Ako po si Pablo, 20M*. Kilala mo na ako, pero makikiuso lang sa introduction. Magshe-share lang ng problema kasi napakasakit, Author Wiz. Ang bigat-bigat sa pakiramdam ko. Nakapanglulumo...nakakaiyak...saan ako nagkamali?
(*20 years old, Male)
Ibabahagi ko ang isa sa mga pinakahangal na desisyong nagawa ko sa tanang buhay ko. Kung hindi lang kasalanan na magpasabog ng buong probinsiya ay baka nagawa ko na upang napagtakpan lamang ang kahihiyan na nangyari sa akin. Nais ko na lang makalimot. Next time po, author, gawin mo na lang akong karakter na punong mangga para 'di na ako makaramdam. Kaya lang pala, baka ukitan lang ako ng "I love you" ng mga magkasintahan kaya huwag na lang. Ayaw kong makasaksi ng ganoon. Susugatan lang ang katawan ko pero maghihiwalay lang naman.
Oo nga pala, may maayos naman ako na trabaho bilang tinyente, hindi naman ganoon kapogi (slight lang), at matalino naman daw pero may pagkat@nga minsan. Kung tutuusin ay okay naman sana ang buhay ko kaya lang ay namomroblema talaga ako sa mga babae.
Sanay naman na ako na may mga naghahabol, pero ito ang isa sa mga pinakamabangis na natagpuan ko.
Nagsimula ito nang lumipat ako ng nirerentahang silid na malapit sana sa aming kampo. Pagkalipat pa lang ay napansin ko na ang lagkit ng tingin ng anak ng may-ari ng bahay. Nag-alok pa ito ng meryenda nang matapos kong maghakot ng mga gamit ko. Akala ko ay palakaibigan lang ito dahil bagong tenant lang ako, hanggang sa halos araw-araw na pala ako nitong inaabangan. Kapag ginagabi ay inuusisa pa ako nito kung saan ako nanggaling at kung may nakatagpuan daw ako.
"Galing ako sa trabaho," simpleng sagot ko sa pagtatanong niya.
"Baka may babae ka na!" nakapamaywang na sinabi naman ni Baby.
"Babae? Kakagaling ko lang sa madug0ng misyon kaya mas nanaisin ko na lang na magpahinga..."
"Sinabi mo, eh! Hmph!"
Pagkatapos ay iniwan niya ako at hindi na kinibo ng ilang araw. Hindi ko talaga alam kung bakit kapag nakikita niya ay ako iniirapan niya ako at dinadabugan pa. Dahil sa ayaw ko naman na may nagtatampo sa akin ay naisipan ko na amuin siya, lalo na at siya ang naniningil ng renta at nabahala ako na baka bigla niyang itaas ang pinababayad kung magkagalit kami.
Nang maagang makauwi ay pinasalubungan ko siya ng puto at pansit. Tuwang-tuwa si Baby kaya mukhang nakalimutan na niya ang pagtatampo sa akin na 'di ko mawari kung ano talaga ang dahilan.
Naging maayos na ang pakikitungo niya, pero napansin ko lang na dikit siya nang dikit sa akin. Kahit napakaaga pa sa umaga ay kakatukin pa niya ako upang saluhan daw siya sa almusal na hinanda niya. Kapag wala akong trabaho ay magpapasama pa siya kung saan-saan. Minsan nga ay inutusan pa niya ako na bilhan siya ng mga rosas. Naisip ko na lang na baka dahil sa nag-iisang anak ay kulang siya sa pansin kaya pinagbibigyan ko na lang.
Akala ko ay maayos ang pagkakaibigan namin hanggang sa minsan ay may naligaw na magandang kolehiyala sa lugar namin. Nagtatanong lang naman ito kung sana maaring sumakay upang makauwi na sa kanila. Dahil sa mukhang walang kaalam-alam ang dalaga ay nagkusa na akong samahan siya sa estasyon ng bus. Hindi ko inaakala na ang inosenteng akto pala ay magdudulot ng delubyo sa akin.
Habang nag-aabang ay nagulat ako nang bigla akong sinugod at pinaghahampas ni Baby. Pagkatapos ay akmang sasabubutan pa sana niya ang walang kamuwang-muwang na estudyante pero napigil ko lamang.
"Sandali, ano bang nangyayari sa iyo?" tanong ko habang inaawat na siyang mag-eskandalo.
"Makikipagtanan ka sa babaeng 'yan, 'di ba?" nanlilisik ang mga matang pahayag niya na muli ay pinagtaka ko na naman. "Salawahan ka! Manloloko!"
"Teka lang, neh? Nalilito na talaga ako sa iyo. Walang tanan na nagaganap dito!"
"E sino ang babaeng 'yan?"
"Ngayon ko lang siya nakita. Hinatid ko lang siya sa bus station kasi naliligaw..."
"Pare-pareho lang kayong magdahilan na mga lalaki. Pinaasa mo ako! Akala ko pa naman nililigawan mo na ako!"
Muli ay pinaghahampas niya ako at pinagbataan pa ang kolehiyalang kasama ko na sasabuyan niya raw ito ng asido sa mukha kaya nainis na ako. Napahiya na rin ako dahil pinagtitinginan na kami ng mga tao.
"Paanong pinaasa kita? Hindi kita nililigawan! At kahit manligaw man ako ng iba, wala ka ng pakialam doon!"
Nakita ko kung paano siya natulala sa mga pahayag ko. Nanlulumong napaupo na lang siya sa waiting shed. Dinig ko ang paghikbi niya kaya nakonsensiya naman ako.
"Baby, pasensiya na kung tumaas ang boses ko..."
"Akala ko mahal mo na ako...binilhan mo pa ako ng roses, 'di ba?"
"Pero hindi ba," pabulong na pinaalala ko sa kanya na mas ikagagalit pala niya. "inutusan mo lang ako bumili? Ang sabi mo pa nga, ilalagay mo sa altar?"
"Che! Bwis*t ka! Napakamanhid mo talaga! Isa kang bato! Wala ka ba talagang puso o t*nga ka lang?"
Tumakbo siya palayo at iniwan nga ako sa estasyon ng bus. Napakamot na lang ako ng ulo dahil hindi ko talaga siya maunawaan.
Lumipas ang mga araw at hindi niya ako kinibo pa. Gaya nga ng inaasahan ay tinaas niya ang renta ko sa bahay. Pinagtiyagaan ko pa rin na manatili dahil malapit nga sa trabaho at abala na naman kung maglilipat ako.
Wala akong kaalam-alam na may masama na pala siyang pinaplano. Isang malamig na gabi, pagbabalakan pala niya akong pikutin.
Pinagtimpla niya ako ng gatas at inalok akong inumin iyon. Nagpumilit siyang pumasok sa silid upang tignan daw kung may kailangan bang ayusin doon. Pinatong niya ang dalawang baso sa mesa at umupo.
Dahil sa gusto ko na lang matulog at hindi ako mahilig sa gatas, sinabi ko na lang na sumasakit ang tiyan ko sa ganoong inumin. Tumawa lang siya at pinilit pa rin ako na uminom kasi sayang naman daw. Nagtaka na ako dahil may kakaiba sa kulay ng gatas na tila ba maitim-itim at may amoy na kakaiba. Sinabi pa niya na peace offering iyon kaya huwag daw akong tatanggi.
Subalit, duda talaga ako sa gatas kaya naisipan kong ilihis ang atensiyon niya. Tinuro ko ang sahig at sinabi na may ipis, dahilan upang magtitili siya. Sa panandaliang pagkaaligaga niya ay pinagpalit ko ang mga baso namin.
"Wala naman ipis, eh!" napagtanto niya.
"Meron kanina," pagdadahilan ko naman. "Lumilipad pa nga."
"Kadiri naman!" Lumingon-lingon muna siya na tila ba nakikiramdam kung may tao ba sa labas ng silid. Pagkatapos ay natuon ulit ang atensiyon niya sa gatas at muli ay pinilit akong inumin iyon. "Lalamig na 'yan. Sige ka, magtatampo ako ulit at sasabihin kay Inay na doblehin ang renta mo..."
Tumayo na ako at hinatak ang upuan ko palapit sa kanya. Kinuha ko ang kamay niya at pinahawak ang basong naglalaman ng inuming magpapahamak pala sa akin. Ramdam ko ang lamig at pagpapawis ng mga palad niya na tila ba kabado siya sa gagawin sana sa akin.
"Sabay na tayong uminom ng gatas, neh? Pagkatapos, mag-uusap tayo nang masinsinan..."
"Uhm...s-sige!" Napalunok siya nang malapot nang kindatan ko pa siya. Walang ano-ano pa ay nilagok niya ang gatas. Naghintay ako ng ilang sandali pero wala naman nangyari kay Baby. Pasalamat naman ako na nagkamali sa pag-aakalang may masama siyang balak na patulugin at pikutin ako. Marahil, talagang nagpapapansin lang siya.
"Bakit 'di mo pa iniinom ang gatas mo?" pag-uusisa niya. "Unfair ka, ha!"
"M-Medyo kumukulo kasi ang tiyan ko kaya--"
Hindi na ako nakatapos magsalita nang biglang bumukas ang pintuan. Tumambad ang ama't ina niya na parehong nanlilisik ang mga mata.
"Anong ginagawa mo sa unica hija namin, ha?" pagtatanong ng ama niya habnag dinuduro-duro ako.
"Wala naman po, nagkukuwentuhan lang," mabilis na tugon ko naman.
"Totoo ba ang sinasabi ng lalaking ito?" pagturan naman niya kay Baby. "Walang disenteng babae ang pumupunta sa silid ng lalaki! Hindi ka namin pinalaking ganyan!"
"S-Siya po kasi," nangingiming pagpapasa niya ng sisi sa akin habang nakatungo ang tingin. "Pinilit niya kasi akong uminom dito sa kuwarto niya. Sabi ko nga, sa labas na lang, pero siya ang mapilit!"
"Walanghiy* ka pala, eh!" Dali-daling nagtungo sa kusina ang ama niya at kumuha ng itak. Sinugod niya ako at akmang tatagain nga kung hindi lang ako nakailag. Dinig ko ang pag-awat ni Baby at ng ina niya pero sadyang 'di mapigil ang naghuhurimintadong ginoo.
"Sandali! Huminahon po kayo! Misunderstanding na naman ito! Baby naman, huwag kang magbiro nang ganyan!"
"Ginagawa mo pang sinungaling ang anak ko! Ipapa-baranggay kita! Isusumbong kita sa senior officer mo--'yun ay kung makakalabas ka nang buhay rito!"
"Wala po akong ginagawang masama!" pagrerelakmo ko na. "Ayaw ko na talagang makisalamuha sa mga babae! Palagi akong nalalagay sa alanganin, pero hindi pa rin ako matututo-tutong umiwas!"
Sa gitna ng komosyon ay saktong umepekto na pala ang pampatulog na nilagay ni Baby sa gatas. Nawalan siya ng malay kaya kahit naiinis man ako ay sinalo ko pa rin siya at inalalayan. Pinaypayan siya ng ina habang hinihiga ko siya sa kama.
"Tignan mo ang ginawa mo sa kaisa-isang anak ko na inalagaan ko ng labinsiyam na taon!" paninisi pa ng ama niya sa akin. "Sabi na nga ba at hindi na dapat kita pinagkatiwalaan! Nararapat na panagutan mo lahat ng gulong ito!"
"Po? Anong gulo?"
"Panagutan mo ang anak ko! Kaya siya nawalan ng malay dahil nabuntis mo siya! Bukas na bukas din ay kailangan niyo nang maayos ang pagpapakasal!"
"Hindi po siya buntis!" bulalas ko na. "Tanungin mo siya, sa malamang siya nga dahilan kung bakit nawalan siya ng malay!"
"Buntis siya!" pagmamatigas pa rin nito. "Napansin ko na tumakaw siya at medyo tumaba kasi nagdadalang-tao na pala siya! Ilang raw ba ang lumipas noong may nangyari sa inyo? Hindi dapat mahalata ng mga kapitbahay ang paglaki ng tiyan niya kaya nararapat na maikasal kayo kaagad!"
"Kasal? Santisima!" Napa-sign of the cross na lang ako dahil sa pangambang tuluyan nang napipikot. "Ayaw ko na po talagang maging si Pablo! Okay na akong maging second leading man--'yun cute lang na medyo lampa at pagkatapos, taga-cheer lang sa mga bida sa tabi-tabi..."
"Niloloko mo ba kami? Umayos ka dahil hindi kita mapapatawad sa pang-aakit mo sa anak ko! Ngayon pa lang ay magsisimula ka nang manilbihan. Bukas ng umaga ay magpapa-schedule na kayo ng kasal sa parokya."
Napatapik ako sa noo at pumikit muna upang mag-isip kung ano ba ang puwede kong idahilan upang hindi sapilitang maipakasal. Marami pa akong nais gawin sa buhay at ayaw kong matali pa. Tila ba nag-flash back ang buhay ko mula pagkapanganak hanggang sa ngayon na para bang malalagutan na ako ng hininga. Napatanong na ako kung ano pa ang silbi ko sa buhay maliban sa maging cute.
"Ayaw kong maikasal!" hiyaw ng aking isipan. Nang dahil sa desperasyon ay kahit ano ay gagawin ko na upang makatakas.
"Hindi po talaga siya mabubuntis...imposible...hindi ko siya papatulan kasi..." paninimula ko nang magdahilan kahit labag man sa kalooban ko.
"Bakit?" iritableng tanong naman ng ginoo.
"Hindi ako interesado sa kanya..."
"Anong ibig mong sabihin? Umayos ka ng sagot o itataga ko itong itak ko sa ulo mo!"
"Iba po ang gusto ko..."
"Kalimutan mo na ang ibang babae dahil magiging tatay ka na!" pinagalitan pa niya ako kaya napilitan na akong magkunwari.
"Ayaw ko po talaga sa mga babae!" bulalas ko na. Napaawang ang bibig niya habang unti-unti ay napagtanto niya ang pinahihiwatig ko.
"I-Imposible! Sundalo ka, 'di ba? Kaya lalaking-lalaki ka?"
"Kaya nga ako nagsundalo kasi gusto ko silang makasabay na maligo. Nung matudtud ku, kayabe ku la pa rin*! Happy-happy moments, neh?"
(Kahulugan mula sa wikang Kapampangan: Kapag matutulog na ako, kasama ko pa rin sila!)
"Sayang ka...'sus ginoo!" Napasinghap ang maybahay niya at napailing-iling na lamang dahil sa pagkadismaya. "Ang gandang lalaki mo, nakapanghihinayang! Sa unang tingin ay lalaking-lalaki ka pa naman pero ibang bakod pala ang tinatahak mo!"
Nagkamalay bigla si Baby nang dahil sa narinig. Tila ba gumuho ang mundo niya, pati na rin ang sa mga magulang niya, nang dahil sa pahayag ko.
"Lumayas ka!" nanginginig sa galit na inutos ni Baby. Hilong-hilo man sa pampatulog ay nagawa pa rin niya akong batuhin ng mga tsinelas. "Kaya pala tingin ka nang tingin sa mga nakabestida sa parke at pangiti-ngiti pa, gusto mo rin palang magbestida!"
Ang naisip kong tugon ay, " Ang kikinis at sexy kasi nila," pero ang sinabi ko ay, "Ang gaganda kasi ng damit nila na kulay fuchsia pink!"
"Bwis*t ka! Talagang kapag guwapo, guwapo rin hanap! Lumayas ka na bago pa magdilim ang paningin ko!"
Nakahinga ako nang maluwag dahil naiwasan ko ang malalang delubyo: ang pagkapikot. Mabilis akong nag-empake at nagpasyang sa barracks muna pansamantalang maninirahan.
Akala ko ay tapos na ang problema, pero pinagkalat pala nina Baby sa lahat ng kakilala nila na binabae ako. Buong Region Three yata ay ako ang naging headline sa mga diyaryo. Pinakamalala sa malala, nakarating iyon sa kasamahan kong mga sundalo. Pinatawag ako ni Captain Montero at sinabihang hindi raw muna ako sasama sa mga bakbakan at sa labas muna raw ako ng barracks puwedeng tumambay.
Ramdam ko ang malayelong pakikitungo nila sa akin na mas malamig pa sa presensiya ng ligaw na mga kaluluwa. Kapag nakikita nila ako sa banyo ay kita ko ang pagkasindak sila na para bang isa akong white lady. Halos patakbo silang iiwas na tila ba kasingpanghi ko ang isang kapre.
Ang bigat sa loob, Author Wiz! Nakaka-stress ang cold treatment! Nalulungkot ako kaya kahit nagliliyab na mga santelmo ay kinakausap ko na sa gabi. Sila rin ay naiyak sa kuwento ko at dahil sa pakikisimpatya ay niyakap pa nila ako at nakalimutang nakakapaso pala sila. Ngayon ay may second degree burns ako at baka magkapeklat pa ang malaporselana kong balat na alagang Perl@.
Ano ba ang nararapat kong gawin? Gusto ko lang naman ng tahimik na buhay, pero bakit naman nais akong pikutin ng mga babae?
Pasensiya na at napahaba ang aking sulat. Ikaw kasi, nag-post ka sa listahan ng mga penpals kaya pagtiyagaan mo na ako. Susulatan kita nang susulatan hanggang sa magsawa ka sa akin. Biro lang, natutuwa lang ako kasi ikaw lang ang alam kong makakaunawa sa akin.
Alam kong pansamantala lang ang problema ko, at marahil, 'di rin ako matitiis ni Captain Montero. May concern naman talaga ang taong iyon sa akin kahit halos araw-araw niya akong pinapagalitan. Mahal na yata niya ako. Kinilig tuloy ako--tumaas pa ang bawat balahibo ko na parang natat@e ako pero occupied ang kubeta.
Salamat sa pagbabasa. Hanggang dito na lang muna ang sulat ko kasi naririnig ko na ang pagtawag ng mga kasamahan ko. Sabi na nga ba at mami-miss din nila ako.
Hugs, Author Wiz.
Hanggang sa muli...