KABANATA 6

1447 Words
KABANATA 6 “Bakit ka nagsinungaling sa akin?” maririnig ang bahid ng tampo sa kaniyang boses habang sinasabi ang katanungang iyon. Ang kausap niyang kaibigan ay tahimik lamang at nakaupo sa sarili nitong higaan. Nakasiksik ito sa gilid, ang ulo ay nakayukyok sa mga tuhod. Pagkatapos makauwi ni Sir Florencio ay nanatili na itong tuliro at tahimik. “Kausapin mo ako, Lui!” Ngunit hindi pa rin ito sumasagot sa kaniya. Marahas siyang bumuntong hininga at inis na napakamot sa ulo. Lumapit siya sa higaan nito na nasa ilalim ng double deck nilang tulugan. Namayani ang katahimikan sa kanila, hinintay niya na ito ay magsalita. “P-Pasensiya na, Sancho,” anito sa maliit na boses. “Pero alam mo naman na gusto ko rin noon pa ng isang tahanan na may maituturing akong magulang. Na naiinggit din ako sa mga kasamahan ko dati na ngayon ay masaya na sa mga kumuha sa kanilang pamilya.” Sa sinabi nitong iyon, alam ni Sancho na wala na siyang laban. Ayaw niya na ipagkait iyon kay Lui kahit pa labag sa kaniyang kalooban. Ayaw niyang maging makasarili. “Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit ang matandang iyon.” Nakita niyang kumislot ang katawan nito sa sinabi. Inangat nito ang sariling ulo at nagtama ang kanilang paningin. Tipid itong ngumiti sa kaniya. “M-Mabait naman si Sir Florencio. Wala kang dapat na ikabahala,” pagtatanggol nito sa matanda. Napaismid si Sancho sa narinig. Ayaw niya rin talaga sa lalaki na iyon. Mukhang pati si Lui ay nabulag ng matandang hukluban na iyon. Kung hindi niya lang talaga matiis ang kaibigan ay mamumuti ang mga mata ng matanda na iyon sa kahaharang niya sa daan nito. “Dadalawin kita paminsan-minsan. Kapag may umampon na rin sa akin ay dadalaw pa rin ako kahit gaano man kalayo.” Nakita niya ang pagliwanag ng mga mata nito sa sinabi. “Talaga? Promise ‘yan, ha?” “Promise.” Dumating ang araw na kukuhain na si Lui sa ampunan. Ang mga bata ay nag-iyakan dahil aalis na ang pinakamamahal nilang kaibigan. Kahit man siya’y naiiyak din, pero ayaw niyang ipakita iyon kay Lui. “Iyong promise natin, ha? Hihintayin kita roon lagi,” bahagyang nabasag ang boses nito. Walang pag-alinlangan na yinakap ito ni Sancho. Hindi niya alam kung makatutulog ba siya mamayang gabi na mag-isa na lamang, pero sapat na sa kaniya ang saya ni Lui ngayon. Ang matagal nitong hinahangad ay natupad na. Ang kasiyahan ni Lui lang naman ang importante para sa kaniya. “Oo naman. Hintayin mo lang ako at darating ako.” Nang tumalikod na ang kaibigan, hawak ang kamay ng lalaking kinuha ito sa tabi niya, roon lang lamang tumulo ang mga luha na kanina niya pa pinipigilan. Sunod-sunod at walang tigil. Kahit palisin niya iyon ay tila gripo iyong lumalabas sa kaniyang mga mata. Tanging tapik na lamang sa kaniyang ulo ang nagawa ng mga madre. Kagabi ay natulog silang magkatabi, yakap niya si Lui nang mahigpit. Kagabi na ang huling halik na binigay nila sa isa’t-isa. Mag-isa na lang siyang magwawalis ng bakuran, titignan ang paglubog ng araw sa bubong, matutulog sa gabi na wala ito. Pero hindi niya babaliin ang kaniyang pangako, dadalaw siya rito. Simula noon ay pinag-ipunan niya ang pamasahe patungo sa bahay nila Lui. Alam niyang bahagya siyang matatagalan at hindi mabilis ang araw ng kaniyang kada dalaw, ngunit sigurado naman siyang hihintayin siya nito lagi. Nang sakto na ang unang pera sa pag-iipon mula sa mga nakuhang kita sa kanilang aktibidad tuwing linggo na paggawa ng mga gamit mula sa mga recycle na mga bagay na binebenta nila sa labas ng ampunan, masaya siya dahil madadalaw na niya si Lui. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at kinaumagahan ay nagpaalam nang aalis. “Sister! Aalis na po ako!” paalam niya. “Mag-iingat sa daan, ha? Ikumusta mo na lang din kami kay Lui,” paalala ng mga ito sa kaniya. Ang ibang mga bata na malapit kay Lui ay nais din sanang sumama, kaso masyado pang maliit ang mga ito para dalhin niya. Sinabi niya na kapag binata na sila kagaya niya ay maari na rin silang payagan ng mga madre na umalis mag-isa. Kabutihang palad at isang sakay lang ng bus ang destinasiyon niya. Lahat kasi ng mga sponsor ng ampunan ay may address ang mga madre maging ang kung sinong pamilya ang umampon sa isa sa mga bata roon. Alas-dos ng hapon ay nakarating na siya sa tutunguhan. Nalula siya sapagkat napakalaki ng tahanan ni Mr. Florencio. Nanginig pa ang kamay niya sa pagpindot ng doorbell. Pasalamat na lamang siya at nasa magandang pamilya napunta si Lui. Sigurado siyang maganda na ang kinabukasan nito. Doon manlang ay nabunutan siya ng isang tinik sa dibdib. Pinagbuksan siya ng gwardiya makaraan ang dalawang minuto sa labas. Pagkapasok ay isang nagtatakbong Lui kaagad ang sumalubong sa kaniya. Tumalon ito at yinakap siya. “Sancho! Narito ka na!” Natawa siya at yumakap pabalik. Na-miss niya ito. Sobra. “Kutis mayaman ka na, ah,” biro niya habang naglalakad sila papasok. Nagtaka lamang siya at hindi naman malamig pero balot na balot ito. Nanliit din ang mga mata niya nang makakita ng tila mga maliliit na pula sa leeg nito. Sa dalawang linggo mula nang manirahan ito rito ay medyo bumaba rin ang timbang nito. Nakaramdam siya ng pag-aalala. Hindi naman siguro ito minamaltrato o inampon para gawing alalay ni Mr. Florencio, hindi ba? “Ano ka ba, ako pa rin ito. Sadyang may mga kagamitan lamang dito na wala sa ampunan,” anito. Pagkapasok nila sa tila mansiyon na bahay ay mas namangha si Sancho. Dumapo ang paningin niya sa malaking litrato na makikita pataas ng hagdan na patungo sa ikalawang palapag ng bahay. Nakita niya ang pormal na larawan ni Mr. Florencio, pero pinagtakha niya at katabi nito si Lui na pormal din. Kung babae lamang si Lui ay maiisip niya na larawan iyon ng mag-asawa. Napailing si Sancho. Naisip niya na nahihibang na yata siya at kung ano-ano na ang naiisip niya. “Nasaan pala si Mr. Florencio?” bigla niyang tanong. Nakaupo na sila sa sala at may isang yaya na nagdala sa kanila ng juice at mga tinapay. Sa katanungan ay nakita niya ang pagkabalisa ni Lui. Tinignan niya rin ang yaya na narinig ang kaniyang katanungan at nakitaan niya ng alala ang mga mata nito nang sumulyap kay Lui. Mas sumama ang kaniyang kutob. “A-Ah… n-nasa trabaho siya, Sancho,” hindi makatingin sa kaniya na sagot nito. Marahan siyang tumango at ineksamina pa ang kabahayan. Sa kabila ng gara at laki, ramdam mo ang kakaibang lumbay sa paligid. Tila matagal nang mag-isa ang nakatira rito at tanging mga katulong lamang ang kasama. Marami ang kulay itim sa paligid at tila mga vintage ang mga gamit. Pakiramdam ni Sancho ay ganoon din ang tunay na ugali ni Mr. Florencio. Kasingdilim ng mansiyon nito. “Ganoon ba? Sayang naman at hindi ko siya mababati ngayon. Kinukumusta ka rin pala nila sister.” Sa sinabi ay bumalik na sa dati nitong sigla ang mukha ni Lui. Hindi na niya siningit si Mr. Florencio nang masaya na ang naging usapan nila, kapag kasi ganoon ay halata ang nilalabas nitong balisa. Inikot pa siya nito sa buong kabahayan hanggang sa bandang alas-kwatro ay napagpasiyahan na niyang umuwi at baka gabihin sa daan. Saktong papalabas na sila sa gate nang dumating si Mr. Florencio. “Oh, so you’ve visited.” Mapanuya ang boses nito na kinainis niya kaagad. Sinundan niya ng tingin ang bawat galaw nito at nang tumabi ito kay Lui, nanliit muli ang kaniyang mga mata nang dumapo ang kamay nito sa bewang ng kaibigan. Nang itaas niya ang paningin kay Lui ay nakita niya ang pamumutla nito at bahagyang pamamawis. Nangunot ang noo ni Sancho. May kaisipang naglaro sa utak niya, pero isinantabi niya muna iyon. “Oo, uuwi na rin naman ako. Babalik pa ako ulet,” diretso ang tingin sa mga mata ni Mr. Florencio niyang sagot. Ngumisi ito sa kaniya. Nais niyang kumprontahin ito. Kung anong klaseng turing ang ginagawa nito okay Lui simula nang tumira ito sa puder ng lalaki. Kung anak ba talaga ang turing nito kay Lui. Sa huling naisip ay napayamukos siya ng mga kamay. Nagpaalam siyang muli sa kaibigan at nang makalabas ay muli niyang tinanaw ang mansiyon. Alam niyang may mali, sigurado siya roon. Ngunit sasarilihin niya na lamang iyon dahil sigurado siyang walang maniniwala sa kaniyang mga hinala. Ilalabas niya si Lui sa bahay na iyon, pinangako niya iyon sa kaniyang sarili. Dahil ang mga ganoong klaseng titig na matagal na niyang na-obserba kay Mr. Florencio ay ang klase ng titig na nakikita niya noon sa mga mata ng mga costumer ng kaniyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD