Hindi ako gumalaw sa kinauupuan ko nang maiwan ako sa silid na ito. Mamaya kasi ay may kung ano sa paligid ko kaya mas mabuting manahimik sa pagkakaupo. At mamaya ay may mawala pa rito ta's ako pa ang sisihin nila.
"Alcade-mayor?" aninag na basa ko sa nakaukit sa plaka na nasa lamesa.
Bakit naman niya ako dinala rito sa silid ng alcalde-mayor? Paano kung dumating si Alcalde-Mayor dito sa silid at magtaka sa presensiya ko? Ano na lamang ang sasabihin ko?
Napatayo ako sa kaba nang bumukas ang pinto. Pero agad akong umirap nang mapagtantong ang kupal lamang na bumalik at nagsama pa ito ng kakampi na mukhang mas bata sa kaniya.
Hindi ako kinibo ng kupal at sa halip ay umupo ito sa pinakasentro ng sopa.
Sumunod akong umupo sa sopa na nasa kanang bahagi ng kupal nang doon ako isinenyas ng kakampi niya upang umupo. Habang umupo naman ang lalaking 'yon sa sopang nasa tapat ko at nasa kaliwang bahagi ng kupal na ito.
Mukha tuloy kaming sasabak sa penoy henyo dahil sa magkakaharap kaming tatlo at naghihintayang kumibo.
Pareho silang nakatunghay sa akin kaya hindi ko maiwasang magtaas ng kilay. Pero sa loob-loob ko talaga ay nagtataka na ako at kinakabahan sa maaaring mangyari.
Nanginginig ang tuhod ko habang nakatingin din sa kanila. Kaya bahagya ding umaalog ang plangganang nasa ibabaw ng hita ko.
"K-Kung may itatanong kayo ay mabuting itanong n'yo na," basag ko sa katahimikan dahil tila hinuhukay nila ang kaibuturan ng konsensya ko. "Mamaya ay magtungo pa sila Lian dito upang hanapin lamang ako matapos akong dakipin ng kasama mo..."
"Huwag po kayo mag-alala, Binibining Tanya. Pangako at mabilis lamang ito," saad ng lalaking nasa harapan ko. "Ako nga pala si Azilan Mark Alonzo at si..."
"Timotheos Sean Clémentel," pakilala rin ng lalaking nandakip sa akin.
Napahinto ako sa pagpangalan ni Azilan sa hinayupak na ito na kanina pa ako binabantayan ng mga tingin nito.
Tila may kung anong tinik ang humarang sa dibdib ko nang magpakilala ito. Marahil siguro sa tindig ng pangalan nito na nagpangamba sa akin. Pero hindi ko pinahalata na natinag ako at napatikhim na lamang.
Mukhang si Azilan din ang kausap nito kagabi sa telepono dahil tinawag niya itong Alonzo.
"Ikaw? Ano po ang 'yong pangalan?" tanong ni Azilan na bahagyang ikinangisi ko.
Bakit niya pa tinatanong ang bagay na 'yon sa gayong binanggit niya na kanina ang pangalan ko? Mukha namang sinabi na rin ng kupal na ito ang pangalan ko. Subalit tinatanong pa rin nila?!
Nauubusan ang pasensyang napasinghot ako. "M-Maria Tanya Aceveda..."
"Totoo mong pangalan," mariin na sabat nitong Timotheos na ito.
"Pangalan ko nga 'yon," inis kong saad dito. "Ano akala mo? Bugtong 'yon?"
Mas nagmamagaling pa siya sa magulang ko. Kahit pumunta pa siya sa siyudad at tingnan ang sertipiko ng kapanganakan ko para lang maniwala siya ay sige at pumaroon siya!
Hindi ko siya pipigilan. Mas matutuwa pa nga ako dahil lalayas ito sa isla.
"Ilang taon ka na po ba, Binibining Tanya?" pagitnang tanong ni Azilan sa maamo nitong boses.
Magkaibang-magkaiba sila. Kahit lamang sa pisikal na anyo itong Timotheos ay luging-lugi naman siya kay Azilan pagdating sa ugali.
"Dalawampu't lima," tugon ko agad.
"Ano naman po ang kaarawan n'yo?"
"Kailangan pa ba 'yon?" tanong ko na ikinatango ni Azilan. "Nobyembre uno..."
Maayos naman talaga ako kausap. Basta hindi lamang balagbag ang kumakausap.
"Tiningnan namin ang tala ng mga mamamayan sa lugar at hindi po namin nakita ang pangalan n'yo," nag-aalangang saad ni Azilan. "Kaya pasensya na kung nandito ka. Kailangan lang kasi namin makuha ang impormasyon tungkol sa iyo lalo na kahina-hinala ang pananalagi mo rito upang masigurado na hindi kami nagkakamali..."
Nagtaka ako sa mga sinabi nito. Tila may unos na sasagupa sa isla kaya grabe kung mangharas sila ng bagong salta para lang ma-interrogate nila.
At bakit ba tila may sinisigurado sila o ano? Animo'y pinasok sila muli ng terorista. Eh, kung tutuusin ay hindi nga ako turista, terorista pa kaya?
Nakitira lang naman kasi ako kanila Lola Anding sa panandaliang panahon. Babalik din ako sa siyudad sa tamang panahon.
"Kung gusto n'yo malaman ang buong tala tungkol sa akin. Bakit hindi kayo magtung sa siyudad?" hamon ko sa kanila na ikinatinag nila. "Pasensya na... but this is a wrongful exercise of the law."
"This is the reality of the law, Tanya," kupal na saad ni Timotheos.
Anong ibig niyang sabihin? Nilalaro nila ang batas dito? At nasaan na ba ang alcalde-mayor o ang gobernador nila? Para makahingi na ako ng saklolo!
"The naked truth is always violent," dagdag nito na ikinatahimik ko.
Naiwan ang tingin ko sa mga mata nito na nakatingin din sa akin. Tila pinatatamaan ako nito sa mga katagang 'yon habang ako ay pinoproseso kung anong kaugnayan no'n sa akin.
"Binibining Tanya, nabanggit mo pala kanina si Lian," pagitna muli ni Azilan. "Si Lilian Valencia ba ang tinutukoy mong Lian? Magkakilala kayo? Kaanu-ano mo siya?"
"Pinsan ko siya," mabilis kong sagot. "Nakatira ako ngayon sa hacienda ng mga Valencia."
"I-Ikaw ba ang bagong dating na apo ni Lola Antonette Valencia?" nabiglang tanong ni Azilan habang napakurap si Timotheos sa narinig nito. "Narinig ko kasi ang ilang usapin na may bagong apo si Lola Anding..."
Hindi ko ba nabanggit kahapon sa kupal na Timotheos na ito na pinsan ko si Lian? Kasalanan niya naman din. Marahas kasi ito kagabi imbes na tanungin ako nang mahinahon.
"Mukhang naliwanagan naman na kayo, ano? Pero hayaan n'yong paliwanagan ko pa kayo," saad ko sa kanila nang manahimik sila bigla.
Tumango si Azilan sa nais ko habang naghihintay sa paliwanag ang Timotheos na ito.
"Lalahatin ko na para makauwi na ako at makapaglaba pa," panimula ko. "Galing ako sa siyudad at natigil ako sa pagtatrabaho ro'n. Kaya nagpasya akong magtungo rito sa La Isla de Amore. Wala pang isang buwan nang makarating ako rito. Pero huwag kayo mag-alala dahil pansamantala lang naman ang pananalagi ko dahil babalik din ako sa siyudad. Sino ba naman kasi ang may gustong tumira rito kung ganito pala ang pamamalakad dito?"
"Kung gano'n bakit ka tumakbo kagabi? Sinabi na tumakbo ka raw kagabi patungo sa gubat. Masyadong kahina-hinala 'yon, Binibining Tanya," saad ni Azilan na ikinatawa ko at tinuro ang kupal na si Timotheos na pirming nakaupo.
"Bakit hindi mo tanungin ang magaling mong kasama?" tanong ko pabalik.
"Ibinuhos mo sa akin ang dumi ng kabayo," nanlalaban na saad nito nang ituro ko siya.
"Pinagsamantalahan mo ako!" bawi ko na ikinatigil nila pareho sa gulat. "Oh, bakit hindi ba totoo? Inambahan mo ako ng halik. Eh, kung ambahan kita ng sapak?"
Napakurap si Azilan sa narinig nito. "Totoo ba 'yon na inambahan mo siya ng halik..."
"Siyempre... hindi, hindi mangyayari 'yon!" tanggi nito kahit na dinilaan niya pa nga ang panty ko kanina. "Nadulas lang ako kagabi. Akala ko kasi si Lian siya dahil sa suot niya."
Napataas ang kilay ko. Ang layo-layo ng istilo ng suotan namin ni Lian. Magpapalusot na nga lamang siya ay 'yong halata pa talaga!
"Excuse me? Sobrang layo namin ni Lian. Ang sabihin mo ay wala ka talagang modo!" inis kong sigaw na ikinatayo nito.
Tumayo rin ako at hinarap siya. Ano akala niya ay matatakot ako sa kaniya?
Porket nasa six footer lang siya at wala pa sa 5'5 ang tayog ko ay magpapasisindak na ako sa kaniya? Hindi 'yon mangyayari!
"Sandali lang," awat ni Azilan na pinaupo kami muli. "Aayusin natin ito, ano? Kaya kumalma muna kayong dalawa..."
"Hindi ako kakalma," makunat na saad nitong kupal na ito.
"Kung may dapat mang ayusin dito ay ang ugali niya," banat ko at itinuro ang Timotheos na ito. "Humanda ka kapag natapos ako maglaba. Papabulikin kita sa kulungan..."
"Walang talab 'yan dahil hindi pa nakakalipas ang bente-kuwatro oras ay nakalabas na ako sa kulungan," mayabang na saad niya. "At ikaw ang una kong bibisitahin..."
"Oh, narinig mo 'yong sinabi nito? Life threathening 'yon!" inis kong sambit na binuhat ang planggana. "Sisiguraduhin ko na mas magiging bulok ka pa kaysa sa balat ng saging kapag naipakulong kita..."
Umiling at napangisi ito upang pabulaanan ako. "Hindi mo ako kayang laruin, Tanya," mahangin na saad niya.
Laruin? Wala naman akong balak na laruin siya dahil una ay hindi siya kalaro-laro. At kung isa man siyang uri ng laruan ay baka ibilad ko lamang siya sa taas ng bubong!
"Kapag sinabi ko ay kaya ko," mayabang ko ring pagpatol. "Sisiguraduhin ko na ang lima mong pagno-noche buena ay sa kulungan magaganap!"
"S-Sandali lamang. Hindi tayo matatapos kung magbabangayan kayo," awat ni Azilan na ikinatahimik namin pareho. "Pero sa ngayon ay mas makabubuting umuwi muna kayo, Binibining Tanya..."
Mas mabilis pa sa segundo ng orasan na tumayo ako. Subalit tumayo rin ang Timotheos na ito at pinigilan akong makaalis.
Huwag niyang sabihin na balak niya akong palabhin at patulugin dito sa munisipyo?
"Hindi siya uuwi," saad niya kay Azilan bago tumingin muli sa akin. "Hindi ka uuwi hangga't hindi ko nakukumpirma ang pagkakakilanlan mo."
Napairap ako sa inis at hinatak ang braso ko mula sa pagkakahawak niya.
"Hindi ko alam na sobrang interesado ka sa akin, Timotheos? Ganiyan ka ba magmahal?" banat ko na ikinatinag nila pareho. "Sinabi ko na sa inyo ang lahat at kung saan ako nananalagi rito sa isla. Kung hindi n'yo ako tatantanan at pagbibintangan muli ay huwag kayong mahiyang bisitahin ako."
Muli ko silang hinarap nang palabas na sana ako ng silid.
"Hindi ako nagpapabisita kapag walang dalang bulaklak..."
Hindi ko maaaring ipagtaka sila Lola Anding kaya mabuting may dala sila kahit bulaklak lamang sa pagbisita.
"Hindi bulaklak ang bibitbitin namin kundi posas," saad ng Timotheos na ito na ikinaikot ng mata ko.
Tuluyang nairita akong lumabas ng silid. Napakaisip-bata ng lalaking 'yon. Tularan niya kaya si Azilan na kahit papaano ay mabait at marespeto.
Nagmagaling akong lumabas sa silid kaya bahagya akong nalito sa daan palabas ng munisipyo. Kaya nagpasya na lamang din akong maglibot upang maging pamilyar. Makita kung gaano kalaki ang lugar at gaano kaganda ang istraktura.
Marami palang mga opisina rito pero hindi gaano karami ang mga trabahante. Saktuhan lamang at lahat sila ay abala sa kaniya-kaniyang mga gawain.
Mukhang normal lang naman silang tao na kumakayod. Isa lang ang abnormal sa kanila at 'yon ang Timotheos na 'yon.
"Nagtatrabaho rin siya rito?" naitanong ko tungkol sa Timotheos na 'yon. "Hindi ba uso ang pagsusulit sa ugali at utak? At pinayagan nilang magtrabaho ito rito sa munisipyo? What a shame..."
Tinahak ko ang isang tahimik na koridor. Sa dulo no'n ay may isang silid na 'di pansinin.
Ngunit bago ko pa matahak ang daang 'yon ay nagulat ako nang sumipot na naman ang itim na kaluluwa sa paligid ko.
"Saan ka pupunta?" striktong tanong nito na nasa bandang likuran ko. "Hindi d'yan ang daan palabas, Tanya."
Napatikhim akong nilingon siya at naaasiwa siyang nilagpasan.
"Malay ko ba at ang komplikado ng istraktura ng munisipyo rito," saad ko nang sinundan siya tulad ng nais niya hanggang sa maihatid niya ako palabas.
Tatalikod na sana ito upang bumalik sa loob. Mukhang babalik ito sa silid kanina. Pero paano naman ako? Iiwan niya na lamang ako rito sa b****a ng munisipyo?
"Hindi mo ba ako ihahatid pauwi sa amin?" tanong ko agad.
Natawa ito. "Ako ihahatid ka? Hindi, hindi ka na bata. Ikaw na nagsabi na hindi ka na minor de edad. May utak ka na para umuwi..."
"P-Pero ikaw ang nagdala sa akin dito kaya iuwi mo ako sa amin!" sigaw ko subalit itinulak niya ako palayo upang 'di muling makapasok sa munisipyo. "Hoy, Timotheos Sean Clémentel!"
Natinag ito nang isigaw ko ang buong pangalan niya. Inip na tiningnan niya ako nang tila makaramdam ito na may nais akong sabihin.
"Hindi ko alam kung paano umuwi," iwas na pag-amin ko gamit ang pinakamahina kong tono. "Bagong salta lang ako rito kaya..."
"Maghabal-habal ka," utos nito bigla na itinuro ang mga motorsiklo na nakaparada sa tapat ng munisipyo.
"Huh? Habal-Habal? Sandali lamang!" pigil ko muli nang papasok na sana muli ito sa loob. "Hindi ko alam ang address ng hacienda. Wala rin akong pamasahe..."
Ngumisi ito. "Hindi ko na problema 'yon, Tanya," masungit nitong saad na tuluyan akong iniwan sa kawalan.
Inambahan ko ito ng sapak nang talikuran niya na lamang ako. Pero umayos ako ng tindig nang tingnan ako ng ilang taong naglalako at naparaan.
Hindi ko tuloy magawang sigawan ito dahil sa maraming tao sa paligid. Hindi tulad sa lugar nila Lian na nasa liblib at kakaunti lang ang mga naninirahan.
"May araw ka rin sa akin," matalas na banta ko habang sinisipat ang labas na istraktura ng munisipyo.
Tiningnan ko ang paligid na hindi pamilyar sa akin. Ito kasi ang unang beses na napadpad ako sa lugar na ito. Kaya paano na ako nito makakauwi kung gayon o kung makakauwi pa nga ba ako?
Pinaandar ko na lang ang katalinuhan ko. Inalala ko ang mga dinaanan namin kanina.
Alam ko dire-diretso lang ito mula sa b****a ng munisipyo. Pero lumiko ba kami? Hindi naman siguro.
Sobrang galit talaga ang nararamdaman ko sa mga oras na ito lalo na kung paano ako tingnan ng ibang tao.
Nakapambahay na damit lang kasi ako habang may dala-dalang planggana. Bagsak ang mga balikat na tinatahak ang daan pauwi.
Nakailang beses pa akong nagtanong sa ilang nakakasalubong ko at nakatambay. Pero iba-iba ang tinuturo nila. Kaya mas nalilito lang ako at kinakabahan dahil baka mapagalitan na ako ni Lola Anding.
"Sasabihin ko ang totoo na hinaras ako," tangang saad ko at biglang kumulo ang tiyan ko sa gutom. "Hindi pa pala ako kumakain..."
Wala akong dala kahit singkong duling. Kung maaari lang ipagpalit sa pagkain at salapi itong mga damit ay sana ginawa ko na. Pero nagtiis na lang ako kahit naramdaman ko na ang kaunting hilo dulot ng gutom at pagod.
Naupo muna ako sa isang tabi habang nanunuyot ang lalamunan ko.
Pinapanood ko ang mga batang kumakain ng tinapay habang naglalaro.
Hiniling ko na sana bata na lamang ako at kalaro ng mga ito. Sa gayon ay makakin din ako ng tinapay tulad nila.
Mabilis pa naman sumuko ang katawan ko kapag gutom at pagod ako. Mas kaya pa kasi ng katawan ko ang hilo dulot ng alak kaysa hilo dulot ng gutom at pagod.
Sa sobrang dami kong iniisip ay nabalisa na ako at inabutan ng dilim. Nataranta pa ako na tila segundo lang naman ang lumipas pero gabi na muli.
Mabilis akong tumayo at naglakad. Tila kasamahan lang ako ni Christopher Columbus kung makapaglakbay kahit bisperas ng dilim.
"Yari ka sa akin, Timotheos. Kung si Columbus ay nadiskubre ang Amerika," galit kong sambit sa kawalan. "Madidiskubre naman niya ang magiging sanhi ng kamatayan niya at ako 'yon. Sapagkat isusunod ko talaga ang lapida no'n dito."