2

1120 Words
“LAST na talaga ito, Ced. Hindi na ako iiyak pagkatapos nito, pangako,” ani Agatha sa pagitan ng mga luha. Tulog na ang mga bata sa silid. Hindi pa umaalis si Cedric upang matulungan siya sa pagliligpit sa maliit na apartment. Dahil abala sa lamay at libing, hindi niya gaanong napagtuunan ng pansin ang mga ligpitin. Sa isang bahay na may mga bata, asahan na ang kalat. Nagpapasalamat siya sa presensiya ng kaibigan. Kung wala marahil si Cedric, hindi maililibing nang matiwasay si Sunshine dahil palagi siyang wala sa sarili. Ayaw na niyang umiyak sa totoo lang. Nangako na siya na magpapakatatag ngunit napakahirap panindigan. Tila lalo niyang nararamdaman ngayon ang pagpanaw ng pinakamatalik na kaibigan. Mas nararamdaman niya ang absence nito. Dalangin niya na sana ay hindi magising mamaya ang mga bata at hanapin ang ina. Tila sasabayan niya sa pag-iyak ang mga ito kung nagkataon. “May karapatan ka namang umiyak nang umiyak, Agatha. Hayaan mo lang ang sarili. Ako lang naman ang narito.” Pinunasan ni Agatha ang mga luha gamit ang lumang lampin ni Yogo. “Maraming-maraming salamat, Ced. Maraming salamat sa lahat-lahat.” “Wala `yon. May hihingin naman akong kapalit,” anito sa nagbibirong tinig. “Gusto ko sana na ako na ang maging papa ng mga bata.” “Sira,” usal niya at pabiro itong inirapan. Ang sabi ng ilan, jokes were half meant. Ang totoo ay naging masugid niyang manliligaw si Cedric noong kolehiyo. Wala na siyang hahanapin pa sa binata kung tutuusin. Guwapo, mabait, responsable, may sense of humor, at gentleman. Si Cedric na marahil ang dream man ng maraming kababaihan. Ngunit maliban sa hindi pa handa noong panahong nagpahayag ito ng nararamdaman, hindi rin niya maikakaila sa sarili na wala siyang romantikong damdamin para kay Cedric. Hanggang sa pagkakaibigan lang talaga ang kaya niyang ibigay. Tinanggap naman nito ang kanyang naging desisyon. Alam niyang nasaktan ang binata, ngunit hindi iyon naging dahilan upang lumayo ito sa kanya. Naging mas malapit silang magkaibigan. Sa mga nakalipas na taon ay nagpapahaging pa rin si Cedric, ngunit palaging pabiro. Minsan ay hindi niya malaman kung seryoso o hindi. Gayumpaman, lubos pa rin siyang nagpapasalamat sa pagkakaroon ng mabuting kaibigan sa katauhan ni Cedric. Isang kaibigan na maaasahan at masasandalan. Tinabihan siya ni Cedric sa lumang sofa. “Speaking of papa, hindi mo ba ipapaalam sa mga ama ng mga bata ang tungkol sa pagpanaw ni Shine?” seryoso nitong tanong. Noon lang naisip iyon ni Agatha. Nakaramdam siya ng galit nang maalala ang dalawang mahalagang lalaking dumaan sa buhay ni Sunshine. “Sa akin ipinagkatiwala ni Shine sina Yogo at Xena. Wala silang karapatan sa mga bata. Wala sila noong kailangan na kailangan ng katuwang ni Shine. Wala silang ibang idinulot sa kaibigan ko kundi pasakit at sama ng loob. Ako ang tumayong tatay ng mga bata. Ako. Sa akin sila.” Ngayon ay hindi na lang siya ang “tatay,” nanay na rin siya ng dalawang bata. “Okay, kalma lang. Nagtatanong lang ako. Huwag mo akong panlisikan ng mata.” Marahas na napabuga ng hangin si Agatha. “Ibinigay ni Shine ang lahat. Ang tanging nais niya sa buhay ay isang masaya at kompletong pamilya.” Hindi niya maintindihan kung bakit ipinagkait pa iyon ng tadhana. “Ito, opinyon ko lang, ha, bilang lalaki rin naman. Huwag mo sanang mamasamain. Huwag mo akong aawayin. Pero may karapatan naman sila kahit paano na malaman ang tungkol kay Shine at sa mga anak nila. Kilala natin si Jaco. Sinubukan naman niya, `di ba? Hindi lang talaga umubra. Masyado pa silang mga bata noon ni Shine. Minahal niya si Shine. At ang ama ni Yogo... Wala siyang alam, hindi ba? May karapatan siyang malaman.” Mariing umiling si Agatha. Sa ibang pagkakataon marahil ay makikita niya ang ipinupunto ng kaibigan at baka makinig siya. Ngunit masyado siyang nao-overwhelm ng magkakahalong emosyon sa kasalukuyan upang makita ang punto ni Cedric. Mas gusto niyang isipin sa ngayon na walang paraan upang ma-contact ang dalawang lalaki kahit na gustuhin niya. Wala siyang ideya kung nasaang lupalop na ng mundo si Jaco, ang ama ni Xena. Alam niya ang address ng pamilya nito sa Pilipinas, ngunit ayaw na magpunta roon. Wala naman siyang gaanong alam tungkol sa ama ni Yogo. “PJ” lang ang alam niya sa pangalan nito dahil hindi nabanggit ni Sunshine ang apelyido. Napabuntong-hininga si Cedric. “Natatakot ka na kunin nila sa `yo ang mga bata?” Natigilan si Agatha. Iyon nga ba ang talagang ikinatatakot niya kaya hindi siya gagawa ng anumang hakbang upang mapaabot sa mga ama nina Xena at Yogo ang pagpanaw ni Sunshine? Ayaw niyang mawala rin sa kanya ang dalawang bata? Ang totoo, natatakot siya na baka ganap na siyang mag-isa. Nabuhay ang matagal na niyang takot na maiwan. Takot na nagsimula noong iwan ng maysakit na ina sa ampunan at hindi na binalikan. Takot na malalim na ang ugat at hindi basta-basta mapapatay. “Oo, natatakot ako,” pag-amin niya. “Labis na natatakot, Cedric. Hindi lang dahil baka kunin sa `kin ang mga batang minahal ko na hindi pa man nailuluwal ni Shine. Natatakot ako sa kakaharapin ko. Natatakot akong maging ina. Alam ko na hindi ko mapapalitan ang puwesto ni Shine. Hindi ko alam kung paano maging ina sa kanila.” Tinapik ni Cedric ang kanyang balikat. “Hindi mo kailangang matakot. Isa ka sa mga pinakamatapang na babaeng nakilala ko. Kayang-kaya mo ito. Mahirap, alam ko, pero kaya mo. May practice ka naman na. Hindi ba, sabi mo ay ikaw ang ‘tatay’ nila?” “Pero iba ang pagiging ina, Cedric. Oo, tumulong ako sa pagpapalaki sa kanila. Pinalitan ko sila ng diaper, pinapakain, pinapatahan tuwing umiiyak... Pero at the end of the day, ibinabalik ko pa rin sila kay Shine. Katulong lang ako. Na kay Shine ang pinakamalaking responsibilidad. Hindi ko alam kung paano maging katulad niya. Ni hindi ko nga alam kung paano magpapatuloy sa buhay na walang Shine na nakaalalay. Parang hindi ko kaya...” Nabasag ang kanyang tinig sa huling pangungusap. Nanlalata ang kanyang puso at tila biglang bumagsak ang kumpiyansa sa sarili. “Hoy, hoy, `wag ka ngang ganyan!” saway ni Cedric. Kinuha nito ang lampin na hawak ni Agatha at tinuyo ang mga butil ng luhang umalpas sa kanyang mga mata. “Magiging maayos ang lahat. Kakayanin mo. Narito lang naman ako para sa `yo.” “Maraming salamat talaga, Cedric.” Hindi sigurado si Agatha sa napakaraming bagay, ngunit isang bagay lang ang sigurado niya. Kakayanin niya ang pagiging ina kina Xena at Yogo kahit na natatakot nang labis. Kakayanin niya kahit na gaano kahirap. Hindi niya isusuko ang mga anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD