Chapter 5: Surprise ni Daddy
PAGKAUWI namin sa mansion ay madilim ang sala nang buksan ko ang front door, bitbit sa kaliwang kanan ko ang paperbag na naglalaman ng picture frame at ang binili kong family couple sweater at may pag-iingat na ibinaba ko ito sa sahig.
"Bakit kaya walang ilaw rito? Umalis kaya ang Ate Lorda at Ate Arbeth mo, Poinier?" tanong ko na hindi naman niya sinagot at dahan-dahan na naglakad para buksan ang ilaw.
Lumiwanag naman siya at nakita ko na wala namang tao sa loob. Nasaan kaya sila?
"Tingnan natin sa kusina, anak," sabi ko at nang tinungo ko ang kusina ay wala ring tao. Tapos na kaya silang nagluto?
Nagsalubong lang ang kilay ko dahil halos hindi nagalaw ang mga gamit sa kusina. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon dahil walang naghanda sa mga pagkain para sa birthday celebration ng anak ko.
Pero kahit ganoon pa man, pinilig ko ang ulo ko at nakangiti pa rin ako na binalingan ko nang tingin si Poinier. Nasa kamay pa rin niya ang teddy bear. Walang kamalay-malay.
"Magluluto si Mama mamaya. Gusto mo ng spaghetti, Poinier?" malambing na tanong ko.
"Opo..." tipid na sagot niya lang sa akin dahil nakatutok ang atensyon niya sa teddy bear niya.
Bumalik kami sa sala at kinuha ko mula sa sahig ang paperbag saka kami umakyat sa kuwarto namin.
Pinalitan ko nang damit si Poinier at nilagyan ng pulbo sa mukha dahil pinawisan yata siya kanina.
Nakaupo siya sa kama at inilabas ko naman ang picture frame namin. 'Sakto lang ang laki nito. Ipinatong ko ito sa bedside table at naiwan sa tabi nito ang tatlong copy ng pictures namin. Itinago ko sa closet ang isa pang paperbag. Hindi naman namin iyon magagamit kahit na kailan.
"Tara na sa baba, Poinier," pag-aaya ko sa anak ko at itinaas niya sa ere ang mga kamay niya. Binuhat ko na siya at patungo na sana kami ulit sa kusina nang makarinig ako nang ingay sa labas, particular na may garden.
Nandoon kaya ang dalawa?
Hindi ko na sana papansinin pa iyon pero may naririnig talaga akong ingay, eh. Kaya para tingnan kung ano iyon ay pumunta kami sa garden.
Ganoon na lamang ang gulat ko nang makita iyon. Narinig ko ang pagsinghap ni Poinier.
Ang ganda ng garden... May ipinatayo silang tent at may lettering na pangalan ni Poinier. Ang ganda ng pagkaka-decorate nila at nagkalat sa baba ang mga balloons na dalawa lang ang kulay nito, blue and pink.
"Oh, my God," nausal ko na lamang. May mahaba ring table kung saan nakalagay roon ang mga niluto nilang pagkain at may cake na tatlo ang layer nito. Maliit na manika sa ibabaw ng cake na may nag-iisang cute na kandila.
"Happy birthday, Poinier!" Napuno ng kasiyahan ang puso ko at nararamdaman ko ang pamamasa ng mga luha ko. Masaya ako para sa anak ko.
Hindi ko alam kung sino ang tumulong sa kanila para ihanda ang ganitong klaseng... birthday celebration. Sobrang effort ang ginawa nila.
Nandoon sina Arbeth at Lorda. Silang dalawa lang ang taong makikita namin. Maliban sa...isang human size teddy bear na katulad nang hawak-hawak ni Poinier ngayon.
Napahiyaw sa sobrang tuwa si Poinier nang makita ang marahan na paggalaw nito.
"Seddy beal!" masayang sambit ni Poinier at tinuro-turo niya ang gumagalaw na teddy bear.
May hawak siyang cake na 'sakto ang laki nito. Kami na ang kusang lumapit sa kanya at mas na-excite ang aking anak.
Sa tapat ng teddy bear kaming huminto. Hindi ko alam kung sino ang taong nirentahan ng dalawa para dito.
Nakisabay ako sa pagkanta nila, "Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday, happy birthday, Poinier!"
"Wish na muna, Poinier bago mo i-blow ang candle mo!" hiyaw ni Arbeth sa anak ko.
Mas lumapit ako sa may hawak ng cake. Hindi ko alam kung bakit bigla ay bumilis ang t***k ng puso ko.
Pumikit ang anak ko at pinagdaop ang mga maliliit niyang palad. Panay kuha ng litrato sa amin si Lorda na mas natuwa nang makita ang ginawa ni Poinier.
Akala namin ay pareho naming hindi maririnig ang wish niya. Kahit napakahina pa iyon ay malinaw na narinig namin ang wish niya.
"Wist ko... biyday ko uyit katama Dy ko and Mama, foyebey!" Nalungkot ako sa sinabi niya pero ngumiti pa rin ako.
Saka niya hinipan ang candle niya at tumawa pa siya nang makita niya ang picture niya na ulo niya lamang ang nakadikit.
Ibinigay ng malaking teddy bear ang cake kay Arbeth at nabigla ako nang sinakop kami nito ng yakap.
Napahilig ako sa malambot na dibdib nito at ganoon din si Poinier. Pareho kaming natawa at yumakap na rin sa huli.
"Picture na!" Iyon nga ang ginawa naming tatlo.
Ngiting-ngiti ang anak ko habang nakatitig sa gumagalaw na teddy bear. Nahahawa ako sa ngiti niya pero nang nilingon ko ang tiningnan niya ay parang lalabas ang puso ko. Nagsimulang bumilis ang t***k ng puso ko dahil umagat ang magkabilang kamay niya sa ulo niya.
Parang huminto saglit ang oras nang dahan-dahan niyang tinanggal iyon.
"Daddy!" tuwid na tawag ni Poinier sa Daddy niya.
Malapad ang ngiti ni Poirier. Magulo ang kanyang buhok at nababasa iyon ng pawis pero kahit ganoon ang hitsura niya ay hindi pa rin nabawasan ang guwapo niya.
"Happy birthday, baby," bati sa kanya ng Daddy niya at kinuha siya mula sa akin.
Pinugpog ng halik ni Poirier ang anak namin. Ang ganda nilang tingnan.
"Dumating po kanina si Sir Poirier pagkatapos niyong umalis. Ang akala po namin ay mahihirapan kaming kumbinsihin ka, Ma'am para magpunta sa kung saang lugar habang ginagawa at hinahanda namin ang mga ito," bulong sa akin ni Lorda at ikinumpas ang mga kamay sa decorations.
"Pero all in all po ay si Sir Poirier lang po talaga ang halos gumawa nitong lahat. Sobrang effort po ang ginawa ng Daddy ni Poinier. Nakatutuwa po si Sir, Ma'am," dagdag na sabi naman sa akin ni Arbeth.
Ngumiti lang ako at dumistansya sa akin ang dalawa nang makita ang paglapit ng mag-ama ko.
Nginitian niya ako. Sobra niya talagang mahal ang anak namin at sana lang ay huwag niya sanang biguin ang anak niya... Huwag niya sana saktan ito.
Kahit nasa bisig pa niya si Poinier ay nagawa niyang hapitin ang baywang ko at hinalikan ang noo ko. Mas lalo lang nagkagulo ang puso't isipan ko.
Hindi ko alam kung bakit ginagawa pa rin ito ni Poirier sa akin. Na kung tutuusin ay dapat sa anak niya lang ginagawa ang mga ito.
"Alam kong nabigo kita noon, sa araw na ito, Reolla. Pero malaking pasasalamat ko dahil ibinigay mo sa akin si Poinier. Mahal na mahal ko siya," sinseridad na sabi niya. Tumango ako.
Kahit papaano ay may puwang sa puso niya si Poinier. Kahit hindi na ako kasya roon ay ayos lang. Mas higit na nagpapasalamat ako dahil may lugar si Poinier sa mundo niya, sa buhay niya.
Nagsimula kaming kumain at si Poirier ang nag-asikaso para sa anak niya na ayaw na ring humiwalay pa sa Daddy niya.
Mayamaya lang ay may hawak ng regalo sina Arbeth at Lorda. Tuwang-tuwa ang anak ko dahil sa natanggap niyang regalo, kahit na kaunti lang kami ang naririto. Baby bag na color pink ang hinanda ni Lorda na regalo at puro lutu-lutuan, laruang plato at iba pang gamit na pangkusina ang kay Arbeth. Na 'sakto o baka pinag-isipan ng dalawa na iyon ang ibibili nila.
Ang huling nagbigay ng regalo ay ang Daddy ni Poinier.
"Wow!" Pareho kaming natawa dahil sa masayang bulalas ni Poinier.
Bisikleta na puwedeng angkasan pa ng isang bata ang gilid nito. Para lang siyang tricycle.
"Tuturuan ka ni Daddy, baby ko..." malambing na sabi niya sa aming anak.
"Sobrang liit pa niya at hindi pa niya kaya 'yan," komento ko pero ngumiti lang siya sa akin.
"Saka na kung puwede. Sa ngayon ay pasahero muna ang anak ko," sabi niya at pinaupo niya roon si Poirier.
Ang first birthday ng anak ko ay nauwi rin pala sa magandang alaala. Akala ko nga rin ay hindi na makakapunta pa si Poirier dahil birthday rin ng kanyang anak na si Zoer. Pero hindi ko inaasahan na siya pa ang naghanda at parang maaga pa lang ay planado na pala ang lahat.
Dahil sa pagod ng bata ay nakatulog na siya sa bisig ng Daddy niya. Pinahiga siya nito sa kama namin at hinaplos pa ang pisngi nito. Kinumutan pa niya ang anak namin at umupo siya sa gilid ng kama.
"Puwede ka nang umalis, Poirier. Salamat sa araw na ito," sabi ko sa kanya at napatingin siya sa akin.
"Birthday rin ng anak mo, 'di ba? Kailangan ka na rin ngayon ng anak mo," sabi ko pa. Umawang saglit ang mga labi niya at nakita ko ang pagkabigla niya roon.
"Paano...paano mo nalaman na may...anak ako maliban kay... Poinier?" tanong niya at umalon ang kanyang dibdib dahil sa pagbigat nang paghinga niya.
"Alam ko lang," sagot ko at tipid na ngumiti. Nag-iwas siya nang tingin sa akin at napako ang mga mata niya sa bedside table namin.
Kinuha niya ang picture frame namin at hinaplos iyon.
Magtataka nga siya dahil bakit ko nga ba alam ang tungkol sa anak niya?
"Walang bagay ang hindi ko alam pagdating sa 'yo, Poirier..." sabi ko at narinig ko ang pagbuntonghininga niya, "Ayos na sa akin ang ganitong... routine natin. Ang mahalaga lang sa akin ay mahal mo ang anak ko."
"Na anak ko rin, Reolla... Kaya mahal na mahal ko siya... Hindi ako nagsisisi na dumating siya sa buhay ko... Ang pinagsisisihan ko lang ay...palagi kong nabibigo si Poinier. Kaya kung dumating man ang araw na...nabigo ko ulit siya... Patawarin niya ako... Patawarin niyo ako ni Poinier... Sinisikap ko ang maging... mabuting ama at mahalin ng pantay-pantay ang mga anak ko...pero may isang bagay lang ang bumabagabag sa akin, Reolla," mahabang saad niya at parang nasa boses niya ang nahihirapan.
"Na darating ang araw...ay kailangan kong pumili... Na dapat iyong tama, na hinding-hindi ko pagsisisihan sa huli... Iyong tamang desisyon..." makahulugang sabi niya sa akin at unti-unti niya akong tiningnan. May lungkot sa kanyang ngiti.
Bago siya umalis nang gabing iyon ay mahigpit pa ang pagkakayakap niya sa akin. Hindi ko rin alam kung saan ko nakuha ang pagkabasa ng balikat ko. Imposibleng umiyak si Poirier.
Kinabukasan ay nagising ang anak ko na may ngiti agad sa mga labi niya.
"Magandang umaga, anak ko," nakangiting bati ko sa kanya. Yumakap lang siya sa akin at humikab.
Napatingin ako sa bedside table na nawala ang litratong inilapag ko sa bedside namin. Saan na iyon napunta?
"Tana... biythday ko uyit," narinig kong bulong niya. Kumirot ang puso ko pero dumating ang second birthday niya ay wala ng surpresa ang hinanda para sa kanya ng Daddy niya.
Ni regalo ay wala na siyang natatanggap mula rito. Ramdam na ramdam naming tatlo ang lungkot ni Poinier kaya madalas na kami na ang naghahanda para sa kanya.
Ni ang mga tawag namin ay hindi na sinasagot ng Daddy niya. Naalala ko ang sinabi niya noon sa akin...
"Na darating ang araw...ay kailangan kong pumili... Na dapat iyong tama, na hinding-hindi ko pagsisisihan sa huli... Iyong tamang desisyon..."
May napili na nga si Poirier at nalulungkot ako para sa aking anak... Tuluyan na siyang iniwan at tinalikuran ng Daddy niya.
Nang mapagtanto ko na baka iyon ang dahilan ay pati ako nasaktan at parang dinudurog ang aking puso sa sobrang sakit.
Patawad, anak ko. Sapagkat mas mahalaga sa Daddy mo ang iba niyang pamilya... Hindi tayo...