“Miss de Vera…” Napaunat ako nang madinig ko ang pangalan ko. Nakita ko si Tenyente Villafuerte na inilalagay ang tasa ng kape sa center table habang nakatingin sa akin. “Masasabi mo ba ang dahilan kung bakit wala ka sa tabi ng senyora nang maganap ang krimen kagabi samantalang bilang private nurse ng matanda, tungkulin mong alagaan at bantayan ang pasyente sa lahat ng sandali dahil sa bukod sa pagiging lumpo ay may sakit pa ito?”
Naramdaman ko ang bahgyang pag-iinit ng aking mukha dahil sa tila nakakainsultong pagtatanong ng pulis. “A-ang totoo, kasama nila ako roon…” paputol-putol kong sagot.
“Sino’ng ‘sila’?” tanong muli ng pulis.
“Si senyor Leon at senyora Clarita. Iniwan ko lang sila sandali para ikuha ng gatas ang senyora dahil humingi siya nito.”
“Saan mo sila iniwan?”
“Sa terasa sa ikalawang palapag.”
“Mga ano’ng oras na noon?”
“Sa tantiya ko ay menos kinse para alas-dose na ng hatinggabi.”
“Nasa terasa pa ang mag-asawa sa oras na iyon?”
“Ugali na nila ang magpalipas ng oras sa terasa lalo na kapag gabi at saka kapag may mahalaga silang pinag-uusapan.”
“Ipinaririnig nila sa iyo ang ‘mahalagang’ pinag-uusapan nila?” medyo kumunot ang noo ng pulis.
“Of course not, kusa akong lumalayo kapag alam kong sensitive ang topic nila. Minsan naman sinasabi nila kung kailangan kong iwan muna sila sandali.”
Tumayo mula sa pagkakaupo si tenyente Villafuerte at nagpalakad-lakad habang tila iniisip na mabuti ang susunod na sasabihin. “Sinu-sino sa mga taong naririto ang huli mong nakita na kausap ng mag-asawa parikular na sa terasa?”
Si Dexter agad ang nahagip ng mga paningin ko. Hindi nakaligtas sa akin ang bigla niyang pagkabalisa at pamumutla. Nababasa ko ang dalawang emosyon na nakalarawan sa kanyang mukha. Una, pangamba…pangamba na baka sabihin ko sa pulis na isa siya sa mga huling taong nakita kong kausap ng mag-asawa sa terasa at narinig ko din ang ilang bahagi ng kanilang pinag-usapan. Pangalawa ay galit sa akin, dahil alam niyang mula sa araw na ito ay hindi na niya ako makakanti katulad ng mga ginagawa niya sa akin ng mga nagdaang araw. Alam niyang may hawak akong alas na pwede kong gamitin laban sa kanya.
Kungsabagay, unang pagsisiyasat pa lang ito. Alam kong babalik ng madaming beses ang mga pulis upang ipagpatuloy ang imbestigasyon. Wala naman sigurong gasinong mawawala kung paliligtasin ko muna ang salbaheng ito ngayon. Sapagkat gusto kong gumawa ng sariling pagsisiyasat, gusto kong mapatunayan na tama ang hinala ko na may kinalaman siya sa krimeng nangyari. Ako lang muna ang gagawa noon. Sa ngayon ay hindi ko muna kakailanganin ang tulong ng mga pulis. Ito-torture ko muna siya ng ilang araw, makaganti man lang sa mga kahambugan niya sa akin.
“Ang nakita kong kausap ng mg-asawa ay si Mang Andoy…at si…” ibinitin ko ang pagsasalita at muling sumulyap kay Dexter. Pinigil kong matawa dahil sa pagkatarantang pilit nitong itinatago sa mga naroroon. Oh, loko, eh di nakita mong sadista din ako minsan.
“Sino?”
“Si Dexter.”
“Narinig mo ba ang mga pinag-usapan nila?” sabik na tanong ng tenyente.
“That’s too much, Lieutenant Villafuerte. Parang nasa korte na tayo at abogado ka kung makapagtanong, ah.” angal ni Dexter.
Hindi pinansin ng tenyente ang pag-aalburoto ni Dexter. “Ano ang pinag-usapan nila, Miss de Vera?”
“Aw, shut up. Tigilan na natin ito, pwede ba?” Padabog na tumayo si Dexter. Mukhang may iniiwasan na maungkat sa usapan.
“Paano malulutas ang kaso kung hindi kayo makiki-cooperate?” halatang inis na rin si Tenyente Villafuerte.
“Oo nga naman, honey,” si Elizabeth, sabay buga ng usok. Masuyo nitong hinawakan sa isang braso ang lalaki saka hinila pabalik sa upuan.
Nang bahagyang huminahon si Dexter ay muling humarap sa akin ang pulis.
“Narinig mo ba ang pinag-usapan nila, Miss de Vera?”
Sumandal ako sa sofa bago nagsalita. “Nakita kong kausap ni senyor Leon si Mang Andoy, ngunit saglit lang iyon dahil dumating nga si Dexter.” Sumulyap ako muli sa taong binanggit ko, napabilis ang pagtungga nito sa laman ng hawak na kopita.
“Narinig mo ba ang usapan ng senyor at ni Mang Andoy?”
“Hindi. Malayo sila sa kinaroroonan namin ng senyora.”
“Ang pinag-usapan ng senyor at ni Dexter, narinig mo ba?”
Sinadya kong paghintayin ang lahat bago ako sumagot. “Sa tingin ko ay confidential ang sadya ni Dexter sa mag-asawa kung kaya kunwari ay humingi ng gatas ang senyora para lang paalisin ako sa mga oras na iyon.”
“At ilang minuto bago ka nakabalik?”
“Sa tantiya ko ay mga sampung minuto.”
“Pagkatapos?”
“Nang bumalik ako doon ay wala na sa terasa si Dexter. Mukhang galit ang senyor at ang senyora naman ay umiiyak. Nahinuha kong may tensyong nangyari sa kanilang naging pag-uusap. Nang humingi ng gamot pampakalma ang senyora ay mabilis akong tumakbo sa kanilang silid upang kunin ang gamot ngunit hindi pa ako halos nakakalayo ay nadinig ko ang malakas na palahaw ng senyora kung kaya ipinasya kong bumalik sa terasa…”
“Sinu-sino ang naroroon?”
“Ang naghihisteryang si senyora Clarita at ang umiiyak na si Debbie?”
“Wala roon si senyor Leon?”
“Oo. At sa katarantahan ko ay hindi ko na naisip na alamin kung nasaan ang senyor. Ang inasikaso ko ay ang senyora na patuloy pa din ang paghihisterya, kinakausap ko siya at itinatanong kung ano’ng nangyari ngunit parang hindi niya ako naririnig hanggang mawalan na siya ng malay.”
“So, hindi mo alam na nahulog o inihulog pala ang senyor mula sa terasa? At sa mga oras na iyon ay maaaring nag-aagaw buhay na?”
“Oo.” Walang gatol kong tugon.
“Miss Baron…” si Debbie naman ang hinarap ni Tenyente Villafuerte.
Biglang napakislot si Debbie. Para bang noon lang muling nagbalik ang kamalayan ng dalagang ito sa kasalukuyan nang marinig ang kanyang pangalan. Kungsabagay, mula nang tumira ako sa mansyong ito ay madalas kong napapansin na tila lagi itong nawawala sa sarili. Mailap at hindi palakibo pero nakikita ko naman ang kanyang kabutihan at kababang-loob kapag may pagkakataong nagkakausap kami.
“Can I call you Deborah?” mahinahong tanong ng pulis.
“Debbie na lang, sir,” nahihiyang tugon ng dalaga.
“Tawagin mo na lang akong Aldrin, Debbie…”
Ewan ko ba, pero parang bigla akong nakaramdam ng inis sa tila magiliw na pakikipag-usap ng pulis kay Debbie. Kungsabagay, hindi ko siya masisisi, sa ganda ng dalagang Baron ay talaga namang mapapaamo ang lahat ng anak ni Adan.
“Nasaan ka ng mga oras na may nangyayari pala sa terasa, Debbie?” sunod na tanong ni tenyente Villafuerte.
Namutla si Debbie sa hindi inaasahang tanong. Bahagyang napaawang ang bibig nito pero walang salitang namutawi. Bigla ay nasabik ako sa kanyang isasagot. Sapagkat alam kong ako lamang maliban sa kanya ang nakakaalam kung totoo o hindi ang isasagot niya.
Matagal bago sumagot ang dalaga. Siguro’y pinag-iisipan niyang mabuti ang kanyang sasabihin dahil alam kong meron siyang kailangang protektahan sa mga oras na ito. Naramdaman ko ang tensyon at ang pananabik ng lahat.
“Nasa loob ako ng aking silid nang mangyari iyon.” Halos pabulong na namutawi sa mga labi ni Debbie ang kanyang tugon.
Nagtatanong ang aking mga mata nang tumingin ako kay Debbie. Alam niyang alam ko na nagsisinungaling siya kung kaya mabilis siyang nagbaba ng tingin. Hindi niya kayang salubungin ang aking mapanuring mga tingin.
“Paano ka nakadalo agad sa senyora nang sumigaw siya?” Agad ipinahalata ni tenyente Villafuerte ang pagdududa sa sagot ni Debbie. “Naunahan mo pa ang nurse sa pagbalik sa terasa samantalang ang sabi niya ay hindi pa siya gaanong nakakalayo nang marinig niya ang sigaw?”
“M-malapit ang silid ko sa terasa,” katuwiran ni Debbie.
“Nakita mo ba ang mga nangyari o kahit papaano ay may inabutan ka pang ibang tao sa terasa maliban sa senyora?”
Tuluyan nang tinakasan ng kulay ang mapupulang pisngi ng dalaga.
“W-wala. Wala ng ibang tao roon maliban kay aunt Clarita,” pautal-utal nitong sagot.
s**t! Mura ko sa isip. Nagsisinungaling ang babaeng ito. Naturingan pa namang lumaki sa kumbento pero sinungaling pala.
“H-hindi ko alam kung s-sino ang naghulog sa kanya sa terasa,” mahina nitong sabi pero hindi nakaligtas iyon sa matalas na pandinig ng pulis na kaharap.
“Inihulog? Walang nagsasabing inihulog ang senyor, Debbie? Kanino mo nadinig iyan?”
Biglang tumikom angmga labi ng dalaga. Mahihinang hikbi na lamang ang narinig mula rito.
“Naghihintay ako, Debbie. Sino ang may sabing inihulog ang senyor mula sa terasa?”
“Ang senyora Clarita.” Napatingin kaming lahat sa direksyon ng nagsalita, si Genoveva.
“Ang senyora?” maang na tanong ng tenyente sa governess.
“Halos magkasunod lang kami ni Deborah na dumating sa terasa at kapwa namin narinig ang isinisigaw ng senyora bago siya nawalan ng malay.”
“Ano ang isinisigaw ng senyora?” bumaling ang pulis kay Genoveva.
“Isinisigaw niya na ‘inihulog’ daw ang senyor mula sa terasa.”
“Ano ang ginawa mo pagkatapos?”
“Mabilis akong bumaba upang puntahan si Andoy sa kanyang tulugan upang mapuntahan namin ang senyor at matingnan ang kanyang kalagayan.”
Matagal na hindi nagsalita ang pulis. Halatang pinag-iisipang mabuti ang huling tinuran ng governess. May nakita bang butas ang guwapong pulis sa huling narinig?
“Ikaw, Miss de Vera,” pagkuwa’y muling bumaling sa akin ang pulis. “Sa pag-alis mo sa terasa at sa dagling pagbalik mo nang mangyari ang insidente, may nakasalubong ka ba sa pasilyo?”
“Wala, tenyente.” Sigurado ako sa aking itinugon.
Nakita ko ang pandidilat sa akin ng mayordoma. Hudyat na kailangan kong mag-ingat sa pagsagot sa mga tanong.
“Ang Andoy na tinutukoy mo, Genoveva, puwede ba siyang makausap?”
“Wala siya dito ngayon. Nasa bayan siya. Siya ang pinamahala ko sa pag-aasikaso sa bangkay ng senyor. Kung wala ka nang itatanong sa akin ay magpapaalam na muna ako, madami pa akong gagawin.”
Tumango ang pulis. Nang tumayo ang mayordoma ay muli nito akong tinapuna nang matalim na sulyap. Alam ko, simula sa araw na ito ay lalo itong magiging mas masungit sa akin.
“Ang sabi ni Miss deVera ay wala ka na raw sa terasa nang bumalik siya dahil sa sigaw ng senyora. Saan ka nagpunta pagkaalis doon?” Si Dexter naman ang binalingan ni Tenyente Villafuerte na noon ay kasalukuyang nagsasalin muli ng alak sa kopita.
“Sa library,” patay-malisya nitong sagot. Pilit kinakalma ang sarili.
“Saan matatagpuan ang library?”
“Nasa second floor din.” Nilagok ni Dexter ang laman ng kopita. “Nang matapos ang pag-uusap namin ni uncle ay umalis na ako at nagtuloy sa library. Ini-lock ko ang pinto dahil ayaw kong may gumambala sa akin.”
“Narinig mo ba ang sigaw ng senyora?”
“Malayo ang library sa terasa, nasa dulo ito ng second floor. Isa pa, kahit isang dosenang kalabaw ang magrambulan sa labas nito, walang maririnig ang nasa loob.”
“Paano mo nalaman na may nangyayari o nangyari pala?”
“Lumabas ako dahil ubos na pala ang alak na dala ko kung kaya ipinasya kong kumuha uli. Noon ako nakarinig ng ingay mula sa terasa.”
“Ano ang narinig mo.”
“Boses ng mga babaeng sumisigaw at umiiyak.”
“Kung kaya pumunta ka agad sa terasa para alamin ito, tama?”
Natigilan si Dexter, parang may kung anong naalala. Pagkuwa’y matalim na tumingin sa katabing si Elizabeth pagkatapos ay kay Charlie. Napansin ko ang biglang pagkabalisa ng dalawa.
“Palagi ka bang lasing, Dexter?” si Tenyente Villafuerte uli habang nakatingin sa boteng hawak ng lalaki.
“Oo. Ano’ng masama doon?” asik nito.
“So, malamang ay lasing ka kagabi?” Hindi natinag ang pulis sa kabangisan ni Dexter.
“Oo na. Lasing nga ako kagabi. Pero malinaw pa sa sikat ng araw ang nakita ko…” humihingal nitong sabi. Halatang may kinikimkim na kung ano.
“Ano’ng nakita mo?” sabik na tanong ng pulis.
“Si Charlie…”
“Shut up, Dexter,” singhal ni Elizabeth. “Huwag mong idadamay dito ang pinsan ko.”
“Pinsan?” sarkastikong tanong ni Dexter. “Pinsan pala, ha? Buwisit.” Sabay hagis ng lalaki sa hawak na kopita sa sahig saka walang paalam na tumalikod. Humahalakhak pa ito na iniwan kaming lahat sa salas. Sanay akong nadidinig ang malademonyo nitong tawa sa mansyon na ito. Pero ang isang ito ay parang kakaiba. Parang may ibig sabihin.