CHAPTER 3

1400 Words
“Manong bayad po,” sabi ni Aaliyah sa tricycle driver na naghatid sa kanya sa terminal ng bus paluwas ng Maynila. “Ikaw lang talaga mag-isa? Wala kang kasama?” tanong nito sa kanya. “Meron po. Dito na po kami sa terminal magkikita,” sagot niya at binitbit na niya ang mga gamit niya. Hindi niya sinabi rito ang totoo dahil isa ito sa mga bilin sa kanya ng kanyang ama noon kapag naiiwan siyang mag-isa sa bahay. Kapag may nagtanong sa kanya kung mag-isa lang siya, palagi raw niyang sabihin na mayroon siyang kasama o kaya ay pabalik na. Maliit pa lang kasi si Aaliyah ay iniiwan na ng tatay niya sa bahay kapag papasok ito sa trabaho. Kaya nga hindi takot si Aaliyah na lumuwas mag-isa kahit na hindi niya alam kung saan pupuntahan si Hugo. Ang nasa isip niya, basta may pera siya sa bulsa, mararating niya ang gusto niyang puntahan. Kaya pinakaiingatan din niya ang dala niyang pera. Nilagay niya ito sa pinakailalim ng dala niyang bag at pera lang para sa pamasahe at kaunting makakain ang iniwan niya sa kanyang bulsa. Maingat sa pera si Aaliyah, dahil bilin din ‘to ng kanyang ama. Dahil nga hindi naman sila mayaman at sapat lang ang kinikita ng kanyang ama para sa pang-araw-araw nilang gastusin noon, iniingatan niya ang perang ibinibigay nito sa kanya na pambaon niya kapag papasok siya sa school. Bumili ng ticket si Aaliyah at tulad ng tricycle driver ay tinanong din siya ng kahera kung siya lang daw ba mag-isa ang luluwas ng Maynila. “May susundo po sa ‘kin do’n sa terminal sa Manila. Ite-text ko na lang po ‘yung plate number ng bus at saka kung ano’ng oras po ang dating ko do’n,” sagot niya na para bang totoo lahat ng sinasabi niya. “Sige ingat ka. Ingatan mo mga gamit mo, ‘tsaka huwag kang makikipag-usap kung kani-kanino, lalo na sa mga lalaki.” “Opo. Salamat po.” Sumakay ng bus si Aaliyah hawak ang ticket paluwas ng Maynila. Hindi maitago ni Aaliyah ang excitement nang maramdaman niya ang pag-andar ng bus. Napakalapad ng ngiti niya habang nakikita niya na unti-unti na silang lumalabas ng terminal. Matagal ang naging byahe nila. Gusto sana niyang bumaba ng bus nang mag-stopover sila pero pinili na lang niyang kainin ang baon niyang tinapay at tubig. Sa tingin kasi niya’y mas ligtas siya kung mananatili lang siya sa bus at kakain na lamang siya ng mas mabigat sa tiyan at mas nakakabusog pagdating niya ng Maynila. Kahit na inaantok ay hindi rin natulog si Aaliyah. Pinaglabanan niya ang antok sa pamamagitan ng pagkurot niya sa kanyang sarili. Ayaw niyang matulog sa takot na mawala ang mga gamit niya at pera. Kapag nawala kasi ang mga ito sa kanya ay baka hindi na niya mapuntahan si Hugo. Kaya gano’n na lamang ang labis na tuwa niya nang makarating na sila ng Maynila. Sa tuwa nga niya’y parang gusto niyang halikan ang lupa na kinatatayuan niya. “Tay, nasa Manila na po ako. Pupuntahan ko po si Hugo,” nakangiting bulong niya habang nangingilid ang kanyang luha. Naglakad si Aaliyah hanggang sa may makita siyang guwardiya. Nilapitan niya ito at tinanong niya kung paano ba pumunta sa TV station kung saan may kasalukuyang palabas si Hugo Rojas. Itinuro naman nito kung saan siya dapat sumakay. At para makasigurado siya kung tama ba ‘yung mga sinasakyan niya’y tinatanong niya muna ‘yung mga driver. Nauupo rin siya sa likuran ng mga ito para madali niyang maipaalala kung saan siya dapat ibaba. “Wow!” ito lang ang nasabi ni Aaliyah habang nakatingala nang makita niya ang mataas na building ng TV station. Bitbit ang mabibigat niyang bag ay sumabay lang siya sa agos ng mga tao. Nakita niyang may pila kaya nakipila rin siya rito. “Ma’am, pupuntahan ko po si Hugo Rojas. Kilala po niya ‘ko.” “Nasaan ang guardian mo? Hindi kita pwedeng papasukin na mag-isa.” “Wala na po ‘yung tatay ko. Alam po ni Sir Hugo ‘yon. Nagpunta pa po siya sa burol.” “Hindi pwede. Bumalik ka na lang kapag may kasama ka na.” “Pero ma’am.” “Next!” Napapalatak na lang si Aaliyah habang nakasimangot. Paano niya pupuntahan si Hugo kung hindi siya makakapasok sa loob? Lumabas na lang siyang muli ng building at naupo sa bangketa sa labas nito. Habang nakaupo at nag-iisip ng sunod niyang ggawin ay may nakita si Aaliyah na nagtitinda ng pagkain na nakalagay sa bilao, kaya tumayo siya at lumapit dito. “Magkano po sa pancit?” tanong ni Aaliyah habang nakatingin sa mga pagkain at natatakam na. “Twenty.” “Eh diyan po sa spaghetti?” “Twenty five.” “Yung puto po magkano?” “Kinse tatlo.” “Yung nilagang saging po?” “Sampu isa.” “Eh ‘yung—“ “Bibili ka ba o hindi?” inis na tanong ng tindera sa kanya. “Sungit naman ate. Dapat po kasi may karatula na kayo d’yan kung magkano ang paninda n’yo, para hindi na nagtatanong ng presyo,” pangangatwiran niya bago niya sabihin na ‘yung pancit at puto ang bibilhin niya. Habang kumakain si Aaliyah sa isang tabi, narinig niya ‘yung tindera na inutusan ‘yung kasamang bata na kumuha ng karton at saka ballpen. Pagbalik ng bata na dala na ‘yung mga pinakuha ay pinanood ni Aaliyah ‘yung tindera habang sinusulat sa karton ‘yung presyo ng mga paninda nito. Dahil dito ay nakaisip ng ideya si Aaliyah kung paano niya makakausap si Hugo. Pagkatapos kumain ay naghanap si Aaliyah ng tindahan. May nakita naman siya at tinanong niya ang tindera dito kung may tinda bang cartolina at pentel pen. Napatalon pa siya sa tuwa nang malaman na mayroon. Binili niya agad ito at pumwesto uli siya sa isang tabi para magsulat. SIR HUGO ROJAS, AKO PO SI AALIYAH, ANAK NI ARMANDO NA NAGLIGTAS PO SA INYO. PLEASE PO, TULUNGAN NIYO PO AKO. Ito ang isinulat ni Aaliyah sa biniling cartolina. Hinawakan niya ito at tumayo siya sa labas ng building ng TV station para makita ng lahat ng dumadaan ang panawagan niya. Kahit pinagtitinginan siya ng mga tao ay wala siyang pakialam. “Ikaw ba talaga ‘yon?” tanong ng tindera ng pagkain sa kanya. “Opo, ako po ‘yon.” “Hindi ka tinulungan ni Hugo, pagkatapos ng ginawa ng tatay mo?” “Tinulungan po, pero kinuha po ng tito ko ‘yung pera na binigay sa ‘kin. Minamaltrato pa po nila ‘ko kaya ako umalis do’n.” “Kawawa ka naman pala.” Habang nakatayo pa rin siya sa labas ay may ilang tao na kinuhanan siya ng picture at saka video. May isa pang lumapit sa kanya at in-interview siya habang nakatapat sa kanya ang hawak nitong cellphone. “Ikaw ba si Aaliyah, ‘yung anak ng nasaksak ng baliw na fan ni Hugo Rojas?” “Opo, ako nga po. Kuya, video po ba ‘yan? Pwede po ba ‘kong manawagan?” “Sige lang. Ano bang gusto mong sabihin? Naka-record ‘to.” “Sir Hugo, lumuwas po ako ng Manila para makita kayo. Gusto ko po kayong makausap, pero ayaw po akong papasukin. Tulungan n’yo po ako. Sana po puntahan n’yo po ako.” Habang nagsasalita siya’y may lumapit na ring reporter sa kanya na may kasamang cameraman. Maraming tinanong sa kanya ‘yung reporter kaya naikwento niya ‘yung tungkol sa pera at pananakit sa kanya ng tiyuhin niya at asawa nito. Mayamaya’y may lumapit sa kanilang babae na may mga kasamang bodyguard. Tanda niya na ‘yung isa rito ay kasama ni Hugo nang pumunta ito sa burol ng kanyang ama. “Kuya, kilala po kita!” sigaw ni Aaliyah habang nakaturo sa bodyguard. Hinawi ng bodyguard na malaki ang katawan ang mga taong nakapalibot kay Aaliyah. Inakbayan naman ng babae na kasama ng bodyguard si Aaliyah at sinabihan siya na sumama rito. “Pupunta po ba tayo kay Sir Hugo?” tanong niya habang naglalakad sila. Hindi niya akalain na magiging ganito kabilis ang resulta ng ginawa niya. “Yes. Nang malaman niya na nandito ka, inutusan agad ako na puntahan ka,” sagot nito sa kanya na ikinangiti niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD