CHAPTER 2

2115 Words
Balita na sa buong lugar nina Aaliyah ang ginawang pagliligtas ng kanyang ama kay Hugo Rojas. Ang ilan, bayani ang tingin sa kanyang ama dahil sa pagpain nito ng sariling buhay para iligtas si Hugo. Pero ang ilan naman ay iba ang opinyon tungkol sa tatay niya. Tanga raw ang kanyang ama para ipagpalit ang buhay para sa isang artista na hindi naman ito kilala at iniwan pa ang anak na mag-isa. Hindi na nakilala ni Aaliyah ang kanyang ina dahil sanggol pa lang daw siya’y iniwan na sila nito, kaya ang ama niyang si Armando ang mag-isang nagpalaki sa kanya. May kapatid na lalaki naman ang kanyang ama na may asawa at dalawang anak. Nang mamatay ang kanyang ama ay dito na siya tumira. Sa bahay din nito ginanap ang burol, na pinupuntahan ng maraming nakikiramay, kasama na rin ang mga tagahanga ni Hugo. Ilang mga reporter na rin ang ilang ulit na nag-interview kay Aaliyah kahit na ayaw na niya. Napipilitan na lamang siya dahil ito ang utos ng kanyang tiyuhin na gustong-gusto na nakikita sa TV. Walang tigil sa pag-iyak si Aaliyah habang nasa tabi siya ng kabaong ng ama. Nahuli na at nakakulong ang nakasaksak sa kanyang ama, pero wala itong halaga para kay Aaliyah dahil hindi naman nito maibabalik ang buhay ng tatay niya. “Si Hugo! Nand’yan si Hugo!” narinig ni Aaliyah na sabi ng isang lalaki sa labas ng bahay ng kanyang tiyuhin kaya napatingin siya sa may pintuan habang nagpupunas ng kanyang luha gamit ang bimpo ng kanyang ama na pinakaiingatan niya. Isa ito sa dalawang bimpo ng tatay niya na salitan nitong ginagamit noon sa tuwing namamasada ito ng tricyle na pagmamay-ari ng kapatid nito na tiyuhin ni Aaliyah. “Narinig ko nand’yan daw si Hugo,” sabi ng kanyang tiyuhin na lumabas pa galing kusina habang nagpupunas ng labi na puro mantika dahil sa kinain nitong Adobong baboy na puro taba. Nakasando ito na kulay puti kung saan kitang-kita ang malaki nitong tiyan na para bang buntis. Nakasuot din ito ng maong na short na hanggang tuhod at saka tsinelas na pudpod na at manipis. “Kahapon ko pa ‘to hinihintay, buti dumating na,” sabi pa nito na para bang tuwang-tuwa. Nakita ni Aaliyah si Hugo na pumasok kasama ang mga bodyguards nito na hinahawi ‘yung mga tao na gustong makalapit. Pagkatapos siguro ng nangyaring insidente ay nag-ingat na ito kaya nagsama ng mga bodyguards. Mabilis namang lumapit kay Hugo ang kanyang tiyuhin. “Good evening po,” malumanay na sabi ni Hugo. “Sir Hugo, pasok po kayo,” natutuwang sabi ng kanyang tiyuhin bago sitahin ‘yung mga gustong lumapit kay Hugo. “VIP to. Magsilabas muna kayo.” “No. Hindi na kailangan,” sabi naman ni Hugo. “Nando’n si Aaliyah,” sabi ng kanyang tiyuhin at itinuro pa siya. “Aaliyah, halika nga rito. Kita mo nang may bisita ‘di ka pa tumayo d’yan.” “It’s okay. Ako na lang ang lalapit,” sabi ni Hugo at naglakad ito palapit sa kanyan. Kahit sinabi ito ni Hugo ay tumayo pa rin si Aaliyah. “Good evening po, Sir Hugo,” matamlay niyang sabi. “Kumusta ka Aaliyah?” “Malungkot po. Nami-miss ko po ang tatay ko.” Hindi napigilan ni Aaliyah na maiyak muli nang maalala ang ama. Tuloy ang agos ng kanyang mga luha na inaagapan lang niya ang pagpunas gamit ang bimpo ng tatay niya. “Ano ba naman ‘yan, Aaliyah?! Nakakahiya kay Sir Hugo. May uhog ka pa. Punasan mo nga ‘yan!” sita sa kanya ng kanyang tiyuhin. “S-sorry po,” pahikbi-hikbing sabi ni Aaliyah habang pinupunasan ang ilong. “Hindi ko alam kung ano’ng dapat kong sabihin sa ‘yo. You lost your father because of me.” Tumingala si Aaliyah para tingnan si Hugo na malaki ang tangkad sa kanya. Kita niya ang matinding lungkot sa mukha nito habang nakatingin din ito sa kanya. “Hindi n’yo naman po kasalanan, ‘tsaka si Tatay po ang may gusto na iligtas kayo. Para sa ‘kin po hero ang tatay ko.” “Totoo ‘yon, Aaliyah. Kung may dapat hangaan, hindi ako ‘yon, kundi ang tatay mo.” “Ah, Sir Hugo…” singit ng kanyang tiyuhin sa pag-uusap nila ni Hugo. “Tungkol po sa kapatid ko. Alam n’yo naman po sir, hindi naman po kami mayaman, at saka may pamilya rin po ako.” “Huwag po kayong mag-alala. Ako pong bahala sa lahat ng gastos.” “Eh sir, paano po ‘yung para kay Aaliyah?” “Ako rin po ang bahala. Nangako po ako sa tatay niya na hindi ko siya pababayaan.” “Naku! Sabi na nga ba’t hanggang sa totoong buhay mabait ka. Parang ‘yung mga papel mo sa mga pelikula mo. Hindi nga lang sa palabas mo ngayon. Dahil do’n may baliw na nagalit sa ‘yo. Tsk! Buti na lang ‘di ka napahamak ‘no? Ang malas nga lang ng kapatid ko. Sa bagay, matagal na naman siyang malas. Mula nang makita kong pumilantik ang mga dal--” biglang napatigil sa pagsasalita ang tiyuhin ni Aaliyah at napatingin sa kanya. Hindi naman niya maintindihan ang huling sinabi nito. “Ah, Sir Hugo, baka po pala gusto n’yo ng juice?” biglang pag-iiba agad nito sa usapan. “Hindi na po. Salamat. Kung pwede sana, gusto ko na lang kayong makausap in private.” “Sige po, sir. Dito po tayo.” Pagkatapos ng libing, nawala na lahat ng nakikiramay kaya mas ramdam na ni Aaliyah ang pag-iisa at pangungulila sa kanyang ama. Kahit nakatira siya sa bahay ng kanyang tiyuhin ay parang wala rin siyang pamilya dahil parang katulong ang trato ng mga ito sa kanya. “Papa, ‘yung sapatos po na gusto ko, kailan po natin bibilhin?” sabi ng pinsan na babae ni Aaliyah na kaedad niya. “Ako po Papa, gusto ko ng Playstation. ‘Yung latest po ah,” sabi naman ng pinsan niyang lalaki na mas matanda sa kanya nang limang taon. “Sweetheart ‘yung pangako mong alahas sa ‘kin, papaalala ko rin sa ‘yo. Pina-reserve ko na ‘yon kay Mareng Tess. Nakakahiya naman kapag ‘di ko binili.” “Oo. Lahat ‘yan bibilhin ko, pero dapat matapos muna natin ‘yung mga pinapagawa rito sa bahay. Hindi dapat maubos ‘yung binigay ni Sir Hugo sa ‘tin nang ‘di pa ‘to nayayari.” “Dapat kasi hindi mo muna binili ‘yung sasakyan,” reklamo ng kanyang tiyahin. “Magagamit naman natin ‘yon. Balak nating pumunta ng Baguio ‘di ba? Do’n tayo magce-celebrate ng Pasko.” “Tito kasama po ako? Gusto ko rin po pumunta ng Baguio. Pangarap po namin ni Tatay ‘yon eh,” singit ni Aaliyah sa usapan ng mga ito. “Hoy, Aaliyah. Huwag ka ngang mangarap nang gising. Hindi ka sasama. Ikaw ang magbabantay nitong bahay. Gusto mo bang pag-uwi natin ubos ang mga gamit namin kapag walang naiwan na bantay. Dito ka lang. At hindi ka pwedeng umalis ah. Kapag nalaman kong umalis ka, malilintikan ka sa ‘kin.” Tinanong lang naman ni Aaliyah kung kasama rin siya papuntang Baguio, pero tinalakan at sinermonan agad siya ng kanyang tiyahin. Mula nang tumira siya rito sa bahay ng mga ito’y puro sermon at sigaw na lang ang nakuha niya mula rito. Hindi man lang siya magawang ipagtanggol ng kanyang tiyuhin at ang mga pinsan naman niya’y panay ang utos sa kanya. Minsan nga’y siya pa ang pinapagawa ng assignment ng pinsan niyang babae, at ginagawa naman siyang tagaluto ng meryenda ng pinsan niyang lalaki sa tuwing tumatambay ang mga kabarkada nito sa bahay. Hindi na lamang nagsalita si Aaliyah at naglakad paalis habang malungkot at nakayuko. “Hoy, saan ka pupunta? Tapos ka na bang maglinis?” Huminto siya paglalakad at nilingon ang tiyahin. “Opo, tita. Tapos na po.” “Tapos na pala. Eh ‘di maglaba ka naman. Bagong manicure ako kaya hindi pwedeng mabasa ‘tong kamay ko.” “Opo, tita.” “Aaliyah, ‘yung rubber shoes ko, pakilinis na rin. May laro ako bukas.” “Sige, Kuya Aaron.” “Aaliyah, ‘yung project ko, bukas ko na ‘yon ipapasa.” “Natapos ko na. Nilagay ko sa tabi ng bag mo.” “Aaliyah, pagkatapos mong maglaba, punta ka sa talipapa. Bili ka ng liempo ‘tsaka ng bangus. Piliin mo ‘yung malaki. Tapos bumili ka na rin nang maraming sibuyas at kamatis, at saka pala uling.” “Opo, tito.” Nasa may lababo si Aaliyah at naglilinis ng isda nang bigla na lang niyang maramdaman ang pagsabunot sa kanya ng kanyang tiyahin. “Aaliyah, ano’ng ginawa mo sa damit ko?!” sigaw nito sa kanya at saka siya hinila, kaya nabitawan niya ang hawak niyang isda at saka kutsilyo. “Kinupasan mo ‘yung paborito kong dress! Regalo pa sa ‘kin ‘to ng kumare ko na galing abroad! Tingnan mo! Tingnan mo ‘yung ginawa mo!” bulyaw pa nito habang sinusubsob siya nito sa mesa kung saan nakapatong ‘yung dress na sinasabi nito. “M-may mantsa po kasi kaya nilagyan ko ng pantanggal ng mantsa,” pangangatwiran niya habang umiiyak na siya. “De-kolor ‘to tapos gagamitan mo ng gano’n?! Ang tanga-tanga mo talaga! Dapat kasi hindi ka na pinatira dito ng tito mo! Hindi ka dapat dito dinala! Do’n ka dapat sa ampunan!” Binitawan na siya nito sa ulo at hindi na siya sinusubsob sa lamesa pero panay naman ang hampas nito sa katawan niya. “Tama na po, tita. Nasasaktan na po ako.” “Dapat lang ‘yan sa ‘yo!” sigaw nito habang wala itong pakialam kahit saan siya tamaan. Pati matulis nitong kuko ay gumagalos na sa kanyang balat. At kahit nagsumiksik na siya sa sulok ay ayaw pa rin siya nitong tigilan. “Papalitan ko na lang po.” “Walang mabibiling gano’n rito! Kahit libutin mo pa ‘yung buong Pilipinas, wala kang makikitang gano’n! Ang tanga-tanga mo kasi! Susuotin ko pa ’yon next week, tapos sinira mo!” “Sorry na po. Sorry na po, tita.” “Bwisit! Bwisit ka talaga!” Nang tigilan siya ng kanyang tiyahin ay napaupo na lamang sa sahig si Aaliyah. Hindi ito ang unang beses na pagbuhatan siya ng kamay ng kanyang tiyahin. Nang minsan ngang sagutin niya ito, nang pagbintangan siyang kumain ng chocolate nang walang paalam, ay nasampal naman siya ng kanyang tiyuhin. Sinabi kasi niya na pera naman na galing kay Hugo ang pinambili ng mga ‘yon kaya may karapatan siyang kumain, magpaalam man siya o hindi. Alam niyang nakatanggap ng isang milyong piso ang kanyang tiyuhin galing kay Hugo. Nakita niya ‘yung tseke nang ilagay ito ng kanyang tiyahin sa bag, bago pumunta sa bangko para kunin ‘yung pera. Alam din niyang para ‘yon sa kanya, dahil nangako si Hugo sa tatay niya. Pero kahit singko mula sa perang ito ay mukhang ayaw ipalasap sa kanya ng tiyuhin niya at ng pamilya nito, kahit na siya naman talaga ang may-ari ng perang ‘yon. Awang-awa si Aaliyah sa kanyang sarili habang ginagamot niya ang mga sugat at pasa na natanggap niya mula sa kanyang tiyahin. Hindi na niya kayang magtagal pa sa poder ng malupit na pamilyang ito kaya may naisip siyang gawin. Habang mahimbing na ang tulog ng lahat ay dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng kwarto ng mag-asawa. Hindi niya alam kung saan itinago ng tiyuhin niya ang malaking halaga ng pera kaya kinuha na lamang niya ang pera sa wallet nito na nakalagay sa likurang bulsa ng pantalon nito, na nakasabit sa gilid ng cabinet na kahoy. Pati ‘yung pera sa bag ng kanyang tiyahin ay kinuha na rin niya para sigurado siyang may gagastusin sa pinaplano niyang paglayas. Palabas na sana siya ng kwarto ng mga ito nang maisip niya na tangayin na rin pati ang mamahaling bag ng kanyang tiyahin. Alam niyang maibebenta niya ito nang mahal kung sakaling kulangin siya sa pera. Tinanggal niya muna lahat ng laman nito at saka niya binitbit palabas. Naihanda na niya ang kanyang mga gamit na nilagay niya sa isang malaking bag at saka isang backpack, kaya paglabas niya ng kwarto ay kinuha na niya ang mga ito, at saka siya dahan-dahang lumabas ng bahay. Habang naglalakad siya sa kadiliman ng gabi, isa lang ang taong nasa isip niya. Si Hugo Rojas, ang tanging lalaki na alam niyang makapagliligtas sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD