“WHY CAN’T you trust me?” Frustrated na nahagod ni Jaco ang buhok patalikod. Nais niyang magwala sa harap ng ama ngunit pinigilan ang sarili. Lalong hindi niya makukuha ang nais kung aakto siya na parang nagta-tantrums na bata. He had to prove to Jacobo Inaldo, Sr. that he could be responsible. Kailangan niyang patunayan sa ama na nagbago na siya.
“Why don’t you ask yourself the exact question, Jaco?” balik nito sa malamig na tinig. Prenteng nakaupo ang ama sa upuan sa library s***h office sa tahanan nila. His father was already retired but he was still as formidable as ever.
“Dad, please, just give me a chance.”
“I’ve given you so many chances in the past, son. Naubusan na ako. Forgive me if I’m going to be firm in my decision this time. No, I’m not giving you another chance. I’m not giving you money.”
Naikuyom ni Jaco ang mga kamay. Inasahan na niya ang bagay na iyon, ngunit masakit pa ring marinig na hindi na siya pinagkakatiwalaan ng ama. Hindi naman niya ito gaanong masisisi. Marami siyang nagawa sa nakaraan upang mawala ang pagtitiwala nito sa kanya. Napakarami niyang nagawang naging pagkakamali at maling desisyon.
“Listen, uhm, I understand. I really, really do. But can you consider at least? You may not give me another chance, but please give this folder a glance—just a glance. It will matter to me.”
Maingat na inilapag ni Jaco sa mahogany desk ang isang folder. Naroon ang business proposal na ginawa niya para sa isang restaurant. Hindi pa kompleto ang mga pag-aaral na kailangang gawin, ngunit sa palagay niya, magandang business investment iyon. Dalangin niya na sana ay makita iyon ng ama. Alam niya na clouded ang judgement nito dahil sa kanyang naging mga pagkakamali sa nakaraan, ngunit naniniwala siya na mas mananaig ang pagiging negosyante ng ama.
Their family had been in food and restaurant business for four decades already. Minana ng kanyang ama ang emperyong sinimulan ng kanyang abuelo. Mas pinalago nito iyon at patuloy ang paglago dahil sa kahusayan ng nakatatanda niyang kapatid na babae.
Bunso si Jaco. Siya ang masasabing spoiled. He had been a bum. Umasa siya sa pinagpaguran ng pamilya. Wala siyang naging alalahanin sa buhay dahil kampante na nasa likuran lamang ang pamilya at hindi siya pababayaan. Bata pa lamang siya ay nakatatak na sa isip na makukuha ang lahat ng nais kahit na hindi niya paghirapan. He had a family who could and would give him everything. Hindi siya nagseryoso sa pag-aaral, hindi nagseryoso sa buhay. Sa katunayan, ngayon lang siya nagkaroon ng drive na patunayan ang sarili sa ama, sa pamilya, at sa ibang tao.
For seven years, he had been a professional jetsetter and a bum. Minsan, nais ni Jaco tawagin ang sarili na freelance musician, ngunit niloloko lang talaga niya ang sarili. Hindi siya napirmi sa isang lugar, sa isang bansa. He had been to many countries. He splurged on things he did not really need. Things that did not really make him happy. Walang habas na ginasta ang perang pinaghirapan ng kanyang pamilya. Nang mapuno ang ama sa mga ginagawa niya, he stopped sending money and cut off Jaco’s credit cards. Dahil hindi sanay na walang pera, napilitan siyang magsinungaling at gumawa ng kalokohan.
Umuuwi siya sa Pilipinas upang sabihin na plano niyang magtayo ng negosyo. Sinasabing may kaibigan na nag-alok sa kanya ng isang magandang business investment. Dahil inaakala ng ama na nagsisimula na siyang magtino at magkaroon ng backbone, binibigyan siya nito ng puhunan. Pero wala naman talaga siyang business investment na paglalaanan ng perang iyon. Pagkakuha ng pera ay tatakas siya ng Pilipinas at magpupunta sa isang malayong lugar at tahimik na aasa na mahahanap niya ang matagal nang hinahanap—ang sarili. Kapag naubos na ang perang ibinigay ng ama, iisip na naman siya ng panibagong modus at pagkatapos ay mauulit at mauulit na lang ang cycle ng kanyang buhay.
Hindi pa rin nahahanap ni Jaco ang sarili. Maaaring isipin ng ibang tao na kalokohan lamang ang phrase na “paghahanap ng sarili.” Paboritong linya ng mga taong tamad. Minsan simpleng confusion lang, masyado pang ginagawang big deal. Paano mo maiwawala ang sarili mo? Maybe they were right. But the search for identity was real for other people, like him. There were people who really did not know themselves and they had to find out.
He had not found himself exactly. Marami pa rin siyang uncertainties. Ngunit sigurado siya—desidido na sa pagkakataong ito ay nais nang ituwid ang kanyang buhay. Nais na niyang magbago ang lahat.
The realization happened in Las Vegas. He was partying with friends when he thought he saw someone familiar. Sunshine. The girl he loved when he was in college. She smiled at him and when he blinked, she was gone like a smoke in a thin air. Hinanap niya ang babae, ngunit hindi na niya nakita. Tila namalikmata lamang siya na hindi niya malaman.
Umuwi siya sa hotel, nahiga, at tinitigan ang kisame hanggang sa mag-umaga. Nang tila mahimasmasan ay nakaramdam siya ng hindi mapantayang pangangailangang umuwi sa Pilipinas. He had to see Sunshine. He had to know what happened to her—what happened to their kid.
Sinurot si Jaco ng kanyang budhi nang maalala ang anak. Ni hindi niya alam kung babae ba ito o lalaki. Ni hindi niya nalaman kung kailan iniluwal ni Sunshine ang anak nila. Wala na siyang naging balita pa pagkatapos nilang magkahiwalay. Umalis siya ng bansa at kinalimutan ang mga responsibilidad bilang ama.
Ang tangi niyang depensa sa nagawa ay bata pa siya noon. Hindi siya naging handa sa responsibilidad at napuno ng galit ang kanyang batang puso. Mas pinili pa niyang mag-isip ng mga bagay na negatibo at pinaniwalaan ang mga iyon, upang makatakas sa mga responsibilidad at may masabi siyang dahilan sa sarili. He had been the most horrible guy.
Hindi pa nahahanap ni Jaco si Sunshine. Ang totoo ay ipinagpapaliban niya iyon nang kaunti. Nahihiya siya. At higit sa lahat, tila hindi pa siya handang makaharap ang anak. Siguradong malaki na ito at marunong nang magtanong. Hindi niya alam kung paano sasagutin kung sakaling itanong ng anak kung bakit ngayon lang siya at bakit nawala sa buhay nito sa napakahabang panahon.
Kailangan muna niyang isaayos ang kanyang buhay kahit paano bago humarap kina Sunshine. Nahihiya siyang iharap ang sariling walang pinatunguhan ang buhay.
Marahas na tinabig palayo ng ama ang folder. “You can’t fool me again, Jaco. I’m not giving you another chance. End of di—”
“Isinasaayos ko na ang buhay ko.” Marahas siyang napabuntong-hininga. Alam niya na hindi basta-basta makukuha sa salita ang kanyang ama, ngunit kailangan pa rin niyang subukan. Baka kapag inulit-ulit niya ay unti-unti rin siya nitong paniwalaan. Baka paglaon ay suportahan din siya, tutulungan upang magtino. “I’m doing this for your grandchild.”
Ilang sandali na nagsalubong ang mga kilay ng ama, tila hindi naintindihan ang kanyang sinabi. Then realization dawned. Bumadya ang pagkamangha sa mukha at pagkatapos ay bumulalas ng tawa. “I can’t believe this,” anito sa pagitan ng tawa. “I can’t believe you’re already resorting to this. Kudos for coming up with new ideas.” Natigil ito sa pagtawa at ibinalik ang kalamigan sa mga mata at tinig. “I’m still not giving you anything. Gamitin mo na ang lahat ng gusto mong gamitin, wala ka nang makukuha pa sa `kin.”
Ilang sandali muna ang lumipas bago tumimo kay Jaco ang ibig sabihin ng ama. Hindi makapaniwala na napatingin siya rito. “Iniisip ninyo na... na ginagamit ko ang...” Hindi niya maituloy ang nais na sabihin. Pakiramdam niya ay sinampal siya ng ama.
“Ginagamit mo ang isang walang kamalay-malay na bata para makakuha ng perang lulustayin sa mga luho mo.” May galit na sa tinig ng ama. “Hindi ka ba nahihiya sa ginagawa mo, Jaco?”
Napatiim-bagang siya. “I’m telling you the truth!”
“You really think you can fool me? Ni hindi mo nga alam ang kasarian ng naging anak mo sa babaeng `yon. Iniwan mo siyang buntis, kinalimutan, at hindi na binalikan. Hindi mo napanindigan ang pagiging ama. You can’t stand up like a man and be a father. You have no idea what the word responsibility means. Noon pa man ay alam ko nang iresponsable ka. I gave you your first chance when you took her home. I thought she and the baby would teach you how to be responsible. I was so wrong.”
“I’m going to rectify that. Itutuwid ko ang mga naging pagkakamali ko.”
“How? How are you going to do that?” Dinampot ng ama ang folder at itinapon sa kanya. “By asking money from me? How dare you!”
Unti-unti na ring nauubos ang pasensiya ni Jaco. “I’m trying, Dad.”
“At hindi ako naniniwala na magpupursigi ka hanggang sa huli! Kahit na gustuhin kong maniwala bilang ama, hindi ko magawa. You’ve given me so much disappointments and failures to last me a lifetime. Kahit na ang pagiging ama ko ay wala nang enerhiyang umasa na magiging responsable ka nga. Mas ginagalit mo ako dahil binanggit mo ang apo ko—apo na hindi ko alam kung nasaan, kung babae o lalaki, o kung nasa maayos na kalagayan.”
“Why didn’t you look for her?”
Bahagyang nanlaki ang mga mata nito. “Excuse me?”
“Hindi man lang ba kayo naging interesado sa apo ninyo? Bakit hindi n’yo siya ipinahanap? I’ve loved Sunshine. Ipinakilala ko siya sa inyo. You made it clear that you didn’t like her from the very beginning. Isa kayo sa mga dahilan kung bakit ko siya sinukuan, kung bakit ko siya tinalikuran!”
Alam ni Jaco na hindi patas na ibunton ang sisi sa magulang na hindi kailan man natanggap si Sunshine. Ngunit hindi na niya gaanong namamalayan ang mga salitang namumutawi sa mga labi dahil labis na siyang naiinis sa kanyang sitwasyon. Nasanay marahil siya sa nakaraan na madaling nakukuha ang lahat ng nais kaya nahihirapan na pakibagayan ang sitwasyon ngayon.
Marahas na napatayo si Jacobo, Sr. “Don’t blame us. Ikaw ang nakabuntis, Jaco! Your sister and I had been supportive!”
“Supportive? Ate bullied Shine when she was here!” Totoo ang bagay na iyon at alam iyon ng ama. Walang araw na lumipas noong nananatili sa kanilang bahay si Sunshine na hindi ipinamukha ng Ate Noreen niya na hindi ito karapat-dapat. Palaging sinasabi ng kapatid na hinding-hindi nito gugustuhin si Sunshine bilang kanyang asawa. His sister was firm on her stand that he deserved someone way better. Ngayon ay hindi na niya alam kung totoo pa rin ang bagay na iyon. Sunshine deserved someone better than him.
Napabuntong-hininga si Jaco at pilit na kinalma ang sarili bago pa madaig ng inis at galit. Kung may kasalanan ang ama at kapatid sa mga nangyari sa kanila ni Sunshine, wala pa iyon sa kalingkingan ng kasalanan niya.
“Fine!” galit na bulalas ng kanyang ama, pulang-pula ang mukha. Alam ni Jaco na nakakaramdam din ang ama ng guilt sa kaibuturan nito. “You win! You know how to play your cards well, Jaco. Sana lang ay ginagamit mo ang kakayahan mong iyan sa mga kapaki-pakinabang na bagay.” Bumuntong-hininga ito at unti-unting kinalma ang sarili. “Find her. Find your child. Show me you can be responsible enough for your kid—for your kid, I repeat. Then I will consider giving you another chance. Patunayan mo sa `kin kung gaano ka kaseryoso sa pagtutuwid ng buhay mo.”
Sinalubong ni Jaco ang mga mata ng ama. Nabasa niya ang hamon sa mga mata nito, ngunit alam na alam niya kung ano ang tumatakbo sa isipan ng ama sa kasalukuyan. Hindi mo kaya, Jaco. Hindi mo kayang harapin si Sunshine at ang anak mo. Hindi mo kayang harapin ang mga responsibilidad mo sa bata. Hindi sapat ang tapang mo. Hindi mo kaya. Hindi mo kaya. Hindi mo kaya...
“Okay,” ani Jaco sa matatag na tinig. Unti-unting bumabangon ang tapang at determinasyon sa kaibuturan niya. Hindi pa sapat ang paglago niyon upang magapi ang takot at kawalan niya ng kasiguruhan, ngunit sapat na upang maging optimistic siya. Sapat na upang sumubok. “I’m going to find them,” pangako niya sa ama.
Tatanggapin niya ang hamon nito. Hahanapin niya si Sunshine at ang anak. Hindi niya sigurado kung ano ang madaratnan, ngunit siguradong aalamin niya ang buong katotohanan. Gagawin niya ang hindi nagawa noon. Tatanungin niya si Sunshine kung siya nga ba talaga ang ama ng bata. Kung mapatunayan na totoo iyon, paninindigan na niya ang anak.
Alam ni Jaco na hindi magiging madali, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi siya kaagad susuko. Hindi siya magpapadaig sa kahit na anong balakid.
Desidido na siyang baguhin ang takbo ng kanyang buhay. Magkakaroon na siya ng direksiyon.