10

2260 Words
“SALAMAT,” sabi ni Agatha kay Jaco. Nasa kusina sila. Tinutulungan siya ni Jaco sa pagliligpit kahit na sinabi niyang hindi na kailangan. Nasa sala ang dalawang bata at abala sa panonood ng telebisyon. “Para saan?” tugon ni Jaco habang pinupunasan ang munting mesa. “Ako ang dapat magpasalamat sa `yo, Agatha. Thank you for the dinner. Salamat dahil hinayaan mong makasama ko kahit na sandali lang ang mga bata.” Napapabuntong-hininga na tinapos na niya ang lahat ng hugasin sa lababo. Pagkatapos punasan ni Jaco ang mesa ay naghugas na ito ng kamay. Naupo si Agatha sa harap ng hapag. Nag-aatubili na naupo sa ibayo niya si Jaco. “Kailangan na siguro nating mag-usap nang masinsinan habang abala sa panonood ang mga bata.” Tumango si Jaco. “Go ahead. You first.” “Talaga bang hindi mo kami lulubayan?” tanong niya habang sinasalubong ang tingin nito. Muling tumango si Jaco. “Susundan ko kayo sa bawat araw kung iyon ang kailangan kong gawin para makasama ang anak ko.” “Bakit? Bakit ngayon lang, Jaco? Bakit hindi noong kailangan na kailangan ka ni Sunshine? Hindi noong kailangan na kailangan kita?” Sandaling natigilan si Agatha nang matanto ang huling nasabi. “Ang ibig kong sabihin ay noong panahong kailangan na kailangan ko ng katuwang sa mga bata. Hindi ko alam ang gagawin noong mamatay nang hindi inaasahan si Shine. Ikaw ang ama.” Nagyuko ng ulo si Jaco. “I’m screwed up, okay? I didn’t know what I was doing. I don’t know why my life had no direction. I’m sorry.” “Plano mo bang kunin si Xena? Ngayon pa lang sinasabi ko na sa `yo na hindi ko siya ibibigay sa `yo. Wala akong pakialam kahit na ikaw ang ama. Wala akong pakialam kahit na gaano ka kayaman.” Bukod sa hindi responsableng ama si Jaco, tila ikakabaliw niya kung mawawala sa kanya ang isang anak. Inabot ni Jaco ang kamay ni Agatha. Hinila niya iyon ngunit ayaw siya nitong pakawalan. “Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Agatha. They are yours. I understand that. Aaminin ko na kaya ko hinanap si Shine ay dahil gusto kong makita ang anak namin. Gusto ko siyang kunin at alagaan. Naisip ko rin na baka hindi pa huli ang lahat sa amin ni Shine. Maybe we could start again. Nang malaman kong wala na siya, all I thought was I’m really going to be a father this time. I’m all Xena has. I have to be there for her. Nang makita kitang kasama sila, natanto ko na mali ako. They have you. You are doing a very good job, Agatha. Napalaki mo nang maayos ang mga bata. They are lovely, and kind, and adorable. Masaya ako na nariyan ka para maging ina nila. I can only imagine how hard it was.” Nakagat ni Agatha ang ibabang labi. Pinilit niyang hindi magpaapekto sa mga pambobola ni Jaco, ngunit hindi niya napagtagumpayan. Wala namang hinihinging kapalit ang kanyang pagiging ina. Hindi niya kailangan ng acknowledgment o papuri mula sa ibang tao. Ginagawa niya ang lahat dahil mahal niya ang mga anak. Ngunit iba pa rin pala ang epekto sa puso kapag may nagsabi na isa kang mabuting ina. “Gusto kong maging ama. Alam ko na medyo huli na. Alam kong wala na akong karapatan dahil tinalikuran ko noon si Shine habang ipinagbubuntis niya ang bata, pero gusto ko pa ring maging bahagi ng buhay ni Xena. Gusto ko pa ring maging ama niya. Sana... sana ay mabigyan mo ako ng pagkakataon. Gusto kong mapatunayan ang sarili ko sa `yo. Gusto kong malaman mo na kaya ko ring maging responsable. I’ll do my very best.” “Hindi ko siya maaaring basta na lang ibigay sa `yo. Hindi ko kakayanin, Jaco. Sila na ang naging buhay ko.” Pinisil ni Jaco ang kamay niyang hawak nito. “I know. Alam ko na naging mahirap para sa `yo ang lahat mula nang mamatay si Shine. Alam kong minahal mo na sila bilang mga tunay na anak. Kilala mo naman ako kahit na paano, hindi ba? I’m not cruel. Alam mo rin na minahal kong talaga si Shine. Hindi ko marahil siya napanindigan hanggang sa huli pero minahal ko siya. Si Xena ang buhay na alaala na iniwan sa `kin ni Shine, ang buhay na patunay ng pagmamahalan namin. Gusto ko sanang maging parte ng buhay niya. Iyon na muna sa ngayon. Bigyan mo sana ako ng pagkakataon.” Kahit na anong pigil niya, nahabag pa rin si Agatha kay Jaco. Kitang-kita niya ang pagsamo sa mga mata ng binata. Nais talaga nitong maging ama kay Xena. Ipinagpapasalamat niya na kahit paano ay isinaalang-alang ni Jaco ang kanyang nararamdaman. Hinihingi ang kanyang pagpayag na maging bahagi sa buhay ng anak. Kung tutuusin ay maaari na lang hablutin ng lalaki si Xena, maaaring ilayo na lang basta ang anak. Ngunit sa halip ay nakikiusap ito sa kanya. “I promise to look for a job.” Nagsalubong ang mga kilay niya. Hindi gaanong naintindihan ang tinuran nito. Napangiti si Jaco. “Tinanong ako kanina ni Xena kung may trabaho ako. Gusto kong manliit, Agatha. All my life, I’ve done so little good in my life. Naisip ko na wala akong karapatang maging ama hangga’t hindi ko naitutuwid ang buhay ko, hangga’t hindi ako nagiging karapat-dapat. I know I’m talking too much. Dapat ay mas kumikilos ako kaysa sa dumadada. But I promise you, I will be good person, a good father. I will give my very best.” “H-hindi... hindi ko maaaring basta na lang sabihin kay Xena na ikaw ang ama niya, Jaco. Kung bibigyan kita ng pagkakataon na maging ama sa kanya, maaari mo ba `yong gawin na hindi niya nalalaman ang totoo?” Napatitig si Jaco kay Agatha, tila hindi gaanong naiintindihan ang nais niyang mangyari. Huminga siya nang malalim bago sinimulan ang paliwanag. “Alam mo naman siguro na hindi ikaw ang ama ni Yogo. Malapit sina Xena at Yogo sa isa’t isa. Katulad din sila ng ibang magkakapatid na nag-aaway pero mahal na mahal nila ang isa’t isa. Mag-best friends sila. Masyado pa silang mga bata para maintindihan ang ilang sirkumstansiya. Hindi nila maiintindihan kung bakit magkaiba sila ng ama. Alam ko na balang-araw ay kailangan kong sabihin `yon sa kanila, pero hanggang sa dumating sana ang panahong iyon ay huwag mo munang guluhin ang isipan nila. Maaari ka namang maging ama sa napakaraming paraan, hindi ba? Alam ko na mahalagang matawag kang ‘papa’ ni Xena pero sana ay maintindihan mo na hindi ganoon kadali `yon. Sana ay maintindihan mo rin ang sitwasyon ko.” Tumango si Jaco. “I understand. Maraming taon akong nawala at hindi makatarungan na basta na lang ako magpapakita at magpapakilala. I understand that you also have to protect Yogo. Thank you, Agatha. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinibigay mo sa `kin.” Nakagat na lang ni Agatha ang ibabang labi. Sana ay tama ang kanyang naging desisyon na bigyan ng pagkakataon si Jaco. Sana ay lubusan din niyang makumbinsi ang sarili na ang dahilan ng desisyon na iyon ay dahil hindi niya gustong pagkaitan ang anak. Nais niyang bigyan ng pagkakataong magkakilala at magkasama sina Xena at Jaco. Naisip niya na kung nabubuhay pa si Sunshine, hindi rin nito pagkakaitan si Jaco. Hindi naman talaga nagalit ang kaibigan sa ama ng anak. Ang sabi pa ni Jaco ay talagang plano nitong balikan si Sunshine upang makapagsimula uli. Ngunit bakit tila may munting tinig na bumubulong at nag-aakusa na isa siyang sinungaling? Maaamin ba niya na may munting bahagi sa kanya na makasarili? Na ang dahilan ng pagbibigay ng pagkakataon kay Jaco ay dahil nais niya itong makasama? Tila biglang sumama ang kanyang pakiramdam. Wala siyang karapatang maging makasarili.   “YOUR sister said you asked her to give you a job.” Tinanguan ni Jaco ang ama. Ipinatawag siya nito kaya maaga siyang nasa bahay ng ama. Pag-uwi kagabi sa condo unit na ipinapagamit ng ate niya tuwing nasa bansa siya ay kaagad na tinawagan ang kapatid. Sinabi niya ang kanyang mga plano. Agad naman itong nangako na tutulungan siya. Natawa si Jacobo Inaldo, Sr. “Life is truly unfair, isn’t it?” patuya nitong sabi. “Some people were born with privilege. Hindi na nila kailangang mahirapang maghanap ng trabaho, kusa na iyong ibibigay sa kanila dahil sinuwerte silang maipanganak sa isang maykayang pamilya.” Hindi makasagot si Jaco. Hindi niya alam kung saan papunta ang usapan, ngunit aminado siyang tama ang ama. Kailangan yata ay pagsumikapan na lang niya ang paghahanap ng trabaho. He could sing in some pubs, like the way he used to when he was younger. Hindi man siya mabigyan ng ama at kapatid ng trabaho, gagawan niya ng paraan. Isinaisip niya ang hitsura ni Xena nang tanungin nito kung may trabaho siya. Ipinangako niya sa sarili na darating ang araw na maipagmamalaki siya ng anak. “Your sister also told me you already found your child and it’s a daughter.” “Yes, Dad,” pabulong niyang sagot. “Bring her to me. I want to meet the kid.” Umiling si Jaco. Medyo inaasahan na niya iyon at napaghandaan na ang mga sasabihin. Sa kabila ng pagiging malamig ng ama, alam niyang sabik na ito sa apo. Mukhang wala kasing planong magpakasal ang kanyang ate. “Why not?” “Hindi ko po maaaring biglain ang bata. Pagkatapos ng pitong taon ay ngayon lang niya ako nakita. Hindi pa siya gaanong komportable sa akin. Hindi ko po maaaring basta-basta na lang sabihin sa kanya na ako ang ama niya. Hindi ko siya madadala sa inyo at hindi ko kayo maipapakilala bilang lolo niya. She’s a brilliant kid, Dad. You’d be so proud of her. You’d like her. Medyo komplikado lang po ang sitwasyon. Don’t worry, she’s in good hands. Someone’s taking good care of her.” Hindi na niya kailangang sabihin ang sinapit ni Sunshine. Kung alam na ng ama na natagpuan na niya ang anak, siguradong alam na rin nito ang pagpanaw ni Sunshine. Malamang na galing sa ate niya ang impormasyon. Tumango ang kanyang ama matapos ang ilang sandaling seryosong pag-iisip. “I see. I told your sister to give you a job at Ristorante Uno.” “You did?” Nagulat talaga si Jaco sa narinig. Ang Ristorante Uno ay ang Italian restaurant na unang restaurant na itinatag ng ama pagkatapos nitong magkolehiyo. Isa ang restaurant sa mga pinakasikat at pinakakumikitang restaurant na hawak ng kapatid. Natuwa si Jaco na doon siya magtatrabaho. It was his favorite resturant as a kid. He had so many happy memories in there. Hindi lamang mahusay na restaurateur ang ama, mahusay din itong magluto. Doon sila nito ipinagluluto na magkapatid. Sa restaurant na iyon din siya natuto ng basics sa pagluluto. Hindi napigilan ni Jaco ang pagguhit ng ngiti sa kanyang mga labi. Tama nga ang sabi ng marami. Napapalambot ng isang apo ang kahit na pinakamatigas na puso ng abuelo. Hindi na marahil siya karapat-dapat na bigyan ng tsansa, ngunit hindi matitiis ng ama ang apo nito. Jacobo Inaldo, Sr. was a good man. “Wipe that smile off your face,” lukot ang mukhang wika nito. “This is not for your benefit. I’m not making it easy for you. Hindi pa rin kita bibigyan ng ano mang pamuhunan sa kahit na anong negosyo. Hindi hangga’t hindi mo napapatunayan na kaya mong maging responsable. Your sister is giving you job, but you really have to work hard. Ibinilin ko na bigyan ka ng trabaho na ayon sa natapos mo. Hindi mo natapos ang kolehiyo mo kaya hindi ka maaari sa mataas na posisyon. Hindi kita bibigyan ng pribilehiyo maliban sa hindi mo na kailangang dumaan sa normal na proseso ng pag-a-apply.” “Any job will do, Dad. Pasasalamatan ko na po nang sobra-sobra.” Kakayanin ni Jaco ang ano man. Sa palagay niya ay hindi naman siya gaanong mahihirapan. Sa kabila ng lahat, malaki ang pasasalamat niya sa pagkakaroon ng supportive na pamilya. Nakahanda pa rin siyang tulungan ng ama sa kabila ng lahat ng sakit ng ulo na idinulot niya. Ang sabi nito ay hindi na siya bibigyan ng tsansa, ngunit tinutulungan pa rin siya sa kabila nang lahat. Hindi siya lubusang matiis ng ama. “Good. Magpunta ka ngayon sa Ristorante.” “Thank you.” Tumalikod na siya at aalis na sana nang muling lumingon. “Dad?” Natigil sa akmang pagdadala ng tasa ng kape sa bibig ang ama. “You are the greatest father and I want to be just like you.” Pagkasabi niyon ay itinuloy na ni Jaco ang pag-alis. Ngayong ama na siya, mas naiintindihan niya ang sariling ama. Ngayon ay mas na-appreciate niya ang mga bagay na ginawa at ibinigay nito sa kanya. Ngayon niya lubusang naintindihan kung bakit palaging wala ang ama sa bahay nila, kung bakit palagi itong abala sa mga restaurant nito. Everything he did, he did for his children. Ngayon niya lubos na napatawad ang ama sa lahat ng birthdays at PTA meetings na nakaligtaan nitong daluhan. Sana lang ay mapatawad din siya ni Xena dahil wala siya sa unang pitong taon ng buhay nito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD