CHAPTER 2
Third Person POV
Sa wakas, dumating na ang pinakahihintay ng buong bayan ng Bulan ang araw ng Grand Fiesta Cooking Showdown. Maaga pa lang, punung-puno na ang plaza. May bandang tumutugtog ng “Piliin Mo ang Pilipinas,” may mga palakpak na parang piyesta ng langit, at may amoy ng nag-iinit na mantika mula sa iba’t ibang portable kitchen sa gitna ng entablado.
Dalawampung kalahok. Dalawampung kalan. Dalawampung panaginip na gustong makuha ang ₱25,000.
Si Jo Ann, nakatayo sa pwesto niya, malapit sa bandang kanan. Suot niya ang simpleng apron, walang logo, walang fancy embroidery. May hawak siyang lumang lutuan at isang malaking bowl ng adlai, tapos isang maliit na cooler ng ube, saging, at smoked danggit.
Kinakabahan siya.
"Jo Ann, grabe ‘yung katabi mo, may assistant pa siyang tatlo," bulong ni Ate Linda habang binubuksan ang chopping board.
"Oo nga eh, naka-blender pa ng German."
"Naka-blender ka rin naman… manual nga lang," sabay tawa.
Pero kahit kinakabahan, may apoy sa loob ni Jo Ann. Hindi lang ‘yung apoy sa ilalim ng kalan. Apoy ng tiwala. Apoy ng pangarap.
Biglang dumating ang host sa gitna, hawak ang mic.
"Magandang umaga, Bulan! Oras na para simulan ang ROUND ONE ng ating Grand Fiesta Cooking Showdown!" sigaw ng host habang nagpalakpakan ang mga tao.
"Ang tema natin: Lutong Bahay, Pusong Fiesta!"
Naglakad ang tatlong hurado papunta sa gitnang mesa. Si Chef Amelia Jimenez, kilalang pastry queen ng Maynila. Si Chef Hiroshi Tanaka, master ng Japanese-Filipino fusion. At syempre, si Mayor Rene Magtanggol, na todo ngiti habang kumikindat kay Jo Ann mula sa mesa.
"Ang mga kalahok ay may 90 minutes para gumawa ng isang traditional Filipino dish na may kakaibang twist. Five contestants ang matatanggal sa round na ito," anunsyo ng host.
"Ready… Set… Cook!"
Nagsimula ang karambola. Narinig ang mga sabay-sabay na pagsindi ng kalan. Amoy mantika, bawang, at excitement sa hangin. Bawat contestant, may kaniya-kaniyang strategy.
Sa station ng katabi ni Jo Ann, isang lalaking naka-all white chef uniform ang sumigaw.
"Fire in the pan! Let’s go!"
Sinimulan niyang lutuin ang tinatawag niyang Laing Truffle Risotto.
"Pampatumba ‘yan, promise," sabi niya kay Jo Ann.
"Good luck," sagot lang ni Jo Ann habang tinatanggal ang balat ng saba.
Sa kabilang banda, isang babae ang gumagawa ng Adobong Itik Confit with Pickled Papaya Foam.
"Sa amin sa Pampanga, adobo is sacred. Kaya ginawa kong French technique ang timpla," sabi ng babae habang iwinawagayway ang whisk.
Si Jo Ann? Tahimik lang. Pinakuluan ang adlai sa sabaw ng danggit at pandan. Hinaluan ng toasted shallots. Sa kabilang pot, sinimulan na niya ang ube crust mixture.
"Mukhang kakaiba ‘yan, Jo Ann," sabi ng isang judge na dumaan.
"Yes po, gawa po ito sa wild ube, roasted coconut, at konting parmesan."
Napangiti si Chef Hiroshi.
"You think that will beat truffle?"
"Di ko po alam. Pero sana, makuha ko ang puso."
Habang ang iba ay busy sa plating na may dry ice at edible flowers, si Jo Ann ay abala sa pag-roast ng smoked danggit, pinong-pino ang pagkakahimay. Hinaluan niya ng mango pickles at sinimulan nang i-roll ang lahat sa adlai.
Pagkatapos, ginisa niya saglit sa coconut oil at binake. Naka-focus siya. Hindi alintana ang init. Hindi alintana ang ingay. Tanging tunog ng kutsilyo at tikatik ng mantika ang naririnig niya.
"Five minutes left!" sigaw ng host.
Nagmadali ang lahat. Si Jo Ann, kalmado pa rin. Tinimpla na niya ang Dalandan-Honey Glaze, pinatong sa rolls, at dinust ng coconut zest at toasted mint.
"Jo Ann, ang bango n’yan, parang spa na may inihaw!" tawa ni Ate Linda.
"Fiesta to, hindi lang pang-sosyal. Gusto ko yung pagkain na may kwento."
Dumating na ang oras ng tikiman.
Isa-isa nang lumapit ang judges sa bawat mesa.
Chef Amelia tikim ng Adobo Confit.
"Impressive technique, pero nawawala na yung essence ng adobo."
Sinunod ang Laing Truffle Risotto.
"Malasa, pero parang nawawala ang Bicol sa gitna ng Italy."
Sunod, tumapat sila kay Jo Ann.
"Anong tawag dito?" tanong ni Mayor.
"Ube-Crusted Adlai Rolls with Smoked Danggit and Dalandan Glaze," sagot ni Jo Ann, diretso.
"Teka, ano daw?" tanong ni Chef Amelia, natawa.
"Ang base po ay adlai na niluto sa danggit broth. May filling na mango pickles at smoked danggit. Ube crust for texture. Glaze ng dalandan at honey for citrus balance."
Tinignan siya ng tatlong hurado. Kumuha si Hiroshi ng tinidor. Tikim. Isang ngiti.
"Hmm."
Tikim si Amelia. Napangiti rin.
"Surprising. Ang linis ng lasa. Pero may tapang. May personality."
Mayor tumikim. Napatango. Tahimik.
Sabay sulyap kay Jo Ann.
"Para kang... nagkwento gamit ang kalan."
Pagkatapos ng tikiman, pumila na ang lahat para sa announcement.
"Tumindig ang talento n’yo ngayong araw. Pero lima ang kailangan naming tanggalin."
Kumabog ang dibdib ni Jo Ann.
"Tinimbang ang lasa, ang originality, at ang puso ng putahe."
"Ang mga natanggal sa round na ito ay..."
Tumahimik ang paligid.
"...Chef Lucio ng Albay... Chef Minerva ng Quezon... Chef Arnold ng Legazpi... Chef Eljay ng Bulacan... at Chef Nina ng Manila."
Napahinga ng malalim si Jo Ann. Pasok siya.
Lumapit si Mayor sa kanya sa gilid ng stage.
"Round two... mas matindi. Dessert round."
"Handa na ako," sagot niya.
"Tingnan natin kung hanggang saan aabot ang palad ng isang Jo Ann Santos."
Napatingala si Jo Ann sa langit. Ang unang laban ay natapos.
Mula sa 20 kalahok ng Grand Fiesta Cooking Showdown, lima na ang natanggal sa unang round. Labinlima ang natira. At ngayon, oras na para sa Round 2 ang pinakamasarap at pinakamatamis na labanan.
Sa gitna ng entablado, muling humarap ang host.
"Mga kababayan! Welcome to Round 2: Dessert Battle! Mula sa 15, magiging 10 na lamang ang matitira!"
Palakpakan. Tilian. Ang plaza ng Bulan ay parang naging culinary arena.
"Ang tema ngayon ay ‘Paboritong Matamis ng Bata’. Pero kailangan itong dalhin sa level ng propesyonalismo at originality. Isa lang ang tanong sa round na ‘to… masarap ba ‘yan o alaala lang?"
Sa station ni Jo Ann Santos, tahimik lang siya habang hinahawakan ang isang bungkos ng saba. Ang alon ng kaba, bumabalik. Pero mas malakas ngayon ang loob niya.
"Handa ka na ba, Jo Ann?" tanong ni Ate Linda, na muling kasama niya bilang assistant.
"Handang-handa," mahinang sagot ni Jo Ann. "Ito ‘yung tinuro ni Lola Tisay sakin. First dessert na natutunan ko."
Naalala niya ang itsura ni Lola nakaupo sa maliit na bangkito habang sinasabi:
"‘Pag luto mo ‘yan, dapat maramdaman ng kakain… para silang niyakap ng alaala."
"Contestants… You have 60 minutes. Your time starts… now!"
Sabay-sabay na nagsindi ng kalan ang mga kalahok. Mabilis ang mga galaw. May gumagawa ng leche flan na infused with rosemary. May gumagawa ng banana tart na may bacon bits. May halo-halo na siningitan ng matcha jelly.
Pero si Jo Ann, bumalik sa pinakaugat. Sa simpleng sangkap ng pagkabata: saging, niyog, bigas, at gata.
Pinakuluan niya ang saging sa matagal na pinaghaloang gata at brown sugar. Isang saging, pero niluto ng may pasensya. Kinuha niya ang pinaglagaan, ginawang coconut caramel reduction.
Samantala, sinimulan niyang iprito ang bigas, dinikdik hanggang maging pino pero hindi pulbos. Kundi parang alikabok. Sabi ng Lola niya, ito raw ang “Alikabok ng Kaluluwa.”
"Para saan ‘yan?" tanong ng isang contestant na dumaan sa likod niya.
"Secret weapon," sagot ni Jo Ann, ngumingiti.
"Interesting. Smells nostalgic," sambit ni Chef Hiroshi, na dumaan sa harap niya habang nag-oobserve.
Habang tumatakbo ang oras, inihain ng ibang kalahok ang kani-kanilang dessert:
"Sir, I present… my Choco Mango Lava Cake with Yema Core," sabi ng isang chef mula Iloilo.
"Mine is a Leche Ube Cheesecake Dome," sabi naman ng isa pang taga-Makati, habang kinukuhanan pa ng assistant niya ng picture ang plating.
Si Jo Ann? Tahimik pa rin. Kumuha ng isang mangkok. Nilagay ang mainit na minatamis na saba sa ilalim, nilagay ang coconut custard sa ibabaw, tapos ibinudbod ang alikabok ng kaluluwa.
Hindi i********:-worthy. Pero amoy pa lang parang yakap ng lola.
"Five minutes left!"
Hingal ang lahat. Pawisan. Kabado.
"Okay ka lang?" tanong ni Ate Linda.
"Hindi," ngiti ni Jo Ann. "Pero bahala na si Lola."
Dumating na ang oras ng tikiman.
Unang tinikman ng hurado ang mga intricately-plated desserts.
"Overly sweet," sabi ni Chef Amelia sa isang dome.
"Too much going on," dagdag ni Mayor Rene sa isang lava cake.
Hanggang sa si Jo Ann na ang sumunod.
"Ano'ng pangalan ng putahe mo?" tanong ni Hiroshi.
"Minatamis na Alaala. Gawa po sa saba, coconut custard, at toasted rice dust. Natutunan ko po ‘to sa Lola ko, noong pitong taong gulang pa lang ako."
"Looks humble," puna ni Chef Amelia.
"Pero amoy may kwento," dagdag ni Mayor.
Tikim si Amelia.
Biglang nanlaki ang mata niya. Hindi agad nagsalita.
Sunod si Hiroshi. Napapikit. Hinawakan ang dibdib niya.
"This is… this is soul food."
Mayor, tikim din. Napatayo.
"Tangina. Parang niyakap ako ng lola ko na matagal ko nang hindi naaalala."
Napatawa si Jo Ann, pero may luha sa gilid ng mata.
Dumating ang announcement.
"Ang mga papasok sa Top 10 ay…"
Sunod-sunod na binanggit ang mga pangalan.
Hanggang sa:
"…at ang huling papasok ay… Jo Ann Santos!"
Napayakap si Ate Linda sa kanya.
"Anak! Top 10 ka na! Isa ka na sa pinakamagaling!"
Pero habang nagkakatuwaan ang lahat, biglang lumapit ang isang staff sa hurado at may iniabot na envelope. May ibinulong kay Mayor.
Tumango ito. Tumingin kay Jo Ann.
Mainit ang araw pero mas mainit ang tensyon sa entablado ng Grand Fiesta Cooking Showdown sa plaza ng Bulan. Ito na ang huling round. Wala nang bukas. Wala nang next time.
Top 3 na lang ang natira si Chef Daniel, ang culinary graduate mula sa Maynila; si Chef Lianne, ang pastry queen ng Albay; at si Jo Ann Santos, ang kusinerang walang diploma pero may pusong apoy ang init sa pagluluto.
"Final round na po tayo!" sigaw ng host habang palakpakan ang mga tao.
"Ang tema PANG-FIESTA NA KARNENG ULAM AT HIGH-END NA DESSERT! Pero dapat, may kwento. May puso. Hindi lang basta lutong may lasa, kundi lutong may laman."
Ang mga hurado ay tahimik na nakaupo si Chef Amelia, si Chef Hiroshi, at si Mayor Rene. Ang kanilang mga mata, seryoso. Wala nang pa-cute. Wala nang pa-smile.
"Mga kalahok, magsimula na kayo sa loob ng… limang segundo!"
"5!"
"4!"
"3!"
"2!"
"1!"
"GOOO!"
Sabay-sabay na sumiklab ang mga kalan.
Si Chef Daniel, naglabas ng wagyu beef.
Si Lianne, may braised pork belly na naka-marinate pa sa miso at sake.
Pero si Jo Ann walang stainless. Walang sous vide. Bitbit lang niya ay lumang kawali, palayok, at isang bao ng gata.
"Anong balak mo, Jo Ann?" tanong ng assistant.
"Lulutuin ko ang itinuro sa’kin ni Lola noon. Pitong taong gulang pa lang ako noon. Hindi ko siya makakalimutan."
Ang putahe niya ay tinawag na "Buntong-Hininga: Adobong Tadyang sa Gata at Abo".
Pork ribs na inulanan ng dry rub gamit ang pinulbos na tuyong siling labuyo, toasted paminta, at dahon ng laurel. Ipinrito ito sa mantika ng bawang, tapos sinabawan ng ginataang may infused smoked banana leaves, pinasingawan ng kaunting asukal para magka-caramelized crust.
Habang nagluluto siya, umuusok ang paligid. Kumalat ang amoy sa buong entablado. Ang ibang mga tao, tumigil na sa pagtingin sa ibang putahe.
"Amoy… bahay," bulong ng isa sa audience.
"Amoy alaala," dagdag ng isa.
Si Lianne naman ay abala sa paggawa ng "Pork Belly Tart with Mango-Bagoong Foam" habang si Daniel ay busy sa plating ng kanyang "Wagyu in Black Garlic Sauce with Fried Shallots and Truffle Essence".
"May laban si Daniel," bulong ni Amelia.
"Si Lianne, visual ang galing," sabi ni Hiroshi.
"Pero 'yung kay Jo Ann…" Napabuntong-hininga si Mayor Rene. "May hinanakit. May kasaysayan."
Pagkatapos ng 90 minuto, natapos ang pagluluto. Isa-isang sinilbihan ang mga hurado.
Unang sinubukan ang kay Daniel. Eleganteng plating. Malambot ang wagyu. Lasang mamahalin.
"Perfect sear. Pero… parang wala akong nararamdaman," komento ni Amelia.
Kay Lianne naman. Matamis, maalat, malutong ang crust ng pork tart. Impressive ang mango foam.
"Sarap. Pero parang hindi pang-fiesta. Pang-hotel buffet," ani Hiroshi.
At heto na kay Jo Ann.
"Adobong Tadyang sa Gata at Abo," sabi niya, medyo nanginginig pa.
Tikim si Amelia. Tumingin kay Hiroshi.
Tikim si Hiroshi. Tumingin sa Mayor.
Tikim si Mayor. Napatayo.
"Jo Ann…" sabi ni Amelia.
"Yes po?"
"…saan mo natutunan 'to?"
"Sa Lola ko po. Wala siyang culinary diploma. Pero bawat luto niya, parang yakap."
"Anong nilagay mong spice? Bakit may hint ng sunog pero hindi mapait?"
"Pinulbos ko po 'yung pinagdaanan."
Nagkatawanan ang lahat. Pero seryoso ang mukha ni Jo Ann.
"Totoo po. Pinulbos ko 'yung tuyong dahon ng laurel na nilagay ko sa tinola noong wala kaming ulam. 'Yung siling labuyo na pinatuyo sa bubong kasi wala kaming panggisa. Lahat po 'yon, galing sa hirap."
Ngayon, ang dessert.
Inilabas ni Jo Ann ang pinaka-hindi inaasahan ang "Langit-Langit", isang frozen coconut soufflé with langka essence, lambanog syrup reduction, calamansi zest dust, at edible kasuy shards.
"Inspired po ito sa kahirapan namin dati. Pag may pista, wala kaming pambili ng ice cream. Pero si Lola, gagawa ng yelo, lalagyan ng gata, at langka. Para lang makaramdam kami ng kasayahan."
Tikim ulit ang hurado.
Tahimik.
Lahat nakatingin lang kay Jo Ann. Si Amelia, napaluha. Si Hiroshi, parang nag-time travel. Si Mayor, hindi nagsalita.
Pagkatapos ng deliberasyon, nagtipon ang tatlong hurado. Kinuha ng host ang sobre.
"And the WINNER of the Grand Fiesta Cooking Showdown…"
Tumigil ang mundo.
Naghalo ang kaba, init, at langis sa paligid.
"…ay walang iba kundi…"
Tumigil ang hininga ni Jo Ann. Napapikit.
"JO ANN SANTOS!!!"
Sumabog ang palakpakan.
Nagtilian ang mga tao.
Napatakbo ang assistant niya sa yakap.
Pero may ilan pa ring nagtatawanan.
"Ha? Secret ingredient daw ‘pagmamahal’? Kalokohan."
Ngumiti si Jo Ann. Humarap sa kanila.
"Oo. Pagmamahal ang sikreto. Kasi ang lutong walang puso, parang ulam na walang asin."
Tumingin siya sa langit.
"Para sa ’yo, Lola."