6

3327 Words
“KAIN pa, Xena,” wika ni Agatha habang nilalagyan pa ng kanin ang baunan ng anak. Hindi nakaligtas sa kanyang pansin na tila wala itong gana sa pagkain. Pagpasok pa lang ng anak sa classroom nang tanghaling iyon ay napansin na kaagad niya ang pagiging matamlay nito. Kanina pa pinaglalaruan ni Xena ang pagkain. Kanina namang umaga ay masigla ang anak. Pero mukhang may naging problema sa klase nito. “Ayoko na po,” anito bago inabot ang baunan ng tubig at uminom. “Bakit ayaw mo na? Favorite mo ang ulam, ah.” Bumili siya ng isang order ng pork adobo sa canteen. Hinati niya iyon para sa dalawang anak. Dahil half day lang si Yogo at may panghapon siyang klase, iniuwi muna niya ang bata kay Manang Luisa. Malaki ang pasasalamat niya na matandang dalaga ang landlady at mahilig sa bata, kaya walang kaso kay Manang Luisa kahit na iwan ang mga anak. Hindi naman alagain si Yogo. Marunong itong kumaing mag-isa. Kaya nitong hugasan ang pinagkainan at madalas na natutulog sa tanghali. Paggising ay madalas na inaabala nito ang sarili sa mga children’s books na binibili niya sa Book Sale. Muling umiling si Xena. “Busog na po ako.” Hindi na ipinilit ni Agatha ang gusto. Siya na lang ang kakain ng tira ng anak. Hinaplos niya ang buhok nito. “May problema ba?” Napalabi si Xena. “Si Artemis.” Si Artemis ang transferee na kaklase ni Xena. Madalas na ikuwento ng anak ang bata. Hindi gaanong gusto ni Xena ang kaklase. Ayon dito, may kayabangan daw si Artemis. Madalas daw nitong ipagyabang ang mga bagong gamit at masasarap na baon. Si Artemis lang daw ang grade one na may cell phone na touch screen. Ipinagyayabang din daw nito ang pagkakaroon ng tablet. Sa tuwina ay pinagsasabihan niya si Xena na huwag kaagad husgahan ang kaklase. Huwag kaagad paparatangan ang isang tao na mayabang. Palagi niyang ibinibilin na huwag makikipag-away. Huwag papatol kapag may mang-iinis. Alam niya na natural na magkaroon ng inggitan, yabangan, at pag-aaway sa mga magkaklase, ngunit natatakot pa rin siya minsan para sa mga anak. Friendly si Xena ngunit nagiging palaban din kapag sa palagay nito ay naaapi na, kapag labis na. Minsan ay muntik na itong makipagsuntukan sa isang batang lalaking nam-bully kay Yogo. Maigi na lang at naagapan niya bago pa man talaga magkasakitan ang mga bata. “May ginawa ba si Artemis sa `yo?” malumanay niyang tanong. Umiling si Xena. “Naiinggit lang po ako sa kanya,” pag-amin nito sabay yuko ng ulo, tila nahihiya. “Kasi may cell phone na siya? May tablet? Kasi masarap lagi ang baon niya?” malumanay pa rin ang tinig ni Agatha sa pagtatanong. Pilit niya iyong pinakaswal kahit na tila may namuong bikig sa kanyang lalamunan. Necessity na kahit na sa mga batang munti ang pagkakaroon ng cell phone at tablet. Gustong-gusto talaga niyang ibili ang mga bata ng tablet dahil marami nang educational apps na maaari kagiliwan ng mga ito. Hindi lang talaga siya makapagtabi ng sapat na pera para sa ganoong luho. Nais din niyang ibili ang mga anak ng bike, ngunit wala naman siyang bakuran kung saan maaaring mag-bike ang dalawa na hindi niya kailangang mag-alala na baka masagasaan ang mga ito. Wala siyang bakuran dahil hindi niya kayang umupa sa mas magandang lugar at bahay. Nais niyang ibigay ang lahat ng magagandang bagay sa mundo. Nais niyang paligayahin ang mga ito sa lahat ng bagay. Ngunit may mga pagkakataon na wala siyang magawa. Kailangan niyang pagkasyahin ang maliit na suweldo para sa mga pangunahing pangangailangan nilang mag-iina. Alam ni Agatha na kahit na paano niya pagsabihan ang mga anak na huwag mainggit, maiinggit at maiinggit pa rin ang mga ito sa mga bagay na mayroon ang ibang bata. Hindi maiiwasan dahil sa pagiging bata ng mga anak. Kung ang matatanda nga ay nahihirapang labanan at sugpuin ang inggit, sa mga munting bata pa kaya? “Naiinggit ako kay Artemis kasi palagi siyang sinusundo ng papa niya. Naiinggit ako sa kanya kasi may papa siya.” Ibinulong lamang ang mga iyon ni Xena ngunit tila may pinasabog na bomba sa harap ni Agatha. Hindi niya iyon inaasahan. Uumpisahan na sana niya ang pagkausap sa anak tungkol sa hindi magandang dulot ng inggit, ngunit hindi na niya alam ngayon kung paano iyon sasabihin. Hindi niya alam kung paano magpapaliwanag. Hindi pa man siya nakakahuma ay muling nagsalita si Xena. “Nasaan na ba ang papa ko, `Ma? Nasa heaven na rin po ba siya?” Tila may malaking kamay na bakal na dumaklot sa kanyang puso at mariin iyong piniga. Nakatingin sa kanya si Xena, naghihintay ng sagot at puno ng pagtitiwala ang mga mata. Noon pa man ay nangako na siya sa sarili na hanggang maaari ay sisikapin na magsabi ng totoo sa mga anak. Alam niya na may mga pagkakataon na makakapagsinungaling siya, ngunit nais niyang maging tapat hanggang maaari. “H-hindi ko a-alam, anak,” tugon niya. “H-hindi ko a-alam kung nasaan na siya.” Lalong nanamlay ang mukha ni Xena. Wala nang ibang nagawa si Agatha kundi yakapin ang anak. Natanong niya ang sarili, paano kung alam niya kung nasaang lupalop ng mundo si Jaco? Aaminin ba niya ang bagay na iyon sa anak? Magpupunta ba siya kay Jaco at sasabihin na hinahanap ito ng anak? Ngunit tinalikuran ni Jaco si Sunshine, hindi pa man nailuluwal si Xena. Ano ang karapatan ni Jaco na malaman ang tungkol kay Xena? “Bakit?” tanong ni Xena. Bakit hindi niya alam? O bakit wala ang papa nito sa tabi nito? “Balang-araw, ipapaliwanag ko nang husto sa `yo, `nak,” pangako na naman niya. “Gusto ko nang lumaki,” bulong uli nito. “MINSAN, hindi ko na alam ang isasagot ko sa mga tanong ng anak mo, Shine.” Napapabuntong-hiningang napaupo si Agatha sa harap ng puntod ni Sunshine. Araw ng Sabado. Iniwan uli niya ang mga bata kay Manang Luisa. Nagtyu-tutor siya tuwing walang pasok upang may extra income sila. Naisipan niyang dumaan sa sementeryo bago umuwi sa bahay. “Mana sila sa `yo, matatalino. Alam ko, hindi na nila gaanong nagugustuhan tuwing sinasabi ko na balang-araw ay ipapaliwanag ko nang husto ang sitwasyon. Pakiramdam ni Xena ay malaki na siya.” Banayad na natawa si Agatha, pagkatapos ay mariing nakagat ang ibabang labi. “Tinanong niya rin sa `kin kung bakit magkaiba kami ng apelyido. Alam ko na kailangan ko nang ayusin ang guardianship at adoption nila, pero nangangailangan kasi iyon ng pera. Hindi ako makapagtabi ng sapat na halaga para maumpisahan ang proseso.” Kahit na ang principal sa eskuwelahan ay nagsasabi sa kanya na kailangan nang ayusin ang mga papeles ng dalawang bata. Nag-aaral na ang mga bata at kailangan ng mga papeles na nagpapatunay na siya ang ina nina Xena at Yogo. Kung hindi lang siya guro sa eskuwelahan, malamang na hindi nakapag-enrol ang dalawa dahil kulang ang mga papeles niya. Kung tutuusin kasi ay walang iniwang legal na papel si Sunshine na nagsasabi na siya ang itinatalagang guardian ng mga anak kung sakaling may mangyari dito. Hindi siya legal na guardian ng dalawang bata. Hindi niya kaano-ano ang mga ito. Mahabang proseso rin ang kailangan upang legal na maampon ang mga bata. Baka kailanganin niya ng mahusay na abogado na siguradong may mahal na professional fee. At baka kailanganin niyang harapin ang dalawang ama ng bata. Ang huli ang ikinakatakot ni Agatha. Hindi niya alam kung paano haharapin ang dalawang importanteng lalaki sa buhay ni Sunshine. Hindi niya alam kung ano ang magiging pakikitungo ng mga ito sa kanya kung sakaling magkaharap sila. Labis niyang ikinakatakot na baka kunin ng dalawang lalaki ang mga anak—ang kanyang buhay. “Tulungan mo sana ako, Shine. Gabayan mo `ko. Bigyan ng lakas. Saka baka naman puwedeng pautangin mo muna ako?” pagbibiro niya. Ayaw na niyang umiyak kaya nais na aliwin kahit na paano ang sarili. “Babayaran ko pagkasuweldo, o baka kapag tumama na ako sa Lotto. O bigyan mo kaya ako ng mayaman na madaling mauto?” Hindi na hihilingin ni Agatha ang true love. Iyon ang inasam-asam ng kaibigan, pero ano ang kinahantungan nito? Isa pa, wala siyang panahon sa true love. Wala na rin yatang espasyo sa kanyang puso para sa isang lalaki. Sinakop na ng dalawang anghel ang buo niyang puso. “Agatha?” Nanigas si Agatha nang marinig ang isang tinig ng lalaki. Pamilyar na pamilyar iyon sa kanyang pandinig. Nakakamanghang malaman na naaalala pa rin niya ang tinig nito kahit na mahabang panahon na ang lumipas. Hindi niya magawang lumingon kahit na nararamdaman ang paghakbang ng lalaki palapit sa kanya. Naalala niya bigla ang unang pagkakataon na narinig ang tinig ng lalaki. Naalala niya kung kailan unang nasilayan si Jacobo Inaldo, Jr. Maagang pumasok sa university si Agatha nang umagang iyon kahit na alas-nuwebe pa ang una niyang klase. Wala pang gaanong estudyante sa paligid. Paglabas kasi niya mula sa graveyard shift sa isang convenience store ay dumeretso na siya roon. May tahimik na hardin sa likuran ng isang building na maaari niyang tambayan. May komportableng mahabang bench kung saan maaari siyang mahiga at umidlip. Nakakubli iyon sa mga halaman at walang iistorbo sa kanya. May dalawang oras pa bago ang una niyang klase. Malayo-layo kasi ang inuupahan nila ni Sunshine sa university at magagahol lang sa oras kung uuwi pa siya. Pagod ang kanyang katawan, ngunit hindi niya alintana. Hindi siya maaaring magapi ng pagod dahil may dalawang taon pa siya sa kolehiyo. Nais niyang maging isang guro. Pinaghirapan nila ni Sunshine na makakuha ng scholarship sa university, kaya kailangan niyang pagbutihin ang pag-aaral. Ginawa niyang unan ang backpack na pulos sulsi na. Wala pa siyang pambili ng bago. Nahiga siya sa bench at ipinikit ang mga mata. Tatangayin na sana siya ng antok nang makarinig ng tunog ng isang gitara. Hindi nagtagal ay nasundan iyon ng magandang tinig ng isang lalaki na umaawit. “I look at her and have to smile, as we go driving for a while…” Halos wala sa loob na bumangon si Agatha. Hindi niya alam kung bakit tila may kakaibang panghalina ang magandang tinig na naririnig. Tila hinihila siya palapit. Sinundan niya ang pinanggagalingan ng musika. “And I’ve got all that I need, right here in the passenger seat. Oh and I can’t keep my eyes on the road, knowing that she’s inches from me…” Nasa likuran lang pala ng bench ang tumutugtog. Bahagyang natatabingan ng malagong halaman ang taong lumilikha ng magandang musika. Maingat niyang hinawi ang mga sanga ng halaman at sumilip. Nakaupo ang isang lalaki sa lilim ng isang puno, nakasandal ang likod sa trunk ng puno. Lulong na lulong ang lalaki sa pagtugtog na hindi napansin na may nanonood na rito habang kumakanta. Nakasuot ang lalaki ng leather jacket at kupas na maong na pantalon. Magulo ang buhok at nagkaroon siya ng impresyon na hindi pa ito nakakauwi at nakakatulog sa magdamag. Tila kagagaling lamang sa gimikan. Hindi napigilan ni Agatha na pagmasdan ang mukha ng lalaki. Nasapo niya ang dibdib nang mapagtantong mabilis ang t***k ng kanyang puso. Hindi niya maintindihan kung bakit tila ayaw nang lubayan ng tingin ang lalaki. Oo, guwapo ito—napakaguwapo—ngunit marami-rami na rin siyang nakasalamuhang guwapo. Pero bakit ganoon na lang ang kanyang reaksiyon sa isang lalaking tumutugtog ng gitara at mahusay kumanta? Pagkatapos na kumanta ay nahiga ang lalaki sa damuhan habang yakap-yakap pa rin ang gitara. Hindi nagtagal ay naging pantay na ang paghinga nito. Hindi pa rin nilubayan ng mga mata ni Agatha ang natutulog na lalaki. Pinagsawa niya ang mga mata hanggang sa tumaas na ang araw. Sa halip na matulog bago pumasok sa unang klase, halos dalawang oras na pinanood niya ang pagtulog ng isang lalaking hindi niya kilala. Hindi niya lubos na maintindihan kung bakit, ngunit wala siyang pakialam. Ang malinaw lang sa kanya, hindi niya lulubayan ng tingin ang lalaki kung maaari lamang. Nang magkita sila ni Sunshine ay kaagad niyang ikinuwento ang nangyari. “Bakit kaya ganoon?” halos wala sa loob na naitanong niya sa sarili. Natawa nang malakas si Sunshine. “Kasi crush mo, gaga!” Natigilan si Agatha. Crush? Banyaga sa kanya ang salitang iyon. Walang katuturan. Masyado siyang abala sa pag-aaral kaya hindi niya napagtutuunan ng pansin ang mga ganoong bagay. Ang lahat ng alam niya sa opposite s*x at crush ay galing kay Sunshine. Nasabi nito minsan sa kanya na masyadong nakatuon sa hinaharap ang kanyang isip na hindi niya makita ang ngayon. Hindi niya nararanasan ang tipikal na nararanasan ng mga teenager. Hindi siya marunong mag-enjoy katulad ng isang normal na kabataan. Kinurot ni Sunshine ang tagiliran niya. “Uy, may crush na siya. Sa wakas nagdadalaga na siya,” tudyo nito. Umingos si Agatha. “Napogian lang, eh. Ni hindi ko nga alam ang pangalan.” Isang buwan pagkalipas niyon, nalaman niya kung ano ang pangalan ng lalaki. Jacobo Inaldo, Jr. Nalaman niya dahil ipinakilala ito ni Sunshine bilang bagong nobyo. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay may bahagi ng kanyang mundo ang bigla na lang gumuho. Ngunit tinanggap din niya iyon paglaon. Sa unang pagkakataon, naglihim siya sa matalik niyang kaibigan. “Agatha?” muling tawag ng pamilyar na tinig na mas malapit na sa kanya. Tila bigla namang nagising mula sa pagkaka-himbing si Agatha. Paano niya nagawang alalahanin pa ang nakaraan? Ibinaon na niya sa limot ang tagpong iyon. Unti-unting nanumbalik ang kanyang kontrol sa katawan. Pilit na pinayapa ang naliligalig na mundo. Marahas siyang pumihit. Nahigit niya ang kanyang hininga nang makaharap si Jaco. Tila biglang tinakasan ng lakas ang kanyang mga binti. Pilit siyang nagpakatatag dahil ayaw na malugmok sa harap ni Jaco. Hindi rin niya hahayaan na makita ng lalaki na nasindak siya nang husto sa presensiya nito. Guwapo pa rin si Jaco. Maliban sa mas naging maskulado ang katawan, halos walang nagbago sa pisikal nitong anyo. Ilang sandali siyang napatitig sa mukha ni Jaco. Hindi mapaniwalaan na magkaharap uli sila ngayon pagkatapos ng napakaraming taon. Lalong hindi niya mapaniwalaan ang kanyang reaksiyon sa muli nilang pagkikita. Katulad na katulad ng naramdaman niya noong unang beses itong nasilayan. Tila tumigil sa pag-inog ang kanyang mundo. Napakabilis ng t***k ng kanyang puso. “Agatha. It’s really you.” May munting ngiting gumuhit sa mga labi ni Jaco. Tila nahimasmasan si Agatha sa ngiting iyon. Sumulak ang galit mula sa kaibuturan niya. Ang kapal ng mukha nitong magpakita sa kanya! May lakas pa talaga ng loob ang lalaking ito na humarap kay Sunshine pagkatapos ng lahat ng ginawa, pagkatapos ng lahat ng pasakit na idinulot nito sa kaibigan niya! “Ano ang ginagawa mo rito?” Hindi na niya sinubukang ikubli ang nararamdamang galit. Wala siyang obligasyong maging friendly kay Jaco dahil unang-una ay hindi naman talaga sila naging magkaibigan. Sandali lang natigilan si Jaco. “How are you, Agatha?” “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong uli niya sa halip na tugunin ang pangungumusta nito. Kung inaasahan ng lalaki na marinig ang mga katagang “Okay lang, ikaw?”, maghihintay ito ng napakatagal na panahon. Lumampas sa balikat ni Agatha ang tingin ni Jaco at kaagad nagkaroon ng lambong ang mga mata nito. “Wala kang karapatan!” naiinis na bulalas niya. Tuluyan nang humulagpos ang kontrol ni Agatha sa sarili. “Wala kang karapatang malungkot sa pagkawala niya dahil tinalikuran mo siya! Iniwan noong mga panahong kailangan na kailangan ka niya! Wala kang karapatang magtungo rito, Jaco! Wala!” Tila namangha si Jaco sa kanyang galit at naging reaksiyon. Gilalas na napatingin sa kanya. Napansin niya sa unang pagkakataon ang tangan-tangan nitong malaking basket ng bulaklak. Marahas niya iyong hinablot at itinapon. Kumalat na sa lupa ang mga bulaklak bago pa man tumimo sa isip niya ang nagawa. “Ano pa ang magagawa ng mga bulaklak na `yan ngayon, Jaco? Ano, ha?” Hindi mahuhugasan ng lahat ng bulaklak sa mundo ang kasalanan nito sa kanyang kaibigan. Huminga nang malalim si Jaco. “I’m sorry.” Hindi makapaniwalang napatitig siya sa binata. Sorry? Pagkatapos ng lahat, sorry lang? Iyon lamang ang kaya nitong sabihin? “Ang kapal ng mukha mo.” Nagyuko ng ulo si Jaco. “Alam ko na hindi sapat pero iyon lang ang tanging masasabi ko sa ngayon, Agatha. I’m sorry.” Nasampal na niya si Jaco bago pa man mapagtanto na wala talaga siyang karapatang gawin ang bagay na iyon. Kaagad niyang pinagsisihan ang p*******t sa binata kahit pa hindi lang sampal ang nararapat dito. Nagagalit siya para sa kanyang kaibigan, oo, ngunit tila wala siyang karapatang manampal na tila siya ang nagawan nito ng hindi maganda. Hindi siya ang babaeng tinalikuran at iniwan ng lalaki. Halatang nagulat si Jaco sa pagkakasampal niya. “I deserve that, I guess,” anito kapagdaka habang hinihimas ang nasaktang pisngi. Hindi magawa ni Agatha na humingi ng paumanhin kahit na tila ibinubulong iyon ng kanyang isip. “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong niya sa mas malumanay na tinig. Sana ay sagutin na lang nito ang kanyang mga tanong sa halip na kung ano-ano pa ang sinasabi. “Paano mo nalaman ang lugar na ito?” Nilapitan ng binata ang nagkalat na bulaklak at pinagdadampot. Pagkatapos ay nilapitan ang puntod ay maingat na inilapag doon ang mga bulaklak. Bakas ang paghihirap ng kalooban ni Jaco habang ginagawa iyon. Nanginginig pa ang kamay na hinaplos nito ang lapida, pinaraan ang mga daliri sa pangalan ni Sunshine. “W-wala kang k-karapatan,” bulong niya, nanginginig ang tinig sa galit at nangilid ang mga luha sa mga mata. “N-ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa nangyari,” anito, bago mariing ipinikit ang mga mata. “I was really looking for her. I was looking for you, too. Alam ko na kung nasaan ka, naroon din siya. Madalas niyang sabihin noon na hindi kayo mapaghiwalay. Kinontak ko ang mutual friends namin. Walang nakakaalam kung nasaan na kayo ngayon. I tried Google. Alam ko na lalabas ang pangalan ninyo dahil sa pagkapasa ninyo sa LET. Inasahan ko na malalaman ko kung saan-saang social media kayo aktibo. Pero hindi ko inasahan na bubungad sa `kin ang isang news article. It s-says Shine was one of the victims k-killed in a road accident. Hindi ko... hindi ko mapaniwalaan ang lahat. Hindi ako naging handa...” Iminulat nito ang mga mata. “Umasa ako na kapangalan lang niya ang biktima, na hindi `yon totoo, na buhay pa siya. I had to confirm. Umupa ako ng private investigator para mas mabilis kong malaman ang kinaroroonan ninyo, kung totoo ba talagang nasawi si Shine sa aksidente. Hindi pa rin ako gaanong naging handa nang kumpirmahin iyon ng imbestigador. Sinabi niya na dito nakalibing si Sunshine.” Unti-unti nang nagkakaugat ang takot sa kaibuturan ni Agatha. Sadyang hinahanap ni Jaco si Sunshine. Isa lamang ang naiisip niyang dahilan at agad na tumimo sa isip—hinahanap ni Jaco ang anak, si Xena. Lumipas muna ang ilang sandali bago niya nagawang magsalita. “So alam mo na kung gayon kung saan ka—ako nakatira at ang eskuwelahang pinagtatrabahuhan ko?” Tumango si Jaco habang nakatitig pa rin sa lapida. “Wala kang karapatan!” Nahiling ni Agatha na sana ay may masabi siya bukod roon, ngunit tila ayaw gumana ng kanyang isip. Tinalikuran na niya si Jaco at malalaki ang hakbang na lumayo. Nais niyang kumaripas ng takbo pauwi. Nais niyang siguruhing na kay Manang Luisa pa si Xena at hindi pa kinukuha ng tunay nitong ama. Pilit niyang nilabanan ang takot na nadarama. Ipinangako niya sa sarili na hindi siya susuko. Hindi niya basta-basta na lang ibibigay ang anak kay Jaco. Wala itong karapatan. Pinutol na ng lalaki ang pagiging ama kay Xena nang sandaling talikuran nito si Sunshine.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD