Inihingi ni Aldrin ng pahintulot ang gagawing pagsisiyasat sa second floor. At dahil umalis si Dexter upang pumunta sa bayan para asikasuhin ang bangkay ng tiyuhin ay kay Debbie siya nagpaalam nang mapansing mukhang kalmado na uli ang dalaga.
Nang sabihin ni Aldrin na gusto niyang makita muli ang terasa ay nagprisinta na akong samahan siya yaman din lang at papunta ako sa silid ni senyora Clarita na katabi lang nito.
Nang makarating kami sa second floor ay dumiretso ang pulis sa terasa. Akmang papasok na ako sa silid ng senyora nang makita kong may kinuha si Aldrin mula sa loob ng isang malaking paso na may nakatanim na magarbong halaman.
“Kay senyor Leo iyan,’ sabi ko habang papalapit. “Nakita kong binabasa niya iyan dito mismo bago siya namatay.” Ang manipis na aklat na itim ang tinutukoy ko.
“Alin sa dalawa, aksidenteng nahulog ito dito sa loob ng paso o sadyang itinago?” Alam kong ang sarili ang tinatanong ni Aldrin. Pagkuwa’y inilagay niya ito sa bulsa ng kanyang itim na jacket.
Niyaya niya ako na pumunta sa library.
“What a mess?” bulalas nito nang mabungaran ang magulong loob ng silid-aklatan. Nagkalat sa sahig ang iba’t –ibang papeles, bukas ang ilang aklat at ang iba naman ay wala sa bookshelves, nakabukas din ang mga drawer ng office table at filing cabinets. “Matindi ang paghahalughog ng sino mang pumasok dito.”
“Si Dexter…” Naalala kong sinabi niya kanina na pumunta siya sa library kagabi matapos nilang mag-usap ng senyor.
“May hinanap siya o mas tamang sabihing ‘may hinahanap’.” Tugon ni Aldrin.
Pagkalipas ng ilang minuto ay nagyayaya na siya na pumunta kami sa master’s bedroom kung saan naroroon ang senyora.
Sa bungad pa lang ng pinto ay naririnig na namin ang pagtatalo ni Genoveva at ni Doktor Rivero.
“Genoveva, hindi mo naiintindihan, kailangang madala sa ospital sa bayan si senyora Clarita para siya gumaling. Palala ng palala ang kanyang kondisyon lalo na ngayong nasa ‘state of shock’ siya.”
“Ikaw yata ang hindi nakakaintindi, Doktor Rivero.” giit ng mayordoma. “Alam mo naman noon pa na ayaw na ayaw ng senyora ang maconfine sa ospital. Kung kaya sa loob ng mahabang panahon, bilang kaibigan na din ng mag-asawa ay pinupuntahan mo na lang siya dito upang icheck-up kahit alam nating lahat na wala ng lunas ang sakit niya. Hindi makakatulong kung dadalhin natin siya doon.”
“Kungsabagay, ako naman ay nagsasuggest lang. Pero ang magpapasya sa bagay na iyan ay ang mga immediate relative ng senyora kung kaya kakausapin ko si Dexter pagbalik ko sa bayan.”
“Ewan ko sa iyo, Doktor Rivero.” Pakli ni Genoveva. “Kung ako ang tatanungin ay hindi na dapat pang ialis ang senyora dito. Malayo ang kabayanan, baka hindi niya kayanin ang biyahe.”
Isang makahulugang tingin lang ang ipinukol ng doktor dito. Nag-ayos na ito ng kanyang mga gamit at maayos na nagpaalam. Nang malapit na sa pinto ay nakita kong sinenyasan nito si Aldrin na sumunod sa kanya. Nang lumabas ang doktor at si Aldrin sa silid ay sumunod na din ako, naiwan sa loob ang senyora at si Genoveva.
“Nakahanda ako kung sakaling may maitutulong ako sa kaso, Inspector.” Narinig kong sinabi nito kay Aldrin. “Naging kaibigan na din ako ng mag-asawang Baron dahil sa tagal ng ipinagsilbi ko sa kanila. Kahit papaano ay napag-aralan ko ang mga galaw at ugali ng ilang tao dito sa mansion.”
“Kung ganon ay sasadyain ko kayo sa inyong tahanan sa bayan, doktor.” Nakangiting wika ni Aldrin.
“Pakipaalalahan lang na mag-ingat ang lahat ng narito, lalo ka na, Miss de Vera.” Baling sa akin ng doktor.
“Ho?” maang na tanong ko.
“Dahil ikaw ang pinakamalapit sa senyora, baka ikaw ang isunod ng killer.”
“B-bakit naman ho?”
“Dahil hindi titigil ang kriminal hanggang hindi niya naisasakatuparan lahat ng kailangan niyang gawin. At aalisin niya lahat ng hadlang sa kanyang landas kasama ka na doon.”
“Ibig sabihin ho ba ay alam ninyo kung sino ang pumatay sa senyor?” mahinang tanong ko.
“Ang sa akin ay suspetsa lang kung kaya nais kong magkausap kami ni Inspector. Baka makakatulong sa kaso ang ibang nalalaman ko. Normal lang na gusto kong magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng aking kaibigan at upang para na rin matigil ang lagim dito sa villa Baron.”
Nahihiwagaan akong napatingin kay Aldrin ngunit kampante lang ito na nakikinig sa doktor.
May sasabihin pa sana ang doktor nang biglang lumabas ng silid ang mayordoma. Biglang iniba ni Aldrin ang topic.
“Paano po iyan kung hindi pa maaaring madala ang senyora sa ospital sa bayan? Hihintayin pa natin ang pasya ni Dexter.”
“Hindi bale,” nasakyan ng doktor ang ibig sabihin ni Aldrin. “Aaraw-arawin ko ang pagpunta dito.” Pagkuwa’y tinungo na nito ang hagdan.
Bandang alas-dose ng hapon ay nagpaalam na din ang mga pulis.
“Kakausapin ko pa ang doktor na sumuri sa bangkay ng senyor. Babalik ako bukas ng umaga.” Ani Aldrin habang lumalabas kami ng mansyon.
“Paano kung magkatotoo ang sinabi ni Doktor Rivero na nanganganib ang buhay naming lahat dito dahil sa killer pa hindi natin alam kung sino?” may pangambang tanong ko.
“Huwag kang mag-alala. Siguro naman ay hindi pa muling sasalakay ang kriminal, at saka hindi pa naman natin siguradong gawa ito ng serial killer, maaaring hindi na siya bumalik dito sa takot na mahuli.”
“Pero ang sinabi ni Doktor Rivero kanina…”
“Kung kaya nga mag-iingat kayo, huwag mong iiwan ang senyora nang nag-iisa lalo na sa gabi.”
Wala na akong nagawa nang tuluyan ng tumalikod ang pulis kasama ang tatlo niyang kasama. Pagkalabas ng gate ay tinugpa na nila ang paliku-likong hagdang bato. Naiwan akong sakbibi ng pangamba. Lalong sumisigid ang takot ko kapag naaalala ko ang tinuran ni Doktor Rivero na baka daw ako ang isunod. Pero bakit?
Minabuti kong libangin ang aking sarili sa pamimitas ng mga pulang rosas sa hardin. Araw-araw ay isa ito sa nakatuwaan kong gawin, ang pumitas ng mga pulang rosas para ilagay sa flower vase sa living room at sa silid ng senyora.
Nang makaipon ng katamtamang dami ng bulaklak ay pumihit ako upang bumalik na sa mansyon. Gayon na lang ang gulat ko nang biglang humarang sa harap ko si Dexter na hindi ko pala namalayang kanina pa sa likod ko. Kararating lang nito galing sa bayan. Nakapamaywang ito at mukhang walang balak na palampasin ako.
Ang matangkad at medyo may kaitiman na Baron ay nasa harap ko ngayon. Nang-uuyam ang medyo may pagkabumbay na mga mata. Gwapo din naman siya kung susuriin ngunit masyado siyang arogante, suplado at insensitive. Feeling niya ay panginoon siya ng lahat ng tao sa mansion. Mga ugaling kinasusuklaman ko sa mga lalaki.
“Ang akala ko’y ipapahamak mo na ako kanina, Miss deVera…” wika nito na bahagyang nakangisi.
“Bakit? Saan kita ipapahamak? May ginawa ka ba na alam mong alam ko?” medyo pabalang kong sagot. Hindi ko naturuang irespeto ang lalaking ito na hindi naman rumespeto sa katauhan ko unang araw ko pa lang sa mansyong ito. Kabaligtaran siya ng ugali ng mag-asawang Baron at Debbie. Kungsabagay, ano nga ba ang aasahan mo sa isang taong lumaki sa dormitory pagkatapos sa halip na mag-aral ay nakipagbarkada at nalulong sa masamang bisyo?
“Huwag ka nang magmaang-maangan pa. Alam kong ako ang suspect mo sa pagkamatay ni uncle Leon dahil narinig mo ang mainit naming pagtatalo noong gabing pinatay siya.”
“Oo nga pala, ano?” sarkastiko kong tugon. “At pinagbantaan mo nga pala ang senyor na papatayin mo siya kapag hindi niya ibinigay ang hinihingi mo.”
Biglang nanlisik ang mga mata ni Dexter. Sinambilat niya ako sa magkabilang braso. Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong bulaklak.
“Punyeta ka! Ang tapang mo! Subukan mo lang ipahamak ako…”
“Bitiwan mo nga ako!” sigaw ko habang pilit kumakawala sa mahigpit niyang pagkakahawak. “Iyan ba ang dahilan kung bakit pinuntahan mo ako dito? Ang pagbantaan din ang buhay ko?”
“Alam ko ang likaw ng bituka ng mga katulad mo, Mis sde Vera. May pinaplano kang hindi maganda.”
“Hah, at ako pa pala ang nagpaplano ng hindi maganda ngayon?”
“Gusto mong magkamal ng salapi, ano? Gusto mo akong iblackmail, hindi mo ako isusumbong sa mga pulis kapalit ng madaming pera?”
Naramdaman ko ang pag-iinit ng aking mukha. Kung hindi niya hawak ang magkabilang braso ko ay siguradong nasampal ko siya.
“You are a paranoid animal.” Gigil na wika ko. “Huwag mo ngang ibibintang sa akin ang trabaho mo noong nasa Maynila ka pa. At take note, ano’ng pera ang sinasabi mo? Eh, hindi ba? Mas mahirap ka pa sa daga ngayon? Kaya nga pinipilit mo ang senyor noong gabi bago siya pinaslang na ibigay na ang kaparte mo sa kayamanan ng mga Baron?”
Bigla akong isinalya ng lalaki. Alam niyang may katotohanan ang aking sinabi.
“At ngayon, sa halip na magpasalamat ka sa akin dahil hindi ko sinabi ang narinig kong iyon sa mga pulis ay pagbibintangan mo pa akong mukhang pera? Sino kaya sa atin ang mukhang salapi at walang kuwenta, Dexter Baron? Ako na tinitiis kong mapalayo sa aking pamilya upang kumita ng salapi sa marangal na paraan o ikaw na parasite na walang ginawa kundi bigyan ng sama ng loob at kahihiyan ang natitira mong pamilya?”
Sinamantala ko ang pagkatulala ng lalaki, mabilis akong tumakbo pabalik ng mansion.
At habang tumatakbo ay di sinasadyang napatingin ako sa terasa. Naroon si Genoveva, matalim na nakatingin sa akin. Alam kong nakita niya ang nangyari sa amin kanina ni Dexter sa hardin.