1
TILA namanhid ang pakiramdam ni Agatha habang nakatitig sa kabaong na ipinapasok sa nitso. Nais niyang pumalahaw ng iyak, ngunit tila wala na siyang mailuluha pa dahil naubos na iyon sa nakalipas na limang araw. Hanggang ngayon ay hindi niya mapaniwalaan ang mga naging pangyayari.
Hindi dapat mangyari ang mga ganitong bagay. Masyado pang maaga. Masyado pang bata ang kanyang pinakamatalik na kaibigan upang maihimlay sa kabaong. Hindi pa dapat binawian ng buhay si Sunshine. Hindi iyon patas! Hindi makatarungan!
Naramdaman ni Agatha ang isang pares ng kamay na dumantay sa kanyang balikat. Hindi na niya nilingon kung sino ang may-ari ng mga kamay. Alam naman niya na si Cedric lamang iyon. Hindi nawala ang kaibigan sa kanyang tabi. Si Cedric ang naging karamay niya mula nang matanggap ang malagim na balita.
Tuluyan nang naipasok sa nitso ang kabaong at sinisimulan nang takpan ang butas. Sinulyapan ni Agatha ang lapida na nakahanda na sa isang gilid.
Isa-isa nang nagpaalam sa kanya ang mga nakipaglibing. Halos wala sa loob na tinanguan niya ang bawat kumausap sa kanya. Nais sana niyang magpasalamat, ngunit tila wala siyang enerhiya upang ibuka ang bibig. Tila naiintindihan naman siya ng mga nakipaglibing.
“Halika na, Agatha. Umuwi na tayo.”
Nais umiling ni Agatha dahil nais pang manatili roon. Tila hindi niya makayanang isipin na iiwan nang mag-isa ang kaibigan sa lugar na iyon. Halos hindi niya matanggap na sa maliit at madilim na nitso na iyon mananatili si Sunshine. Hindi niya matanggap na wala na ang matalik na kaibigan, ang kanyang naging kapamilya sa loob ng maraming taon.
“Agatha...” may pagsamo na sa tinig ni Cedric. “Umuwi na tayo.”
Hindi pa rin makagalaw si Agatha. Ayaw niyang umalis. Hindi siya aalis. Hindi niya iiwan si Sunshine.
“Hinihintay ka na ng mga bata,” bulong ni Cedric. “Kailangan ka ng mga bata, Agatha. Kailangan mong magpakatatag.”
Tila nagising naman si Agatha sa narinig. Mga bata. Sina Xena at Yogo ang tinutukoy ni Cedric. Tama ang kaibigan. Kailangan siya ng dalawang bata. Hindi siya maaaring panghinaan ng loob. Hindi niya maaaring hayaan na daigin siya ng pighati at lungkot. Kailangan niya ng tapang—maraming, maraming tapang at lakas ng loob.
Ngunit kahit na alam iyon ng kanyang isip, tila nahihirapan pa rin siyang utusan ang sariling gumalaw. Ipinihit siya ni Cedric sa direksiyon ni Manang Luisa, ang kanyang landlady. Nasa malilim na bahagi ng sementeryo ang landlady, karga ang dalawang taong gulang na batang lalaki na inosenteng nakatingin sa kanya. Nakakapit naman sa palda ng matanda ang isang apat na taong gulang na batang babae na bakas ang pagkainip sa mukha.
“Kailangan ka nila, Agatha,” sabi uli ni Cedric. Makailang beses na nitong inulit ang linyang iyon ngunit tila noon lamang talaga tumimo sa kanyang puso at isip.
Nangilid ang luha ni Agatha na inakala niyang said na. Hindi man niya nais iwan si Sunshine, hindi rin naman siya maaaring manatili roon habang-buhay. Kailangan niyang harapin ang bagong buhay at isakatuparan ang mga ipinangako. Nais niyang maging masaya at payapa si Sunshine saan man naroon ngayon ang kaibigan.
“Kung sakali man na may hindi magandang mangyari sa `kin, Agatha, ikaw na sana ang bahala sa mga anak ko,” sabi ni Sunshine habang pinapanood na himbing na natutulog sina Xena at Yogo sa kama. Mukhang mga kerubin ang dalawa.
Naupo si Agatha sa kabilang gilid ng kama. Iisa lamang ang silid sa maliit na apartment na inuupahan nilang magkaibigan. Maliit din lang ang silid kaya maliit na kama lamang ang magkakasya. Sa kama ang dalawang bata at sila ni Sunshine ay naglalatag na lang sa sahig.
“Ano ba naman `yang pinagsasabi mo, Shine? Huwag ka ngang nag-iisip ng ganyan. Baka mangyari. Dapat pulos magagandang bagay lang ang iniisip mo, ang ina-anticipate mo.” Napangiti siya nang tumagilid si Yogo paharap sa ate nito at inihawak ang maliliit na kamay sa yayat na braso ni Xena. Kahit na himbing sa pagtulog ay ramdam pa rin ni Xena ang paghawak ng nakababatang kapatid. Wala sa loob na tinapik nito ang kamay ni Yogo. Malapit na malapit ang magkapatid sa isa’t isa. Natutuwa si Agatha na makita na lubos na nagmamahalan ang mga ito.
“Kung saka-sakali lang naman, Agatha. Kapag nanay ka, lahat ng posibleng maganap sa buhay ay sumasagi sa isipan mo. Lahat ng hindi magagandang bagay na maaaring mangyari, pinag-iisipan mo na ng paraan para kung sakaling mangyari man ay hindi ka na gaanong matatakot. Napakasuwerte ko na nariyan ka. Wala na akong mahihiling sa pagkakaroon ng isang kaibigan na tulad mo. Kahit na kailan ay hindi mo `ko iniwan, hindi tinalikuran. Tinalikuran na ako ng mundo, pero hindi ikaw kailan man. Kahit na alam na alam kong gustong-gusto mo na akong sukuan, nanatili ka pa rin sa tabi ko. Tinanggap mo ang buong ako, tinutulungan sa lahat ng pagkakataon. Nang mabuntis ako kay Xena, hindi mo ako sinabihan ng tanga katulad ng marami kong mga kaibigan kuno. Inalalayan mo `ko hanggang sa makapanganak ako. Nang maipanganak ko si Yogo, ikaw ang tanging taong hindi kumondena sa `kin. Nasa tabi lang kita, nakasuporta at nakaalalay. Madalas ko ngang itinatanong kung ano ang nagawa kong tama para biyayaan ako ng isang matalik na kaibigan na katulad mo. I don’t deserve you.”
Banayad na natawa si Agatha. “Bakit ang emo mo yata ngayon? Ano’ng nakain mo?” tanong niya sa magaan na tinig. Tunog-nagbibiro siya, ngunit ang totoo ay naapektuhan siya kahit na paano sa mga sinabi ni Sunshine. Hindi naman niya kinukuwenta ang lahat ng mga bagay na nagawa para sa kaibigan. Kusang-loob ang lahat ng kanyang pagtulong. Hindi rin naman talaga niya kayang sukuan, talikuran, at iwan si Sunshine kahit na may mga pagkakataon sa nakaraan na talagang napundi siya rito.
Maraming tao ang hindi nakakaintindi sa kaibigan. Marami ang hinuhusgahan si Sunshine base sa ilang naging pagkakamali sa buhay. Nasa kolehiyo pa lamang sila ay hindi na maganda ang naging reputasyon nito. Makailang beses na muntik nang mapaaway si Agatha dahil tinaguriang malandi si Sunshine. Ang tingin ng iba ay basta-basta lang ito. Hindi lang maintindihan ng iba na sadyang may mga taong mabilis umibig. May mga taong sa sobrang pagkauhaw sa pagmamahal ay todo-todo kung magmahal. Ibinibigay ang lahat at halos walang itira sa sarili.
Ang alam lang kasi ng maraming tao ay ang paimbabaw na kuwento. Hindi alam ng karamihan ang pinanggalingan nila at ang mga dinanas. Napakadaling manghusga ng ibang tao, ngunit napakahirap umintindi minsan. Madalas pa, ang tanging nakikita ng iba ay ang kamalian at hindi magagandang bagay, nagiging bulag na ang mga mata sa magagandang katangian ng isang tao.
Pareho sila ni Sunshine na lumaki sa ampunan. Naging malapit sila sa isa’t isa dahil nabilang sila sa iisang silid. Tatlong taong gulang pa lamang siya ay naroon na. Ayon sa Mother Superior, iniwan siya ng kanyang ina dahil hindi raw siya nito kayang buhayin, anang Mother Superior. May sakit din daw noon ang kanyang ina. Si Sunshine naman ay apat na taong gulang nang ilagak sa ampunan ng inang nagbebenta ng aliw. Kailangan marahil nilang magpasalamat na iniwan sila ng mga magulang sa ampunan at hindi basta na lang itinapon sa kalsada. Ngunit mahirap pa ring tanggapin na inayawan sila, iniwan, at hindi na kailan man binalikan. Tila naitanim sa utak nilang dalawa na unwanted sila.
Ang epekto niyon kay Agatha ay namahay ang takot sa kanyang puso. Nahihirapan siyang mag-commit dahil natatakot siya na maiwan. Si Sunshine naman, naging uhaw sa pagmamahal. Tila pilit nitong hinahanap sa ibang tao ang pagmamahal na hindi naibigay rito mula pagkabata. Madali para kay Sunshine na makabuo ng relasyon, ng koneksiyon sa ibang tao dahil iniisip ng kaibigan na baka ang taong iyon na ang bubuo sa pagkatao, ang taong mananatili sa tabi nito habang-buhay.
Napakaganda ni Sunshine. Ang hula nila, may halong banyaga ang ama nito. Noong bata pa ay hindi gaanong kagandahan ang kaibigan kaya walang umampon. Pagsapit sa edad na kinse ay saka lamang talaga bumukadkad ang gandang taglay nito. Nakapag-aral sila sa tulong ng scholarship. Pagsapit sa edad na disiotso ay lumabas na sila ng ampunan at nagsarili. Pinagpursigihan nilang makatuntong ng kolehiyo. Sa kabila ng napakaraming pagsubok, nakatapos silang dalawa. Magkasama pa rin sila. Kapwa sila nagtatrabaho sa isang pampublikong paaralan bilang preschool teacher.
Hindi perpekto si Sunshine, ngunit mabuting tao ang kaibigan. Isang mabuting babae at ina. Pagdating sa pagiging ina, hindi mapupulaan si Sunshine.
“Kailangan ko lang maging handa sa lahat ng bagay, Agatha. Ipangako mo na hindi mo pababayaan ang mga anak ko.”
“Hindi mo kailangang hilingin pa iyan sa `kin, Shine. Alam mo na mahal ko ang mga bata. Alam mo na hindi ko sila pababayaan, kung saka-sakali man.”
“Alam ko na mahal na mahal mo sila. Ikaw na ang naging katuwang ko mula nang ipanganak ko sila. Kasama kita sa pagpapadede at pag-aalaga. Kasama kang natatakot tuwing may sakit sila. Ikaw ang naging tatay nila, Agatha. Pero siyempre, darating ang araw na makakatagpo ka ng isang mabuting lalaki na makakasama mo habang-buhay. Bubuo kayo ng sarili mong pamilya. Kung sakaling may hindi magandang mangyari sa `kin, sana ay isali mo pa rin sina Xena at Yogo sa pamilya mo. Sana walang gaanong magbabago, Agatha.”
Nagdududang napatitig siya kay Sunshine. “Sabihin mo nga sa `kin ang totoo, may inaasahan ka bang kapahamakan na mangyayari? May ginawa ka bang ilegal, Sunshine?” Hindi talaga siya naniniwalang makakagawa ng ano mang ilegal si Sunshine, ngunit kilala niya ang pagiging padalos-dalos nito. May mga pagkakataon na hindi muna ito nag-iisip nang husto bago gawin ang isang bagay. Sugod lang nang sugod.
Ngiting-ngiti na napailing ang kaibigan. “Wala. Huwag ka ngang praning.”
“Ako pa ngayon ang praning?”
“In case lang naman. Hindi naman kasi natin alam kung ano ang mangyayari bukas. Hindi natin alam kung kailan ang katapusan ng buhay natin, kung kailan ang oras natin. Gusto ko lang isipin na kahit na mamatay ako bukas, magiging payapa ako dahil alam kong nariyan ka para sa mga anak ko. Hindi ako mangangamba dahil alam kong mamahalin mo sila at hindi pababayaan. Kaya ibigay mo na sa `kin ang pangako mo para hindi na gaanong humaba ang usapan.”
“Sige, para sa kapanatagan ng loob mo. Nangangako ako. Kung sakali man na may mangyaring hindi maganda sa `yo—na sana ay huwag naman dahil sa totoo lang ay ikababaliw ko, kaibigan—hindi ko pababayaan ang mga anak mo. Patuloy ko silang mamahalin kahit na mag-asawa at magkaanak na ako.”
Nginitian siya ni Sunshine. “Maraming salamat, Agatha. Maraming salamat sa lahat. Mahal na mahal kita.”
Gumanti siya ng ngiti. “Kapag ako na ang nagkaanak, papangakuin din kita ng kaparehong bagay.”
Ibinalik ni Agatha ang tingin sa himlayan ni Sunshine. Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan mula nang mangako siya. Hindi niya sigurado kung nagkaroon ng premonition si Sunshine kaya siya pinapangako o sadyang nagkataon lamang ang lahat. Pauwi na si Sunshine galing ng mall nang mangyari ang malagim na aksidente. Mula sa eskuwelahang kapwa nila pinagtatrabahuhan bilang mga guro, dumeretso na ito sa pinakamalapit na SM. Bagong suweldo kaya ibinili ni Sunshine ng bagong sapatos sina Xena at Yogo. Hindi na kasi magkasya sa mga bata ang mga sapatos na nabili lang nila sa Divisoria. May obsession si Sunshine sa sapatos at tsinelas. Ayaw na ayaw nitong may nakikitang walang sapin sa paa.
Tahimik na nag-aabang ng masasakyan si Sunshine sa isang bus stop kasama ang maraming pasahero. Hanggang sa may rumagasang bus sa mga ito. Mabilis ang pagpapatakbo ng driver at nawalan ng kontrol dahil hindi raw gumana ang preno. Nagtuloy-tuloy ang malaking bus sa bus stop, sinagasaan ang mga nagkumpulang pasahero na naghihintay lamang ng masasakyan. Isa si Sunshine sa mga nasawi sa malagim na aksidente.
Ayon sa mga medic na nag-asikaso kay Sunshine, naghihingalo pa raw ang kaibigan niya pagdating ng mga ito. Hindi na makapagsalita, ngunit mahigpit pa rin ang pagkakayakap sa supot ng SM na may mga nakakahong sapatos.
Dahil pangalan ni Agatha ang nakalagay sa in case of emergency contact person ng kaibigan, siya ang tinawagan ng mga pulis upang ipaalam ang nangyari. Hindi niya mapaniwalaan ang narinig na pumanaw na ang kaibigan. Hindi niya nais tanggapin at kumbinsido na prank call lang ang natanggap. Inisip din na baka panibagong modus ng kung anong sindikato kaya hindi siya magpapauto. Ngunit nang tawagan niya ang cell phone ng kaibigan ay isang personnel sa ospital ang sumagot. Sinabi rin nito ang parehong impormasyon na sinabi ng pulis sa telepono. Dahil sa nalaman, para siyang naging kandilang mauupos.
Kinailangan niyang tawagan si Cedric upang samahan siya papuntang ospital. Iniwan niya sina Xena at Yogo kay Manang Luisa.
Kasinlamig ng morgue ang naramdaman ni Agatha pagpasok doon. Iginiya siya ng isang staff sa isang bangkay na natatakpan ng puting kumot. Unti-unting inalis ang kumot at ipinakita ang mukha upang makilala niya ang bangkay. Nawalan ng lakas ang kanyang mga binti nang bumungad ang maputlang mukha ni Sunshine. Kung hindi nasalo ni Cedric si Agatha ay malamang na nalugmok siya sa malamig na sahig sa morgue. Hindi na humihinga ang kaibigan. Wala na talagang buhay.
Maigi na lang at kasama niya si Cedric. Tulala siya pagkatapos na kumpirmahin na si Sunshine Mamaradlo nga ang nakahiga sa morgue. Si Cedric na ang umasikaso ng mga kailangan, ang nag-fill up ng mga form na iniaabot sa kanya. Parang robot na pumipirma lang siya sa mga sinasabi nitong kailangan na pirmahan. Si Cedric na rin ang tumawag sa isang funeral home upang makuha ang mga labi ni Sunshine.
Halos hindi niya namalayan, nakatitig na siya sa kabaong kung saan nakahimlay si Sunshine.
“Bakit sa box atutulog si Naynay, `Ma Ata?” tanong ni Xena. “Mama” talaga ang tawag kay Agatha ng mga bata. Minsan, kapag nasa labas silang apat ay hindi na malaman ng ibang tao kung sino sa kanilang dalawa ni Sunshine ang ina ng mga bata.
Hindi pa man siya nakakaisip ng maaaring itugon sa tanong ni Xena ay sinundan na iyon ni Yogo. “Ba’t ayaw gising? Gising, `Nay!” Kinalampag pa ng bata ang salamin ng kabaong.
Napahagulhol na lang si Agatha dahil hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa mga bata ang totoong sitwasyon. Hindi niya alam kung anong mga salita ang gagamitin upang maintindihan ng isang apat na taon at isang dalawang taong gulang na bata na hindi na kailan man magigising ang naynay ng mga ito. Ni hindi pa alam ng dalawa ang konsepto ng kamatayan. Paanong naulila nang ganito kaaga ang dalawang munting anghel?
Dahil nakita siyang umiiyak, pumalahaw na rin ng iyak sina Xena at Yogo. Hindi sana gusto ni Agatha na nakikita ng dalawang bata na pinanghihinaan siya ng loob, ngunit mahirap pigilan ang mga luha ng pighati.
Ngunit kailangan na kailangan na niyang magpakatatag ngayon. Kailangan na ibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Kailangan niyang tanggapin na wala na talaga si Sunshine. Mag-isa niyang itataguyod ang mga anak nito. Nangako siya at tutuparin niya iyon.
“Paalam, Shine,” bulong niya. “Gabayan mo sana ako saan ka man naroon. Gabayan mo kami ng mga anak mo.”
Nagpaakay na si Agatha kay Cedric palayo sa puntod. Nilapitan niya si Manang Luisa na bakas ang simpatiya sa ekspresyon ng mukha.
Kaagad lumapit si Xena at kumapit sa kanyang kamay. Inilahad naman ni Yogo ang munti nitong mga braso sa kanyang direksiyon, nagpapakuha. “`Ma!” nanggigigil na sigaw pa nito.
Inabot niya si Yogo at niyakap nang mahigpit. Tila may kumurot sa kanyang puso. Noon lamang talaga tumimo sa kanya ang isang bagay. Sa isang iglap ay naging ina siya ng dalawang bata.