng doktor na lumabas. May pneumonia din daw kasi ang Tiya Selma at kailangang matanggalan ng tubig sa baga."
"P-pneumonia?"
"Oo. Bukod pa 'yun sa kung ano-anong sakit tulad ng high blood, mataas ang sugar, at kung ano-ano pa. Napakarami nga niyang iniinom na gamot eh."
Sa ngayon ay hindi naman nila kailangang problemahin ang bill sa ospital. Public hospital naman kasi 'yun. Pero kung ang Itay niya ang magbabantay sa Inay niya, hindi ito makakapagtrabaho sa bukid. Walang kakainin ang mga kapatid niya. Wala ring magbibigay ng baon sa school ng mga ito.
At kung hindi rin makakapagtrabaho ang Inay niya ng isang linggo o higit pa, hindi kakayanin ng Itay niya ang gastusin sa bahay nila. Baka mahinto pa ang mga kapatid niya sa pag-aaral para mairaos nila ang pang-araw-araw na gastusin sa pagkain.
"Balitaan mo 'ko bukas kung ano ang kalagayan ni Inay," mahina niyang wika kay Annalyn sa kabilang linya. "Baka naman makalabas na sila sa ospital at gumaling din siya kaagad. Wala namang babayaran doon, hindi ba?"
"Wala nga. Pero ang sabi ng doktor kanina ay mahabang gamutan daw 'yun, Sarrah. Hindi lang kasi pneumona ang gagamutin sa kanya. Isasalang pa ang Inay dahil sa kukuhanan ng tubig sa baga bukas. Pagkatapos daw gamutin ang pneumonia niya ay dapat siyang ilipat sa bayan para doon mas masuri ng mga doktor. Mukhang doon na kayo mapapagastos. May mahihingan ba kayo ng tulong ng Inay mo?"
"M-meron naman..." Mas mahina pa ang boses niya ngayon dahil ayaw niyang iparinig sa mag-inang kaharap niya na may malaki siyang problem sa pera. Para naman kasing itinadhan na nandito siya ngayon at bibigyan ng malaking halaga kapalit ng pag-renta ng mga ito sa sinapupunan niya.
"Lapitan mo na ngayon pa lang para maipagamot niyo ang Inay mo, Sarrah. Kahit 'yang papasukan mo ng trabaho ngayon ay paluguran mong mabuti nang mapakiusapn mong pautangin ka ng malaking halaga. Lunukin mo na lang ang pride mo paminsan-minsan dahil mahirap lang talaga tayo at hindi na mababago 'yun. Siguro naman maaawa ang Lola at tiyahin mo sa kalagayan ng Inay mo."
Wala sa sarili siyang napatango na tila kaharap si Annalyn. Nang ibaba niya ang telepono ay pilit niyang ibalik ang luha sa mata para hindi makita ang pag-iyak niya. Hindi niya gustong kaawaan siya ng mga ito.
"Well? How's your mother?" tanong ng Lola Belen niya.
"N-nasa ospital daw ho ngayon..."
"I told you. Tumawag nga sa 'kin ang Inay mo dahil kailangan niya ng pera. And we are willing to give you money."
"Nang wala hong kapalit?" tanong niya.
"No. You need to work every single penny you will be getting." Si Karla naman ang sumagot. "Mahirap ang buhay ngayon para magpakawala ng malaking halaga."
"Pero pinsan mo si Inay," mabilis naman niyang sabi. "Hindi niyo man lang ba siya tutulungan?"
"Nagkatinginan ang mag-ina. Pagkatapos ay muling lumapit ang Lola Belen niya at hinaplos ang makintab niyang buhok.
"Tutulungan namin ang Inay mo na gumaling sa sakit niya. Bakit naman namin siya pababayaan? Pero kailangan tulungan mo rin kami sa problema namin sa matres ng Auntie Karla mo, Sarrah. Tulungan lang naman tayo dito."
"Napakahirap ho ng hinihingi niyo."
"I-inject lang naman sa 'yo ang semilya hanggang sa mabuo. Kapag pumayag ka ay ipapadala ko kaagad sa Aurora ang perang ibabayad namin. Gagawin na naming kalahating milyon, Sarrah. Kapag naging matagumpay 'yun aba'y puwede ka pang bumalik sa pag-aaral katulad ng gusto mg Inay mo."
Ang bigat pa rin sa loob niya ang pagsagot ng oo. Pero alam niyang hindi siya makakahingi ng tulong pinansyal sa mag-inang ito nang walang kapalit. Gusto niyang dugtungan ang buhay ng Inay niya. Ayaw nilang magkakapatid na mawalan sila ng isang magulang.
"Kung hindi ka papayag ay pauuwiin na lang kita ulit sa Aurora para ikaw na mismo ang mag-alaga sa Inay mo," muling sabi ng Lola Belen niya. "Hindi naman talaga namin kailangan ng dagdag na katulong, nakiusap lang ang Inay mo sa akin kaya kita pinaluwas. Akala ko'y handa kang tulungan kami sa pagkakataong tulad nito. Pero hindi naman pala."
Isang malalim na buntunghininga ang pinakawalan niya. Nakailang lunok muna siya bago sumagot.
"S-sige ho... Pumapayag na ho ako..."
"Really? Oh, thank you!" Doon pa lang nagsalita ulit si Karla na yumakap sa nanay nito. "My problem is solved, Ma!"
"Sabi ko naman sa 'yo maraming nangangailangan ng pera ngayon dito eh. Ewan ko ba d'yan sa asawa mo kung bakit gusto pang magpakalayo-layo." Parang sinabi na rin ng Lola Belen niya na mahigpit ang pangangailangan niya ngayon sa pera. Totoo naman. Pero kung magsalita ito ay nawala ulit ang pagiging magkamag-anak nila.
"I'll introduce her to Dylan tomorrow night, Mama." Napakunot ang noo nya na ngayon lang napansin ang pangalan ng asawa ni Karla. Iisang lalaki lang ang rumehistro sa isip niya na may ganoon ring pangalan.
Pero malabo naman siguro na iyon ang lalaking iyon. Napaka-coincidence naman kung magkikita silang muli sa ganitong paraan.
"Ihatid mo na sa magiging silid niya, Nena," utos ng Lola Belen niya sa katulong. "Hindi na siya magtatrabaho katulad ninyo dahil iba na ang ipapagawa namin sa kanya."
Dinala siya ng katulong sa isang maliit na silid na nasa labas pa at hiwalay sa malaking bahay.
"Ito ang servant's quarter. Dalawa na lang kaming katulong dito at pangatlo ka. Hindi nga siguro tayo pareho ng trabaho pero katulong pa rin ang turing sa 'yo nila Ma'am Belen at Ma'am Karla," tuloy-tuloy na sabi ng katulong na naghatid sa kanya. Siguro ay naririnig nito kung ano ang magiging papel niya sa buhay ni Karla.
"Salamat ho..."
"Lumabas ka pagkatapos mong magpahinga dahil kakain tayo ng hapunan. Dito tayo sa dirty kitchen kakain."
"S-sige ho..."
Nang makaalis ang katulong ay iainara niya ang pinto. Ibinagsak niya ang katawan sa katre na walang kutson. Okay lang sa kanya 'yun, sanay naman siyang matulog sa matigas. Ang pinoproblema niya ngayon ay kung ano ang magiging trabaho niya at ang kalagayan ng Inay niya.