Ang sabi nga ng karamihan, bago manghusga— alamin muna ang buong kwento. So, kung hindi alam, better keep your mouth shut 'coz judging others makes you blind.
Who are you to judge the life I live?
Isang patak ng luha ang nalaglag sa mata ko nang maalala ang nakaraan ko— nakaraan na ayaw ko na sanang balikan, ngunit paulit-ulit na dumadanggi sa isipan ko.
"Huwag niyo po akong iwan, Ma!" pagmamakaawa ko kay Mama habang walang pasisidlan sa malakas na pag-iyak, animo'y wala nang bukas.
Mabilis ko pang inagaw sa kaniya ang damit na balak niyang isuksok sa bag nito. Puno na iyon ng mga damit niya, halos wala na nga iyon sa ayos dahil sa pagmamadali nito.
Katulad ko ay umiiyak din si Mama, pigil pa ang kaniyang sarili na huwag humagulgol. Nang hindi makayanan ay siya na ang hinila ko, mahigpit kong hinawakan ang isang kamay niya.
"Ma, please po, huwag mo naman akong iwan." Mas lumakas ang pag-iyak ko, kulang na lang ay mapaluhod ako sa harapan ni Mama.
Tiningala ko ito, patuloy man sa pag-agos ang luha nito ay kasing tigas naman ng bato ang emosyon niya. Nagpupumiglas pa ito sa pagkakahawak ko, kaya mas lalong ayaw ko siyang bitawan.
"Bitawan mo na ako, Stacy!" singhal nito sa akin ngunit umiling lamang ako bilang pagtanggi.
"Parang-awa mo na po, huwag mo akong iwan. Hi—hindi ko kaya, Ma. Di—dito ka lang po," pahayag ko na halos hindi ko na rin maintindihan ang boses dala ng panginginig ng labi ko.
"Hayaan mo na ako, Stacy. Please, parang-awa mo na rin. Hindi ka ba naaawa sa akin?"
Sa narinig ay wala sa sariling natigilan ako, napipilan ko pang pinakatitigan ang mukha ni Mama. Umawang ang labi ko sa kawalan ng masasabi. Gusto kong ibalik sa kaniya ang sinabi nito.
Bakit ako ang maaawa? Ako ba talaga dapat ang makaramdaman no'n? Hindi ba dapat ay siya itong nahahabag na huwag akong iwanan? Kasi ako itong anak niya.
Bakit niya ako iiwan? Sa anong dahilan? Dahil hindi na sila magkaintindihan ni Papa? Dahil sa palagi nilang pagtatalo na nauuwi lang sa sigawan at sakitan?
Dahil ba hindi na niya mahal si Papa? Rason din ba iyon para hayaan niya ako at iwanan? Hindi ba't kung mahal ninyo ang isa't-isa, mas pipiliin ninyong magkaayos?
Bakit hindi nila magawa? Bakit kailangang humantong sa ganito? Bakit kailangan na ako pa iyong sumalo ng sakit at paghihirap? Bakit kailangan naming maghiwa-hiwalay?
"Ayoko na, Stacy! Pagod na pagod na akong umintindi! Pagod na ako!" muli niyang sigaw habang napupuno ng luha ang parehong mata nito.
Sino ba ang may kasalanan?
"Hayaan mo na ako! Ayoko na rito!" Marahas siyang gumalaw dahilan para tumilapon ako sa sahig.
Nauntog ang likuran ko sa dulo ng kama, sanhi upang malukot ang mukha ko sa sakit na naramdaman. Halos manuot doon ang hapdi kaya bulgar akong napangiwi.
"Aalis na ako!" sigaw ni Mama sabay hablot sa malaking bag na naroon nakapatong sa kama.
Gaano man kasakit ang likod ko ay hindi iyon rason para tumigil ako. Mabilis akong umahon mula sa pagkakasalampak sa sahig at maagap na inabot ulit ang hita ni Mama.
Patuloy ito sa paglabas sa aming kwarto habang nasa ganoong ayos ako, kaya nagmukha akong nakakaladkad. Yakap-yakap ko ang binti nito, hindi hinahayaang makawala.
"Ma, ano ba? Bakit mo ba 'to ginagawa?" bulong ko na alam ko namang narinig niya.
"Pasensya na, anak. Gusto ko na lamang ang magpahinga," aniya na siyang inilingan ko.
"Please, Ma. Huwag mo namang gawin sa akin 'to. Hindi mo na rin ba ako mahal, huh?"
Nang mapadpad sa sala ay sandali siyang huminto upang lingunin ako. Dinungaw ako nito mula sa kaniyang binti, kapagkuwan ay pilit niya akong inilalayo sa kaniya.
"Mahal kita, Stacy. Sobra pa sa sobra, pero hayaan mong sarili ko naman ang mahalin ko," pahayag nito na labis ikinadurog ng puso ko.
"Ma..." tanging nasambit ko at tuluyan nang nanghina.
Animo'y lantang gulay na lumaylay ang kamay ko nang matanggal ni Mama ang dalawang kamay ko. Tiningala ko ito, nanlalabo man ang paningin ay kitang-kita ko ang kabuuan niya.
Mula sa malahugis puso nitong mukha, ang maganda at kulay tsokolate niyang mga mata. Ang matangos na ilong at may natural na mapulang labi— lahat iyon ay naging repleksyon ko.
Kuhang-kuha ko ang mukha ni Mama, marami na ang nagsasabing para kaming pinagbiyak na bunga. Sa edad nga nito ay mas marami pang napagkakamalan kaming magkapatid.
"Hayaan mo na siya, Stacy." Ang magaspang na boses na iyon ni Papa ang umalingawngaw sa loob ng sala.
Sabay kaming napalingon ni Mama rito, naroon siya sa hamba ng pintuan. Mayamaya rin lang nang deretso itong pumsobrasa bahay habang hawak-hawak ang isang bote ng alak.
"Kapag ayaw ay huwag nang pilitin, mas lalo lang nilang gugustuhing makawala," sabi nito na para bang wala lang sa kaniya na lalayas si Mama.
Nangunot ang noo ko at galit na tinapunan ito ng tingin, kulang na lang ay bumulagta siya sa sahig kung nakamamatay man nga ang masamang pagtitig.
Suot niya ang kulay dilaw na damit na mahaba ang manggas. Samantala ay maruming tingnan naman ang pantalon nito, pati na rin ang suot niyang boots.
Isang construction worker si Papa, alam ko namang sapat ang kinikita nitong pera para may maipangkain kami. Nag-iisa lang naman akong anak nila.
Wala na kaming ibang palamunin. Hindi naman ako magastos sa pinapasukan kong school dahil isa akong scholar. Iyong allowance ko pa ay siyang iniipon ko.
Kapag may pagkakataon nga ay nakakakuha ako ng pera sa mga kaklase kong nagpapagawa sa akin ng assignment at projects. Minsan pa nga ay nasubukan kong magtinda ng candy sa klase.
Hindi ako ganoon nagwawaldas, sobrang sinop ko sa pera at lahat ng naiipon ko ay ibinibigay ko sa kanila pabalik. Marahil nga iyong pagmamahal ni Papa kay Mama ang hindi naging sapat.
Bukod sa araw-araw nilang pagtatalo ay hindi na rin ganoon katibay ang pagmamahalan nila. Hindi na nila masabi kung mahal pa ba nila ang isa't-isa— basta ang labo.
Hindi ko maintindihan. Wala akong maintindihan. Iyong tipong gusto ko na lang din pumikit, takpan ang dalawang tainga at matulog nang mahabang panahon.
"Aalis na ako," mariing turan ni Mama at tuluyan na ngang umalis na wala man lang lingun-lingon sa akin.
Bumagsak ang balikat ko sa katotohanang mas pinili niya akong iwan kaysa isama sa kung saan man siya pupunta. Kaya ngayon ay nalilito pa rin ako.
Ilang buwan na ang nakalipas ngunit palaisipan pa rin sa akin ang eksenang iyon. Katulad sa kung nasaan na si Mama? Okay lang kaya siya? Nami-miss din ba niya ako?
Malakas akong napabuntong hininga. Iyon nga yata ang naging mitsa upang masira ang buhay ko. Biruin mo at labing limang taong gulang pa lang ako, heto at parang pasan na ang mundo.
Napangiti ako, kasabay nang pagdungaw ko sa malawak na ilog ng Pasig. Malakas ang bawat hampas nito sa malalaking bato, ang alon ng tubig doon ay siyang nakakahalina sa pandinig.
Hindi na alintana sa akin ang nagdaraang sasakyan sa likuran ko, ang kani-kanilang busina, maging ang paulit-ulit na sigawan ng mga tao sa paligid ay hindi ko na pinansin.
Sobrang namamaga na ang parehong mata ko sa patuloy na pag-iyak, ayoko na silang makita. Ayoko nang mabuhay. Kasi katulad ng sinabi ni Mama— pagod na pagod na rin ako.
Mapait akong napangiti sa kawalan, kasabay nito ay ang paghakbang ko mula sa sementadong tulay na iyon. Nanginginig man ang mga paa ay wala na akong naging pakialam.
Isang hakbang pa ang ginawa ko, kalaunan nang mapasigaw ako nang mula sa likuran ko ay may humila sa baywang ko upang maibaba ako sa kinatatayuan.
Nagmistulang teleserye sa TV ang nangyari. Hindi ko naramdaman ang pagbagsak ko sa lupa dahil mismong ang lalaki ang sumalo sa akin upang hindi ako masaktan.
Bumagsak ako sa katawan nito, halos mapasubsob pa ako sa dibdib niyang kay tikas na dinaig pa ang pader sa sobrang tigas. At dahil yakap ako nito ay hindi ako kaagad nakawala.
Mabilis lang akong umahon mula sa pagkakasubsob para tingnan ang lalaki. Bumungad pa sa paningin ko ang nakapikit niyang mga mata habang kunot ang kaniyang noo.
Nang magdilat ito ay kaagad na nagtama ang paningin naming dalawa, tila pa slow motion ang nangyari sa paligid dahil wala na akong ibang makita kung 'di siya lamang.
Bumakas sa parehong mukha nito ang pag-aalala, malalamlam ang mga mata nitong pinakatitigan ako. Ilang minuto siguro kami sa ganoong posisyon habang nakatitig lamang sa isa't-isa.
Damang-dama ko pa ang malakas na pagpintig ng puso ko. Hindi ko mawari kung dahil ba iyon sa tangka kong pagpapakamatay o dahil sa presensya ng lalaking nagligtas sa akin?
"Ayos ka lang ba?" kalaunan ay sambit niya, rason para mabalik ako sa ulirat.
Napakurap-kurap ako, hindi rin nagtagal nang tinulungan ako nitong umahon at sabay kaming tumayo. Mabigat man ang katawan ay nagawa kong tumindig nang maayos.
Nagulat pa ako nang siya mismo ang nagpagpag sa suot kong hindi naman ganoon nadumihan, siya nga itong napuruhan at alam kong nasaktan ang likuran.
Lumingon ito sa paligid at sumenyas na para bang pinapaalis na ang mga taong nakikiusisa, kanina pa sila nariyan ngunit walang nagtangkang lapitan ako. Bagkus ay itong lalaki lang ang may lakas ng loob.
"Kung ano man ang binabalak mo ay huwag mo nang gawin. Marami ang nagmamahal sa 'yo," aniya nang malingunan ako.
Hindi ako nakaimik dahil hindi ko alam kung dapat ko bang salungatin ang sinabi niya, gayong wala namang nagmamahal sa akin. Iniwan ako ni Mama, samantala ay wala namang pakialam sa akin si Papa.
"Saan ka nakatira? Ihahatid na kita," dugtong niya nang ilang minuto na akong natutulala sa mukha nito.
"Hi—hindi na," saad ko bago pilit na ngumiti.
Hindi ko rin mawari kung dapat ba akong magpasalamat na tinulungan niya ako kanina o hindi? Iyong tipong gusto kong magpakamatay pero heto siya at tila binigyan ako ng pag-asa.
May kung ano sa akin na mas gusto siyang makilala. Sa kaibuturan ng puso ko ay naroon ang pagnanais na makasama siya, tila ba nagliwanag ang mundo ko nang mag-materialize ito sa harapan ko.
Nagbaba ako ng tingin sa kabuuan nito, sinisipat ko ang bawat anggulo ng mukha niya. Baka sakali na kung ito man ang huli naming pagkikita, at least ay nakatatak na siya sa isipan ko.
"Anong pangalan mo?" bulong ko sa hangin, kaya nagulat pa ako nang ilahad nito ang kaniyang palad sa akin.
"Ako nga pala si Jaxon— Jaxon Lewis."