Chapter Thirty

3454 Words
“A happy family is but an earlier heaven.” Sir John Bowring "Ma, tumahan na kayo. Okay lang si kuya Harold. Kompleto ang katawan niya, bakit ba kayo umiiyak?" Pinaningkitan ni Hairah ng mata ang kapatid na si Helena dahil sa sinabi nito sa ina. Sa halip kasi na tumahan ang ina ay lalong lumakas ang iyak nito. Sobrang na-miss nito ang kapatid nilang lalaki. "H-Hindi lang ako makapaniwala sa nangyari," sumisigok na wika ng ina nila. Naiiling na tumabi si Hairah sa ina at iniangkla ang braso nito. "Ma, tumahan ka na. Hindi ka ba masaya na umuwi na si Harold?" masuyong tanong niya. "M-Masaya," nagpupunas ng luha na tugon ng nanay nila. "Hindi lang kasi ako makapaniwala na umuwi na siya. Hindi man lang siya nagpasabi para nasundo natin siya." May himig pagtatampo ang tinig nito nang sumagot. "Ma, surprise nga daw po," sabat naman ni Helena na nakahalukipkip habang nakasandal sa may pinto ng silid ng kwarto ng mga magulang nila. “Saan po kayo nagkita ng surprise tapos sasabihin?” Lihim na pinanlakihan niya ng mata si Helena. Ito talagang kapatid niya. Buong akala ni Hairah ay ang buong Sabado niya'y matutuon sa pag-iisip kung paano maghahanda para sa pagsundo sa kaniya ni Elijah mamayang hapon. Ngunit ang lahat ng isipin tungkol kay Elijah at sa 7th birthday ni Rocky ay lumipad dahil sa sorpresang pagdating ng pangalawang kapatid na si Harold. Gaya ng normal na Sabado ay abala sila sa gawaing bahay. Dahil madalas siyang wala sa bahay ay siya na ang nagprisintang maglinis ng bahay at ng mga kwarto. Sina Helena at ang ina ay magkatulong sa paglalaba habang ang kaniyang ama at si Henry ay magkatulong sa paggagamas ng mga d**o sa maliit nilang hardin sa harap ng bahay at maliit na taniman ng gulay sa likod-bahay. Bungalow style ang bahay nila na may limang kwarto, tatlong bathroom, salas, dinning area at maliit na teresa sa harapan ng bahay. Noong una'y ang mga magulang lang nila ang unti-unting nagpapaayos ng bahay ngunit nang maka-graduate sila ni Harold at magkatrabaho ay tumulong sila sa pagpapa-renovate ng buong bahay. Alas-diyes na mahigit ng umaga at nagpapahinga na sila nang may nagpatao po mula sa labas ng gate. Ang nanay nila ang pumunta para silipin kung sino iyon at nagulat na lang silang lahat nang bumalik ito sa loob ng bahay na hindi halos magkaintindihan sa pagsasalita habang  umiiyak. Gulat sa nangyari, lumabas si Henry. Abang na abang sila sa pagbalik ng bunso habang pinapatahan ang ina nila. Lalo namang umiyak ito nang pumasok si Henry na may hilang dalawang maleta kasunod ang kakamot-kamot sa batok na si Harold bitbit ang malaking kahon. “Diyos ko, andito na nga ang anak ko!” Hindi pa rin makapaniwalang bulalas ng nanay nila na siyang bumasag sa gulat nilang lahat. Tinitigan muli nito si Harold at nagpatuloy sa pagluha. “Ito talagang mama mo, napakaiyakin,” bagama’t namumula ang gilid ng mga mata ay pilit pinasigla ng ama ang tinig. “Mano po, papa,” ani Harold at lumapit sa ama. “Magtigil ka diyan,” mahinang angil ng ina nila. “Hindi ako iyakin!” “Kayo na ang humusga,” iiling-iling na tugon ng ama nila at binalingan sila ni Helena na nakatitig lang sa kanila. “Tititigan ninyo na lang ba ang kapatid ninyo?” Nagkatinginan sila ni Helena sabay bumungisngis. “Kuya, wala bang pang-shave sa Dubai?” ngisi ni Helena na lumapit kay Harold. “Ikaw talagang bata