"Kailan mo naman dadalhin si Karla dito, Dylan? Dalawang taon na yata naming hindi nakikita ang asawa mo."
"Masyadong nagpapaka-busy sa Paris, Ma."
"May biological clock ang mga babae, Dylan. Baka hindi na kayang magbuntis ni Karla kahit gustuhin niyo pa," payo ng Mama niya.
"Don't worry, Ma. When she comes back we will talk about having a child."
"Oo nga naman, masarap ang makitang may bunga ang pagmamahalan ninyo. Look at you and your siblings. Masaya naman kami ng Papa mo na kaming dalawa lang. Pero ibang saya pa rin ang hatid ninyong apat sa amin. And look at us no? We are one big happy family. Anim na ang mga apo namin at idagdag pa ang pami-pamilya ng mga napangasawa ng mga kapatid mo."
"Yes, Ma... Hindi mo naman ako pini-pressure niyan?" natatawa niyang wika.
"Hindi naman, anak... Pero syempre, gusto rin naming makita na bumubuo ka ng sarili mong pamilya. Gusto kong makita ang ningning sa mga mata mo tuwing karga at tinititigan mo ang anak mo."
Siya rin ang nakaramdam ng lungkot sa sinabi ng ina. Noon pa naman niya gustong magkaanak. Isinasantabi lang niya ang kagustuhang iyon dahil hindi sang-ayon si Karla.
"Soon, Ma... And I will be the best father in the world."
"I have no doubt about that, son. At hiling ko'y dumating kaagad ang mini Dylan nang maalagaan din namin nang matagal ng Papa mo. Gaano pa ba kami katagal mabubuhay sa mundo?"
"You and Papa will live a hundred years old, Ma..." Mahigpit ang kamay niyang umakbay sa ina. Nagiging emosyonal na silang pareho.
"Kumusta naman ang kompanya mo sa Maynila? Hindi namin naiintindihan kung ano 'yun pero naniniwala kami sa kakayanan mo."
"It's all about the technology, Ma. Alam nila Denisse at Kuya Alejandro 'yun," nakatawa niyang sabi. "Huwag niyo nang isipin kung ano 'yun dahil hindi naman ako gumagawa ng iligal. Kahit babaero dati ang bunso niyo wala naman akong nilolokong tao."
"Alam ko naman 'yun," nakangiti ring wika ng Mama niya. "Nabanggit mo na rin lang ang pagiging babaero mo dati, ni isa ba sa mga 'yun wala kang nabuntis? Wala bang susulpot na babae dito para magpakilalang nabuntis mo?"
"Ganyan ka ba kadesperadong magkaroon ako ng anak?" Idinaan niya sa tawa ang sinabi.
"Thirty-three na rin si Karla. Paano kung hindi na rin niya kayang magbuntis? Though she's still young. Pero kung wala siyang balak tumigil sa pagiging modelo, ang pag-asa mo na lang na magkaanak ay sa ibang babae. I know you wouldn't cheat on your wife."
"Wala, Ma. How I'd wish there was, nang hindi na namin pinoproblema ni Karla ang pagkakaroon ng anak. I could adopt the child like how Papa adopted Lawrence."
"You and Karla should not stop trying. Ayokong tumanda ka nang walang magmamahal at mag-aalaga sa 'yo katulad ng pag-aalaga ninyong magkakapatid sa amin ng Papa niyo. But don't get me wrong, Dylan. It is not responsibility of a child to take care of his parents when they grow old. Iba lang kasi talaga ang saya ng may anak na paglalaanan mo ng pagmamahal hanggang sa tumanda. Your father and I consider you as the reason that we stay young at heart."
"Magkakaanak ako, Ma. Hindi lang isa, hindi lang dalawa. Gusto ko apat din." Bagama't may alintangan ay idinadaan pa rin niya sa pagtawa ang sinasabi. Paano naman siya magkakaroon ng apat na anak gayung ni isa ay hindi sila makabuo ni Karla?
"Ang yabang talaga ng anak ko. Ano naman ang gusto mong mangyari kay Karla? Mag-anak ng kambal nang dalawang beses? Huwag na huwag mong susubuking mambabae, ang tatay mo mismo ang kakastigo sa 'yo, Dylan." Tumawa na lang siya ulit saka niyaya ang Mama niya na magpunta sa kusina para idaan na lang ang problema niya sa kape at dessert na na-bake nito kasama si Erika. Ang mga kapatid niya'y abala sa kanya-kanyang trabaho sa bukid.
"Aba, nandito pala ang gwapong bunso ni Mama Lenna," nakangiting wika ni Erika sa kanya na nasa kusina at abala sa pagbi-bake.
"Buti sinabi mong gwapo. Mas gwapo ba sa asawa mo?"
"Syempre mas gwapo 'yun. Naka dalawang anak na eh ikaw wala pa." Napakamot siya sa batok sa isinagot ng hipag.
"Maghintay ka lang, Ate Erika. Kapag nagkaanak kami ni Karla mas gwapo na talaga ako kay Kuya Lawrence."
"Inip na inip na kami, Dylan. Kita mo nga pati si Mama nag-iisip na kung paano kakausapin si Karla."
"Kausapin si Karla?" Kaagad siyang napatingin sa Mama niya. Hindi niya puwedeng ipakausap ang asawa niya sa ina dahil masyadong liberated mag-isip si Karla ngayon. Malalaman lang ng pamilya niya na hindi pa rin gustong magkaanak ng asawa niya hanggang ngayon.
"Pauwiin mo na daw kaya dito sa hacienda at kayo na ang mamahala sa lupain niyo? Baka 'yun lang ang paraan para makabuo kayo. Magbakasyon kayo dito ng isang buwan. Baka stress kayong pareho sa trabaho."
"Naisip ko lang naman yun, anak," depensa naman ng Mama niya. "Malay mo magustuhan niya pala ang buhay dito sa bukid? Ganyan din ang Ate Lora mo noon, hindi ba? Mas sikat pa nga si Lorabelle at mas bata pa noon. Pero tinalikuran niya ang limelight para mabuong muli ang pamilya nila ng Kuya Alejandro mo."
Duda siya roon pagdating kay Karla. Sa Aurora nga ang probinsya ng pamilya nito pero ni minsan ay hindi sumama sa kanya pag-uwi. Ang Mama Belen lang nito ang nakakasama niya kapag bibisitahin niya ang lupain sa Brgy. Manutoc.
"Kami na lang ho ang mag-uusap, Ma. And speaking of Karla, tatawagan ko muna para sabihin na nakauwi na ako dito. Aakyat lang ako sandali sa kwarto ko." Sandali siyang humalik sa pisngi ng ina bago mabilis na nilisan ang komedor. Tatawagan niya si Karla sandali dahil hindi na naman niya ito mako-kontak kapag sumabak na sa fashion show.
Nakausap naman niya si Karla. Pero hindi niya ma-i-discuss sa asawa ngayon ang suhestyon ng ina na magbakasyon sila sa hacienda dahil nasa fashion week ang buong atensyon nito. Sandali nga lang silang nakapag-usap. Pagbaba tuloy niya sa telepono ay parang bumigat ang pakiramdam niya. Parang nawalan siya ng excitement sa relasyon nila ni Karla. Parang nawalan ng kahulugan kung bakit nga ba sila naging mag-asawa.
It was like they're falling apart. And falling out of love.
Tinanaw niya ang malawak na lupain ng Hacienda Luna. Mas malawak pa iyon ngayon dahil nabili pa nila ang karatig na lupain. Masaya na ang mga kapatid niya sa kanya-kanyang pamilya. Tulong-tulong ang mga ito sa gawain sa bukid. Siya lang talaga ang nahiwalay. At siya lang din ang walang anak.
Isang mabigat na buntunghininga ang pinakwalan niya. May lupain pa siya sa Aurora na hanggang ngayon ay wala siyang plano kung ano ang pwede niyang gawin. Naroon pa rin ang matandang mag-asawa na katiwala niya na pinadadalhan lang niya ng buwanang sweldo. Pinayuhan na nga siya ng Papa niya na ibenta ang lupaing iyon dahil hindi rin naman niya maasikaso. Sa mga susunod na araw ay baka iyon na ang pagtuunan niya ng pansin.
Sumagi sa isip niya ang batang babae na nakita niya noon sa kakahuyan. Hindi niya alam kung nasaan na ito ngayon. Sinubukan niyang ipagtanog ang babae. Pero ibang Analyn ang sumulpot sa harap niya at sinabi nitong hindi pa sila nagkita kahit minsan. Sinabi rin ng Analyn na 'yun na hindi niya kilala kung sino pa ang ibang nangunguha ng kahoy sa lupain niya. Pakiramdam tuloy niya'y na-engkanto lang siya dahil bigla lang itong naglaho na parang bula.
Pero may mga pagkakataon na sumasagi talaga sa isip niya ang batang babae na 'yun. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa bente anyos na iyon mahigit ngayon.
Kaagad din niyang pinalis sa isip ang babae dahil lalo lang makakasira sa relasyon nila ni Karla. Sa puntong ito ng pagsasama nila ay mas lalong hindi niya puwedeng ibaling sa iba ang atensyon. Baka malihis siya ng landas at mawala ang pagkakakapit niya sa salitang kasal. Ayaw niyang sirain ang sinumpaan niya sa harap ng altar.
Pero hanggang kailan? Paano kung minsan ay hindi na siya masaya?