KABANATA 8

1204 Words
KABANATA 8 8 Years Later… Sa loob ng walong taon, malaki ang nagbago kay Sancho. Nadepina hindi lamang ang kaniyang pagkatao kung hindi maging ang kaniyang katawan. Sa likod ng rehas ay sinubok siya, roon siya naging palaban at matapang. Walang araw na hindi niya pinapatatag ang kaniyang sarili at pinalalakas ang katawan. Lahat ng iyon ay para sa mga plano niya… kasama si Lui. Tatlong beses sa isang lingo noon ay binibisita siya ng mga madre sa kulungan, walang araw na hindi niya kinukumusta ang kaibigan. Labis itong na-trauma at lagi siyang hinahanap. Hindi niya maiwasang manlumo sa narinig. Labis siyang nahabag para sa kaibigang si Lui. Nalaman niyang madalas itong tulala, naghehesteriya, at paminsan pa’y tinatawag siya kapag dinadalaw ng takot dala ng bangungot ng nangyari. Nais man niyang pumunta kaagad sa tabi nito’y hindi maaari. Ipinaabot na lamang niya lahat sa kaniyang panalangin ang mga mangyayari. Alam niyang hindi sila pababayaan ng Diyos. Ngunit, makalipas ang isang taon ay nabisita na siya ni Lui. Bahagya na raw itong naka-recover sa tulong ng psychiatrist nito at ng mga madre na hindi ito pinabayaan sa lahat ng iyon. Labis itong namayat, ngunit para kay Sancho, napakaganda pa rin ng bawat ngiti nito. Iyon ang ngiti na sumalba sa kaniya noon, kaya ipinangako niya sa kaniyang sarili na ibabalik niya ang mga ngiti na iyon. Hindi na rin ito makahintay na makasama siyang muli. Wala itong ibang sinabi kung hindi ang hihintayin nito na muli ay magkasama sila. Lumipas ang walong taon, sa araw ng kaniyang paglaya ay buo na ang kaniyang mga plano. Matagal na niyang napag-isipan ang lahat, nakaipon na rin siya ng sapat mula sa pagtatrabaho nila sa likod ng selda. Ipagpapaalam niya sa mga madre na i-aalis doon si Lui. Magpapakalayo-layo sila, sa lugar kung saan gagawa sila ng bagong simula. Kung saan sila sabay na makalilimot at maging malaya. “S-Sigurado ka ba riyan, Sancho?” ang agad na sabi ni Lui sa kaniya, araw iyon nang makabalik na siya sa ampunan. “Siguradong-sigurado. Sasama ka ba sa akin, Lui?” Agad itong naluha at yumakap sa kaniya. Hindi niya napigilan na ikulong din ito nang mahigpit sa kaniyang mga bisig. Ito ang taong pinangako niyang poprotektahan sa kahit anumang makapananakit dito. Bahagya niya itong inalis sa yakap at pinunasan ang mga luha na kumawala sa mga mata nito. Puno ng pag-asa na tinitigan nila ang isa’t-isa. “Sasama ako. Kahit saan basta kasama kita, sasama ako, Sancho.” Malaki ang naging agwat nila sa pangangatawan ni Lui. Kung noon ay mas mataas pa ito ng kaunti sa kaniya, ngayon ay hanggang balikat na lamang niya ito. Katamtaman ang katawan nito habang siya ay mamasel na. Maputi ito habang siya ay nanatiling moreno. Ang buhok ni Sancho ay humaba hanggang balikat, pero hindi na niya pinaputulan. He seldom sports his hair into a manbun that made him more of a matured man despite his age of 27. Sa narinig na sagot mula kay Lui ay labis siyang nasiyahan. Hindi na siya naghintay pa ng sandali. Kaagad niya itong inaya para makapagpaalam. “T-Tama ba ang narinig ko, ijo?” gulat na sambit ng madre sa harap nila ni Lui. Magkasama silang nagpaalam sa mga ito, buo na ang desisyon. Matapang na hinarap ni Sancho ang mga madre habang hawak ang kamay ni Lui. Hindi niya ito pababayaan. “Opo, Sister. May ipon po ako, kaya ko pong buhayin si Lui at ang sarili ko. Magtatrabaho po ako. Huwag po kayong mag-alala at dadalaw pa rin po kami rito paminsan.” Nagkatinginan ang mga madre sa kaniyang kasagutan bago nila binalingan ang kaibigan. “Ikaw ba Lui ay sang-ayon?” “Opo. Sasama po ako kay Sancho.” Mukhang napanatag naman sila at walang pagkabahala na makikita sa kanilang mga mata. Kapwa hinawakan ng madre ang kanilang mga kamay. Nakaramdam man ng bahagyang lungkot, masaya si Sancho at naging ikalawang tahanan niya ang ampunan na ito. Ito ang lugar na bumuhay sa kaniya matapos na itakwil ng sariling ina. Ang nagsilbi na tunay niyang tahanan na hindi niya aakalain na makakamtan niya pa. “Panatag ang aking loob kung kayo ang magkasama. Mag-iingat lamang kayong dalawa, parati naming ipagdarasal ang inyong kaligtasan.” Hindi rin nagtagal ay nagbalot na sila ni Lui ng kanilang mga gamit. Nagpaalam sa lahat at sa huling pagkakataon ay inikot ang ampunan. May ngiti sa mga labi nilang tiningala ang bubong ng ampunan na naging hingahan din ni Lui sa loob ng walong taon na sila ay magkahiwalay. Sa kanilang pag-alis ay baon nila ang bagong pag-asa at bagong simula. Sabay at magkahawak kamay nilang haharapin ang bagong yugto sa kanilang mga buhay. Inayos niya ang ulo ni Lui na noo’y tulog na sa gitna ng byahe. Sakay sila sa bus na papunta sa isang probinsiya na malayo sa kanilang pinanggalingan. Ito ang probinsiya na sabi ng isa niyang kakosa ay masagana at madaling makabangon sa buhay lalo na kung gugustuhin mong lumipat. Umabot ng kalahating araw ang byahe nila. Nagpahinga rin sila sa isang kainan para palipasin ang tanghalian bago nakarating sa patutunguhan. “Kaya mo pa ba?” tanong niya kay Lui noong nasa bayan na sila at naghahanap ng matutuluyan. “Oo, basta ikaw ang kasama.” Sabay silang natawa. Hindi nagtagal ay nakakita sila ng upahan na sakto lang din sa kanilang dalawa. Makikita iyon sa may basketball court katabi ang napakaraming carenderia. Isang matandang lalaki ang may-ari at sobrang mabait. Nasa kanila ang swerte. “Ayos na ba kayong magkaibigan sa kwarto na ito?” tanong ng matanda nang sinamahan sila sa kanilang magiging kwarto. Maayos iyon bagama’t hindi kalakihan. May iisang higaan na katre, may maliit na telebisyon, palikuran, ang kainan ay sala na rin at may maliit ding refrigerator. Ang lutuan nama’y sa baba pa at kailangan makipag-share sa ibang nakaupa na maayos naman silang binati kanina. “Ayos na po ito, Tatay. Maraming salamat po,” si Lui ang sumagot. “Oh siya sige at aalis na ako mga ijo. Lapitan niyo lamang ako riyan sa baba kapag may kailangan pa kayo,” anito sabay alis. Pagod silang napatihaya sa katre na naroon. Miririnig ang ingay sa labasan habang matatanaw sa bintana na nasa taas lamang ng higaan nila ang madilim nang kalangitan. Napangiti si Sancho at nag-inat ng katawan. Bagong yugto, bagong pag-asa. Hindi nila alam kung ano ang mga manyayari, pero ang importante ay magkatuwang sila at magkasama. “Bukas na bukas din ay maghahanap ako ng trabaho,” ang biglang sabi ni Sancho. “Maghahanap din ako,” si Lui. Tipid siyang ngumiti rito at inayos ang ilang hibla ng buhok nito. “Huwag na, dito ka na lang at ikaw ang bahala sa ating tirahan.” Napanguso ito sa sinabi niya na kinatawa ni Sancho. Kilala niya si Lui, kahit sinabi niya iyon ay sigurado siyang tutulong pa rin ito sa kaniya sa pera. Hindi lamang niya mapigilang sumaya dahil ramdam na niya ang tunay na kasiyahan at ang maging malaya. Masaya siyang natupad ang plano niya kasama si Lui. Ang nais lamang niya ay mamuhay nang matiwasay kasama ito. Ngunit, nang makilala niya ang taong iyon ay hindi inaasahan ni Sancho na may kaya pa pa lang gumulo sa kaniyang mundo maging sa kaniyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD