Kabanata 21: Resbak

1314 Words
2015 Lumabas sila ng barangay hall na para bang walang nagyari. Hindi na sila sinundan pa ng kapitan. Nanatili ito sa loob at gulat pa rin sa nangyari. Bitbit ng dalawang binata sa kanilang isipan ang impormasyong nakuha nila. Umalis sila para bumalik kina Mang Pol. Iginagala nila ang mga mata sa paligid habang naglalakad. Naisip nila na niligtas sila ng presensya ng ilang tao sa kalye kahit mahigit hating gabi na. Nadaanan sila ni Mang Ramon na naglalakad. Naka-tricycle ito, kakagaling lang sa ospital. “O!” sabi niya. “Anong oras na, ah! Ba’t nasa labas pa kayo? Sa’n kayo galing?” “Ah,” si Miguel ang sumagot. “Galing kami ro’n kay Mark. Gumawa lang kami ng thesis.” “Ba’t hindi pa kayo ro’n natulog? Mahigit alas-dose na, uuwi pa kayo.” “Eh, ayaw po ng nanay niya eh.” “Ikaw,” sabi ni Mang Ramon kay Vincent. “Kanina ka pa hinahanap ng mama mo. Umuwi ka na raw. Buong araw ka na raw wala sa bahay.” “Nagpaalam na ‘ko kay mama kanina. Alam na niya.” “Sumakay na kayong dalawa. Ihatid ko na kayo sa inyo.” “Paderetso na lang kami kina Mang Pol,” sabi ni Miguel. “Tutulungan pa namin siya para sa burol ni Paul bukas. Nagpaalam na kami. Do’n na lang muna kina tita Susan ‘yung mga kapatid ko.” “Sige. Kayo bahala.” Sumakay sila sa tricycle ni Mang Ramon. Nagtabi silang dalawa sa sidecar kahit medyo masikip. “Nasa’n ‘yung dala mong kutsilyo?” pabulong na tanong ni Miguel kay Vincent. “Nakatago sa damit ko.” “Sa’n nga ba ‘yung bahay ni Mang Pol?” tanong ni Mang Ramon. “Sapang Putol siya, di ba?” “Opo,” sagot ni Vincent. “’Yung papunta po ng Pinaod, hindi po sa highway.” “Sige, sige.” Matapos ang ilang minutong pagmamaneho, narating na nila ang Sapang Putol. “Dito ba dadaan sa Pulo papunta ro’n?” tanong ng driver. “Opo. Dito na lang po kami bababa. Lalakarin na lang po namin,” sabi ni Vincent. Bumaba silang dalawa at nagpasalamat sa driver saka ito umalis. Nilakad nila ang sementadong daanan na napapaligiran ng mga bukirin. Malapit na sila sa bahay ni Mang Pol. Palatandaan ang ilang puno ng mangga sa bakuran ng bahay ng matanda. Pinuntahan nila ang bahay. Kakatukin na sana ni Vincent ang pinto sa paraan na tinuro ng matanda nang marinig niya ang mahinang hikbi sa loob. Hindi niya makilala kung kanino. Sinubukang pihitin ni Miguel ang door knob. Hindi nakakandado. Binuksan nila ito at nakita nila ang lalaking kalbo na papalapit kay Jerry na hawak ang baretta ni Mang Pol. May hawak na patalim ang lalaki. Hindi na nag-isip si Miguel at sumugod agad sa papalapit na banta. Nakaramdam siya ng matinding sakit sa puson ng sipain siya nito. Napaluhod siya at lukot na lukot ang mukha sa tindi ng pagngiwi sa sakit. Sumugod si Vincent hawak ang kutsilyo pero wala rin siyang nagawa nang sikmuraan siya ng lalaki. Nang mapayuko saka siya nito in-uppercut. Tumumba siya malapit kay Miguel. Bumalik kay Ricky lakas ng loob at itinarak sa likod ng lalaki ang hawak niyang kutsilyo. Binalingan  siya nito at hinawakan sa leeg nang mahigpit. Humampas sa likod niya ang pader. Umangat siya mula sa sahig. Ganito pala ang pakiramdam ng binibigti, naisip niya. Ipapako siya nito sa pader gamit ang patalim nito. Tumakbo agad si Jerry at niyakap ang braso ng lalaki na may hawak ng kutsilyo. Sinusubukan niyang kalasin ang mahigpit na hawak ng mga daliri nito sa patalim, pero wala siyang nagawa. Binitiwan nito si Ricky at sinapak uli si Jerry. Bumitaw si Jerry sa braso nito at natumba, walang malay. Lumuhod ang lalaki sa kanya at itinapat ang switchblade sa leeg niya. Tuluyan na sanang babaon ang talim sa leeg ni Jerry kung hindi humampas sa ulo ng lalaki ang tubo. Napatumba ito, pero hindi pa rin nawawala ang mahigpit na hawak sa switchblade. Tumakbo si Ricky at hinila ang walang malay na si Jerry papalayo. Nilapitan ni Louis ang nakaluhod na lalaki, hawak ang tubong hinampas niya sa ulo nito. “Sabi ko, ‘wag silaAAAARGHH!” bumaon sa hita niya ang talim ng switchblade. Tumuba siya, at bumangon naman ang lalaki. Sumigaw pa si Louis nang hugutin mula sa kanyang hita ang talim. Itinapat ng lalaki ang talim ng kutsilyo sa leeg ni Louis nang pahalang. Inipit ni Louis ang talim gamit ang matabang baba para hindi malaslas ang leeg niya, pero alam niyang ilang segundo lang maaantala ang paghiwa. Hindi niya kayang ipitin ang talim nang matagal. Dumating si Miguel at binalot ang braso niya sa leeg ng lalaki. Hinigpitan pa niya nang hinigpitan. Bumangon ang lalaki mula sa pagkakaluhod, tila kinalimutan ang dapat gawin kay Louis. Nakalambitin sa likod nito si Miguel na hindi pa rin bumibitaw sa leeg nito. Paatras itong tumakbo at humampas si Miguel sa pader. Tuluyang nawala ang mahigpit na kapit niya at bumagsak siya sa pader na parang patay na palaka. Isang putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng bahay. Hawak ni Mang Pol ang Baretta. Naibalik na niya ang magazine ng baril. Umagos ang dugo sa likod ng lalaki, hindi malayo ang tama kung saan tinarak ni Ricky ang kutsilyo. “Putang ina mo,” mahinang sabi ng matanda. Hindi pangkaraniwan para rito ang magmura. “Pinatay mo ang apo ko. Mamamatay ka na rin.” Nagpaputok pa siya nang isang beses. Pinupuntirya ni Mang Pol ang puso ng lalaki. Sa halip, tumama lang ito sa balikat. Bahagyang napaatras ang lalaki. Nanatili ito sa kinatatayuan at nakatitig lang sa matanda. “Mamatay ka na!” Magpapaputok pa sana ang matanda nang may hinugot na kung ano ang lalaki mula sa jacket nito. May hinilang parang pin. Granada. Nanlaki ang mga mata nila sa nakitang hawak ng lalaki. Hindi siya mabaril ni Mang Pol dahil sa oras na mabitiwan nito ang pasabog, maaaring maging malaki ang pinsala. Agad itong ipinagtaka ni Vincent. “Labag ‘yan sa kasunduan n’yo ni Kapitan Jojo,” sabi niya. Hindi sumagot ang lalaki. Naglakad lang ito palabas ng bahay. Walang makalapit dito. Pinapanood lang ito. May mga tulo ng dugo sa sahig galing sa lalaki. Hindi maganda ang kalagayan nito. At itong paglabas ng granada ay desperadong hakbang. Nakalabas na  ang lalaki at hinawakan ang doorknob sa labas at sinimulang isara ang pinto. Na-imprinta sa isip nila ang mukha nito. Ang malamig nitong tingin. Ang mukhang parang manikin. Tumigil ang mundo nila nang bago tuluyang maisara ang pinto, inihagis nito ang granada sa loob. Agad silang lumayo sa pasabog at yumuko. Ang ilan sa kanila ay lumuhod, hawak-hawak ang ulo, nagtago sa likod ng sofa o sa kung anong matataguan. Nakariin sa mga tainga nila ang mga palad, naghihintay sa malakas na pagsabog. Patuloy silang naghintay. Hindi sila eksperto sa mga pasabog, pero alam nila, hindi nagtatagal ng anim na minuto bago tuluyang sumabog ang granada. Dahan-dahan silang tumayo, inaasahan pa rin na anumang oras ay may pagsabog na mangyayari. NIlapitan ni Mang Pol ang granada. Pinigilan siya ni Benjie, pero nagpatuloy pa rin siya. Dinampot niya ang granada. Magaan. Gawa sa plastic. May ukit na ‘Made in China.’ “Laruan lang,” sabi ng matanda. “Po?” sabi ni Ricky. “Peke ito.” Sinilip ni Miguel ang labas ng bahay. Wala na ang lalaki sa paligid. “Umalis ang puta.” Kinuha ni VIncent sa matanda ang laruang granada. “Sabi na nga ba. Imposibleng lumabag siya sa kasunduan nila ni Kapitan.” “Anong kasunduan?” tanong ng matanda. “Napiga na po namin ang mga impormasyon kay Kapitan. Kumpirmadong siya ang nagpapatay kay Mang Danny at Paul. At ‘yung lalaking kalbo, tuta niya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD