“MAY BINANGGIT sa `kin si Yogo,” nananantiyang panimula ni Agatha kay Paulino matapos maghain ng maiinom. Alas-otso na ng gabi. Nasa apartment nila ang binata, sinusundo si Yogo. Hindi nasundo ni Paulino ang anak kanina dahil masyadong abala sa trabaho. Walang makakasama si Yogo sa condo unit, kaya pinakiusapan siya ni Paulino na sa kanya muna ang bata. Hindi naman na siya nito kailangang pakiusapan. Masaya pa nga siya na nagkaroon ng pagkakataong makasama ang anak. “What did he say? May problema ba siya na hindi masabi sa `kin? May gustong ipabili pero nahihiya lang?” Alalang-alala kaagad si Paulino. Umiling siya. “Nabanggit lang niya ang tungkol sa inyo ni Maca. Nag-away daw kayo noong isang araw.” Nagyuko ng ulo si Paulino. “I’m sorry the kid had to hear the fight.” “Hindi sa nakik