ka.” Inakbayan nito si Helena at ginulo ang buhok. “Nagdadalaga ka na, ah.” “At lalong gumaganda,” dugtong ni Helena na bahagyang lumayo kay Harold para makaiwas sa panggugulo nito sa buhok. “Pero parang mas natangkaran ka na ni Henry,” puna ni Harold kay Henry na abala sa pagpapasok ng ibang gamit ng kapatid. “Hmmpp! May sira ang pituary gland niyan. Nasobrahan ng somatotropin sa katawan,” ingos ni Helena na sinamahan pa ng paghalukipkip. “Hayan ka na naman sa trivia mo,” lingon dito ni Harold. “Hindi ako katangkaran, talagang ma—” “Subukan mong ituloy iyan at sinasabi ko sa’yo,” pagbabanta rito ni Helena. Natatawang naiiling na lang si Hairah sa kambal. Natigilan siya nang mapansing nakatingin sa kaniya si Harold. “Blooming ka, ate. May makakakaliskisan na ba kami?” “Matagal na akong nagbo-bloom. Tsaka, hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan?” aniya at lumapit rito. “Isda lang ang kinakaliskisan naming doon.” Ngumiti siya at mahinang hinampas ito sa braso. “Mga pakulo mo ha. May nalalaman-laman ka pang one-year-extended contract. Iyan tuloy, pinaiyak mo si mama.” Likas kay Harold ang pagiging palabiro at malambing. Sa kabila ng katotohanang mas bata ito sa kaniya ng dalawang taon, hindi lihim kung gaano ito nag-aalala sa kaniya pagkatapos mawala ng bunso nilang kapatid. “Totoo talaga ito. Hindi ako nananaginip.” Natigilan silang lahat nang marinig magsalita ang ina. Magkatabi na ito ng ama nila, malamlam ang mga matang nakatingin sa kanila. Handa na siyang magsalita nang biglang tumayo ang nanay nila at tumakbo papunta sa kwarto nito at ng ama. Susundan sana ito ng papa nila pero sinabi nila ni Helena na sila na lang ang bahala. At kahit kanina pa nila inaamo ang ina, ayaw pa rin nitong lumabas ng silid. "Hindi ko man lang naipaghanda ang kapatid ninyo," umiiyak pa ring saad nito. "Ma, may oras pa naman po. Isa pa, sabi ni Harold na magtatagal na siya dito sa Pilipinas. Maraming panahon para ipagluto at ipaghanda ninyo siya," malumanay pa ring pampakalma Hairah. “Araw-araw ipinagdarasal kong pauwiin na si Harold. Ayos lang sa’kin kahit bumalik sa paglalako ng mga kakanin o magluto ng maraming order at…” Nagsimula na namang magsalaysay ang ina nila. Tahimik na nagkatinginan sila ni Helena at halos sabay na napabuntonghininga. Hindi sila mayaman, pero masipag ang mga magulang, niya at maaga silang iminulat sa realisasyon ng buhay. Huminto ang nanay nila sa paglalako ng mga kakanin at tumatanggap na lang sa bahay ng mga palutong order nang magkatrabaho siya. Pero dahil gusto ni Harold na mapabilis ang pagpapaayos ng bahay nila at mapatigil na rin ang ama sa pagtatrabaho, maaga itong nag-abroad. Kung susumahin, mas malaki pa ang naiipadala ni Harold sa mga magulang kesa sa naiibigay niya. Madalas din siyang makarinig ng mga komentong bakit hindi siya mag-public teacher total ay lisensiyado naman siya at may karanasan na, mas malaki ang sahod at mas maraming benipisyo. Naiisip niya ring lumipat, pero nang magsimula siyang sumali sa mga volunteer service at makakuha ng konting income sa pagsusulat, nagdalawang-isip siya. Hindi rin pumayag ang mga magulang niya kung ang magiging dahilan ay sila. Para sa mga magulang nila, gusto ng ina nila ang pagluluto habang ang ama ay baka raw lagnatin kapag napatigil sa pagtatrabaho. Alam din nilang hindi biro ang maging public teacher. “Ma… Andito na si Harold. Naghihintay siya sa labas para ipagluto ninyo.” "Ewan ba diyan kay mama," komento naman ni Helena na umalis sa pagkakasandal. Tumingin ito sa labas ng silid na siya namang pagsungaw ni Harold. Sa panlabas, masasabing lalaking version niya ang kapatid. Maliban sa mas malago ang itim na itim na buhok nito, may katamtamang bigote at balbas pa ito. Halata ring mas lumaki ang pangangatawan at mas tumangkad kumpara noong hindi pa ito pumupunta ng ibang bansa. "Mama," tawag ni Harold sa ina bago pumasok sa silid. Nagkatinginan sina Hairah at Helena. Oras na para umalis at iwan ang ina at kapatid para magka-usap. Inalis ni Hairah ang pagkaka-angkla ng braso mula sa ina at tumayo para lumabas ng silid. Naaalala pa niyang ilang linggo bago naka-move on ang kaniyang ina sa pag-alis ni Harold. Hindi niya masisisi ito dahil nawalan na ito ng anak at ang mawalay ang isa pang anak para pumunta sa bansang libo-libong milya ang layo sa kanila ay tiyak na mahirap para dito. Habang nag-uusap ang ina at si Harold, sinamantala nina Hairah at ng kambal na maghanda ng mga sangkap para maipagluto ang kapatid ng paborito nitong putsero. Sakay ng motor ay pumunta ng palengke sina Henry at Helena para bumili ng ilang ingredients habang siya ay naghanda na sa kusina. Ang ama niya'y ipinasok ang mga gamit ni Harold sa kwarto nito at pagkaraa'y sinamahan ang kapatid at asawa. Eksaktong dumating sina Henry at Helena ay lumabas ang mga magulang nila at ang kapatid. Susunod sana si Harold sa kusina pero pinigilan ito ng ina nila habang nakapameywang sabay sabing, "Hala, magpalit ka doon ng damit at pagkatapos ay doon kayo ng papa mo sa salas. Huwag na 'wag kang pupunta dito sa kusina." Natatawa na lang sila nina Helena sa inasal ng ina. Magkakatulong na nagluto silang tatlo sa kusina habang ang ama at dalawang kapatid na lalaki ay nasa salas at nagkukwentuhan. Hindi rin nagtagal ay dumating ang ilang mga pinsan nila. Dahil dito, dinamihan nila ang nilutong puchero, adobo at pansit guisado. Gumawa rin sila ni Helena ng fruit salad na hindi rin halos lumamig dahil sa kakulangan sa oras. Hindi rin naman ito halos napansin dahil napuno na ang bahay nila nang tawanan, kwentuhan, at kumustahan. Mag-aala-una na ng hapon ngunit nasa kusina pa rin si Hairah at tumutulong sa nanay niya na magluto. Panay pa rin ang dating ng mga kalapit nilang kamag-anak nang malaman na dumating na si Harold. Gusto man nilang pagpahingahin muna ang kapatid ay hindi rin ito nagpapigil sa kagustuhan na makakwentuhan kaagad ang mga pinsang lalaki. Napailing na lang si Hairah habang naghihiwa ng bawang para sa spaghetti na lulutuin. "Ate!" tawag ni Helena sa kaniya mula sa labas ng kusina. "Bakit?" tanong niya na patuloy sa paghihiwa ng bawang. "Cellphone mo!" tugon nito na pumasok sa loob ng kusina dala ang cellphone niya na tumutunog. Nilingon niya ito sabay tanong, "Sino iyan?" "Unknown caller," kibit-balikat nitong tugon sabay lahad sa kaniya ng cellphone. Nagpunas siya ng kamay at inabot iyon. Sinundan niya ng tingin ang kapatid na lumabas ng kusina pagkakuha ng pitsel ng tubig sa mesa. Sinagot naman niya ang tawag at inilagay iyon sa may tenga. Hindi pa siya nakakapagsalita nang dumagsa naman ang mga batang pinsan niya sa kusina. Narinig niyang may nagsalita sa kabilang linya pero dahil sa ingay ay hindi niya maunawaan. Akmang sasawayin niya ang mga ito nang lumapit ang isa sa mga pinsan niya. "Ate Hai, heyo," bati ni Sarah, ang anak ng kaniyang kuya Bill. Four years old pa lang ito at sobrang cute kaya hindi niya mapigilang hindi batiin rin ito. "Hi, baby," magiliw na bati niya dito sabay yuko para pisilin ang cute nitong pisngi. Bumungisngis ito sa kaniya. "Mga batibot, may inihaw na hotdog sa labas. Doon tayo!" malakas na tawag ni Helena sa mga bata kaya mabilis at maiingay na nagpulasan ang mga ito. Muling natahimik ang buong kusina at natuon muli ang atensiyon niya sa cellphone. Muntik nang mawala sa isip niyang may kausap nga pala siya. "Hello?" aniya. May mahinang tawa sa kabilang linya at sa tono ng boses nito ay lalaki ito. Nagsalubong ang kilay niya. "Sino po sila?” "Baby?" a familiar voice asked on the other line. He sounded teasing and amused at the same time. Hairah's body stilled after she heard the voice. She looked at the screen. It says 'Unknown Caller', but the person she was thinking who's on the other line was making her pulse rise. "Hmm... Who's this?" she asked, even though an image dashed in her mind. "Ouch," he feigned a hurting voice though she could sense that he's laughing. "Elijah?" she whispered, almost gasping. "Yeah, baby," he replied in still a teasing tone. She bit her lower lip to suppress a smile. She could sense that he's just teasing her, but the feeling that he's calling her 'baby' does feel good, way the best. Oh gosh, Hairah. Stop flirting! "It wasn't you," she pointed out while trying to calm down. He chuckled and bit out, "Ah, akala ko ako." Oh gracious God, please tell him to stop it. My heart is going to burst anytime soon. "Geez," she just murmured. He chuckled again but didn't say a word. "Anyway, paano mo nalaman ang number ko?" tanong niya pagkaraan habang pigil pa rin ang pagngiti. "My ways," he simply answered. Hindi na siya nagulat sa bagay na iyon. Nalaman ni Yannie ang mga impormasyon tungkol sa kaniya kaya hindi rin impossible para rito. "Isn't it illegal to use your authority to know personal information of a certain person?" It's now her time to tease. This time, he didn't chuckled, he laughed—a sweet, appealing and hunky laugh. How beautiful his laugh was. "I didn't use my authority. I just used my talent," he bragged jokingly. Sinupil muli ni Hairah ang pagsilay ng ngiti sa labi. Para bang ibang Elijah ang kausap niya ngayon. "Well if you say so. Bakit ka nga pala napatawag?" "Ire-remind lang kita. I'll be there at two-thirty." "Oww, oo nga pala," bulalas niya sabay tingin sa wall clock nila. One-ten na at hindi pa siya nakakaligo. Nanlilimahid na siya sa pawis at sa amoy ng mga niluto nila sa kusina. "Busy ka ba?" tanong ni Elijah na humina ang tinig. "Ano... kasi dumat—" "Esther!" Napatigil sa pagsasalita si Hairah nang tumawag ang ina niya. Pumasok ito ng kusina at kaagad tumungo ang mga mata sa kaniya. "Hindi ba’t aalis ka mamayang two-thirty?" Hindi pa nakakasagot si Hairah nang muling magsalita ito. "Hala! Tumayo ka na diyan, magpahinga at nang makaligo ka." "Pero, mama, hin—" "Hala, sulong na." Lumapit na sa kaniya ang ina at pinatayo na siya sa pagkaka-upo niya. Napatingin ito sa cellphone na nasa tenga pa rin niya. "Tumatawag na ata ang mga kasama mo. Bilisan mo na," pagtataboy pa nito sa kaniya. "Pero si Harold?" pagpoprotesta niya habang inaalis ang cellphone sa may tenga. “Nasabi ko na. Okay lang sa kaniya. Marami pang panahon na titigil dito ang kapatid mo," pagpapaliwanag ng kaniyang ina habang tinutulak siya palabas ng kusina. Wala nang nagawa si Hairah kundi ang lumabas ng kusina habang hawak pa rin ang cellphone. Gusto niya tuloy pagsisihan na nagpaalam pa sa ina. Papasok siya ng kwarto nang tingnan ang screen. On-going pa ang tawag at hindi pa nagbababa si Elijah ng cellphone. "Elijah?" "Sounds you're available now," natatawang anito. Pumasok siya kwarto, isinara ang pinto at naupo sa gilid ng kama. "Sa tingin ko nga." "Then, take your time getting ready." "Okay." "Bye, Hairah. See you later." "Bye. See you later." The moment the call ended, she plopped her back at the soft bed. Hindi niya mapigilang hindi mapangiti. Elijah took the initiative to find her number. He called her, teased her, and they're going to meet later. Oh God, I may love him. But please, don't let my heart take over. ***** Nang makapagpahinga ay mabilis na naligo si Hairah, nagbihis, at nag-ayos. Kumuha lang siya sa dresser ng damit na sa palagay niya'y komportable siyang makakakilos. Gusto man niyang mag-ayos, pero wala na siyang oras at kahit sinabi pa ni Elijah na 'take your time' hindi niya gustong paghintayin ito. She was wearing off-white cotton pants, color maroon blouse with lap-over short sleeves and cream flat shoes. She put a small amount of powder, blush on, and lip balm before she brushed her damp hair. Nang tumingin siya sa orasan ay two-twenty na kaya pagkakuha ng regalo at ng purse ay nagmamadali siyang lumabas ng silid. Nasa salas siya nang masalubong si Henry na may dalang pitsel na walang laman. Tumigil ito pagkakita sa kaniya at may pag-aalangang tumingin sa kaniya pero dahil nagmamadali ay hindi masiyadong pinagtuunan nang pansin. "Aalis na ako. Si mama?" tanong niya rito. "Nasa labas sina mama," tugon nito sa mahinang tinig sabay iwas nang tingin. Tinitigan niya ang kapatid. "Bakit ganiyan ang hitsura mo?" "Eh kasi..." Tumigil ito sa pagsasalita at ibinaba ang pitsel sa center table. "Hindi ko kasi nasabi kina mama at papa ang tungkol sa pagsundo sa'yo ni Sir Pelaez noong nakaraan," pagpapaliwanag nito na para bang hindi mapakali. Hindi na siya nagulat sa sinabi ng kapatid dahil pag-uwi ay hindi naman nagtanong ang mga magulang. Naging pabor din sa kaniya dahil umuwi siya noon na pagod at wala sa huwisyong pag-usapan si Elijah. Marahil sa isip din ng mga magulang niya ay kasamahan lang niya ang sumundo sa kaniya kaya hindi na ang mga ito gasinong nagtanong. Pero ang ipinagtataka niya ay kung bakit nagkakaganito ang kapatid. "Okay lang iyon," pampalubag-loob niya dito. "Eh kasi, ate," lumunok ito at diretsa siyang tiningnan. "Kausap nila sa labas si Sir Pelaez at inuulan na nila nang tanong." Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Magsasalita pa sana ito pero malalaki ang hakbang na tumungo siya sa labas. Hindi niya mapigilang hindi kabahan. Magkaibigan man sila ni Elijah pero tiyak na kukwestyunin ng ama niya kung bakit sila magkasama at magkakilala. Kilala sa lugar nila si Elijah at alam nila ang nangyari dito ngunit mas kilala niya ang ama at tiyak hindi nito gugustuhing makita ang anak nitong babae na kasama ng isang lalaking hindi pa nagtatagal na namamatay ang asawa. Idagdag pang hindi man lang niya naiipakilala ito sa kanila bilang kaibigan niya. Bukod doon, nasa bahay nila ang maraming kamag-anak nila. Hindi magtatagal ay kakalat iyon at makakarinig siya nang hindi maganda. Wala sa kaniya ang sasabihin ng mga tao, kakayanin niya iyon. Pero ang mga magulang niya at si Elijah... Oh geez! Hindi pa siya nakakalabas nang tuluyan ay nakatuon na sa kaniya ang pansin ng lahat. Hinanap ng mga mata niya si Elijah at nakita itong nakaupo sa pagitan ng ama na seryoso ang mukha at ni Harold na bagama't nakangiti ay tila nananantiya ang mga mata. Nakangiti ito sa kaniya pero blangko ang mga mata nito. Akmang magsasalita siya pero naramdaman niyang tumabi sa kaniya ang ina. "Aalis na ba kayo ng kaibigan mo, Hairah?" malakas nitong tanong na tila ba sinasadya nitong iparinig iyon sa lahat. Nakatingin ito sa mga mata niya at kahit hindi ito magsalita ay alam niyang sa mga oras na ito ay ginagawan lang siya nito ng pabor pero tiyak na mag-uusap sila mamaya. Isang mahaba, malinaw, at matinding pag-uusap. Napalunok siya sabay tango. "Opo, mama." Nilingon niya si Elijah na tumayo at tila nagpapaalam sa kapatid at ama niya. "Hindi mo nabanggit na magkaibigan pala kayo ni Sir Eli," biro ni Kris, isa sa pinsan niya. Ngiti lang ang tugon niya bago lumapit sa ama at sa kapatid. Sumulyap siya kay Elijah at nawala na ang ngiti nito, sa halip ay tila nag-aalala ito sa kaniya. Ginawaran niya ito nang matamis na ngiti. Isang tango ang ibinigay nito sa kaniya. Nang makalapit sa ama ay nagmano siya dito. Naramdaman niya ang paghigpit ng hawak nito sa kamay niya. "Hairah Esther," mahina pero may awtoridad na ani nito. Tumuwid siya nang tayo at may ngiti sa labi na hinarap ang ama, at dahil wala naman siyang pagpipilian dahil naroroon ang ilang tiyo't tiya kasama ng mga pinsan niya, hinarap niya din ang mga ito at ipinakilala si Elijah. "Pa, s-si Elijah po," pilit na pinatatag ang tinig na aniya kahit na ang totoo'y gusto niyang pumiyok dahil sa nagririgodong kabog ng puso niya, "kaibigan ko," dugtong pa niya at pasimpleng tiningnan ang mga kamag-anak. "Ipinakilala niya na ang sarili niya sa lahat," seryosong wika ng papa niya bago tumayo. "Nagiging masikreto na ang dalaga ko," naiiling na ani ng papa niya bago inakbayan siya. Tiningnan niya ang ama na bahagyang nabawasan ang kaseryosohan sa mukha. Nilingon naman nito si Elijah na may magalang na ngiti sa labi. "Pakiingatan na lang ang dalaga ko at kung sakaling may panahon ka'y minsan ay dumalaw ka dito para makapagkwentuhan tayo." Kaswal man ang pagsasalita ng ama pero dama ni Hairah ang kakaibang mensahe na ipinapadala nito kay Elijah. "Papa," mahinang usal niya sa ama. Wala itong naging sagot sa kaniya. "Masusunod po, Sir," magalang na ani Elijah na may munting ngiti sa labi. "Tito Dan na lang," pagtatama ng ama niya. "Kung iyon po ang gusto ninyo, T-tito Dan," bahagya man na nag-alangan si Elijah ay hindi nawala ang ngiti sa labi nito. "Tita Mayeth," ani naman ng nanay niya na tumabi sa kanila. Tumango si Elijah sa ina niya. "Dan, bitawan mo na ang anak mo at kailangan na nilang umalis," baling na mama niya sa amang nakaakbay pa rin sa kaniya. Inalis ng ama ang braso sa balikat ngunit bumulong itong, "Hairah Esther, may ipapaliwanag ka pa." Kagat-labing tumango siya. Humanda ka talaga, Hairah! *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD