Kanina pa siya palakad-lakad sa may pool area ng bahay nila.
Hindi siya mapakali matapos ang hindi sinasadyang pagkikita nila ni Harry sa mall.
Nais nitong magtungo siya bukas sa opisina nito para sabihin kung ano ang gusto nito.
"Kung nais mong makabawi sa kasalanan mo," sabi nito.
Wala siyang kasalanan sa nangyari.
Iyan ang pilit na sinisigaw ng isip niya.
Aksidente iyon. Walang may gusto.
Pero kinakain pa rin siya ng guilt. Dahil may nawalan at nasaktan.
Alam niyang hindi lang si Harry ang galit sa kanya.
Pati ang mga magulang ni Ashley.
Hindi lang nila siya masisi dahil isa siyang De Guzman.
Anak siya ng uupong alkalde sa bayan nila.
"Ano kayang sasabihin sa akin ni Harry?" tanong niya sa sarili habang kinagat-kagat ang daliri.
Paikot-ikot siya.
"Hindi naman siguro niya ako papatayin," bulong niya.
Humugot siya ng malalim na paghinga.
Naalala niya ang eksena sa ospital.
Halos sakalin na siya ni Harry noon.
Napahawak siya sa leeg. Para pa rin niyang nararamdaman ang mahigpit na mga kamay nito.
Wala pa siyang napagsasabihan sa mga kaibigan tungkol sa usapan nila ni Harry.
Pipigilan lang siya ng mga ito. Alam nila kung gaano kagalit si Harry sa kanya.
Sasabihin ng mga ito na mapapahamak lang siya kung pupunta.
At iyon din ang iniisip niya.
Na baka mapahamak siya.
"Bahala na bukas," desisyon niya. "Pupunta ako at haharapin ko si Harry. Wala akong kasalanan. Aksidente ang nangyari."
Haharapin niya ito para makapagpaliwanag. Ididiin niyang wala siyang kasalanan.
Nasa ganong pag-iisip siya nang tumunog ang cellphone sa bulsa.
Pangalan ni Marvin ang nasa screen.
Napabuntong-hininga siya at nagkibit-balikat.
Mula nang malaman ni Marvin na naghiwalay na sila ni Alex, panay paramdam na naman ito.
Pero kahit anong gawin nito, wala siyang nararamdaman para sa kaibigan.
Nais niyang hindi sagutin.
Pero baka makahalata ito na umiiwas siya.
Kaya kahit ayaw niya, sinagot niya pa rin.
"Hello," sagot niya.
Gaya ng inaasahan, wala namang importante.
Makikipagkwentuhan lang ito. At isisingit na naman ang panliligaw—bagay na minsan kinaiirita na niya.
---
Kinabukasan, tanghali na siyang nagising.
Buong gabi siyang hindi nakatulog kakaisip kung pupunta ba o hindi sa opisina ni Harry.
"Good morning po, Ma’am," bati ng isa sa mga kasambahay.
Tumango lang siya at naupo sa mesa.
"Nakaalis na silang lahat?" tanong niya habang nagsasalin ng kape.
"Opo, Ma’am. Ang Daddy niyo po maagang nagtungo sa munisipyo. Ang Mommy niyo naman po, inasikaso ang ibang mga tauhan ng Daddy niyo para sa kampanya," sagot ng kasambahay.
Parang alam nito lahat kung nasaan ang mga magulang niya.
"Si Kuya Zandro?" tanong niya habang nagsisimulang kumain.
"Nasa farm na rin po."
"Sige, salamat. Pakisabi na lang sa driver na i-drive ako mamaya. May pupuntahan ako," bilin niya.
Pagkaalis ng kasambahay, buo na ang desisyon niya.
Pupunta siya sa opisina ni Harry.
Aalamin niya kung ano ang gusto nito para mapatawad na siya.
At para kahit papano, mabawasan ang guilt.
Dalawang buhay ang nawala kay Harry. Kaya hindi niya ito masisisi kung galit na galit ito sa kanya.
Matapos kumain, nagtungo muna siya sa pool para mag-swimming.
Iyon na ang naging exercise niya.
Ngayon lang ulit siya nakapag-swimming mula sa aksidente.
Magaling na lahat ng sugat niya. Nag-iwan lang ng bakas.
Maayos na rin ang paa niya. Kumuha sila ng magaling na therapist kaya mabilis siyang gumaling.
She is now fully recovered. She can walk on her feet like before.
Ang hindi lang niya kayang i-recover ay ang nangyari kay Ashley at sa magiging anak nito.
Pagkatapos mag-swimming, naghanda na siya.
Pinili niyang magsuot ng elegante. Iyong magmumukha siyang matalino.
Business attire suit na kulay beige—wrap blazer, corset, at high-rise pants.
Mahilig siya sa mga ganito. Mas confident siya kapag ganoon ang suot.
She can pull it off well. Sexy, pero professional.
Naglagay din siya ng kaunting make-up.
Sinuot niya ang mga mamahaling alahas niya.
Hindi para magyabang. Mahilig lang talaga siya.
Minsan hinihiram pa niya ang mga alahas ng Mommy niya kapag walang match sa mga sariling jewelries niya.
Isinuot niya ang kulay tan na heels.
At pinaliguan niya ng pabango ang sarili.
Bakit siya nag-aayos para kay Harry Leonardo? Hindi niya alam.
Pwede naman siyang pumunta kahit naka-pambahay lang.
Hindi naman business proposal ang pag-uusapan nila.
But still, she wants to look elegantly beautiful.
Nagpahatid siya sa family driver nila papuntang Leonardo Group of Companies.
Ito ang pinakamalaking kompanya ng sasakyan sa San Miguel.
Iyon lang ang alam niya.
Hindi siya business person. Wala siyang pakialam kung sino ang may negosyo sa bayan nila.
Pero sikat siya roon.
Dahil anak siya ni Fernan De Guzman, ang susunod na mayor.
Sigurado ang panalo ng ama. Matulungin ito at may nagawa naman.
At malaking tulong din si Kuya Zandro sa pangangampanya.
Gwapo kasi si Kuya. Malakas ang dating sa mga tao.
Huminto sila sa isang matayog na building.
Magkakatabi ang mga showroom ng iba’t ibang brand ng sasakyan.
Karamihan luxury cars. Para lang sa mayayaman.
Humugot siya ng malalim na paghinga at tiningala ang building mula sa loob ng kotse.
"Harry Leonardo," bulong niya.
Agad siyang bumaba nang pagbuksan siya ng driver.
Sinabi niyang tatawagan na lang niya ito kapag uuwi na.
Taas-noo siyang naglakad papasok.
Wala siyang mapipintas sa loob.
Maganda, malinis, at moderno.
"Good afternoon, Ma’am," magiliw na bati ng babae sa front desk.
"Hi, I'm Ysa De Guzman," pakilala niya. "I have an appointment with Mr. Harry Leonardo."
"Yes, Ma’am. Mr. Leonardo is expecting you," sagot nito.
Tinawag nito ang isang lalaking naka-puting polo para ihatid siya.
"No, I can handle it," tanggi niya. "Just tell me what floor."
Itinuro naman agad ng babae kung saan ang opisina ni Harry.
Ganoon pa rin ang lakad niya palabas.
Nakataas ang baba. Puno ng confidence.
Kung makalakad siya, para siyang may-ari ng buong building.