Kabanata 22: Hiwalay

1615 Words
2027 No’ng parehong araw na iyon ay bumisita sila kay Mang Pol. Wala no’ng mga oras na ‘yon si Erwin dahil suma-side line ito sa isang kainan sa palengke Nagdala sila ng pagkain para pagsaluhan nila. Natuwa naman ang matanda nang makita si jerry. Ilang oras nilang pinag-usapan ang mga kaganapan kagabi. Nakikinig lang ang matanda sa kuwento nila. Pagkatapos ng ilang oras pang kuwentuhan ay nagpaalam na sila Kay Mang Pol at umalis. Tiningnan nila ang likod ng palengke ng bayan kung saan sila dati bumibili ng fishball. Wala na ang stall. Patay na raw ang nagtitinda. Iilan na lang sa lugar na iyon ang nagtitinda ng mga pagkain. Karamihan ay nagtitinda ng damit o nag-aayos ng mga sirang gamit. Tiningnan ni Vincent ang oras sa relo niya. Alas-tres pa lang. May ilang oras pa bago magdilim. Humiwalay muna si Vincent at pumunta ng Pandayan Bookshop. Tumingin siya ng mga libro. May mga bagong labas na inilathala ng mga lokal na publisher. Pinangarap ni Vincent na isa ro’n ay isa sa mga sulat niyang libro. Akala niya nawalan na siya ng pag-asa na makapagsulat ng libro. Pero ngayon tila bumalik ang kanyang kagustuhan na makapagsulat. Naisip niya na isulat ang buhay nilang magkakaibigan, ang kanilang mga pinagdaanan, at gagawa siya ng pagtatapos na hindi pa nila nararating. Hindi niya alam kung ang pagtatapos na iyon ay magiging masaya o masalimuot. Bumili siya ng isang libro ng isa sa mga paborito niyang awtor na si Bob Ong na inilathala lang no’ng nakaraang taon. Isang kathang-isip na gawa base sa mitolohiya ng bansa. Paglabas niya ng Pandayan, pinuntahan niya ang mga kaibigan sa isang ukay-ukay. “Tapos na ba kayo?” tanong niya. “Ako tapos na,” sabi ni Ricky. “Pinaplastik na. Naghahanap pa sila ng damit. Wala rin silang nadala. Ikaw ba, hindi ka bibili?” “Hindi na. Nagbaon naman ako. Nasa sasakyan pa. Baka mamaya pumunta ‘ko kay Mang Ramon para kuhanin sa sasakyan.” “Ano ‘yang binili mo?” “Ah, libro. Wala pa ako nito.” Pagkatapos nilang mamili ng damit, dumeretso na ang tatlo sa tinutuluyan nilang motel. Si Vincent naman ay pumunta kay Mang Ramon at kinuha ang mga gamit niya sa sasakyan. Nang bumalik siya sa tinutuluyan nilang motel ay nasa canteen na ang tatlo, nanonood ng TV. Tiningnan niya ang orasan na nakasabit sa pader. Alas-singko na. “Alam mo ‘yung pakiramdam na parang may multong laging nakatingin sa ‘yo?” sabi ni Benjie. “Hindi mo makita ‘yung nagmamasid sa ‘yo.” Nilingon niya ang mga tao sa loob ng canteen. “Tungkol ba sa kanya?” tanong ni Vincent. “Akala natin ligtas tayo kasi pagala-gala lang tayo sa labas. Pero may nagbabantay pala sa ‘tin.” “Eh ayon ang sabi sa kontrata niya,” sabi ni Jerry. “Gabi lang siya puwedeng magtrabaho.” “Eh di ba pagtatrabaho ‘yung pagmamasid niya sa ‘tin?” “Hindi natin siya mahahanap,” sabi ni Vincent. “Hindi sa ganitong oras. Kailanan pa nating hintayin ‘yung oras ng paglabas niya. Alas-singko na. Malapit na siya. Nakahanda ba kayo?” “Okay na ‘ko,” sabi ni Ricky. “Nanood ako ng tutorial.  Kailangan pag-aralan eh. Baka mapindot ko ‘yung release button.” Tumawa siya at siniko nang mahina si Jerry. “Hindi ba alam ng mga tao rito na may mga baril kayo?” mahinang tanong ni Jerry. “Hindi naman siguro,” sabi ni Benjie. “Hindi naman namin nilalabas.” Nang naglabas na ng mga pagkain ang kainan ay naghapunan na sila. Pagkatapos ay bumalik sa kani-kanilang mga kuwarto hindi para matulog at magpahinga kundi para ihanda ang mga sarili. Nagpalipas lang sila ng oras do’n. Naghihintay ng paglabas ng lalaki. Alas-syete na sa orasan ng mga kuwarto nila. Madilim na ang kalangitan. Pare-pareho lang ang hitusra ng mga kuwarto nila. HIndi ga’nong malaki, pero sapat na para hindi magbigay ng masikip na pakiramdam. May kama na pang-dalawang tao. Sa tabi nito ay may nightstand. Sa loob din ng kuwarto ay may banyo. Meron ding malaking sliding window na tinted ang salamin. Binuklat ni Vincent ang biniling libro at nagbasa para pumatay ng oras. Si Benjie ay nag-f*******:. Si Ricky ay naglalaro ng mobile game. Si Jerry ay walang ginawang libangan. Nakaupo lang siya sa kama, hawak-hawak ang palakol, nag-aabang sa mangyayari. Kusang darating sa kanila ang unos. Hindi na nila ito kailangang salubungin. Tumunog ang cell phone ni Jerry. Tumatawag si Vincent. Kinumusta siya nito at sinabi niyang okay lang siya at wala pang nakikitang kakaiba. Tumawag din si Vincent sa dalawa pa niyang kasama. Pareho rin sila ng tugon kay Jerry. Sinara na niya ang binabasang libro at inihanda ang baril. Sumilip siya sa bintana. Wala naman siyang nakikitang kakaiba. Muntik na siyang mapatalon nang tumunog ang telepono sa nightstand. Sinagot niya ito. “Sir?” sabi ng nasa kabilang linya. Ito ang guwardiya ng building. “Bakit, bossing?” “Pasensya na po. Hindi po ata kayo natawagan nu’ng isa kong kasama. Kararating ko lang po kasi. ‘Yung isa ko pong kasama ‘yung nakabantay kanina rito. Hindi po niya nasabi na pumasok po ang isang berdeng Pick-up truck.” Kumabog ang dibdib ni Vincent. Muntik na niyang mabitiwan ang hawak na telepono. “Pinuntahan ko po ‘yung sasakyan kanina, wala naman pong tao. Nakaparada lang—“ Binaba na ni Vincent ang telepono. Patuloy ang malakas na pagtibok ng kanyang puso. Nagsimula siyang pawisan. Dinakma niya ang baril niya at kinasa ito. Dahan-dahan siyang pumunta sa banyo saka binuksan ang ilaw. Wala roon ang lalaki. Sinilip niya ang ilalim ng kama. Wala ro’n. Lumabas siya ng kuwarto at pinuntahan ang mga katabing kuwarto ng kaibigan. Hindi na niya pinihit ang door knob dahil alam niyang nakakandado ang mga ito. Nagdesisyon na lang siyang sipain ang mga pinto. Una ang kay Benjie na nakatayo sa harap ng bintana. “Bakit?” tanong ni Benjie. “Nandito siya!” Lumabas ng kuwarto si Jerry, nakahanda na ang palakol. Narinig niya ang kalabog ng pinto. “Ano’ng nagyari?” Tanong niya. Lumabas rin mula sa isang kuwarto ang isang matanda. Minura sila nito dahil sa ingay na nagawa ng pagsipa ni Vincent sa pinto at bumalik sa loob ng kuwarto. Kinatok ni Vincent ang pinto ni Ricky at tinawag sa pangalan ang kaibigan. Nang hindi sumagot, sinipa rin niya ang pinto nang malakas at agad namang bumigay.  Agad silang pumasok ng kuwarto. Wala na ang kaibigan nila sa loob. Wala rin sa loob ng banyo. Nakita nila ang bintana ng kuwarto na nakabukas. Pumasok ang malamig na hangin sa loob. “Ayon!” sigaw ni Benjie sabay turo sa papaalis na berdeng pick-up. Dumaan silang tatlo sa bintana at lumabas. Hindi nila maisip kung nasaan si Ricky, maliban sa papaalis na sasakyan. Hinabol nila iyon at nakarinig sila ng isang putok ng baril. Mas binilisan pa nila ang pagtakbo, pero walang laban ang mga binti nila sa makina ng sasakyan. Napahinto na lang sila sa entrance gate ng motel habang pinapanood na makalayo ang sasakyan. “Tangina!” inis na sigaw ni Vincent. Malapit sa guard house ay nakita nila ang nakahandusay na guwardiya. Sinabihan ni Vincent si Jerry na tumawag ng nurse o ambulansya. Sinabihan niya si Benjie na itago ang hawak na baril. Kinuha ni Vincent ang bimpo sa bulsa at idiniin sa sugat ng guardiya. “Dala ng lalaki ‘yung isa n’yong kasama. ‘Yong nakasalamin,” hirap sa pagsasalita ang guwardiya. May tama ito ng baril sa tiyan. “’Wag ka munang magsalita. Tumawag na kami ng ambulansiya,” mahinahong sabi ni Vincent. “Sumisigaw siyang tulong kaya pinigilan ko ‘yung sasakyan. Saka ako binaril. Pasensya na. Di ko nasabi na—“ “Ayos lang po. Magpahinga lang po kayo riyan. “ Hindi na nila alam ang gagawin. Kinuha si Ricky. Hindi nila alam kung anong pahirap ang gagawin sa kaibigan. Hindi sila mapakali. Tumakbo si Jerry parating sa kinaroroonan nila Vincent. “Tumawag na ‘ko!” Nakita ni Vincent ang mga paparating na nurse. Kasama sa kanila ang isang matabang lalaki na nakilala ni Vincent na may ari ng motel. Tumunog ang cell phone ni Vincent. “Benjie, ikaw muna rito,” sabi niya at lumuhod si Benjie at idiniin ang bimpo sa sugat ng guwardiya. Kinuha niya ang cell phone sa bulsa gamit ang kamay na walang bahid ng dugo. Isang di kilalang number ang tumatawag. Sinagot niya ito. “Hello?” “Ikaw si Vincent.,” sabi ng kausap sa kabilang linya. Malamig ang boses nito. --------------------------- “Gusto mong maglaro?” sabi niya sa kausap. Unang beses niyang kinausap si Vincent. Malaking tulong na nalaman niya ang tinutuluyan ng mga ito. Masyado silang pabaya. May mga bagay silang hindi tiningnan. Walang malay ang katabi niya. May sugat ito sa noo gawa ng pagkakapukpok niya ng baril sa ulo nito. Tama ang pinili niyang kuhanin. Mahina ito. Hindi agad nito nagamit ang baril sa taranta, ni hindi ito nakasigaw. Wala itong naging laban sa malalaki niyang braso. Kinagat pa siya nito sa kamay nang takpan niya ang bibig nito. Sa pagdala niya nito sa sasakyan ay hindi rin siya nahirapan. Tila ba gusto talaga nitong sumakay. Tiningnan niya ang katabi. Matagal na sana niya itong napatay kung hindi lang tanga ang mga taong kinuha ni Kapitan. Gusto na niyang patayin ito, dito at ngayon. Pero kailangan niya munang magtimpi. Gagawin niya ang plano niya. Gustong-gusto niya sila sirain, sa iba’t ibang paraan at anyo. Pagsisisihan nila ang mabuhay sa parehong mundong tinitirhan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD