Chapter 1: Bahay-aliwan (Part 1)
Malapit nang magtakipsilim subalit nag-aabang pa rin ang mga estudyanteng babae sa ilalim ng malaking puno. Panay ang tingin nila sa mga pumapasok na dyip sa isang kampo ng mga sundalo.
"Nakatatlo na ang dumaan pero wala pa rin siya," pagrereklamo na ng isa sa mga magkakaibigan. "Tara na nga; umuwi na tayo at baka makagalitan pa tayo ng mga nanay natin! Alam niyo naman na bawal sa atin ang magpagabi at paniguradong mapapaluhod na naman tayo sa munggo kapag hindi tayo umabot sa pagdarasal ng angelus sa bahay!"
"Sandali!" pagbabakasakali pa rin ni Ines, ang pinakapilya sa magbabarkada. Kahit malayo-layo pa ay nakita na niya ang binatang lulan ng pandigmang dyip na ginagamit nilang mga sundalo sa pagroronda sa Tarlac. "Ayan na ang sinasabi kong warrior angel!"
Halos sabay-sabay nilang nilabas ang mga aklat upang magkunwaring nagbabasa at hindi nga inaabangan ang lalaking hinahangaan.
"Huwag kayong magpapahalata na atat kayong makita ang tinyente!" pagsaway niya sa mga sumisilip sa libro pero siya naman ang tingin nang tingin sa kinaroroonan ng dyip.
Impit na paghagikgik ang nagmula sa kanya nang bumaba na ang mestisong binata mula sa sasakyan. Kahit na nakababa ang tingin sa lupa ay kapansin-pansin ang mala-abong mga mata nito na kapag tinatamaan ng sikat ng araw ay tila ba nagniningning at nagiging puti na.
"Siya ba ang tinutukoy mo na guwapong dayo?" pag-uusisa ng kasamahan.
"Oo! Ang pogi niya, 'di ba?"
"Oo nga! At mukhang naliligo palagi at amoy mabango pa! Hindi katulad ng mga kaklase natin na parang laging malibag!"
"Ssshhh! Grabe ka sa classmates natin! Cute rin naman sila, pero ibang level talaga ang tinyente na 'yan!"
"Ilang taon na kaya siya? Parang ang bata pa niya at 'di nalalayo sa edad natin!
Bulungan man ay 'di nakalagpas sa matalas na pandinig ng hinahangaang binata ang pahayag nila. Pagod man sa biyahe ay bahagya itong napangiti sa sinasabi ng naggagandahang mga kolehiyala. Tunay naman na 'di sila nagkakalayo ng mga edad dahil kabebeinte años pa lamang niya kaya katulad nila ay nasa edad din siya na nagkaka-crush pa at may kapilyuhan pa rin.
"Anong pangalan niya?"
"Pablo raw," kinikilig na tugon ni Ines. "Second Lieutenant Sandoval."
Taong 1954, may namuhay na kakatwang sundalo na nanilbihan sa mga kampo ng Central Luzon. Ang pangalan niya ay Pablo at kilala siya ng mga kasamahan bilang mahusay na mandirigma at tagaprotekta sa unit nila.
Kasalukuyan siyang nakadestino sa kampo ng Tarlac kung saan may nakatayong eskuwelahan sa tapat. Dahil sa bata pa, makisig, at maganda ang pinaghalong lahi ng Pilipino at Kastila, sadyang kapansin-pansin siya sa mga babaeng estudyanteng naroon.
Nasa kanya man ang mga katangiang kahanga-hanga, kinukunsidera naman siyang kakaiba ng iilang mga nakakasamuha. Bali-balita na may pagkab@liw raw ito dahil sa mga sinasabi at kinikilos nito na hindi raw normal sa isang tao.
Pagkababa sa sasakyan ay lumingon siya sa gawi ng mga dalagang nakatitig sa kanya. Ngumiti siya sa kanila kaya nagsihagikgikan at kinilig naman ang mga ito. Pasimpleng kumaway si Ines at bilang ganti sa pagbati ay sumaludo naman siya.
Subalit, napasimangot din siya kaagad nang mahagip ng paningin ang itim na aninong nasa may likuran ng punong pinaglalagian ng mga dalaga. Lumapit ito kay Ines at hinawakan pa sa braso. Sininghot-singhot pa nito ang walang kamuwang-muwang na kolehiyalang tuwang-tuwa pa na napansin ni Pablo.
"Kahit maaga pa ay hindi na maawat ang masasamang elemento!" naisip ng batang tinyente.
Dahil sa pag-aalalang sasaktan pa nito ang dalaga ay dali-dali siyang nagtungo sa kinauupuan nito at ng mga kasamahan.
"Lumalapit siya rito!" sabik na sinambit ni Ines sa pag-aakalang napansin ng binata ang kagandahan niya at magsisimula nang magpakilala at ligawan siya. "Kung makatitig naman, eh! Nakakatunaw!"
"Ikaw kaya ang pakay niyan?" pabulong na sinabi naman ng kasamahan. "Baka naman ako! Hihihi..."
"Che! Ako kaya ang tinitignan, ano!"
"Baka naman akala mo lang!" umiikot ang mga matang pang-aasar pa nito. "Lamang ka lang ng polbo sa akin!"
"Excuse me! With powder or no powder, maganda ako!"
Halos tumulo ang laway ni Ines nang mas lumapit sa kanila si Pablo. Sa tangkad, ganda ng katawan, at tindig nito na pangmandirigma ay dumagdag pa sa kanya ang pogi points nito.
"Parang nananaginip yata ako!" hiyaw ng isipan ni Ines. "Pablo ko, kapag niligawan mo ako, walang pakipot pa! Oo na kaagad!"
Wala siyang kaalam-alam na sa likod ng poging imahe ay may kakaibang misteryo ito sa pagkatao. May third eye pala ang dream boy niya at mahilig pang makipag-usap sa mga multo at lamanglupa. Hindi niya inaasahan na sa isang iglap, ilalantad nito ang kasindak-sindak na karanasang hindi niya makakalimutan habambuhay.
"Miss," pagtawag nito. Halos manghina ang tuhod niya nang marinig pa ang boses nito na lalaking-lalaki pero magaan at malamig sa pandinig.
"Y-Yes?" pagpapa-charming pa niya gamit ang matinis na tinig.
Panandaliang tinitigan lang siya ni Pablo na hindi pala alam ang nararapat sabihin dahil nababahala siyang katatakutan na naman.
"Ano 'yun, sir?" pag-uusisa ni Ines habang namimilog ang mga mata.
"Huwag kayong mabibigla, neh?" pagsasabi na nito. "May ipagtatapat kasi akong kakaiba..."
"Okay!" tugon naman ng dalaga. "Ano ba kasi 'yun, tinyente?"
"Tumayo kayo riyan kasi may kapre riyan sa puno..."
"H-Ha?"
"Bilisan niyo kasi may pagkam@nyak ang nilalang na iyon! Hinawakan ka na nga! Hindi mo ba naramdaman na may kakaiba?"
"A-Ano?" namumutlang bulalas ni Ines. Napatayo siya nang dahil sa pagkabigla at nagpalingon-lingon sa paligid. "T-Totoo ba ang kapre?"
Tunuro ni Pablo ang braso nito at pinakita ang marka ng kamay na parang paso pa sa balat.
"Tignan mo ito. 'Yan ang marka na iniwan ng kapre. Halikayo at magtungo sa Simbahan upang manalangin at magpabasbas kayo sa pari--"
Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay biglang nahimatay na si Ines. Mabilis naman niyang nasalo ito at binuhat palayo sa puno. Pagkahawak pa lang ay ramdam niya na biglang inapoy na ito ng lagnat. Tinawag niya ang mga kasamahan upang matulungan siyang madala sa malapit na ospital ang dalaga.
Kinabukasan, kahit madaling-araw pa lamang ay sumugod na ang ama't ina ni Ines sa kampo upang ireklamo si Pablo. Pinagbintangan nila ito na sinindak ang anak kaya nilagnat ito at natatakot nang pumasok pa sa eskuwelahan. Nanghingi na lang ng dispensa ang senior officer na si Adriano Montero at nangakong didisiplinahin ang tinyente upang hindi na lumaki pa ang gulo.
Dahil doon ay inis na inis na sinugod ng kapitan si Pablo na kasalukuyang naliligo pa lamang sa banyo. Umaawit pa siya nang mahina at naglalaro ng mga bula hanggang sa matigilan siya nang marinig ang mga yabag ng naghuhurimintadong lalaki.
"Nararamdaman ko na lagot na naman ako!" Dali-dali niyang kinuha ang tuwalya at pinalupot sa may baywang. "Bakit ba palagi na lang ako nalalagay sa gulo samantalang gusto ko lang naman tumulong?"
"Sandoval!" dinig niya ang pagsigaw ni Adriano. Dumagundong pa ang malaking boses nito sa kubeta ba tila ba nais nga siyang ibaon nang buhay.
Patakbo siyang nagtungo sa dulo ng communal bathroom at sinipa niya ang isang cubicle na may dumudumi pang kasamahan.
"Hoy!" pagsaway nito. "Privacy naman!"
"Sorry na, neh? Emergency lang!"
Pilit niyang pinatayo ang lalaki na dismayado dahil constipated ito at kaunti na lang ay mailalabas na ang dumi. Isinara niya ang inidoro at tumuntong doon.
Hinagis niya isa-isa ang bitbit na mga damit sa maliit na bintanang nasa tuktok ng banyo. Dinig ang pagkantiyaw ng mga kasamahan na kasabayan niyang naliligo roon.
"Lagot ka, Sandoval! Ginalit mo na naman si Kapitan!"
"Nasaan si Pablo?" galit na pag-uusisa ni Adriano kaya natahimik silang lahat. "Ilabas niyo siya o malilintikan kayong lahat sa akin!"
Sabay-sabay naman nilang tinuro ito sa dulong cubicle kung saan sapilitang pinalabas ang nakasimangot na kasamahan.
Akmang susugod nga ang kapitan sa cubicle na pinagkukublian ni Pablo pero mabilis naman siyang napagsarhan.
"Put@ngin*! Buksan mo ito at harapin mo ako!"
Aligagang lumusot si Pablo sa maliit na bintana. Dahil sa makipot ang lagusan ay aksidenteng sumabit pa ang ilalim ng puson niya sa nakausling kahoy sa ibaba, dahilan upang mapangiwi siya sa sakit.
"Susmary*sep! Huwag naman sanang ito ang maging dahilan ng pagkamat*y ko!" napadasal pa siya bigla dahil sa pagkalamog. "Nakakahiya kapag nilagay sa eulogy ko na napisat ang itlog ko!"
"Sandoval!" pagtawag pa rin ni Adriano. Sinimulan na nitong itulak-tulak ang cubicle kaya wala siyang magawa kundi tiisin ang sakit at ipagsiksikan ang sarili sa bintana upang makaalis sa lugar. Huminga siya nang malalim at sa isa pang pagkakataon ay hinatak niya ang sarili palabas.
Bumagsak siya sa damuhan na tanging tuwalya lamang ang suot sa ibaba ng katawan. Nagkataon pa na may mga dumadaang mga madre sa tapat ng kampo kaya napa-sign of the cross ang mga ito nang makita siya. Nahihiyang napangiti na lang siya habang pinupulot isa-isa ang mga damit.
"Sandoval, huwag mo akong tatakasan!" dinig niyang pagbabanta ng kapitan mula sa banyo. "Pagsisisihan mo 'yan kapag umalis ka ng kampo!"
"Bahala ka riyan, aalis na talaga ako!"
Napahiyaw ang mga babaeng naglilingkod sa Simbahan nang nagtatakbo pa siya sa gawi nila at sumabay pang sumakay sa bus. Tahimik na umupo lang siya sa sulok at pinagpag ang mga damit. Napamura pa siya nang malamang naiwan pala ang pantalon niya.
"Nawawala ang pang-ibaba ko..." Napatapik na lang siya ng noo nang dahil sa pagkadismaya. "Hindi pa naman ako sanay na nakasalawal lang! Hindi ko yata kakayanin na mag-bottomless! Giginawin ako!"
"Diyos na mahabagin! Hijo, bakit ka ba naghuhub*d kung saan-saan?" pag-uusisa ng mas pinakamatandang madre habang umuupo sa may tabi niya. "Hindi ka ba nahihiya sa ibang mga pasahero dito?"
"Po?" wala sa wisyong nasambit niya.
"Pinagtitinginan ka rito! Hindi mo ba alam?"
Pag-angat ng tingin ay natanaw nga niya na halos walang kakurap-kurap na tinititigan nga siya ng mga nasa bus. Tinakpan ng isang lola ang mga mata ng apong tuwang-tuwang makakita ng poging lalaking halos wala ng saplot sa katawan at basang-basa pa.
"Hindi naman po siguro masyadong nakakahiya kung hindi niyo ako pakatitigan! Nice view po ba?" pabirong tugon naman niya upang mapagaan sana ang sitwasyon subalit ikinapikon pa iyon ng konserbatibong madre.
"Bastos kang bata ka, ha!" Bahagya siyang kinutusan nito upang paalalahanan na wala sa lugar ang pagbibiro niya.
"Aray naman! Joke lang po 'yun!"
"Kayo talagang mga kabataan, pasalbahe kayo nang pasalbahe! Matuto kang rumespeto sa nakatatanda sa iyo!"
"Pasensiya na po," sising-sisi na paghingi naman niya ng paumanhin. "May tinatakasan lang kasi ako. Sorry na po sa inyong lahat!"
"Sino?" may pag-aalalang sinabi ng Alagad ng Simbahan. "Sino ang tinatakasan mo? 'Yun bang nasa kampo? May nambu-bully ba sa iyo?"
Hindi na siya sumagot pa dahil personal ang 'di pagkakaunawaan nila ni Adriano at ayaw na niyang ipagkalat pa. Isinuot na niya ang t-shirt at salawal upang hindi na siya pagpiyestahan ng tingin doon at manganib pa na mapababa sa gitna ng highway.
"Sister," may paglalambing na pakikiusap na niya, "puwede na lang po bang humingi ng pabor?"
"Ano 'yun, anak?"
"Puwede pong pautang ng pamasahe?" Napakamot pa siya sa ulo nang dahil sa kahihiyan na nagpakita na siya nang 'di kaaya-aya, manghihiram pa siya ng salapi. "Babayaran ko na lang po kapag nakuha ko na ang wallet ko."
"Hay naku, hijo. Ililibre na kita basta magtino ka, ha!"
"Nakakahiya naman. Basta po, magbabayad ako. Saan po ba kayo naninilbihan na kumbento para doon ko ihahatid ang pera?"
"Hindi na," pailing-iling na pagtanggi nito. "Basta magpakabait ka! Mag-behave ka para naman matuwa si Lord sa iyo!"
Kinuha nito ang munting pitaka sa abito at tinawag ang konduktor.
"Heto, hijo." Inabot nito ang mga barya sa lalaki. "Bayad namin ng mga kasamahan ko at ng pilyong binatang ito!"
Muli ay napakamot na lang ng ulo si Pablo at hiyang-hiya na ngumiti sa butihing madre.
"Salamat po..."
Sumandal na siya sa kahoy na upuan at panandaliang pumikit upang magpahinga. Pagmulat ay tumambad sa kanya ang istrakturang tinuturing na pugad ng mga babaeng mababa ang lipad. Tanaw niya ang ilang mga nagtatrabaho roon na nakasilip sa may pintuan.
Kung ang iba ay panghuhusga ang nararamdaman sa mga kapuspalad na babae, siya naman ay pagkahabag. Kitang-kita niya ang lungkot sa mga mata nito na tila ba may hinihintay sila na 'di niya maunawaan kung ano.
"Kawawa naman..."
Subalit, ilang metro pa lang na nakalalayo ay may naramdaman na siyang negatibong enerhiya na nagmumula sa bahay-aliwan.
Napansin ng madre ang pagkabalisa niya at biglaang paglingon sa may bintana na tila ba may sinusundan siya ng tingin.
"Bakit, hijo?" pag-aalala nito.
"May naramdaman po kasi ako--" natigilan siya sa pagsasalita dahil nabahala siyang katatakutan at kagagalitan muli kung ilalantad man niya ang napansin sa lugar. Napapagod na rin siyang magsabi at hindi paniwalaan sa mga bagay na 'di maipapaliwanag ng siyensiya maging ng relihiyon. Sawang-sawa na rin siyang matawag na sinungaling at b@liw kaya pinili niyang ilihis na lang ang usapan.
"Wala lang po," pagbawi niya sa sinabi. "Akala ko lang kasi may nakita akong kakilala roon..."
"May kakilala ka roon sa bahay-aliwan?" 'di makapaniwalang bulalas ng madre. "Hijo, huwag kang pupunta roon kasi lugar iyon ng kasalanan. Huwag mong sisirain ang buhay mo sa pakikipaglaro sa iba't ibang bayarang mga babae! Malaking kasalanan din ang pakikipagt*lik na hindi pa kasal!"
Tumango na lang siya at 'di na umimik pa.
Subalit, patuloy pa rin na bumabagabag sa isipan kung anong klaseng kaluluwa, elemento, o itim na kapangyarihan ang naroon sa bahay-aliwan...
-ITUTULOY-