NAMAMANGHANG inilibot ni Agatha ang paningin sa magandang kapaligiran. Luntian na luntian ang lugar na pinagdalhan sa kanila ni Jaco. Sariwa ang hangin. Tahimik at hindi gaanong maririnig ang ingay ng lungsod. Dinala sila ni Jaco sa isang country club na miyembro ang kapatid nito. Tuwang-tuwa sina Xena at Yogo sa lugar. Pagdating nila sa isang malaking parke na para talaga sa mga bata ay kaagad na naghabulan ang dalawa. Masarap sa tainga ang malutong na tawanan ng mga ito. “Ngayon lang kasi nakarating ang dalawang `yan sa ganito kalawak na open space,” aniya habang tinutulungan si Jaco sa paglalatag ng picnic blanket. Napakarami nitong dalang pagkain, tila pinaghandaan talaga ang picnic nilang iyon. Ang totoo ay inasahan ni Agatha na dadalhin ni Jaco ang dalawang bata sa zoo o sa amuse

