KABANATA 5
“Lui, ijo, maari ba kitang makausap?” isang araw ay kausap ng madre kay Lui.
Nagkatinginan muna silang dalawa bago ito sumama sa madre. Hindi maiwasan ni Sancho na sundan ang mga ito ng titig habang naglalakad palayo. Ayaw niya sa kaniyang naiisip, pero iisa lang minsan ang rason kung bakit kinakausap sila ng mga madre. Winaglit na lamang niya iyon sa kaniyang isipan at nagpatuloy sa pagwawalis ng bakuran ng ampunan na lagi nilang ginagawa na magkasama ni Lui.
Nang makaraan ang halos kalahating oras at wala pa rin si Lui, medyo naalarma na siya. Pagkatapos niyang maitabi ang mga nawalis, naghugas muna siya ng mga kamay at naghilamos ng mukha bago napagpasiyahan na tumungo sa opisina ng mga madre kung saan madalas silang kinakausap ng masinsinan. Kumunot ang kaniyang noo nang matanawan ang madre na kumausap kanina kay Lui na nasa labas na at tinutulungan na ang ibang mga bata sa paglilinis naman sa loob ng ampunan.
Nasaan na si Lui? Tanong ni Sancho sa isipan.
Wala sa sarili na napabaling ang kaniyang ulo sa opisina ng mga madre na nasa ikalawang palapag. Tinignan niya muna ang mga madre at mga bata na mukhang tutok sa mga ginagawa bago umakyat doon sa taas. Napakuyom ang kaniyang mga kamao. Hindi na maganda ang kaniyang kutob.
Pagkarating sa opisina ay kumatok muna siya sa pinto bago iyon marahang binuksan na sa kabutihang palad ay hindi naka-lock. Una niyang nakita si Lui na nakaupo sa isang upuan habang sa kabilang bahagi ng opisina ay nakaupo naman ang isang lalaki na pamilyar sa kaniya. Kaagad na nanliit ang kaniyang mga mata pagkakita rito. Mukhang nabitin ang sinasabi nito sa ere nang makita siya habang si Lui naman na kaninang mukhang tuliro ay tila nabuhayan ng pag-asa nang makita siya.
“Oh! If it isn’t your bestfriend,” ani ng lalaki na hindi naging maganda sa pandinig niya.
Ang naturang lalaki na sa tantiya niya ay nasa edad trenta pataas at halatang hindi purong pinoy ay isa sa mga sponsor ng ampunan. Nakilala niya ito nang sunod-sunod niya itong makita sa ampunan tatlong araw pagkarating niya noon sa ampunan. Hindi niya noon napapansin, pero sa pagdaan ng mga araw lalo na noong malapit na sila ni Lui sa isa’t-isa ay halata na niyang kursunada nito si Lui. Nabanggit niya ito isang beses sa mga madre, pero dahil maraming naitulong sa ampunan at mabait ang pakitungo sa kanila ay bahagya siyang napagsabihan.
Pero ayaw niya sa taong ito lalo na at halata niyang natatakot na si Lui rito. Ang mga lalaki na ganito kung tumingin ay gamay na ni Sancho. Alam na alam niya ang takbo ng mga bituka ng mga lalaki na ganito.
“Anong ginagawa mo rito at bakit kayo lang dalawa?” matapang niyang sabi.
“S-Sancho.” Hindi niya pinansin ang kaibigan.
Narinig niyang natawa ang lalaki, kuminang ang kulay bughaw na mga mata at mukhang natuwa sa tapang niya. Hindi siya nagpatinag. Kung noon ay matatakutin siya, iba na ngayon.
“Alam mo bata, ayaw rin kita. Lagi kang nakadikit dito kay Lui.”
Malalim ang boses nito at tila may tunog na banyagang halo. Ang kulay dilaw nitong buhok ay maayos at halatang malambot. Matipuno rin ang katawan na mas kinainis ni Sancho dahil sa edad niyang disinuwebe ay patpatin pa rin siya. Pakiramdam niya ay isang sapak lamang siya ng lalaking ito na nagngangalang Florencio Fuego.
“Ayaw rin kita, tanda. Lagi kang nakabantay at nakatitig dito kay Lui,” sagot niya.
“Sancho!” Mabilis na napatingin si Lui kay Florencio, nakita niya ang halong hiya at takot sa mga mata nito. “P-Pasensiya na po, Sir Florencio.”
Narinig niya ang masayang tawa ng lalaki na mas kinasama ng mukha niya. Nangangati talaga ang kamay niya na masapak manlang ang mukha nito pero hihintayin niya na mas malaki na siya rito. Tinitiyak ni Sancho iyon.
“Oh it’s okay, Lui , sweetie.” Tumayo ito, inayos ang suot na damit at lumapit kay Lui. “I’ll see you again, my sweet Lui. Consider my offer, okay?”
Nang makita na akmang hahalik ito sa pisngi ni Lui ay kaagad siyang lumapit at hinila si Lui palayo rito. Sinamaan niya ito ng tingin na muli lamang natawa. Nakita niya ang paglandas ng kakaibang inis sa mga mata nito. Hangga’t narito siya sa tabi ni Lui, gagawin niya ang lahat masira lamang ang mga balak nito.
“Such a brat.” Sumulyap pa muna ito kay Lui bago tumalikod at umalis doon.
“Sancho, hindi mo na sana pinatulan,” ang narinig niyang sabi ni Lui at nagpantig talaga ang dalawa niyang tenga sa narinig.
Hinawakan niya sa magkabilang balikat si Lui at mariin itong tinignan. “Bakit kayong dalawa lamang dito? Anong pinag-usapan niyo?”
Umiwas sa kaniya ng tingin si Lui. Alam niya na kapag ganoon ang naging reaksiyon nito ay magsisinungaling ito. Kahit pagtakpan nito ng nakasanayang ngiti iyon ay hindi siya maniniwala. Kilalang-kilala na nila ang isa’t-isa. Alam ni Sancho na alam ni Lui na hindi siya nito maloloko.
“W-Wala naman. May mga tinanong lang siya tungkol sa akin.”
“Ano naman?”
Tinanggal nito ang mga kamay niya sa balikat nito. Pilit pa ring sinusundan ng mga titig niya ang mga mata nito, ngunit iwas na iwas ito sa kaniya. Mas lalong sumama ang loob ni Sancho sa kaibigan.
“Mabuti pa bumaba na tayo, baka hinahanap na tayo nila sister.”
Hindi na siya nagpumilit pa at baka mag-away lang sila. Ayaw pa naman niya kapag magkalayo ang loob nila ni Lui. Naalala niya noong una nilang away ay matagal silang dalawa na hindi nagpansinan hanggang sa siya rin ang hindi nakatiis.
Pero kung anuman ang nais ng Florencio na iyon ay kaniyang aalamin.
Bumaba silang dalawa at naabutan pa rin nila sa baba si Florencio. Inutusan ng madre si Lui na ihatid ito sa labasan at nagngitngit na naman ang kalooban ni Sancho dahil doon. Akmang sasama siya pero pinigilan siya ng mga madre, anila ay huwag sirain ang momento ng dalawa.
“Bakit niyo po hinayaan si Lui sa tao na iyon? Hindi ko gusto iyon lalo na ang mga titig noon kay Lui,” inis niyang sambit habang sinusundan ang mga madre sa kusina.
“Sancho, ijo, huwag mong pagsalitaan ng ganiyan si Sir Florencio at kung hindi dahil sa mga kagaya niya ay baka namulubi na itong ampunan,” pagtanggol naman ng madre rito.
Napailing siya. Ramdam niya talaga na may kakaiba sa lalaking iyon, na sa likod ng maganda nitong mukha at bait na pinapakita ay may kakaiba. Naamoy niya ang kakaiba nitong lansa. Ang galing nito na bulagin ang mga madre sa mga mabulaklakin nitong mga salita.
Napailing si Sancho sa mga madre. “Hindi ko po talaga alam at bakit paborito no’n si Lui.”
Kita niya na nagkatinginan ang mga madre. Maya-maya pa ay napabuntong hininga ang head nila at tinapik siya sa balikat.
“Dahil gusto niyang maging anak si Lui. Mag-isa sa buhay iyang si Sir Florencio at nais niyang ampunin si Lui. Kabutihang palad at mukhang pumayag na ito kanina sa tagal ng pagkausap ni Sir sa kaniya.”
Nagulat siya sa narinig. Pumayag si Lui?
“Ano po? Aampunin niya si Lui? Hindi ako payag!” buong puso niyang tutol.
“Sancho, nakalimutan mo na ba ang kuwento ko sa iyo tungkol kay Lui? Alam nating lahat na nais niya ng pamilya, nang matatawag na magulang. Pumayag na siya, nais mo bang ipagkait iyan sa kaibigan mo? Tsaka, pwede mo naman siyang dalawin paminsan.”
Natigilan siya sa narinig at napayuko. Ayaw niyang ipagkait kay Lui iyon, pero hindi lang sana sa lalaking iyon. Pero kung ito ang gusto ni Lui ay ano pa nga ba ang kaniyang magagawa? Napakuyon siya ng mga kamao. Nagtatagis ang kaniyang mga bagang. Paano na ang pangako niya sa kaibigan?