"Ate Tanya, ano pong nangyayari? Akala ko'y nasa kuwarto n'yo kayo?" tanong ni Lian na ikinakurap ko.
"Gobernador, bakit n'yo naman pinosasan si Binibining Tanya?" tanong ni Azilan na lumapit sa akin at sinipat ang higpit nito. "Naku, wala pa naman itong susi..."
Agad na bumulusok ang dugo ko sa nais sabihin ni Azilan.
Mabilis kong hinarap ang kupal na ito na nagngangalang Timotheos, Gob, Gobernador o kung ano mang tawag nila sa kaniya!
"Iluwa mo na ang susi," pilit na mahinahong utos ko. "Susian mo na ito."
"Hindi mo ba naulinigan? Sinabi na ni Alonzo," pilit na hinahong tugon niya. "Wala 'yang susi..."
Mabilis kong inabot ang buhok nito upang sambunutan sana pero mabilis siyang umilag. Hinatak din kasi ako palayo ni Azilan kaya bigo akong matanggalan ito ng ulo.
Sinasabi ko talaga. Hindi lang buhok niya ang aalisin ko kundi pati na rin ang ulo nito.
"Magsitigil na kayong dalawa! Dinaig n'yo pa ang aso't pusa kung magbangayan," suway ni Lola Anding na ikinatigil namin. "Maria Tanya, si Timotheos ba ang tinutukoy mong lalaking nagdala sa iyo sa munisipyo nakaraan?"
Tumango ako agad na hindi inaalis ang masamang tingin sa lalaking ito.
"Timotheos, si Maria ba ang pinahahanap mong babae?" tanong ni Lola Anding dito na ikinatango niya rin. "Ano ba talaga ang totoong nangyayari rito? Magpaliwanag kayo sa kaguluhang ito."
Napabuntong-hininga ako na napaisip muna. Sapagkat hindi ako magsasalita basta-basta na hindi isinasalin ang mga salitang lalabas sa bibig ko.
"Inatake niya po ako sa bukid noong nasa bukid kami ni Lian. Pinagpipilitan niya na masamang tao po ako kaya puwersahan niya akong pinatungo sa munisipyo. Ayoko ngang tumungo ro'n dahil sa hindi pa ako pamilyar sa buong isla. Hinihintay ko rin no'n na bumalik si Lian galing dito sa hacienda. At isa pa, hindi ko kilala ang abnormal na 'yan para sumama sa kaniya sa munisipyo kaya tumakbo ako," mahabang paliwanag ko.
"Tumakbo ka dahil sa kapangahasan mo," kontra ng kupal na ito. "Binuhasan niya lang naman ako ng dumi ng kabayo..."
"Pinilit niya po kasi akong pasakayin sa sasakyan niya," mabilis kong depensa. "Malay ko ba na adik ka pala? Kaya marapat lamang ang ginawa ko na nanlaban ako. At isa pa nga, huwag ka sumabat dahil hindi pa ako tapos, 'di ba?"
"Maria, ang pananalita," suway ni Lola Anding na ikinapaumanhin ko.
"Siya rin po pala iyong dahilan kung bakit ginabi na ako ng uwi nakaraang araw. Dinampot niya kasi ako sa may ilog patungo sa munisipyo at tinanong-tanong do'n," dagdag ko pa na mas ikinahakot ko ng simpatya nila Lian.
"Lola Anding, nang-iikot po ang apo n'yo," singit muli nito. "Kahina-hinala po ito. Batid n'yo ang nangyaring insidente noon dahil sa mga bagong salta. Kailangan lang namin pangalagaan ang kaligtasan ng buong isla lalo na nang may matanggap kaming balita."
Napakunot-noo ako. Ano namang kinalaman ko sa balitang natanggap nila, aber?
"Pasensya na kung madidismaya ko kayo ngayon. Pero wala po akong sasantuhin kahit babae, bata, o isip-bata..."
Napaikot na lang ang mata ko sa mga sinabi nito.
Hindi niya ako sasantuhin kasi babae ako? Huwag talaga. Hindi ako santo para santuhin niya at baka suntukin ko lang siya!
Mukha lamang din akong bata dahil sa tayog at kutis ko. Subalit nagkakamali siya dahil nasa tamang edad na ako para pumatay.
At anong sinasabi niya na ako'y isip-bata? Baka siya kamo 'yon.
"Naunawaan ko naman na ginagawa n'yo lamang ang trabaho n'yo. Pero ngayong batid mo na ring apo ko si Maria Tanya katulad mo," saad ni Lola Anding dito. "Nawa'y sana matigil na ito bago pa malaman ng buong isla ang nangyayari sa inyong dalawa. At hindi 'yon nakakaayang marinig, hijo."
Walang nagawa ito kundi pumayag sa mga sinabi ni Lola Anding habang ako ay kanina pa sumasang-ayon.
Subalit hindi kami nakaligtas sa mga pangaral nito. Kaya pareho kaming nakayuko ngayon ng Timotheos na ito na tila batang pinapangaralan matapos magrambulan.
"Hays, Diyos ko po. Inunahan n'yo pa talaga ang mga manok na tumilaok," dismayadong saad ni Lola Anding sa amin bago ito pumasok sa loob ng bahay habang inaalalayan ni Lian.
Nakadama ako ng kawalan ng kakampi matapos kaming madehado kay Lola Anding.
Batid ko naman na malabong paniwalaan nila ang mga sinabi ko. Lalo pa at mas matagal nilang kilala ang Timothoes na ito kaysa sa akin.
Bukod sa apo siya ni Lola Anding ay gobernador din pala siya. Kung gayon siya pala ang tinutukoy na apo nito na nagtatrabaho sa gobyerno?
Matapos kaming iwan nila Lola Anding ay hindi rin pala kaming pinayagang pumasok sa loob ng bahay.
Dito lang daw muna kami sa labas. Dito sa mahabang bangko sa ilalim ng malaking puno ng mangga.
Magnilay-nilay daw kaming dalawa sa ginawa namin sa isa't isa tulad ni Buddha na naupo sa ilalim ng puno ng bodhi.
Sa tagal ng pagninilay namin ay inabot na kami ng isang oras. Walang may nais kumibo at walang sumusulyap sa amin.
Hindi ko alam kung gaano katagal babalik si Azilan. Kumuha pala kasi ito ng duplikadong susi para sa posas.
"Nagkaayos na ba kayong dalawa?"
Napaangat ang tingin ko nang lumapit sa amin si Aling Melinda.
May dala-dala siyang inumin at pagkain na ibinaba niya sa espasyo na nasa pagitan naming dalawa.
"Hindi pa rin? Hindi n'yo pa rin napapagtanto ang mga nagawa n'yo?" tanong ni Aling Melinda nang walang kumibo sa amin. "Naku, masama ang magtanim ng sama ng loob..."
Napasinghot ako at naiinip sa mga naririnig ko. Habang ang kupal na lalaking ito ay wala man lang komento at lalong walang reaksiyon.
"Matanong nga, bakit ba ganiyan na lang ang alitan n'yo? Baka kalaunan niyan ay magkadevelopan kayo n'yan..."
Isang masamang tingin ang pareho naming iginawad kay Aling Melinda.
"Hindi naman kayo mabiro, ano?" natatawa nitong sambit na 'di namin muling ikinakibo. "Alam n'yo ngayon lamang ako nakakita ng babaeng katulad mo, Maria Tanya. At hindi ka naman po ganito, Gobernador..."
Mas nasira ang araw ko sa biro ni Aling Melinda. Ang dami-dami kasing pwedeng gawing biro tapos ayon pa talaga ang napili nito? Ang biro na kahit kailan ay hinding-hindi mangyayari.
At hindi ko pa rin maunawaan hanggang ngayon... kung paano naging gobernador ng La Isla de Amore ang Timothoes Sean Clémentel na ito?
"Hays, mukhang matatagalan pa si Alonzo na makabalik, hindi ba? Kaya mas mabuti na kumain muna kayo nito," alok ni Aling Melinda na isinenyas ang dala niyang inumin at pagkain.
Dinaig pa namin ang nasa selda kung dalhan niya ng pagkain at asarin. Pero mas kaawa-awa ang lagay ko dahil ako lamang ang nakaposas sa amin ng gobernador na ito.
"Marahil ay busog pa kayo kaya ayaw n'yong kumain," sambit na lamang nito nang hindi kami kumilos. "Oh, siya at maiwan ko na kayo. Pero huwag n'yo na kayong magbabangayan muli ng ganito kaaga, ano? Makukurot talaga kayo sa singit ng lola n'yo..."
Isang mahinang pagtawa ang narinig ko kay Aling Melinda nang talikuran kami at tuluyang iniwan dito sa ilalim ng puno.
Hindi ko batid sa ngayon kung may asawa o anak na si Aling Melinda. May edad naman na ito kung tingnan pero mas marami pa rin siyang oras makipaglokohan.
Ilang minuto pa ang lumipas pero wala pa ring Azilan na bumabalik.
Nakailang beses na ring dumudungaw si Lian sa bintana upang siguraduhing hindi kami nagpapatayan.
Pero bahagya akong napatingin sa gobernador na ito nang tumunog ang mamahaling telepono niya.
"Nasaan ka na, Azilan? Halos isang oras ka ng nawawala," sagot nito sa kabilang linya.
"Si Azilan ba 'yan? Nakuha na ba niya ang susi?" intriga kong tanong at siyang ikina-loud speak niya ng kaniyang telepono.
"Pasensya na po kaso wala akong mahagilap na susi. Pero naghahanap na ako ng mabibilhan ng unibersal na susi," dinig kong saad ni Azilan sa kabilang linya. "Hinahalughog ko pa rin sa ngayon ang bayan, Gobernador..."
"Gaano katagal 'yan?" tanong ko agad.
"Binibining Tanya? D-Depende po kung may makita," alanganing tugon niya. "Siguro mahigit isang oras? Pero kung wala talaga rito sa bayan ay baka sa kabila pa. At aabutin siguro 'yon ng mahigit limang oras..."
"Limang oras?! Eh, kung limang oras kitang sapakin, huh?!" pagbulusok ng galit ko dahilan kung bakit inilayo ng kupal na lalaking ito ang telepono niya.
"H-Hala, bakit parang kasalanan ko pa?" dinig kong boses ni Azilan bago nito inalis sa pagkaka-loud speak ang tawag.
"Maleducada," sambit ng gobernador sa akin bago bahagyang lumayo. "Azilan, kung kayang pakibilisan ay gawin mo. Sapagkat inaatake na naman siya ng sakit niya..."
Inis ko itong nilingon. "Sinong hindi aatakihin, huh? Alam mo naman pala na wala itong susi ta's basta-basta mo na lamang ikinabit sa akin?" mabilis kong saad at nagpumiglas.
"Hindi ko alam," patol nito. "Kasi kung alam ko lang na walang susi 'yan ay sa higaan kita ipoposas..."
Dali-dali akong tumayo at inambahan ito ng hampas sa mukha. Pero bigla na lamang sumipot sina Lola Anding at Lian sa paligid.
"Maria, ano na naman ba ito?" galit na tanong ni Lola Anding sa akin nang makita ang tunay kong kulay. "Ang sabi ko'y magnilay-nilay kayo at hindi mulijg magrambulan."
"Ate Tanya," awat ni Lian at sinenyasan akong maupo.
"Tapusin na natin ito. Humingi na lamang kayo ng tawad sa isa't isa," utos ni Lola Anding na nabiglang ikinatingin namin. "Tandaan n'yo at nandito kayo sa hacienda. Kaya para sa akin ay walang goberna-gobernador dito at wala ring apo-apo..."
Napalunok ako at sobrang bigat ng dibdib ko para gawin 'yon.
Mas magaan pa yata ang dambuhalang bato kung bubuhatin ko kaysa ang humingi ng tawad dito.
"Timotheos, bilang lalaki ay bakit hindi mo pangunahan?" utos ni Lola Anding dito na walang magawa kundi sumunod.
Napataas pa ang kilay ko nang iabot niya ang palad niya sa akin. Akala mo naman ay nasa sinaunang panahon at kailangan pang makipagkamayan.
"Paumanhin, Maria Tanya Aceveda. Hindi ko talaga sinasadya ang mga nangyari," lunok na sambit niya.
Anong hindi sinasadya? Mabuti kong isang pagtatalo lang ang nangyari sa pagitan namin ng dahil sa kaniya. Pero hindi, kundi maraming beses na kaming nagkatalo at mukhang dadami pa kung 'di ko siya iiwasan.
"Tanya?" tawag ng gobernador na ito na naiwan ang palad sa kawalan.
Tinanggap ko na lamang ang alok niyang makipagkamayan lalo pa at nakatingin sila Lola Anding.
"Maria Tanya, wala ka bang sasabihin?" tanong ni Lola Anding na pasimpleng ikinasimangot ko.
Napabuntong-hininga ako. Inisip na mas mabuti na sigurong magkapatawaran kami para hindi na niya ako muling gambalin.
"Pasensya na rin, Gobernador... kung pinag-isipan kita ng hindi maganda," napipilitan kong paumanhin.
Kung nakakamatay lang ang hindi pagpapakumbaba ay baka matagal na akong inuuod.
"Gobernador, nais kong tanggalin mo na agad ang posas kapag nakabalik na si Azilan. At sana ay hindi na maulit pa ang nangyari ngayong araw," pakiusap ni Lola Anding na ikinatango namin pareho. "Lilian, hinanda mo na ang pagkain? Halina kayong dalawa at kumain muna habang naghihintay..."
"Lola Anding, hindi po ako makakain," tanggi ni Gobernador na pasikretong ikinairap ko. "Kaya maghihintay na lamang ako rito sa pagbalik ni Azilan..."
"Ayaw mo man lang pumasok sa loob at doon maghintay?" alok ni Lola Anding na tinanggihan niya muli.
Sobrang mapili pala ang gobernador na ito. High-maintenance 'yan?
Hindi na pinilit pa ni Lola Anding ito at pinaburan ang mga kagustuhan niya.
Akmang papanhik na ako kasama nila Lola Anding nang umepal na naman ito at humingi ng pabor.
"Nais ko pong kumuha ng mangga mula sa puno n'yo, maaari po ba?"
"Ikaw kakain ng mangga?" nabiglang tanong nito na ikinatango ni Gobernador Timotheos. "Lian, sungkitan mo siya ng bunga..."
"Bakit hindi po si Tanya ang manungkit para sa akin?" suhestiyon nito na tiningnan ako at ipinagtaka ko.
Ano na naman bang problema niya? Gusto niya talaga ng magulong buhay?
At bakit ko siya kukuhaan ng mangga, aber? Ang pagkakaalam ko ay nakahingi na ako ng paumanhin. Mukhang nais niya lamang na lumamang sa akin at kawawain ako.
"Maria Tanya?" tawag ni Lola Anding upang hingin ang tugon ko.
Naiinis akong natawa. "Hindi po ba masyadong maliit ang tayog ko para kuhaan kayo ng mangga, Gobernador?" tanong ko sa kaniya na ikinailing niya.
"Para saan pa ang panungkit kung gayon? Lahat naman tayo ay hindi abot ang puno," rason nito na pasimpleng ikinaikot ng mata ko.
Kupal siya. Batid niya palang may panungkit pero mang-uutos pa rin siya?
Para saan pa ang mataas na tayog at maskuladong katawan niya kung hindi niya kayang sumungkit o 'di kaya ay akyatin ang puno?
"Ate Tanya, pagbigyan n'yo na po si Gobernador," mahinang pangungumbinsi ni Lian na ikinangiti ko na lamang.
Kinondisyon ko ang emosyon ko simula makaalis sila Lola Anding sa paligid namin. Pakiramdam ko ay sasabog ako sa galit.
Sinamaan ko na lamang ng tingin ang gobernador na ito nang iabot niya sa akin ang mahabang panungkit.
Nakaposas pa rin kasi ang mga kamay ko at mas maliit ako kumpara sa kaniya pero wala man lang itong awa. At hinayaan niya akong magmukhang katatawanan at mahirapan sa pagbitbit ng mahabang panungkit.
Subalit hindi ko maiwasang hindi sumimpleng sulyapan si Gobernador.
Kasalukuyan kasi siyang nakatingala sa kalangitan. Tila namimili lamang ito sa talipapa dahil sa malalim siyang nag-iisip kung ano ang papapitasin.
Bakit ngayon ko lamang napansin? Makapal pala ang kilay at pilik-mata niya tulad ng pagmumukha niya.
Pero totoo 'yon, bagay sa kaniya ang makakapal. Kahit nga ang matangos niyang ilong at ang magandang hugis ng panga niya na nagbibigay kahali-halina sa buong pagkatao niya.
Ugali na lang talaga kulang. Ang ugali na lang niya ang problema.
Kung mabait lamang siguro siya ay baka matipuhan ko pa. Pero hindi, kinapos talaga siya sa ugali.
Gano'n talaga siguro 'yon. Kung hindi kinulang sa mukha ay sa ugali naman.
Ibinuhos nga ng Diyos sa pisikal na kaanyuan niya ang lahat pero mukhang binawi naman sa ugali. Kaya pala wala talagang nilikhang perpekto at lahat ng tao ay may kahusga-husgang anggulo.
Subalit kung ako mismo ang tatanungin ay mas nanaisin ko ang may ugali kaysa sa may mukha. Sapagkat aanhin ko ang mukha niya kung dudurugin ko naman 'yon dahil sa kagaspangan ng ugali niya?