CHAPTER 1 The Crime

1496 Words
Muntik ko nang mabitawan ang palangganang may lamang maligamgam na tubig nang dumagundong ang isang makapangyarihang tinig na nagmula sa bahagyang bukas na pinto ng master’s bedroom. “Kailangan ka raw sa ibaba.” Ang masungit na mayordomang si Genoveva ang nagsalita.  Ganoon kung kausapin niya ako, masyadong pormal at parang laging galit.  Kinakausap lang niya ako kung kailangan.  Nasa mahigit limampung taon na ito at sa nadidinig ko ay isang matandang dalaga.  Mukhang may itsura naman siya noong kabataan niya, medyo matangkad siya at mestisa.             Matapos kumutan ng hanggang baywang ang tulalang si senyora Clarita ay mabilis na akong sumunod sa governess.  Binagtas namin ang mahabang pasilyo ng second floor ng walang kibuan.  Bahagya akong nakahinga nang maluwag dahil sa nakabibinging katahimikan sa ikalawang palapag ng Baron mansion. Ganoon pa man, ay ramdam ko pa rin ang kilabot na dulot ng  isang malagim na pangyayari na naganap kanina lang madaling-araw na siyang naging dahilan upang lalong lumala ang kondisyon ng  Baron matriarch na si senyora Clarita.             I heaved a deep sigh.     Dapat ba akong magpaapekto ng todo sa mga kakatwang nangyayari sa loob ng lumang  mansyon na ito? Kung tutuusin ay hindi ko naman kaanu-ano ang mga taong nakatira rito. Nagtitiis ako sa lugar na ito dahil sa pinansyal na pangangailangan. Isa  akong ordinaryong nurse na napilitang magtrabaho bilang caregiver sa malayong lugar na ito ng Magdalena dahil sa may kalakihang bayad. Halos triple ng sahod ng isang ordinaryong nurse ang ibinibigay sa akin ng pamilya Baron kapalit ng pag-aalaga sa maysakit na Baron matriarch. Sa sobrang laki nito ay nasusustinihan ko ang mga pangangailangang medikal ng aking amang may sakit.  Mula nang ma-diagnose na may kidney failure ang aking papa, halos linggo-linggo ay nasa ospital  siya para sa kanyang dialysis treatment, dahilan upang maubos ang lahat ng aming mga kabuhayan. Maging ang mga nakababatang kapatid ko ay nanganganib na matigil sa pag-aaral kung hindi ako gagawa ng paraan. At maituturing kong isang blessing ang pagkakaroon ko ng trabaho sa mansyon na ito, kung kaya sa ngayon ay wala akong planong umalis  kesehodang nababalot ng hiwaga ang lugar na ito, at mahirap pakisamahan ang ibang miyembro ng pamilya.             Subalit hanggang kailan? Nasa hagdan pa lang kami ni Genoveva ay dumadagundong na ang malakas na boses ni Dexter Baron. Nasa edad treinta’y singko na ang lalaki. Matangkad at guwapo dahil bakas sa kanya ang dugong kastila na minana mula sa kanyang mga ninuno.             “Genoveva,” baling nito sa mayordoma pagkatapos akong tapunan nang maikling sulyap. Matabang ang pakikitungo ni Dexter sa akin simula’t sapul nang dumating ako sa mansyon. Hindi ko alam kung ayaw niya sa akin bilang nurse ng kanyang tiyahin o dahil ganoon talaga ang ugali ng mga mayayaman. Anyway, it doesn’t matter to me kung paano man niya ako itrato. Ang importante ay ang maayos na pakikitungo sa akin ng mag-asawang senyor Leo at senyora Clarita. Biglang may bahagyang kirot na gumuhit sa didbdib ko nang maisip ko ang butihing senyor. “Samahan mo si Doktor Rivero sa silid ni aunt Clarita pagkatapos ay bumalik ka agad,” dugtong ni Dexter. Tumayo mula sa pagkakaupo si Doktor Rivero at sumunod kay Genoveva na noon ay tumalikod na patungo sa hagdan. Sinenyasan naman ako ni Dexter na maupo sa umpukan nila.  Walang kibong humakbang ako palapit sa isang bakanteng upuan na katapat ng kinaluluklukan ni  Deborah Baron. Pasimple kong sinulyapan ang noon ay nakatungong dalaga habang  tila wala sa sarili na nilalaro ang tangkay ng puting rosas na kinuha mula sa flower vase.  Lalong tumingkad ang iwing ganda ng babae sa suot niyang manipis na bestida na kulay vermilion na hanggang siko ang manggas at hanggang paa naman ang laylayan.  Manang talaga, nangingiting sabi ko sa isip.  Ngunit kahit ganoon ka-konserbatibong magbihis ang nakababatang Baron, hindi maitatanggi ang mestisahing kagandahan nito.  Nakalugay ang mahaba at alun-alon nitong buhok na umaabot sa maliit na baywang.  Tulad ng dati, ni pulbos ay wala ang kanyang  makikinis at mapupulang mga pisngi.  Si Deborah, o Debbie sa edad na twenty-five ay larawan ng tunay na Pilipina, malinis, mayumi at marangal.             Napansin ko ang mga panakaw na sulyap sa kanya ng pulis na katabi ni Dexter,  gayundin ang tatlong iba pa na nakatayo sa bandang likod niya.  Sino nga ba ang hindi maeengganyong tumingin sa kagandahang taglay ng isang Deborah Baron?             Napakislot ako nang ipakilala ako ni Dexter sa katabi niyang pulis.             “At siya naman si Almira de Vera, ang nurse na tagapag-alaga ni aunt Clarita.  Miss de Vera, siya si Police Lieutenant Aldrin Villafuerte, siya ang hahawak sa kaso ni uncle Leon.”             Ibinalik ko ang tingin sa pulis na tinutukoy ni Dexter. Habang nakatingin sa akin na wari bang hinihintay na gantihan ko ng ngiti ang ngiting nakaguhit sa mukha niya ay sinamantala kong kilatisin siyang mabuti.  Guwapo, matangkad, malapad ang balikat at dibdib, at kulay pinoy ang balat niya.  Kaakit-akit ang kanyang mukha, magmula sa singkit at parang tumatawang mga mata, matangos na ilong at maninipis na labi.  Mapuputi din ang kanyang pantay-pantay na ngipin.             Sa sofa na pangtatluhan na nasa bandang kanan ko ay nakaupo si Dexter katabi ang parang tambutso ang bibig na  si Elizabeth, ang kanyang kalive- in.  Seductive ang dating nito sa suot na yellow dress na hakab na hakab sa kanyang seksing katawan, maiksi ang tabas at plunging neckline pa.  Sa husay niyang magmake-up at magdamit, naitatago niya ang kanyang tunay na edad.              Maya-maya pa ay lumapit ang piping si Charito, dala ang isang tray nang mainit na kape.  Kanya-kanyang kuha ng tasang may lamang kape ang lahat ng naroroon, maliban sa akin, kay Deborah at Dexter. Sa halip na tasa ng kape ang kunin ng lalaki ay bote ng alak at kopita ang kinuha nito.  Siya ang certified na alcoholic.  Almusal, tanghalian at hapunan niya ang alak. Ilang sandali lang at bumaba na ng hagdan si Genoveva.  Ang lahat ay napatigil sa paghigop ng kape at napatuon ang tingin sa kanya.              “Ano’ng sabi ni Doktor Rivero?”  si Dexter ang unang nagtanong.             “Nasa ‘state of shock’ daw ang senyora,” tugon ni Genoveva habang tinutungo ang isang bakanteng upuan.  “Kakausapin ka daw ni Doktor Rivero mamaya,” pagkuwa’y baling nito sa akin pagkaraang makaupo.  “Ibibilin niya sa iyo ang mga bagong gamot na kakailanganin ng senyora ganoon din ang tamang pag-aalaga sa kanya lalo na ngayong maselan ang kanyang kalagayan.”             Bahagya akong tumango tanda ng pagsang-ayon kahit hindi  ko masyadong naintindihan ang huling sinabi ng governess.  Ang pansin ko ay natuon kay Debbie na mahinang humikbi nang marinig kung ano ang kalagayan ng kanyang tiyahin.             “Well…well… am I late, people?”  Isang matipunong lalaki ang bumaba sa hagdan, halatang bagong gising.  Sa itsura pa lang ay mapapansin na agad ang kayabangang taglay.Sa malas, ay mukhang nasa edad treinta anyos ito.    Padabog na ipinatong ni Dexter sa center table  ang hawak na kopita. “Ganyan ka naman palagi, Charlie, sa lahat ng bisitang nakilala ko, ikaw lang ang hindi nahihiyang magpaabot ng sikat ng araw sa higaan,” nang-uuyam na sabi nito.             “Dexter, ano ka ba?  Pinsan ko yan at hindi basta bisita lang dito,” sambot ni Elizabeth sabay siko kay Dexter.             “Kaya namimihasa ang isang ‘yan, eh,  palagi mong kinakampihan,” asik ni Dexter.  “Kita mong sa lahat ng tao sa bahay na ito, siya lang ang nagawang matulog uli sa kabila ng mga nangyari kagabi.”             “Dexter, stop it.” Pigil ang boses ni Elizabeth.  “Puwede ba?  Tigilan mo na ang pagpapahiya kay Charlie lalo na sa harap ng maraming tao?”             “Dexter, Elizabeth, tama na ‘yan.  Kung gusto ninyong mag-away ay doon kayo sa loob ng kuwarto ninyo, huwag dito!” mahinahon pero  tila makapangyarihang utos ni Genoveva.  Bahagya akong napangiti, sa lahat ng mayordoma, itong si Genoveva lang ang tila astig.  Isipin mo, kaya niyang sawayin ang pamangkin ng amo niya.  Kungsabagay, siguro ay dahil  sa tagal ng paglilingkod niya sa mga Baron, kung kaya parang naging miyembro na rin siya ng pamilya.  At si Dexter at si Debbie naman ay mga bata pa nang inialis dito sa mansyon at noong isang taon lang sila kapwa magkasunod na bumalik at nagpasyang tumigil na dito kung kaya parang nangingilag sila kay Genoveva na para namang umaaktong kanang-kamay ni senyor Leo. Isa pa ay pinagkakatiwalaan at pinaniniwalaan ni senyor Leo ang mayordoma sa halos lahat ng pagkakataon.             “Eherm, hindi ba tayo mag-aalmusal muna?” Tila nakakalokong tanong ni Charlie.  Hindi pinansin ang galit ni Dexter.             “Iyan, diyan ka magaling.  Sa pag-asikaso sa sikmura mo.” Parang babae sa pagputak si Dexter.             “Nagpapahanda na ako ng almusal kay Charito,” sabi ni Genoveva para hindi na humaba ang usapan.         “Good morning, Debbie.”  Si Debbie naman ang hinarap ni Charlie.  Ngumiti lang nang bahagya ang dalaga pagkatapos ay muling tumungo.             “Kumpleto na kami dito, tenyente Villafuerte. Puwede mo nang simulan ang imbestigasyon,” yamot na utos ni Dexter sa katabing pulis.           
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD