HINDI pa rin mapaniwalaan ni Jaco ang pagkasawi ni Sunshine. Hindi niya matanggap. How could this thing happen to someone like Sunshine?
Nagdurugo ang kanyang puso sa nangyari. Kinakain siya ng guilt. It was too late. He was too late. Hindi na niya makikita at makakausap pang muli si Sunshine. Hindi na siya makakahingi ng tawad sa lahat ng mga nagawa. Hindi na siya makakabawi sa lahat ng pasakit na kanyang idinulot. Hindi na niya maitatama ang lahat ng kanyang pagkakamali.
She’s dead!
“How can you do this to me?” he said, his voice strained and full of anguish. Alam niya na wala siyang karapatang sabihin iyon kay Sunshine pagkatapos ng lahat, ngunit hindi niya mapigilan ang pag-alpas ng hinanakit. “How could you not be here? How could you leave like that?”
Hindi marahil mapaniwalaan ni Jaco ang naganap dahil nasanay siya na palaging nariyan si Sunshine. Sa isip niya, palagi itong nananatili kung saan niya iniiwan. Marahil ay medyo nakampante siya, dahil alam na palagi siyang tinatanggap ng dating nobya ano man ang nagawa. Nakatanim sa kanyang isip na mamahalin siya nito ano man ang mangyari.
Minahal din naman niya si Sunshine, totoong minahal. Hindi nga lang maikakaila na mas minahal siya ng dating nobya. Buong puso ang ibinigay ni Sunshine, halos walang itinira sa sarili. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit tumalikod siya. Pakiramdam ni Jaco ay nakulong siya sa pag-ibig nito at nasakal.
“Ayokong sa `kin lang umiikot ang mundo mo, Shine.” Iyon ang huli niyang tinuran bago sila nagkahiwalay nang araw na iyon.
But it was just really an excuse. Minsan kasi mas madaling umisip ng dahilan kaysa aminin nang harap-harapan sa isang tao na naduduwag talaga siya.
Jaco met Sunshine in a bar. She was a promo girl. Unang kita pa lang niya ay kaagad na siyang nabighani sa ganda nito. Aaminin niya na hindi ang babaeng katulad ni Sunshine ang inakalang iibigin niya. Walang nangyari sa unang pagkakakilala. He was just one of the guys who was offered a sample drink. Sunod silang nagkita sa birthday celebration ng isang kaibigan. Lumabas si Sunshine mula sa cake suot ang isang sleazy maid costume. She danced for his friends. No monkey business, just a sexy dance and a lap dance for the birthday celebrant.
Pagkatapos ay nagkasalubong silang dalawa sa university. Matapang na sinalubong ni Sunshine ang kanyang mga mata sa halip na umiwas at mahiya na bahagya niyang ikinagulat. Pagkatapos ay napangiti na siya. Humanga siya kay Sunshine nang mga sandaling iyon.
It was the start of their relationship. Noong una ay hindi makapaniwala si Sunshine na pinagtutuunan niya ito ng atensiyon.
“Bakit ako? Marami naman ibang babae diyan, Jaco,” tanong pa nito.
“Dahil hindi ka katulad ng ibang mga babae,” naging tugon naman niya.
Totoo ang bagay na iyon. Hindi marahil niya magugustuhan si Sunshine kung katulad ito ng ibang mga babae na tipikal.
Maraming mga kaibigan niya ang nagtatanong kung bakit si Sunshine ang kanyang napili. Kalat sa unibersidad ang hindi magandang reputasyon ng dalaga. Ilang beses siyang nakipag-away sa unibersidad noon dahil hayagang sinasabi sa kanyang mukha ang opinyon ng ilan. Madalas siyang sawayin ni Sunshine at sinasabihang hayaan na lang ang mga ito ngunit hindi niya lubusang magawa. Hindi alam ng ibang tao ang totoong kuwento ni Sunshine. Maraming tao ang mabilis manghusga.
Jaco was not sure what went wrong between them. They were okay. They were happy together. Hanggang sa sabihin sa kanya ni Sunshine na nagdadalang-tao ito. Hindi niya alam kung paano iyon tanggapin, kung paano ipoproseso sa isipan.
He was not ready to be a father to say the least. Ang una niyang reaksiyon nang sabihin ni Sunshine na nagdadalang-tao ito ay kumaripas ng takbo. Nakakahiya, alam niya. Parang hindi siya lalaki, napakaduwag.
But he summoned some guts to try. He tried to be responsible. Iniuwi niya si Sunshine sa bahay nila. Ipinakilala sa mga magulang. It was the start of hell for Sunshine. But she did not give up. He did.
At ngayon ay wala na si Sunshine. Iniwan na siya.
“I’m so, so, sorry,” bulong niya sa basag na tinig. “Patawarin mo `ko, Shine. Patawarin mo `ko.”
Tuluyan nang bumigay ang kanyang mga luha dahil sa pinaghalong pighati at galit. Nagagalit siya sa sarili dahil masyado na siyang huli. Hindi lang sa pagdating, kundi pati na rin sa paghingi ng tawad. At ano pa bang buti ang magagawa niyon ngayon?
PALINGA-LINGA si Agatha habang naglalakad silang mag-iina papasok ng eskuwelahan nang umagang iyon ng Lunes. Noong isang araw pa siya kinakabahan at natatakot. Dalawang gabi na siyang hindi makatulog. Nagimbal talaga ang kanyang mundo sa pagkikita nilang muli ni Jaco.
Ang una niyang ginawa nang makauwi galing ng semeteryo ay niyakap nang napakahigpit ang dalawang anak. Pakiramdam niya ay may hahablot sa mga ito anumang sandali. Napapaigtad siya tuwing may kumakatok sa kanilang pinto, sa tuwing tutunog ang kanyang cell phone. Inaasahan niya na lilitaw na lang basta si Jaco roon. Hindi niya alam kung paano ihahanda ang sarili sa muli nilang paghaharap. Hindi niya alam kung patuloy siyang magagalit sa mga nagawa nito kay Sunshine o makikiusap na huwag kunin sa kanya si Xena dahil sa kanyang palagay ay hindi niya iyon kakayanin.
Ngunit nang walang magpakitang Jaco buong maghapon kahapon ay nakapag-isip-isip si Agatha. Bakit naman kukunin sa kanya ni Jaco si Xena? Kung noon ay hindi na nito mapanindigan ang anak, bakit pa mag-aabala ang binata ngayon? Malamang na hindi pa rin nais masadlak ni Jaco sa responsibilidad ng pagiging ama.
Subalit hindi pa rin siya lubusang makampante. Namamahay pa rin ang takot sa kanya. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa buhay ni Jaco sa mga nakalipas na taon. May mga bagay na maaaring magbunsod sa lalaki na kunin ang anak na tinalikuran nito nang nasa sinapupunan pa lamang ang bata.
Matiwasay silang nakarating ng eskuwelahan. Naihatid niya ang mga bata sa kanya-kanyang mga classroom. Halos wala sa sarili na sinimulan niya ang pagtuturo sa klase. Pagsapit ng oras ng recess ay pinuntahan siya ni Cedric sa classroom. May dalang dalawang bote ng Coke ang kaibigan. Hindi niya kailangang puntahan ang dalawang bata dahil may baon naman ang mga ito. Nais din niyang gugulin nina Xena at Yogo ang recess time sa pakikipaglaro at pakikisalamuha sa mga kaibigan at kaklase.
Kaagad niyang naihinga sa kaibigan ang muli nilang pagkikita ni Jaco. Nai-text na niya iyon kay Cedric ngunit hindi pa rin siya mapakali.
“Hindi ko alam ang gagawin ko, Ced.” Ang totoo ay nais niyang lumayo at magtago, ngunit paano niya gagawin iyon? Mangangailangan ng malaking pera ang paglipat. Bukod sa marami siyang utang na hindi maaaring takbuhan, mahihirapan siyang ilipat ang mga anak sa ibang eskuwelahan.
Tinapik ni Cedric ang kanyang balikat. “Baka naman kasi hindi ka dapat mag-alala. Huwag ka munang mag-isip masyado. Baka wala naman siyang planong gawin.”
Naitakip niya ang mga kamay sa mukha. “Naisip ko na rin `yan, pero mas maigi na ang handa, hindi ba?”
Tumango si Cedric bilang pagsang-ayon. “Alam mong narito lang ako, hindi ba? Tutulungan kita hanggang sa abot ng aking makakaya.”
Pinasalamatan ni Agatha ang kaibigan. Pinilit niyang maging masigla sa pagtuturo sa buong hapon. Takang-taka si Xena nang panay ang pagyakap niya habang kumakain sila ng tanghalian. Naging panay tuloy ang tanong ng bata kung ayos lang siya. Nginitian niya si Xena bilang tugon.
Pag-uwi nilang dalawa nang hapon, nagulat siya nang makita sa harap ng tindahan ni Manang Luisa si Yogo at may kausap na lalaki na kaagad na nakilalang si Jaco. Mabilis siyang lumapit sa dalawa.
“Ano ang ginagawa mo rito?” galit na tanong ni Agatha kay Jaco habang mahigpit na hawak ang kamay ni Yogo. Binalingan niya ang batang lalaki bago pa man siya masagot ni Jaco. “Hindi ba’t kabilin-bilinan ko na huwag kang makikipag-usap sa mga taong hindi mo kilala?” Bahagyang humigpit ang pagkakahawak niya sa bata.
“He’s not talking to me,” tugon ni Jaco bago pa man maibuka ni Yogo ang bibig. “Kanina ko pa siya kinakausap pero ang sabi niya ay binilinan mo siyang huwag makipag-usap sa mga taong hindi niya kilala. Wala akong masamang intensiyon, Agatha. Let go of the kid. Nasasaktan na siya.”
Napansin nga ni Agatha na bahagya nang napapangiwi si Yogo. Kaagad niyang binitiwan ang kamay ng anak. “Puntahan mo ang ate mo. Mauna na kayo sa bahay.” Kinuha niya sa bulsa ang susi ng bahay at iniabot kay Yogo.
Tahimik na tumalima si Yogo. Nilapitan nito ang nakatatandang kapatid na nasa hindi kalayuan at akmang lalapit na sa kanila. Nagsasalubong ang munting mga kilay ni Xena sa pagtataka. Tinapunan ng anak ng sulyap si Jaco. Nang tumingin siya kay Jaco, natagpuan niyang nakatingin din ito kay Xena.
Napalunok nang sunod-sunod si Agatha, inalihan ng takot ang dibdib. Ano ang nararamdaman ng mag-ama? Totoo ba ang lukso ng dugo? Ibinalik niya ang tingin kay Xena. Sa pagkakataong iyon ay nakatuon na sa kanya ang nagtatanong na mga mata ng bata. Sinenyasan niyang pumasok na ang dalawa sa apartment. Bahagya siyang nakahinga nang tumalima ang mga anak.
Nang masigurong nasa loob na sina Xena at Yogo ay saka lang niya hinarap si Jaco. “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong uli niya.
“I just want to talk to you, Agatha.”
“Kausapin ako? Bakit? May kailangan ba tayong pag-usapan, Jaco? Base sa pagkakaalala ko ay hindi naman tayo naging magkaibigan.”
“Agatha, please?” samo ni Jaco, tila hindi na malaman ang sasabihin sa kanya.
Hindi niya hinayaang maapektuhan siya ng nakikiusap nitong mga mata. Hindi na siya ang dating dalagita na madaling maapektuhan ng simpleng tingin o ngiti, ng simpleng presensiya ng lalaki. Pagkatapos ipakilala ni Sunshine sa kanya si Jaco bilang nobyo, binura na niya ang ano mang espesyal na nadarama para sa lalaking kaharap.
“Umalis ka na. Wala tayong dapat pag-usapan.” Tatalikuran na sana niya si Jaco ngunit maagap nitong nahawakan ang kanyang braso. Kaagad niya iyong iwinaksi. Hindi niya gusto ang pakiramdam na tila may nanunulay na mumunting kuryente sa bisig niya dahil sa paghawak ni Jaco sa kanya. Ngunit hindi nito hinayaan na makawala siya, muli siyang hinawakan at sa pagkakataon na iyon ay hindi na pinakawalan ang kanyang braso kahit anong pagwawaksi ang gawin niya.
“Alam mong marami tayong kailangang pag-usapan, Agatha,” ani Jaco habang nakatiim ang mga bagang.
Sinubukan ni Agatha na hilahin ang braso ngunit walang panama ang kanyang lakas. “Ayokong makipag-usap sa isang walang-kuwentang lalaki.”
“I get that. I know that, too. But can you just give me a chance to talk? Please.”
“Pakawalan mo `ko.”
Mas hinigpitan ni Jaco ang pagkakasakmal sa kanyang braso. Marahas na napabuga ng hangin si Agatha. “Pakawalan mo `ko at pakikinggan ko ang ano mang sasabihin mo.”
Tila nakahinga nang maluwag si Jaco sa narinig, kaagad siyang pinakawalan. Nagpunta si Agatha sa mahabang upuan sa harap ng tindahan ni Manang Luisa at naupo.
“Can we go somewhere more private?” hiling ni Jaco.
Umiling siya. “Dito mo na sabihin ang ano mang sasabihin mo. Wala akong gaanong panahon na puwedeng sayangin.” May mga darating na estudyante sa bahay niya mayamaya lamang na kailangan na turuan. “Isa pa, walang makakasama ang mga ba—ang mga anak ko.” Mariin niyang nakagat ang ibabang labi. Talagang nais yata niyang ipahamak ang sarili. Bakit pa niya kailangang banggitin ang mga bata?
Tinabihan siya ni Jaco sa mahabang bangko. Umisod palayo si Agatha dahil hanggang maaari, ayaw niyang napapalapit sa lalaki. Nakakaramdam kasi siya ng mga kakaibang pakiramdam. Humahalo ang mga damdamin na iyon sa takot at kaba na nararamdaman na niya. Parang hindi na kakayanin ng puso niyang nasanay sa katiwasayan.
“I want to talk to you about Shine.”
“Ano ang tungkol kay Shine?” aniya sa malamig na tinig. Deretso lang ang kanyang tingin. Ayaw niyang tumingin kay Jaco dahil natatakot na baka bumigay siya. Baka bumigay ang galit na nararamdaman niya at masumbatan na naman ito.
“I want to know what kind of life she had after... after...”
“Pagkatapos mo siyang talikuran at iwan?” pagtatapos niya sa pangungusap nito.
Mula sa peripheral vision ay nakita niya ang pagtango ni Jaco. “Umuwi siya sa `kin. Umiiyak...” Malinaw pa rin sa kanya ang gabing nadatnan ang matalik na kaibigan sa silid na inuupahan nilang dalawa dati. Dalawang buwan na nanirahan si Sunshine sa malaking bahay nina Jaco.
“Gago pala talaga ang lalaking `yon, eh!” galit na bulalas ni Agatha matapos marinig ang nangyari. Noon lang sinabi sa kanya ni Sunshine ang talagang kalagayan nito sa malaking bahay. Ang akala niya ay masaya ang kaibigan at maayos ang kalagayan.
Pinunasan ni Sunshine ang mga luha sa pamamagitan ng isang bimpo. “Sinubukan niya, Agatha. Hindi lang talaga niya kayang tumagal.”
Hindi makapaniwalang napatingin si Agatha sa kaibigan. Ipinagtatanggol pa nito si Jaco? Mabilis din niyang ibinaling sa iba ang paningin nang makita ang kahabag-habag na hitsura ng kaibigan. Dahilan upang mas naglagablab ang kanyang galit at baka masugod pa niya nang wala sa oras ang nobyo ng kaibigan. Na sa totoo lang ay hindi niya maaaring gawin dahil nasa ibang bansa na si Jacobo Inaldo, Jr.
“Ipinagtatanggol mo pa siya!” naiinis na singhal niya. “Pagkatapos ng lahat, ipinagtatanggol mo pa siya?! Loka ka talaga! Ano ang nakita mo sa lalaking `yon para magkaganyan ka?” Marami nang lalaking dumaan sa buhay ni Sunshine kung tutuusin, ngunit ngayon lang ito nabaliw nang ganoon katindi. Maraming beses nang nagmahal si Sunshine ngunit si Jaco ang pinakaminahal nito. Buong-buo. Wala nang itinira sa sarili. Kaya nga nagdadalang-tao na ang kaibigan ngayon.
Suminga si Sunshine sa bimpo. “Hindi dapat, alam ko, pero naiintindihan ko pa rin siya. Kahit na nasaktan niya ako nang labis, lubos ko pa rin siyang naiintindihan. Gusto ko siyang hayaan sa gusto niya. Gusto kong mahanap niya ang sarili niya. Hindi pa siya handang maging ama, Agatha. Alam ko`yon pero sumige pa rin ako. Nagpabuntis pa rin ako. Kasalanan ko ang anumang sinasapit ko ngayon. Sa kagustuhan kong mapanatili siya sa tabi ko lagi, sa takot kong mawala siya, mas itinulak ko siya palayo. Mas naramdaman niya ang pangangailangang tumakbo, lumayo.”
“Gaga!” Nasabunutan ni Agatha ang sariling buhok. Nais niyang dakmain ang buhok ng kaibigan ngunit hindi magawa dahil buntis ito at masyado nang kawawa para mas kawawain niya. “Gaga ka talaga.” Sinabi na niya ang bagay na iyon nang sabihin ni Sunshine sa kanya na sinadya nitong magpabuntis sa nobyo. Hindi na gumagamit ng condom si Jaco dahil umiinom ng pills si Sunshine. Lingid nga lang sa kaalaman ni Jaco, itinigil ni Sunshine ang pag-inom ng contraception.
Napahikbi si Sunshine. “Alam ko. Alam ko. Mahal ko siya, eh.”
“Hindi `yan katwiran!” Suyang-suya na si Agatha na marinig ang bagay na iyon mula sa kaibigan. “Kung mahal ka niya talaga, hindi ka niya basta-basta na lang susukuan! Hindi ka niya iiwan! Hindi ka niya iiwan lalo na at alam niyang dinadala mo ang anak niya. Gago talaga.” Hindi niya malaman kung paanong nagkaroon siya ng espesyal na damdamin para sa isang lalaking katulad ni Jaco. Hindi niya matanggap kahit na sa sarili lamang niya.
“Ang sabi niya... ang sabi niya hindi ko dapat pinainog ang mundo ko sa kanya.” Base sa tinig ng kaibigan, nahuhulaan na niya na bubulalas na naman ito ng iyak mayamaya lang.
“Tama rin naman. Gaga ka, eh.” Gaga rin ako.
“Siya lang kasi `yong lalaking tumanggap sa `kin nang buo. Hindi niya inalintana ang reputasyon ko. Kahit na kailan, hindi niya ako tinratong... pok—hindi niya ako tinratong mababang uri ng babae. Alam ko na minahal niya ako. Hindi lang talaga niya ako mapanindigan sa ngayon.”
Napalunok si Agatha. Hindi niya maintindihan kung bakit tila may kumurot sa kanyang puso. Tama ang sinabi ng kaibigan. Kahit anong kapintasan ang mayroon si Jaco, minahal nito si Sunshine. Nakita niya iyon.
Tuluyan nang bumulalas ng iyak si Sunshine. Nilapitan ni Agatha ang kaibigan at niyakap. “Tahan na,” alo niya. “Buntis ka, hindi ka dapat masyadong umiyak. Baka makasama sa bata. Kailangan mong alagaan ang sarili mo para sa anak mo.”
“Hindi nagpadaig si Shine sa nangyari. Dalawang araw lang siya umiyak at nagpakamiserable. Bumangon siya at ipinagpatuloy ang buhay. Kumain ng masusustansiyang pagkain para maging malusog ang kanyang dinadala. Ipinagpatuloy ang pag-aaral kahit na bilog na ang tiyan. Hindi niya inalintana ang panlilibak ng mga kaklase, ng mga propesor. Maraming salamat sa malaking halaga na ibinigay ng pamilya mo, nakaraos siya hanggang sa makapanganak siya. Pareho kaming nakapasa sa LET. Naging preschool teachers. Naging maayos ang buhay niya na wala ka.”
Hindi pa rin tinitingnan ni Agatha si Jaco. Ibayong enerhiya at lakas ng loob ang kinailangan niya upang masabi ang mga iyon. Mas nais sana niyang manumbat, sabihin ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan ni Sunshine dahil iniwan nito ang kaibigan. Ngunit ayaw din naman niyang lapastanganin ang mga alaala ni Sunshine. Nais niyang manatili ang paninindigan nito. Ayaw na niyang ipaalam ang ibang kahabag-habag na detalye kay Jaco. Hindi niya hahayaan na kaawaan nito ang kaibigan.
“Ang anak namin—”
“Wala ka nang karapatan sa kanya.” Kahit na ano ang mangyari, hindi makukuha ni Jaco sa kanya ang bata. Sa pagkakataong iyon ay tumingin na siya sa lalaking tunay na ama ni Xena. Ipinarating niya sa pamamagitan ng kanyang mga mata na hindi magiging madali kung pinaplano man nitong kunin ang anak.
“Agatha, naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Nai—”
“Hindi, Jaco. Hindi mo naiintindihan. Hindi ako maiintindihan ng isang lalaking hindi alam ang kahulugan ng salitang responsibilidad. Hindi mo alam kung paano maging ama sa dalawang bata. Hindi mo alam kung gaano kahirap maging ama at ina nang sabay. Hindi mo alam kung ano ang pakiramdam na maiwanan ng importanteng tao sa buhay mo. Wala kang karapatang sabihin na naiintindihan mo dahil hindi, Jaco. Hindi.”
Inabot nito ang kamay niya at mahigpit na hinawakan. Nais niyang bawiin ang kamay ngunit tila tinakasan siya ng lakas. “Wala akong planong masama. Alam ko na ikaw na ang ina nila ngayon. Ikaw ang nagpalaki sa dalawang anak ni Sunshine mula nang mamatay siya. I can only imagine what you went through. Nawalan ka ng kaibigan at naiwan sa pangangalaga mo ang dalawang bata. Instant mother.”
Hindi nakaligtas kay Agatha na hindi binanggit ng lalaki na hindi nito kukunin sa kanya si Xena, kaya naman hindi siya napayapa. Hindi siya naapektuhan sa mga sinasabi nito. Binobola lamang siya ni Jaco. Sa palagay niya ay bumubuwelo lamang ang lalaki bago sabihin ang talagang pakay sa pagpapakita.
“Hindi ko siya ibibigay sa `yo, Jaco,” aniya bago pa man tuluyang makabuwelo si Jaco, bago nito makalap ang lahat ng lakas ng loob na kailangan.
“Agatha—”
Marahas siyang tumayo. “Akin ang mga anak ko. Akin lang. Wala kang karapatan. Wala kayong karapatan na basta na lang sumulpot at kunin sila sa `kin. Makakaalis ka na. Tapos na ang pag-uusap na ito. Magpapasalamat ako nang malaki kung hindi ka na muling magpapakita pa.”
“Agatha, let me—”
Hindi na niya pinakinggan pa ang ibang sasabihin ni Jaco. Nagmamadali niyang pinuntahan ang apartment at pumasok. Alam niya na hindi iyon ang kanilang huling pagkikita, ngunit hinayaan niya ang sarili na maniwala na ligtas pa siya sa ngayon. Hindi pa nawawala sa kanya ang isa sa mga anak.