2027 Ipinarada ni Jerry ang sasakyan niya sa paradahan sa Colegio de San Ildefonso. Pinatay niya ang makina ng sasakyan saka bumaba, bitbit ang palakol. Alam niyang walang laban ang bitbit niya sa dalang baril ng lalaki. Alam niyang mababa ang tsansa niyang manalo. Pero hindi niya iyon masyadong inalintana. Kung iisipin pa niya ang bagay na iyon, baka hindi na siya makakilos. Ginawa niya ang ginawa niya nang pumunta siya rito sa San Ildefonso ilang araw lang ang nakalipas -- naghintay. Pero sa pagkakataong ito, ang kamatayan na ang hinihintay niya. Umupo siya sa bangko na nakakabit sa puno ng mangga. Sinilip niya ang loob ng eskuwelahan. Nakasindi ang ilaw ng isang kuwarto sa isang building. Tiningnan niya ang paradahan kung may ibang sasakyan. Ngayon lang niya napansin ang isang nakapa

