Malamig ang hangin sa maliit na bahay nina Kristela sa sulok ng Tondo, ngunit mas malamig ang pakiramdam niya tuwing nakikita niyang nahihirapang huminga ang kanyang inang si Aling Rosa. Sa edad na dalawampu't limang taon, taglay ni Kristela ang pambihirang ganda, matangkad siya, maputi na tila porselana ang kanyang kutis, at may mahaba, maitim at kulot-kulot na buhok na umaabot hanggang beywang, ngunit ang ganda niyang iyon ay nakatago lamang habang nakaupo siya sa ilalim ng lumang lamesa at nagliligpit ng mga natuyong saging na hindi nabenta ng kanyang ina sa palengke.
"Nay, inumin niyo na po itong natitirang kalahating tableta," malambing na wika ni Kristela habang iniaabot ang baso ng tubig.
"Anak, paano ang gamot ko bukas? Huling tableta na ito," halos paos na tanong ni Aling Rosa habang hinahawakan ang kanyang dibdib na sumisikip dahil sa sakit nito.
Napabuntong-hininga si Kristela, katatapos lang ng kanyang tatlong buwang kontrata bilang cashier sa isang department store at wala na siyang natitirang ipon. Nahihirapan siyang makahanap ng stable na trabaho dahil hindi siya nakapagkolehiyo, hanggang Senior High School lamang ang kanyang natapos dahil sa kahirapan, at sa tuwing nag-a-apply siya ng bagong trabaho, palaging bitin ang kita para sa pang-araw-araw nilang pagkain at sa napakamahal na maintenance ng kanyang ina.
Habang nag-iisip siya kung kanino puwedeng lumapit, bumukas ang sirang pintuan ng kanilang kubo. Pumasok si Marisa, ang kapitbahay nilang matagal na niyang hindi nakikita, ngunit kapansin-pansin ang biglang pag-angat ng pamumuhay nito.
"Kris! Mabuti at nandito ka," nakangiting bungad ni Marisa, na may makapal na kolorete sa mukha at may hawak na mamahaling bag. "Nabalitaan kong tapos na ang kontrata mo sa mall, Kris. May iaalok ako sa'yo na trabaho, malaki ang kita. Solve agad ang panggamot ng nanay mo."
Tumingin si Kristela sa kanyang ina na mahimbing na natutulog sa kanilang papag, saka muling humarap kay Marisa. "Anong trabaho ba 'yan, Marisa? Alam mo namang kahit ano, basta marangal, papatulan ko."
Ngumiti nang bahagya si Marisa at lumapit sa kanya "Dancer, Dancer ka sa isang exclusive na lugar, ang Casa de Vina. Huwag kang matakot, hindi ito basta-bastang bar. Mga mayayaman at influential na tao ang mga customer doon. Sa ganda at alindog mong 'yan, Kris, paldo ka gabi-gabi. Basta galingan mo lang."
Natigilan si Kristela. Ang Casa de Vina ay isang lugar na minsan na niyang narinig ang pangalan. Isa itong kilalang club na pinupuntahan ng mga lalaking naghahanap ng babaeng makakasama at magbibigay sa kanila ng aliw.
Sa likod ng matayog na gusali at kumikinang na mga ilaw, maraming babaeng nagtatrabaho roon ang sumasayaw gabi-gabi upang kumita at matustusan ang kanilang mga pangangailangan, ngunit sa likod ng karangyaan at makukulay na ilaw, alam ni Kristela na may kapalit ang lahat.
"Marisa... hindi ko 'yan kaya. Hindi ako marunong sumayaw ng ganyan," pag-aalinlangan niya.
"May tatlong araw ka pa para mag-isip, Kris," wika ni Marisa sabay lapag ng ilang libong piso sa mesa. "Pambili muna ng gamot ni Aling Rosa. Isipin mo, hanggang kailan mo titiisin na nakikitang nahihirapan ang nanay mo habang nagtitinda ng saging sa palengke"
Lumipas ang tatlong araw, at bawat takip-silim ay lalong lumalala ang ubo at pagsikip ng dibdib ni Aling Rosa. Ang pera ni Marisa ang naipambili ng gamot, ngunit alam ni Kristela na kailangan niya itong bayaran. Sa huli, pumikit si Kristela at huminga nang malalim.
"Sige, Marisa, papasok ako sa trabahong iyan," determinadong sabi ni Kristela nang tawagan niya si Marisa. "Basta siguraduhin mo lang na ligtas ako."
"Sasabay tayo mamayang gabi, Kris, huwag kang mag-alala, magkasama naman tayo. Basta pag nasa ibabaw ka na ng entablado, ibigay mo ang lahat, galingan mo," sagot ni Marisa.
Ang Casa de Vina ay isang pribadong lugar na nagbibigay-aliw sa mga customer. Maraming private room doon para sa pinakamayayamang mga lalaki sa lipunan, mga pulitiko, negosyante, at mga taong nagpapatakbo ng mga ilegal na gawain sa lungsod. Ang amoy ng mamahaling sigarilyo at alak ay humahalo sa malamig na hangin ng VIP lounge.
Nakatayo si Kristela sa likod ng entablado, suot ang makintab na pulang tela na hapit na hapit sa kanyang katawan, transparent ang ilang bahagi nito at bagay sa kanyang maputi at makinis na balat. Ang kanyang mahabang kulot na buhok ay nakalugay at sumasayad sa kanyang bewang sa bawat galaw.
"Ayan na! Ang hudyat mo, Kris. Lumabas ka na" bulong ni Marisa.
Nang pumasok si Kristela sa entablado, tila huminto ang mundo sa loob ng Casa de Vina. Ang ilaw ay nakatutok lamang sa kanya, at sa bawat kumpas ng musika, dahan-dahan niyang ginagalaw ang kanyang katawan. Walang kaplastikan sa kanyang galaw, mabagal at kaakit-akit, ngunit may dalang pang-akit na hindi pa nakikita ng mga customer sa ibang dancer, at ang kanyang maputing balat ay kumikinang sa ilalim ng pulang ilaw.
Sa pinakamataas at pinakamadilim na bahagi ng VIP booth, nakaupo ang isang lalaking may hawak na baso ng whisky, si Frederick Falcon, apatnapu't dalawang taong gulang, ang kinatatakutan at makapangyarihang Mafia boss ng Falcon Holdings. Sa likod ng kanyang eleganteng suit at matalim na mga mata ay makikita ang isang aura na mapanganib at dominante.
Katabi ni Frederick ang kanyang asawa na si Mandy Sebastian, isang kilalang socialite na nakasuot ng mamahaling mga alahas, ngunit hindi tunay na asawa ang turing ni Frederick kay Mandy. Nakatitig ang kanyang mga mata sa baguhang dancer sa ibaba na sumasayaw.
"Frederick, nakikinig ka ba" maarteng tanong ni Mandy habang nakahawak sa braso ni Frederick. "Inip na inip na ako dito, gusto ko nang umuwi Hoy! Frederick," tawag ni Mandy.
Hindi kumibo si Frederick. Si Mandy ay pinakasalan lamang niya dahil sa alyansa ng kanilang pamilya at sa katayuan nito sa lipunan. Alam ni Frederick na pera lamang ang habol ng babae sa kanya, ngunit wala siyang pakialam hangga't nananatili itong sunod-sunuran sa kanya.
Sa gilid ng VIP table, nakatayo naman si Magnos Carrion, ang supervisor ng JTech Holdings na palagay ang loob sa pamilya Falcon. Habang nakatutok ang tingin ni Frederick sa entablado, lihim na nagkakatitigan sina Mandy at Magnos, isang palitan ng tingin na maraming sinasabi kahit walang salita. Hindi lingid kay Frederick na matagal nang may tinatago ang dalawa sa likod niya.
"Sino ang babaeng iyan?" cold na tanong ni Frederick sa bouncer na nakatayo sa kanyang tabi, nang hindi inaalis ang tingin kay Kristela.
"Bago po, Sir Frederick. Kristela ang pangalan, kanina pa lang siya na-recruit," tugon ng bouncer.
Pinagmasdan ni Frederick si Kristela habang sumasayaw. May kakaiba sa mga mata ng dalaga, hindi katulad ng ibang dancer na nagmamakaawa para sa pera, may pride at confidence ang titig ni Kristela habang gumagalaw sa entablado.
Nang matapos ang tugtog, dahan-dahang yumukod si Kristela at mabilis na tumakbo pabalik sa dressing room habang naghihiyawan ang mga lalaki sa paligid.
Hinihingal na nakaupo si Kristela sa harap ng salamin sa dressing room. Mabilis ang kabog ng kanyang dibdib nang pumasok si Marisa na may malaking ngiti sa mukha.
"Sabi ko sa'yo, Kris! Nilamon mo ang entablado! Heto na agad ang tip mo mula sa mga VIP," sabi ni Marisa habang inilalapag ang isang bundle ng libo-libong piso.
Bago pa man makapagsalita si Kristela, bumukas ang pinto ng dressing room. Pumasok ang dalawang lalaking nakasuit na may armas sa gilid ng kanilang baywang. Naalarma si Kristela at mabilis na pinalibutan ang sarili ng kanyang bathrobe.
"Miss Kristela, pinapapunta ka ni boss sa Master's Suite," maikling pahayag ng isa sa mga bodyguard.
"Anong Master's Suite? Sinong boss" naguguluhang tanong ni Kristela. "Tapos na ang pagsasayaw ko."
"Si Sir Frederick Falcon ang nagpatawag sa'yo, Miss."
Namutla ang mukha ni Marisa. "Kris, pumunta ka na. Si Sir Frederick ang nagpatawag sa'yo."
"Sino siya, Marisa?"
"Siya ang may-ari ng Casa de Vina. Siya ang may-ari ng halos kalahati ng lungsod na ito, at pinakaayaw niyang matanggihan, kaya puntahan mo na, Kris."
Walang nagawa si Kristela. Sumunod siya sa dalawang bodyguard patungo sa pinakataas na palapag ng gusali. Pagpasok niya sa isang malawak at napaka-luxury na silid, may nakatayo sa tapat ng glass window na isang matangkad na lalaki, may hawak na baso ng alak at nakatitig sa mga ilaw ng lungsod.
Isinara ng bodyguard ang pinto mula sa labas, sila na lamang dalawa ang natira sa loob ng Master's Suite.
Dahan-dahang humarap si Frederick. Nakatitig ito kay Kristela, at agad niyang naramdaman ang matinding kaba hanggang sa manginig ang kanyang mga tuhod. Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa takot o dahil sa kakaibang tension na nararamdaman niya habang nakaharap ang lalaki.
"Kristela Buenaventura," malamig na bigkas ni Frederick habang lumalapit nang mabagal. "Isang simpleng babae mula sa Tondo, bagong dancer ng Casa de Vina, napilitang sumayaw para sa gamot ng ina mong may sakit sa puso, tama ba, Kristela?"
Nanlaki ang mga mata ni Kristela "Paano mo nalaman? Pina-background check mo ako?"
Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Frederick. "I make it a point to know everything about the things I want, and I want to own you."
Nanlaki ang mga mata ni Kristela at tinuro ang sarili. "You own me? Ano ka, sinuswerte? At isa pa, hindi ako bagay na puwedeng angkinin ng kahit sino," galit ngunit matapang na sagot ni Kristela.
Biglang hinawakan ni Frederick ang baba ni Kristela nang mahigpit ngunit hindi sinasaktan ang dalaga. Inilapit niya ang kanyang mukha, sapat para maramdaman ni Kristela ang mainit nitong hininga na may amoy ng mamahaling whisky.
"Lahat ng bagay sa mundong ito ay may presyo, Kristela, ang gamot ng ina mo, ang buhay mo, pati ang ganda mo," bulong ni Frederick sa kanyang tainga habang ang kabilang kamay nito ay dahan-dahang humawak sa beywang ni Kristela. Napaigtad si Kristela sa hawak ni Frederick, at nang maramdaman niya ang init ng palad nito sa manipis niyang bathrobe, nagsitayuan ang balahibo niya. Gusto niyang lumayo, ngunit ang paraan ng paghawak at pagtitig ng lalaki ay tila nagpapatigil sa kanya sa kanyang kinatatayuan.
"Anong gusto mo sa akin, Sir?" mahinang tanong ni Kristela habang nakatitig sa mga mata ni Frederick.
"I want you to be mine. Exclusively. Walang ibang lalaking ine-entertain mo maliban sa akin, walang ibang hahawak sa'yo maliban sa akin," utos ni Frederick habang dahan-dahang idinampi ang kanyang daliri sa leeg ni Kristela. "At kapalit niyan, ibibigay ko ang pinakamagaling na doktor sa bansa para sa ina mo. Pera, bahay, at security."
"At kung tatanggihan kita?" matapang na hamon ng dalaga kahit kinakabahan siya.
Inilapit pa ni Frederick ang kanyang labi sa tainga ni Kristela at bumulong sa boses na puno ng pagmamay-ari. "You won't decline me, Kristela. Because deep down, you know you belong to me now."
Ang unang gabi na iyon ng pagtatagpo nila ni Frederick Falcon ang naging simula ng isang madilim, puno ng pagnanasa, at masalimuot na ugnayan.