"Cassandra!"
"Po Nay’?" sagot ni Cassandra sa tawag ng kanyang Nanay. Nasa likod siya ng kanilang bakuran at namimitas siya ng gulay na panahog nila sa sinigang na bangus sa hapunan.
"Nagtext si Sarah. Nagpapadala raw si sir Ramon ng gatas sa bahay nila."
Hinawi niya ang kurtina na naghihiwalay sa sala at kusina nila.
"Hindi po ba sa susunod na lingo pa ang dala natin ng gatas sa bahay nila? Bakit naman po biglang nagpadala si sir Ramon ng gatas ngayong araw?" Nagtataka niyang tanong. Hindi naman kasi ugali ni Sarah na magtext sa Nanay niya kung tungkol lang sa pagdadala ng gatas sa bahay ng mga Sebastian. Alam naman kasi niya kung anong araw ang pagdadala niya ng sariwang gatas sa bahay nila sir Ramon.
"Hayaan muna, ayaw mo noon may pampanindahan na naman tayo ng pagkain pagkahatid mo ng gatas sa bahay nila? Basta at pumunta ka na sa bahay nila sir Ramon, inutusan ko na ang tatay mo na kumuha ng gatas sa mga alaga nating kalabaw."
"Sige po Nay’." Napanguso na lang siya pagkatapos siyang utusan ng kanyang ina.
Mabilis siyang gumayak para dalhin ang mga gatas sa bahay ng mga Sebastian, nagpalit din siya ng malinis na damit. Nag-ayos din siya ng kanyang sarili na hindi naman niya ginagawa dati kapag pumupunta siya sa malaking bahay na iyon. Hindi niya alam pero parang may nag-uudyok sa utak niya na gawin ang mga bagay na iyon. Nagpolbo at nagpahid din siya ng manipis na lipstick pagkatapos niyang magsuklay ng buhok. At muli ay napangiti na lang siya sa harap ng salamin nang sipatin niya ang sarili sa salamin.
Bumagay sa kanyang balingkinitang katawan ang isang floral dress na kulay asul. Bahagya pang nakalabas ang kanyang mga balikat dahil sa style nito. Kita naman ang maputi niyang mga binti dahil sa hanggang tuhod na haba nito na lalong bumagay sa mahaba niyang mga hita. Huli niyang isinuot ang sandals na binili para sa kanya ni James. Flat sandals lang ito na kulay cream, simple ito pero maganda.
Bago siya lumabas ng kanyang kuwarto ay huminga pa siya ng malalim. Para bang may kakaiba siyang pakiramdam sa mga oras na iyon na hindi niya maintindihan. Nasasabik siyang magtungo sa bahay ng mga Sebastian. At biglang rumihistro sa kanyang isip ang huling pagkikita nila ni Renzo sa Liliw. Hindi niya alam kung gaano na ito katagal sa shop na iyon at kung nakita nito lahat ang nangyari sa kanila ni James. Hanggang makasakay sila ng sasakyan ay nakita niyang nakatingin ito sa kanilang dalawa. At iyon ang hindi niya maintindihan kung bakit nito kailangang gawin ang bagay na iyon samantalang hindi naman sila ganoon kalapit sa isa't-isa. Napailing na lang siya at saka niya dinampot ang body bag na palagi niyang dinadala kapag umaalis.
"Anak? Ikaw ba yan? Anong nangyari sayo?" Nangangiwing tanong ng Nanay niya.
"Opo Nay, ako po ito. Bakit pangit po ba ang suot ko?" Agad ay balik niyang tanong sa kanyang Nanay.
"W-wala naman. Ang ganda mo nga anak." Sa huli ay pinuri siya nito na nakapagpangiti na rin sa kanya.
"Anak, umuwe ka agad ah. H'wag kang magpapagabi at alam mo namang delikado ang panahon ngayon. Oh kaya tawagan mo na lang ang kuya mo para siya na lang ang utusan ko na magdeliver nito sa bahay ng mga Sebastian." May pag-aalalang himig ng kanyang Tatay.
"Okay lang po ako Tay’, uuwe naman po ako agad huwag po kayong mag-alala." Paniniguro niya. Bago naman siguro magdilim ay makakauwe siya sa kanilang bahay. Ibibigay lang naman niya kay Sarah ang mga gatas at pagkatapos ay maaari na siyang umuwe.
Isinilid na ng kanyang Nanay ang mga gatas na nasa bote sa isang basket na plastick na palagi niyang dinadala kapag nagdadala siya ng mga gatas sa bahay ng mga Sebastian.
"Oh heto na anak, mag-iingat ka sa pag-uwe mo." Muli ay bilin ng kanyang Nanay.Tumango na lang siya at saka siya tuluyang umalis.
Makalipas lang ang kulang isang oras ay narating na niya ang bahay ng mga Sebastian. Buti at may nagdaan agad na jeep ng nag-abang siya kanina sa kanilang tarangkahan.
Inayos muna niya ang kanyang suot na damit na bahagyang nagusot sa pagsakay niya ng jeep bago siya nagsimulang maglakad papunta sa malaking bahay nila sir Ramon. Hindi naman na siya tinatanong ng mga guards na nagbabantay sa guard house bago makarating sa bahay nila sir Ramon dahil kabisado na ng mga ito ang dahilan kung bakit siya pumupunta sa malaking bahay na iyon. At bigla ay napatingin pa siya sa langit ng mapansin niya ang pagkulimlim nito. Mukhang aabutan pa ata siya ng ulan ah.
Kaya nagmadali na siyang maglakad. Sa likod muli siya ng kusina kumatok para malaman ni Sarah na nandoon na siya sa labas ng pinto ng kusina.
"Cassandra, pasok ka." Nakangiting bati sa kanya ni Sarah. At pumasok na siya sa loob ng kusina katulad ng ginagawa niya dati.
"Sarah, bakit nga pala biglang nagpadala ng gatas si sir Ramon? Ang alam ko kasi ay sa susunod na lingo pa ang pagdadala ko dito ng gatas." Tanong niya kay Sarah habang isa-isa niya muling inilalagay ang mga bote ng gatas sa malaking mesa ng kusina.
"A-hh,naubos kasi agad yung dinala mo kaya nagpadala agad si sir."
Tumango na lang siya ng marinig niya ang sagot ni Sarah. Sakto namang naiayos na niya ang mga gatas na dala niya ng alanganin siya nitong lingunin muli.
"Cassandra, yung bayad pala sa gatas na dala mo si sir Renzo ang magbibigay. Puntahan mo na lang daw siya sa library."
Nagulat siya sa kanyang narinig. Tama ba ang intindi niya sa sinabi ni Sarah? Si Renzo raw ang magbabayad sa kanya ng mga dala niyang gatas? Bakit? Dati-dati naman ay inaabot lang sa kanya ni Sarah ang bayad nito pagkatapos niyang iayos ang mga iyon sa mesa. Bakit ngayon ay kailangan pa niyang puntahan ang bayad ng gatas niya sa library? At si Renzo pa raw ang mismong mag-aabot ng bayad sa kanya.
"Sarah, bakit biglang ang anak ng amo mo ang magbabayad ng mga dala kong gatas? Hindi ba dati naman ay ikaw lang ang nag-aabot ng bayad sa akin?" takang tanong niya muli kay Sarah.
Napailing na lang si Sarah at saka nito itinaas ang mga balikat na indikasyon na hindi rin nito alam ang sagot sa tanong niya.
Itinuro na lang sa kanya ni Sarah ang daan patungong library. Habang naglalakad siya sa kabuuan ng unang palapag ng bahay ng mga Sebastian ay napapa wow na lang siya. Napaka ganda ng bahay na iyon at kahit siguro sa panaginip ay hindi niya nakikita ang sariling makakatira siya sa ganoong uri ng bahay. Lahat ng mga kagamitan na nakikita niya ay puro mamahalin kaya natatakot siyang hawakan man lang.
Pagliko niya sa gawing kanan ng kabahayan ay may nakita siyang isang malaking pinto. Sa labas ng pinto ay may nakasabit na isang painting ng babae na nakahiga sa damuhan. At iyon ang ginawa iyang palatandaan para hindi siya maligaw sa pinto na kanyang papasukin.Sa dami ba naman ng mga pinto ng bahay na iyon ay talagang malilito siya.
Kumatok muna siya ng ilang beses sa malaking pinto bago niya narinig ang isang boses sa loob ng silid.
"Come in."
Nagulat pa siya at bigla ang pagragasa ng kaba sa dibdib niya ng marinig niya ang pamilyar na boses ni Renzo sa loob ng library.
Huminga muna siya ng malalim bago niya pinihit ang door knob ng pinto. Pagbukas ng pinto ay bumungad agad sa kanya ang isang bulto ng lalakeng nakatalikod habang nakaupo ito sa isang swivel chair. Nakapatong ang isang laptop sa table at pagharap ni Renzo ay para siyang tinamaan ng kidlat!
Naistatwa siya ng magtama ang mga mata nila. Hindi niya nakuhang magbawi agad ng tingin at napukaw na naman ng kaguwapuhan nito ang kanyang mga mata. Nakasuot ito ng isang polo shirt na hapit sa matipuno nitong katawan. Bumagay pa sa maputi nitong balat ang kulay brown na kulay nito. Tinernuhan naman ng isang loose maong pants ang pang ibaba nito. Nadinig pa niya ang pag-spike ng suot nitong rubber shoes ng tumayo ito sa upuan nito.
"Hi." Bati nito sa kanya. At lumakad ito para lumapit sa kanya. Samantalang siya ay nanatili lang na nakatayo sa kinatatayuan niya. Napahawak pa siya sa sarili niyang mga kamay upang doon kumuha ng tapang.
"M-magandang hapon po." Alangan niyang bati kay Renzo. Nakangiti pa rin ito sa kanya. At pakiramdam niya ay para siyang matutunaw habang nakatitig ito sa kanya. Sa mata niya ay kita niyang halos hindi ito kumukurap habang titingnan nito ang kabuuan niya. Kinalma na lang niya ang kanyang sarili para hindi nito mahalata ang kabang nararamdaman niya ng mga oras na iyon.
"Have a seat." utos nito sa kanya. At itinuro nito ang bakanteng leather sofa sa gilid ng silid.
Agad naman siyang kumilos para maupo. Pagkakataon na rin niya iyon para makakuha ng lakas mula sa kabang bumabalot sa kanya. Inayos muna niya ang suot niyang bestida bago umupo.
Alangan naman siyang magsalita o magtanong kaya hinintay na lang niyang magsalita muli si Renzo. At nagkunwari siyang lumilingap sa kabuuan ng silid na iyon.
"I'm glad nakapagdala ka uli ng gatas dito sa bahay." Mayamaya ay sabi nito.
"A-hh binilin po kasi ni Sarah na kailangan daw po ninyo ng gatas dito sa bahay nyo sir kaya inutusan po ako nila Nanay para pumunta dito." Sagot niya kay Renzo na hindi niya matitigan ng diretso. Hindi katulad nito na titig na titig sa kanya.
"Thank you. And here’s my payment." At ilabas nito ang isang libong papel mula sa bulsa ng pantalon nito. At iniabot sa kanya.
"Sir...wala po akong dalang panukli, barya na lang po sana ang ibigay ninyo sa akin." Suhestiyon niya kay Renzo. Medyo nahiya pa siya ng sabihin iyon pero wala talaga siyang dalang panukli kung sakaling tanggapin niya ang bayad nito.
"Its okay, keep the change." Nakangiti nitong sagot sa kanya. Siya naman ay nagulat sa sinabi nito dahil halos wala pang tatlong daan ang babayaran nito tapos ay isang libo ang binibigay nito sa kanya?
"P-oo?" Gusto niyang makasiguro kung tama ang intindi niya sa sinabi nito. Malaki rin kasi ang magiging sukli nito kung sakali at nakakahiya naman kung hindi niya iyon maibabalik.
"I said, kuhanin mo na ito at itago muna ang sukli." Hinawakan pa ni Renzo ang isa niyang kamay at inilagay nito sa gitna ng kamay niya ang perang bayad nito para sa gatas na dala niya. Kahit na nagulat ay hindi pa rin nakaligtas sa kanyang pandama ang parang kuryenteng dumaloy sa buo niyang katawan ng hawakan nito ang kanyang kamay ng walang ano-ano.
"P-pero Sir.." Nauutal niyang tawag sa pangalan nito hanggang sa binitiwan na nito ng tuluyang ang kamay niya.
"Take it. Okay?" Umupo rin ito sa sofa na kinauupuan niya. At saka ito dumekwatro ng upo. Pagkatapos ay nilingon siya muli nito.
Napalunok pa siya ng titigan siya nito muli ng diretso. Ang mga mata nito ay nangungusap, at bigla ang pagsulpot ng kaba sa kanyang dibdib. Hindi niya mapigil ang mabilis na pagdagungdong nito hanggang sa tuluyan nang binitawan ni Renzo ang kanyang kamay at muling nagsalita.
"I saw you last time in Liliw, right? With your boyfriend?" Sarkastiko nitong tanong sa kanya, na sa huli ay pakiramdam niya na parang itong isang imbestigador na gustong malaman ang totoong nangyari.
Hindi siya agad nakasagot at napahawak muna siya ng mahigpit sa perang papel na hawak niya.
"O-opo sir, a-ko nga po ang nakita ninyo sa Liliw noong nakaraang araw." Diretso niyang sagot kay Renzo na ikinadilim bigla ng mukha nito.
"Is he your boyfriend?" Tahasan nitong tanong sa kanya na ikinagulat niya. Napaka stright forward naman nito kung magtanong. Umiling na lang siya pagkatapos.
"He’s not your boyfriend?" tanong nito muli sa kanya na halatang hindi makapaniwala. Natandaan niya ay nasabi na niya rito noong nakaraang beses na hinatid siya nito sa bahay nila na wala siyang nobyo, bakit parang gulat na gulat pa rin ito sa sinabi niya?
"O-po, matalik po kaming magkaibigan." Nakita niya ang pagtaas ng labi nito na parang nangiti ito pero mukhang inis naman ang mukha.
"Really? Mukhang hindi naman ata gawain ng kaibigang lalake na hawakan ang kamay ng kaibigan niyang babae lalo na kung wala namang namimigatan sa kanila, right?" Napanganga na lang siya sa sinabi ni Renzo. At pati pala paghawak ng kamay ni James ng kamay niya ay napansin din nito. Gusto sana niya itong tanungin kung bakit kailangang pa nitong usisain ang relasyon nila ni James gayong wala naman itong kinalaman sa pagkakaibigan nila.
Napansin rin niya ang biglang pag-iba ng mood nito. Kanina ay kalmado lang niya itong kausap, pero bigla-bigla ay parang galit na ito sa mundo? Halos magpantay ang dalawa nitong mga kilay sa inis, na hindi naman niya alam kung para saan. At nang makita niya na hinihintay nito ang magiging sagot niya ay wala na nga siyang nagawa kung hindi ang ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa iniisip nito sa kanya.
"Totoo pong magkaibigan lang kami ng kasama kong lalake sa Liliw ng makita ninyo ako. Kung wala na po kayong itatanong ay aalis na po sana ako." Putol niya sa mga sasabihin pa nito sa kanya. Hindi na niya kaya ang mga titig nito sa kanya na para bang may ginawa siyang mali sa harapan nito. Agad na siyang tumayo at hahakbang na sana siya patungo sa pinto ng bigla siyang hawakan sa braso ni Renzo...