CHAPTER 3 More Lies

987 Words
Pagkatapos pakawalan ang isang malalim na buntong-hininga ay si Charlie at si Elizabeth naman ang hinarap ni Tenyente Villafuerte.                 “Kayong dalawa, nasaan naman kayo nang maganap ang kaguluhan?”                 “Natutulog na ako sa silid namin ni Dexter,” kaswal na tugon ni Elizabeth.      “Saang banda ang inyong silid?”                 “Katabi ng library, bandang kaliwa.”                 “At ikaw, Mr. de Joya?”                 “Tulog na din siyempre.  Nasa guest room naman ako.”                 “Saang banda ito?”                 “Malapit din sa library,  bale katapat ng silid nina Dexter at Elizabeth.”  Makahulugang sumulyap si Charlie kay Elizabeth.                 “Namalayan ba ninyong dalawa ang nagyari sa labas ng inyong mga silid kagabi?”                 Nagkatinginan ang dalawa.  Mukhang tinatantiya kung ano ang isasagot ng bawat isa.                 “O-oo.” Si Charlie ang bantulot na sumagot.                 “Kung kaya lumabas ka ng silid para tingnan ito?”                 “Hindi.  Nasanay na ako na maingay sa mansyong.  Halos isang taon na rin akong nakatira rito.  Kung kaya nakasanayan ko na ang ingay ng mga taong rito lalo na kapag nagaaway-away sila…”                  “Charlie, ano ka ba?” saway ni Elizabeth.                 “Nagaaway-away?  Sino sila?” si Tenyente Villafuerte uli.                 “Si Dexter at ang senyor, si Dexter at si Debbie, si Debbie at si Genoveva, si Genoveva at ang nurse…Ah, basta. Marami sila. Labu-labo. Ang sakit sa ulo.”                 Napaunat ako mula sa pagkakaupo.  Bakit bigla akong napasama?  Tarantadong Charlie ito, ah.                 “So hindi ka lumabas ng silid para tingnan kung bakit nagkakagulo ang mga kasama mo sa bahay?” hinimas ni Aldrin ang kanyang baba.  Tila pinag-aaralan ang mga sagot ng kausap.                 “Oo.  Natulog na lang uli ako hanggang gisingin ako ng mga pulis kaninang madaling araw.  Sila nga ang nagsabi sa akin na patay na ang senyor, eh.”                 “At ikaw, Elizabeth?’ bumaling ang pulis sa tila nalilitong babae.                 “G-ganon din.  Nagising ako dahil sa ingay.”                 “Lumabas ka ba ng silid para mag-usisa man lang?’                  “H-hindi.”                 “Bakit naman?”                 “Dahil sa takot.”                 “Takot saan?”                 “Takot kay…Dexter.”                 “What?”                 “Nang magkaroon ng ingay sa terasa, kumatok si Dexter sa pinto ng silid namin.  Hindi ko binuksan dahil nagtataka ako kung bakit tila may nangyayari sa terasa ay heto at papasok siya sa silid namin.  Hindi ba dapat ay doon siya magpunta para alamin kung ano ang nagyayari lalo na at alam niyang naroroon ang mag-asawang Baron?  Pero kabaligtaran ang ginawa niya, pakiramdam ko may gusto siyang takasan kung kaya gusto niyang magtago sa silid namin.”                 Tingin ko ay hindi kumbinsido ang pulis sa sinabi ni Elizabeth.                 “Ang sabi mo ay hindi mo binuksan ang pinto nang may kumatok pero alam mong si Dexter ‘yon?  Paano nangyari na alam mo na agad kung sino ang nasa labas ng pinto gayong hindi mo nga binuksan o sinilip man lang kung sino ang kumakatok?”             Hindi naitago ni Elizabeth ang pagkataranta. “Eh kasi’y…” naghagilap ito ng isasagot. “S-si Dexter lang naman ang alam kong kakatok sa aming pinto nang mga oras na iyon.”                 “Sinasabi mo bang may kinalaman si Dexter sa krimen?” nanunuri ang mga mata ng pulis.                 Umilap ang mga mata ng babae.  “Siya lang naman ang alam kong posibleng may motibo.  Hindi sila magkasundo ng kanyang tiyuhin.  Palagi silang nag-aaway.  At sa pagkakaalam ko, hindi sang-ayon ang senyor sa pagtirang muli rito ni Dexter sa kadahilanang itinuturing siyang  isang blacksheep ng pamilya Baron…”                 “Elizabeth…” Sa wakas ay muling nagsalita si Debbie.                 “Totoo naman ang sinasabi ko, hindi ba, Debbie?” Galit na hinarap ni Elizabeth si Debbie. “Alcoholic at drug dependent ang kapatid mo kung kaya inalisan siya ng senyor ng karapatan na tumira sa bahay na ito. Nagpilit lang lang siya at iginiit na bahay din ito ng inyong yumaong ama kaya may karapatan din siyang tumira rito tulad mo.”                 “Pero nagbago na siya, hindi ba?” “Nagbago?  Hindi komo narehab ng madaming taon ay pwede nang magbago ang tao.  Hindi komo nagamot ang pagkagumon sa bawal na gamot ay nagamot na din ang kawalanghiyaan sa kanyang pagkatao.”     “Tama na,”umiiling na wika ni Debbie.  Alam kong nasasaktan din siya sa mga paratang sa nakatatandang kapatid kahit hindi man lang sila naging close.  Marahil ay dahil hindi naman sila magkasabay lumaki.  Bata pa sila nang magkahiwalay dahil pumunta sa Europe ang mag-asawa at pansamantalang doon nanirahan habang ipinapagamot ang noo’y maysakit na senyora.  Si Dexter ay dinala ng mag-asawa sa isang mamahaling dormitory for boys sa Maynila noong teen-ager pa pero nang mahusto ang isip ay lumabas dito at namuhay ng independent na ikinagalit naman ng senyor.  Napabarkada at nalulong sa masamang bisyo, nang wala nang mapuntahan ay umuwi sa mansion sa kabila ng pagtutol ng senyor.  Si Debbie naman sa kung anong dahilan ay ibinigay ng mag-asawa sa mga madre noong anim na taon pa lang matapos parehong mamatay sa isang car accident ang kanilang mga magulang.  Nakatakda sana itong maging madre pero nang umuwi ito sa villa noong isang taon upang ipagdiwang ang kayang ika-labingwalong taon ay hindi na ito bumalik sa kumbento sa hindi malamang dahilan.  Ang mga ikinuwento sa akin ng tricycle driver na naghatid sa akin sa villang ito ay kinumpirma sa akin ng mabait na hardinero ng mga Baron, si Mang Andoy.        Sa gitna ng tensyon ay biglang tumayo si Debbie, umiiyak na umakyat ito ng hagdan.       Napailing si Aldrin.  ”Sa ibang araw ko na lang siya kakausapin uli. Masyado pang matindi ang impact ng mga pangyayari sa kanya ngayon. Ipagpapatuloy natin ang pagsisiyasat sa second floor.”  Baling nito sa mga kasamang pulis. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD