Chapter 4: First birthday
KAY BILIS lumipas ang mga panahon, pumapatak pa lang ang panibagong araw ay agad na lumulubog ito at natatapos ang oras. Panibagong pag-asa rin.
Mag-iisang taon na ang anak kong si Poinier, ngayong January 23 ay ang first birthday niya. Ngayong araw rin ang kaarawan ng anak nina Poirier at Ameefa, sa anak nilang nagngangalang Zoer. Base pa lang sa pangalan nito ay alam kong lalaki.
Ang panganay niyang anak na lalaki na magdadala ng kanilang pangalan. Walang paramdam si Poirier mula pa kahapon at wala lang siyang nabanggit tungkol sa birthday ng anak namin. Kaya inaasahan ko na hindi na siya makakapunta pa.
Maiintindihan naman siya ng aming anak dahil wala pa itong kamalay-malay. Hahanapin nga lang siya nito dahil nakikita ko ang closeness nilang mag-ama habang nandito siya.
Alam ko rin na malaking selebrasyon ang magaganap sa pamilya nila dahil sa first birthday ng panganay nilang apo.
Dimple handaan lang din dito sa mansion. Sina Arbeth at Lorda ang naghahanda. Maaga pa lang ay inayusan ko na si Poinier.
White baby gown ang suot niya ngayon at may malaking ribbon sa ulo niya. Mabait na bata siya kaya hindi siya nag-abala na tanggalin iyon sa kanya.
Dadalaw muna kami sa puntod ni Nanay at babalik din kami rito pagkatapos.
Binuhat ko ang anak ko at lumabas na kami sa kuwarto. Hindi pa siya nakapaglalakad nang hindi inaalayan kaya mas gusto ko iyong nasa bisig ko lang siya. Kahit may katabaan pa ang Poinier ko.
"Happy birthday sa maganda naming Poinier!" magkasabay na bati nila sa aking anak.
Napangiti at napapalakpak si Poinier. Lumapit sa amin ang dalawa at hinalikan ang pisngi niya. Bumungisngis lang siya. Iilan na mga kataga lang ang lumalabas mula sa bibig niya dahil isang taong gulang pa lamang siya pero kaya na niya akong tawagin na Mama. Dy naman sa Daddy niya.
Wrap dress na hanggang tuhod ang haba ang suot kong dress na kulay maroon. Naka-flat sandal lang ako.
"Salamat. Sabihin mong salamat, Poinier," pagkakausap ko sa anak ko na mabilis na tiningnan ako. Ngumiti siya sa akin at nahihirapan man ay ginaya niya rin ang sinabi ko.
"'Lamat..." nahihiyang sabi niya at pareho kaming natawa. Malambing na hinalikan ko ang ulo niya.
"Dadalaw lang kami sa Lola Resh niya. Babalik din kami," paalam ko sa dalawa.
"Sige po, mag-iingat po kayong dalawa," magalang na sabi nila.
Sumakay kami ng taxi ni Poinier at ilang minuto lang ay nakarating kami sa patutunguhan namin. Sa labas ng gate nito ay may nagtitinda ng mga bulaklak kaya bumili ako ng isang tangkay ng puting rosas.
Hindi ako nahirapan sa pagdadala no'n dahil kusang kinuha ni Poinier ang bulaklak. Hindi naman ako nabahala na baka may tinik iyon at masaktan pa siya dahil alam kong wala na iyon at malinis na malinis.
Tirik na tirik ang araw kaya nagdala ako ng payong para hindi maarawan si Poinier. Baka umiyak ito sa sobrang init ng sikat ng araw na tumatama sa akin kung nagkataon.
Hawak ko siya sa kanang bisig ko at sa kaliwang kamay ko naman ay ang payong.
Hindi naman kalayuan ang nilakad ko at narating na namin ang puntod ni Nanay.
Napangiti ako at ibinaba ko ang payong sa gilid ko saka ako lumuhod. Pinaupo ko sa kandungan ko ang aking anak.
"Kay Lola Resh ito, anak ko," sabi ko kay Poinier at tumingala siya sa akin.
"Yoya?" tanong niya na hindi maayos ang pagkakabigkas niya. Tumango ako at hinalikan ang pisngi niya.
Matamis na ngumiti siya sa akin at umalis mula sa pagkakaupo niya sa hita ko. Ang maliit niyang braso ay inabot ang puntod upang doon ilapag ang isang tangkay ng puting rosas.
"Yoya, okay?" tanong naman niya at marahan na hinaplos ang pangalan na nakaukit doon saka siya bumalik sa akin at kumandong.
"Mama, Yoya okay?" pagkakausap niya sa akin.
"Yes, anak ko. Okay na okay ang Lola mo," sagot ko sa kanya, "Magandang araw po, 'Nay. Kasama ko po ang magandang-maganda niyong apo na si Poinier," ani ko at sumulyap sa aking anak.
"'Ganda ako, Mama? 'Ganda ni Nini?" tanong niya. Hinaplos ko ang pisngi niya. Nini ang palayaw niya, tawag iyon sa kanya ng Daddy niya. Hindi niya rin kasi kayang bigkasin ang pangalan niyang Poinier. Kaya Nini lang.
"Opo, 'ganda ni Nini... Kasing ganda ni Mama," nakangiting sagot ko at napabungisngis siya.
"'Ganda ako, Yoya!"
"First birthday po ngayon ng apo mo, 'Nay... Kung sana lang po ay nandito ka at kasama ka namin. Sabay-sabay po tayong maghahanda at mag-celebrate ng birthday ng prinsesa natin," malungkot na sabi ko habang titig na titig ako sa puntod niya, "Kakantahan po natin siya ng birthday song at panonoorin siya na hipan ang kandila niya after po niyang mag-wish," dugtong ko at muntik nang pumiyok ang boses ko.
Nag-init ang sulok ng mga mata ko hanggang sa unti-unting dumausdos sa aking pisngi ang mga luha ko.
"Pero alam kong masaya ka naman sa kung nasaan ka man ngayon, 'Nay. Mahal na mahal po kita at mahal ka rin po ng apo mo," sabi ko at yumuko ako para makita ang magandang mukha ng anak ko na kumikislap ang mga mata niya.
"Iyak ka, Mama?" tanong ng maliit na boses niya at inabot ng maliit niyang kamay ang pisngi ko.
"Yab ko po si Yoya, yab din po kita, Mama..." sabi niya at halos hingalin siya sa haba nang sinambit niya.
"Mahal na mahal din kita, anak ko. Ikaw ang buhay ni Mama..." sabi ko at mahigpit siyang niyakap, "Kaya pasensiya na rin anak ko na katulad ng Mama mo, lumaki na wala ring Tatay ang kasama at gumagabay ay ganoon din ang mangyayari sa 'yo, "Pinapangako ni Mama na kahit ano'ng mangyari ay palagi siyang nasa tabi mo at hinding-hindi ka niya iiwan. Kung may magtakang mananakit sa 'yo ay handa kitang protektahan, anak ko. Ganoon ka kamahal ni Mama, na kahit ang masaktan siya...ay ayos lang. Huwag ka lang makita niyang... umiiyak at nasasaktan..." mahabang sabi ko at titig na titig siya sa akin na parang naiintindihan niya ang sinabi ko.
Humalik siya sa pisngi ko at kasabay nang malamig na hangin na bumalot sa aming katawan. Nakita ko pa ang pamimilog ng mga mata niya at sumiksik sa akin dahil sa nararamdaman na pamilyar na lamig.
Yumayakap din sa amin si Nanay... Nararamdaman ko siya.
Totoo ang sinabi ko na wala si Tatay habang ipinagbubuntis ako ni Nanay hanggang sa lumaki at nagkaisip. Hindi rin naman sa akin ikinukuwento ng Nanay ko ang tungkol sa Tatay ko. Hindi na rin naman ako nagtanong pa kasi parang may bagay siyang iniiwasan at ayaw na pag-usapan pa. Kaya hinayaan ko na lamang iyon.
Dumaan kami sa mall saglit para bilhan siya ng gusto niyang regalo kahit alam kong sa Daddy niya galing ang pera.
Kaya ang ginagawa ko na lang din ay ang bumili ng mga tela at magburda ng mga panyo na may pangalan niya rin.
"Pili na, anak ko... Si Mama ang magbabayad," nakangiting pang-iingayo ko sa kanya.
Maraming mga laruan ang makikita sa paligid at iilan din ang mga bata sa loob na masayang-masayang pumipili ng mga laruan na nagugustuhan nila. Maririnig din ang mumunting boses, tili at tawa nila.
Pero ang aking anak ay nanatiling tahimik na nanonood lang sa mga bata.
"Poinier?" malambing na tawag ko sa pangalan niya at ibinaba ko na siya pero pumuwesto ako sa likuran niya para alalayan siya, "May gusto ba ang prinsesa ko?" muling tanong ko sa kanya?
Tumagilid ang ulo niya para makita ako at may maliit na ngiti sa mga labi niya. Mayamaya lang ay may itinuro siya.
Akala ko ay may nagustuhan na siyang laruan pero ang itinuro niya ay ang batang babae na may hawak na maliit na teddy bear.
"Ganoon ang gusto mo, Poinier?" tanong ko at binuhat na siya.
Tumango-tango naman siya at yumakap sa leeg ko. Lumapit kami sa pinaglalagyan ng mga teddy bear at si Poinier na mismo ang kumuha.
"Seddy beal!" masayang sambit niya at dinala ito sa dibdib niya at niyakap. Baka ang ibig niyang sabihin ay teddy bear.
Baby blue ang napili niyang teddy bear, 'sakto iyon sa baby gown niya mamaya na ipapasuot ko sa kanya.
"May gusto pa ba ang Poinier ko?" malambing na tanong ko at mabilis siyang umiling. Isang bagay lang ay masaya na ang anak ko.
Palagi siyang ini-spoil ng Daddy niya at kung anu-ano ang mga manika at laruan ang binibili niya, mga damit pero alam kong lalaki ang anak ko na hindi masyadong maluho.
Isang bagay lang ang ibibigay mo sa kanya ay makikita mo na ang matamis niyang ngiti.
Dahil siguro...nagmana sa akin ang anak ko. Nakokontento sa isang bagay lang.
Binayaran ko na rin ang napili niyang teddy bear at umalis na rin kami pagkatapos. Pero napahinto ako saglit nang makita ko ang family couple sweater. Maganda sa mga mata ang kulay niya. Purple.
Napangiti ako dahil nagandahan nga ako sa sweater. Apat na pares iyon, may naka-print sa bandang dibdib na Daddy, Mommy, sister and baby brother.
Hindi ko naman iyon masusuot pa kasama ang...dahil hindi na ako magkakaroon pa no'n. Ayos na sa akin ang anak ko. Kahit si Poinier na lang ang kasama ko sa buhay. Ayos na ayos.
Pero at the end ay binili ko pa rin ang family couple sweater na iyon. Ewan ko ba kung bakit binili ko iyon, eh nagustuhan ko lamang siya...
Naraanan namin ni Poinier ang studio at naisipan ko ang magpakuha ng litrato namin.
Kinausap ako saglit ng photographer at pinaupo niya kami sa puting sofa. Nalilitong tiningnan ni Poinier isa-isa ang mga gamit at nagtataka siguro siya kung bakit nasa loob kami ng studio na ito.
"Para sa first birthday mo, anak ko. Remembrance," pagpapaliwanag ko sa kanya at tumango pa siya. Mahinang natawa ako dahil parang naiintindihan niya talaga ako.
Nakakandong pa rin sa akin si Poinier at hawak ko siya sa maliit niyang tiyan. Ganoon lang ang pose naming mag-ina.
"Smile ka, baby girl," sabi ng photographer at sinilip ko ang mukha ng anak ko. Masunurin na bata talaga dahil malapad na ang ngiti niya.
"Good girl... One.. two... and three," pagbibilang niya at pagkatapos no'n ay nag-flash ang camera. Mabuti na lamang ay pareho kaming hindi nakakurap ni Poinier.
Tatlong kopya ang ibinigay sa amin. Ang isa ay pinalagay ko na sa picture frame, iyong kasama kaming pareho. Tatlong magkaibang pose naman ang litrato namin.