Three years after
“SMILE lang, `nak, mamaya, ha? Be friendly. Dapat mabait ka kay Teacher. Magbe-behave, `wag masyado pasasaway. Huwag masyadong malikot. Makikinig sa teacher,” bilin ni Agatha kay Xena habang itinitirintas ang mahaba nitong buhok. Naghahanda sila para sa unang araw ng eskuwela.
Iyon ang unang araw ni Xena sa regular school. Grade one na ang anak at maghapon na sa school. Mas kinakabahan pa yata si Agatha kaysa sa anak. Hindi na dapat siya kabahan dahil matapang naman si Xena, hindi iyakin. Hindi iyon ang unang pagkakataon na papasok ang bata. Exposed na exposed sina Xena at Yogo sa school dahil sa pagiging preschool teacher niya. Natural nga lang marahil sa lahat ng nanay ang ganoong pakiramdam.
“Opo, Mama,” tugon ni Xena. “Hindi po ako magkukulit. Makikinig po ako sa lessons. Makikipag-friends po ako sa mga bago kong kaklase.”
Tinalian ni Agatha ang dulo ng tirintas. Pinaharap niya si Xena upang masuklayan ang bangs na tumatabing sa kabuuan ng noo nito. Hindi niya gaanong maipaliwanag kung bakit bigla na lang nanikip ang kanyang lalamunan at dibdib at kung bakit namuo ang mga luha sa kanyang mga mata. Halo-halong emosyon ang nararamdaman niya habang nakatingin sa panganay. Nakakaramdam siya ng pagmamalaki, kaligayahan, kaunting lungkot, takot, kaba, at pag-aalinlangan.
Parang kailan lang...
Huminga nang malalim si Agatha at unti-unti iyong pinakawalan upang kahit paano ay makalma ang kanyang mga emosyon. Inayos niya ang kuwelyo ng puting uniporme ni Xena. Tila napakabilis ng panahon. Mag-uumpisa na rin sa preschool si Yogo ngayong araw. “Check mo uli ang bag mo kung wala ka nang nakalimutan. Yogo, ikaw naman, pogi. `Lika na.”
Kaagad lumapit sa kanya si Yogo na bihis na rin. Sinuklay niya ang mamasa-masang buhok ng bata, pinatalikod at tinaktakan ng baby powder ang likod. “Huwag ding pasasaway sa teacher, ha?” bilin niya kahit na hindi naman talaga makulit na bata si Yogo. Madalas ay mas gustong nananahimik ng bunsong anak sa isang sulok. Sa katunayan, mas makulit at maharot ang ate nito. Minsan ay nais nang mag-alala ni Agatha. Masyadong introvert si Yogo. Maaga kasi itong natutong magbasa at tila mas masaya na nagbabasa o binabasahan kaysa makipaglaro sa ibang mga bata.
“Opo,” nakangiting tugon ni Yogo habang iniyayakap ang mga braso sa kanyang leeg. Nakangiting gumanti siya ng yakap. Parehong malambing ang dalawang anak, ngunit si Yogo ang palaging nakayakap at nakahalik sa kanya.
Kamuntikan nang umalpas ang mga luhang pinipigilan ni Agatha. Nais niyang mainis sa sarili kung minsan. Masyado siyang nagiging emosyonal. Kung sabagay, ganito naman talaga siya tuwing mag-uumpisa ang school year. Mas emosyonal siya tuwing matatapos ang school year.
Siniguro muna niya na nasa bag ng mga anak ang lahat ng kakailanganin ng mga ito. Siniguro din niya na nakaperdible sa bulsa ng mga bata ang isang laminated card kung saan nakalagay ang buo niyang pangalan, address, cell phone number, at kahit ang landline number ni Manang Luisa. Paranoid siya kaya tuwing aalis sila ng bahay ay sinisiguro na nakadikit sa katawan ng mga anak ang laminated card, para kung sakali mang mawala ang mga ito ay alam ng mga anak ang numerong tatawagan. Pinagtawanan siya ni Cedric nang ipagawa niya ang cards, ngunit ikinatuwiran na mas maigi na ang handa.
Nang masigurong handang-handa na ang dalawa, si Agatha naman ang nagsuklay at nag-ayos ng sarili. Hindi naman siya gaanong nagtagal dahil hindi naman siya naglalagay ng makeup. Nagpolbo lang siya sa mukha at pinahiran ng lip gloss ang mga labi. Basa pa ang kanyang buhok kaya mamaya na lang iyon itatali.
May mga kasamahan si Agatha sa trabaho na nagsasabing masuwerte siya na kahit na hindi gaanong mag-ayos ay maganda pa rin. Hindi niya pinapansin ang mga ganoong komento. Sa totoo lang ay hindi na niya gaanong napagtutuunan ng pansin ang pisikal na anyo. Bihira na siyang humarap sa salamin sa sobrang kaabalahan.
Mula nang pumanaw si Sunshine, sa dalawang bata na umikot ang mundo ni Agatha. Alam niya na magiging labis na mahirap, ngunit hindi siya lubos na nakapaghanda sa bagong buhay bilang isang ina. Kahit na sino marahil ay hindi magiging handa sa kanyang naging sitwasyon.
Sa unang dalawang linggo matapos mailibing si Sunshine, hinanap-hanap nina Xena at Yogo ang ina. Nahirapan silang lahat sa pag-a-adjust. Maraming gabi na nagigising ang isa sa mga ito sa kalagitnaan ng gabi at hinahanap ang tunay na ina. Papalahaw ng iyak kapag siya ang dumalo sa halip na si Sunshine. Magigising ang isa at sasabayan ang kapatid sa pag-iyak. Minsan, sasabay rin si Agatha dahil sa labis na pangungulila sa kaibigan.
Ngunit kalaunan ay nasanay na rin ang dalawa na siya na lang ang mama ng mga ito. Dahil lumalaki na, nagsisimula nang magtanong ang mga bata, lalo na ang panganay. Naguguluhan ang mga ito sa sitwasyon. Mahirap maiproseso ng murang isip ng mga bata ang pagkakaroon ng dalawang ina. Nagtatanong na rin si Xena tungkol sa ama nilang magkapatid. Bakit daw wala ang papa nila? Hindi alam ni Agatha kung paano ipapaalam sa mga bata na dalawa rin ang ama ng mga ito, na iba ang ama ni Xena sa ama ni Yogo.
“Kapag malaki ka na, ipapaliwanag nang husto sa `yo ni Mama kung ano talaga ang naging sitwasyon, Xena. Ipapaliwanag ko sa inyong dalawa ni Yogo pagsapit ninyo sa tamang edad.” Iyon lang ang tanging naisagot niya sa kalituhan ni Xena. Alam niya na hindi naapula ang kalituhan at curiosity nito, ngunit nagpapasalamat siya na tinanggap iyon ng bata at hindi na gaanong nagtanong. Nagpapasalamat si Agatha na pinagkakatiwalaan siya ng mga anak.
Aminado si Agatha na mahirap magpalaki ng dalawang bata. Marami siyang utang. Kulang ang kanyang kinikita bilang preschool teacher upang matustusan ang lahat ng mga pangangailangan ng mga anak, ngunit ni minsan ay hindi niya hinayaang panghinaan ng loob. Pilit niyang kinakaya at nilalampasan ang anumang pagsubok at paghihirap. Hindi man naibibigay ang lahat ng magagandang bagay sa dalawang bata, pilit pa rin niya na pinagsusumikapang ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga ito.
Malaki ang kanyang pasasalamat na hindi maluho at brat ang dalawang bata. Marunong ding umintindi ang mga ito. Marunong makontento sa kung ano ang mayroon sila. Hindi gaanong naghahanap ng wala. Hindi rin madaling mainggit sa mga kapwa bata na may mas magagandang laruan o gamit.
Bawat paghihirap na nararanasan ni Agatha ay madaling napapawi ng yakap at halik nina Xena at Yogo. Walang katumbas ang kaligayahang dulot ng mga anak.
Sabay-sabay silang pumasok sa eskuwelahan. Malapit lang ang eskuwelahan sa inuupahan nila kaya naglakad na lang sila. Pagdating sa gate ay siya ring pagbaba ni Cedric sa isang tricycle na kaagad silang nginitian. Grade two ang mga tinuturuan ng kaibigan. Nilapitan sila nito at inabot ang iba niyang mga bitbit bago binati ang mga bata. Masiglang binati rin si Cedric nina Xena at Yogo. Malapit ang magkapatid sa binata.
“Good luck sa first day,” ani Cedric sa dalawa. “Magpapakabait, ha? Makikinig sa lecture ni Teacher.”
Sabay na tumango ang dalawa. Una nilang inihatid sa classroom si Xena. Hinagkan nito ang pisngi ni Agatha at tinapik-tapik ang braso ni Yogo bago pumasok sa loob. Pagkalapag ng bag sa upuan, kaagad kinausap ni Xena ang katabi. Hindi hinayaan ni Agatha ang sarili na mag-alala masyado. Kakayanin ni Xena ang unang araw nito bilang grade one.
Sunod nilang inihatid si Yogo sa classroom nito. Malapit lamang iyon sa classroom ni Agatha. Nasa silid-aralan na ang guro ni Yogo na si Maddie, malapit na kaibigan din nila ni Cedric. Ang silid-aralan na iyon ang dating silid-aralan na pinagtuturuan ni Sunshine bago nasawi. May mga nanay siyang nakita na nakaistambay sa harap ng silid-aralan at nakabantay din sa mga mumunting anak.
Tila nag-aalangang pumasok si Yogo. Nakatitig ang anak sa mga batang naghaharutan sa loob. Hindi katulad ni Xena, hindi madali para kay Yogo na makisalamuha sa ibang bata at makipagkaibigan. Palaging ilag si Yogo. Kailangan muna nitong makalaro ng maraming beses ang isang bata bago maging malapit na kaibigan. Para sa bata, ang ate ang pinaka-best friend nito.
Umupo si Agatha sa harap ni Yogo upang magpantay ang mga mata nila. “Natatakot ka ba?” Hinaplos niya ang buhok nito.
Tumango si Yogo, yumakap sa kanyang leeg. “Uwi na.”
Napangiti si Agatha sa kabila ng pamumuo ng bikig sa kanyang lalamunan. Ganito pala ang pakiramdam. Hindi na bago sa kanya ang mga ganitong eksena kung tutuusin. Noong nakaraang taon ay nag-preschool si Xena, ngunit dahil palaging sabik ang panganay sa mga bagong kaibigan ay hindi siya gaanong nahirapan. Hindi siya nito iniyakan at niyayang umuwi na.
Ilang taon na siyang nagtatrabaho bilang preschool teacher kaya palagi nang nakikita ang mga nag-iiyakang bata na hinahanap ang nanay. Alam niya na normal na mahirapan ang isang bata sa pag-a-adjust sa pagpasok sa eskuwelahan. Alam niya ang mga gagawin upang mapayapa o ma-distract ang isang bata. Bihasa siya roon.
Ngunit nang mga sandaling iyon ay hindi maramdaman ni Agatha ang pagiging bihasang guro ng mga munting bata. Naging isa lang din siyang tipikal na ina. Hindi lang pala sa mga bata mahirap ang unang araw ng eskuwela, lalo na pala sa mga nanay. Hindi kasali sa paghihirap na iyon ang p*******t ng ulo ilang linggo bago ang pasukan, dahil hindi mapagkasya ang kapiranggot na budget upang mabili ang lahat ng school supplies na kailangan ng mga bata at paggising nang maaga upang magluto ng almusal at baon. Pinakamahirap pala ang realisasyon na lumalaki na ang mga anak, nagsisimula nang maging independent at mawalay sa mga magulang. Kahit pala ang mga magulang ay nakakaranas ng separation anxiety.
Tumikhim si Agatha at pilit na kinalma ang sarili. “Ano ang usapan ninyo ni Ate kagabi?”
Nakalabing kumalas si Yogo. “Magiging brave ako. Hindi ako mahihiya. Makikipag-friends ako.”
“So, uuwi na ba tayo?”
Umiling si Yogo sabay singhot. Tila pinigilan lang ng bata ang pag-iyak. Hinagkan ni Agatha ang magkabila nitong pisngi. “Brave si Yogo, hindi ba? Pinaka-brave sa lahat.”
Tumango si Yogo. “Si Yogo ang knight in shining armor ni Mama.”
Napangiti siya. Tila lumobo na naman ang dibdib sa pagmamalaki at pagmamahal. “Love na love ka ni Mama, Yogo.”
“Si Ate Xena rin.”
Nakangiting tumango siya. “Si Ate Xena rin. Sige na, pasok na.” Hinagkan niya ang ilong ni Yogo. “`Papakabait. Kiss ni Mama.” Bahagya niyang inilapit ang nakausling labi upang mahagkan nito.
Matunog namang ginawaran ni Yogo ng halik ang kanyang mga labi, pagkatapos ay tumalikod na at pumasok sa loob ng silid-aralan. Tumayo si Agatha at pinanood ang anak. Nag-aalangan ang bawat hakbang ng anak. Binati ni Yogo ang teacher bago naghanap ng mauupuan. Inilapag muna nito ang bag bago naupo saka tahimik na pinagmasdan ang kapaligiran. Nang makitang naroon pa rin siya ay nginitian. Nakikita niya ang takot sa mga mata ng anak na tila maiiyak, ngunit pilit na pinaglalabanan. Brave talaga ang kanyang anak.
Kinawayan nila ni Cedric si Yogo bago siya nagdesisyong magpunta na sa kanyang silid-aralan. Siguradong marami na ring mga bata roon. Nahihirapan man ay pilit niyang inihakbang ang mga binti.
Inakbayan siya ni Cedric. “Bakit naman kasi hindi mo na lang siya ipinarehistro sa klase mo? Hindi ka gaanong mahihirapan at mag-aalala.”
“Mas mapapabuti siya kung ibang guro ang magtuturo sa kanya. Masyado siyang magiging dependent sa `kin.” Ayaw ni Agatha na malayo sa kanya ang mga anak, ngunit kailangan ding matutunan ng magkapatid ang ilang bagay na hindi niya maituturo. Alam niyang kailangan ding mawalay sila sa isa’t isa. Ngunit napakahirap pa rin talaga. Napabuntong-hininga na lang siya.
Pinisil ni Cedric ang kanyang balikat. “Alam ko na payapa at masaya si Shine saan man siya naroon.”
Sana nga ay satisfied ang kaibigan sa kanyang ginagawa. Sana ay nagampanan niya ang ipinangako. Sana ay patuloy niya iyong magampanan nang maayos.
Narating nila ang kanyang silid-aralan. Marami na ngang magulang at mga bata. May mga umiiyak at nagwawala na. May mga ayaw kumawala sa ina. May ilan naman na tila sabik sa unang araw. May mga batang nakikipaglaro na sa kapwa bata. Humugot siya ng malalim na hininga. Isa na uli siyang guro.
Banayad na natawa si Cedric. “Ang panibagong batch na iiyakan mo sa pagtatapos ng school year,” anito sa nangangantiyaw na tinig.
Natatawa na ring kumawala si Agatha mula sa pagkakaakbay ng kaibigan. Sanay na siya sa panunukso ng mga kasamahan sa pagiging iyakin niya pagdating sa mga batang tinuruan. Mula nang magsimula sa pagiging guro, iniiyakan na niya ang mga moving up ceremony ng mga bata. Ang akala niya ay sa una lang iyon, normal lang para sa isang guro na ma-attach nang husto sa mga batang tinuturuan. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makontrol ang mga luha pagsapit ng moving up ceremony. Kahit na paano niya ihanda ang sarili, umiiyak pa rin siya. Tanggap na niya na hindi na iyon magbabago pa.
“Sige na, pumasok ka na,” pagtataboy niya kay Cedric. “Baka hinahanap ka na ng mga grade two mo.”
Nagsimula nang maglakad paatras ang kaibigan. “Lunch.”
Tumango na lang si Agatha. Pagkatapos ay hinarap ang classroom, humugot ng malalim na hininga, at nagpaskil ng magiliw na ngiti sa mga labi. Simula na ang araw.