Chapter 3

1829 Words
Sa lahat ng nangyari sa buhay ko, si Jaxon Lewis ang maituturing kong magandang nangyari. Nagmistulan itong knight in shining armour sa araw na kailangan ko ng tulong. Iyong tipong walang may gustong tulungan ako sa nalulugmok kong buhay, ngunit siya ay mas piniling tumulong kahit hindi naman kami literal na magkakilala. Siya iyong tila naging pag-asa ko. Bagong pag-asa para kayanin ang panibagong araw, para maisalba ang kinabukasan. Masyado pang maaga para sabihin, pero sa tingin ko ay kay Jaxon ko nakikita ang future ko. Wala sa sariling napangiti ako sa kawalan, malakas ang pagtibok ng puso ko. Walang pasisidlan iyon sa labis na kasiyahan. Ilang minuto pa ang lumipas, namalayan ko na lang malayo na pala iyong nilakad namin. "Pwede mo ako tawaging Jax, mas madali." Tumawa ito na para bang nagmukha pa iyong musika sa dalawang tainga ko. Napangiti ako sa tinuran nito, kapagkuwan ay hinarap ang kalsada. Tunay ngang inihatid niya ako sa lugar namin, hindi na ako tumanggi dahil gusto ko rin naman. Marahan ang bawat hakbang ko, tila ba sinusulit ko ang oras, ang bawat pagpatak ng segundo. Ganoon din si Jax na naroon lamang sa gilid ko at sinasabayan ako sa paglalakad. Nakakapagod man ang buong paglalakad namin ay hindi ko iyon ininda, lalo pa at tirik ang araw sa kalangitan, na sa totoo lang ay malapit lang din naman ang ilong Pasig sa lugar namin. Nakapagtataka nga lang din at talagang sumama pa sa akin si Jaxon sa pagpasok namin sa eskinita. Ganoon pa man ay hindi ko na iyon pinansin, basta ay masaya ako na kasama ko siya ngayon. "Hindi ka ba hahanapin sa inyo?" tanong ko, para naman may mapag-usapan kami. "Siguro ay hindi. Ang alam nila ay pumasok ako," wika nito, rason para manlaki ang dalawang mata ko bago siya tuluyang binalingan. "Lumiban ka sa klase mo?" bulalas ko. "Hindi na ako pumasok gawa nang nangyari kanina, anong oras na rin naman na at late na ako panigurado kung hahabol man ako." "Kahit na... sana ay hindi mo na lang ako hinatid," malungkot kong sambit at natuliro sa kawalan. Tumawa siya, kasunod pa nito ay inakbayan niya ako at mahinang niyugyog ang balikat ko. Halos manigas naman ako sa kinatatayuan ko at animo'y tinakasan ng kaluluwa. "Hayaan mo na. Babawi na lang ako bukas," bulong nito kaya wala sa sariling napatango na lamang ako. Doon ko natantong nakasuot pala ito ng uniporme ng isang sikat na unibersidad dito sa Maynila. Isang puting polo at kulay berdeng pants, habang ang sapatos nito ay kumikinang pa kapag natatapat sa araw. Samantala ay nakasuot lamang ako ng pambahay, isang kulay itim na t'shirt, pedal maong short at isang pares ng malaking tsinelas. Wala lang iyon sa akin, ni hindi ko nga maramdamang nahihiya ako kay Jaxon. Pakiramdam ko pa ay matagal na kaming magkakilalang dalawa sa kung paano ako nito kausapin, kung paano ito tumawa sa mga jokes niyang siya lang ang nakakaintindi. Kung paano pa ito dumikit sa akin na halos maramdaman ko na ang balat niyang dulot ay init sa kaibuturan ko, katulad sa kung gaano katirik ang araw sa kalangitan. "Isa pa, mas importante ang buhay mo kaysa sa markang makukuha ko. Aanhin ko iyon, kung alam ko namang may isang babae ang mamamatay dahil hinayaan ko siya." Sa narinig ay nahabag ang damdamin ko, kamuntikan pang kumawala ang puso ko dahil sa lakas ng pagririgodon nito. Nakagat ko na lamang ang pang-ibabang labi upang pigilan ang sarili sa pagngiti. Hindi na ako nagsalita at kinimkim na lamang ang kasiyahang nadarama. Napalabi ako at wala nang imik habang naglalakad, kasabay pa nito ay ang paghangin nang malakas. Dinig na dinig ko pa nga ang pagkalansing ng mga bubong sa paligid. Dikit-dikit kasi ang bahay rito, lalo at makipot ang daan kaya sadyang nagbabanggaan ang mga tao. Kaya halos tumilapon ako sa kanal nang may dumaan sa gitna namin ni Jaxon, ngunit katulad kanina ay tila kidlat ito sa bilis ng kaniyang galaw. Maagap nitong nahawakan ang braso ko at hinatak palapit sa katawan niya. "Hoy! Tingnan mo naman ang dinaraanan mo—" Hindi ko na ito pinatapos nang mabilis kong takpan ang bibig ni Jaxon. Nalingunan ko pa kung sino ang kaninang dumaan at nakita iyong kainuman ni Papa na si Mang Bogart, isa ring siga rito sa barangay namin. Palagi pa nitong bukambibig kapag nalalasing siya— ang bumangga ay giba. Madalas pa iyang nakakaaway ni Papa, kung hindi man si Papa ay iyong mga baranggay tanod na gusto siyang pakalmahin kapag nagwawala. Mapaghamok kasi ito at tila ba hari ng selda kung umasta. Takot ang mga kapitbahay ko kay Mang Bogart, para siyang halimaw na nangangain ng buhay. Kaya tahimik lang kami sa tuwing makakasalamuha namin ito sa daan. "Shh. Huwag mo nang patulan," bulong ko kay Jaxon. Nang balingan ko ito ay nakita ko pang sa akin siya nakatitig. Ganoon din ako matuliro nang mamalayan ko kung gaano kami kalapit sa isa't-isa na ilang dangkal na lang yata ang layo ng mukha niya sa akin. Naging doble ang pagtibok ng puso ko, animo'y Mang Bogart na nagwawala sa sobrang lakas ng pagririgodon nito sa loob ng dibdib ko. Dama ko rin ang mainit niyang paghinga sa palad ko. "Anong sabi mo, bata?" Halos matulos ako sa kinatatayuan nang sumigaw si Mang Bogart. Sabay kaming napalingon ni Jaxon dito, ang hawak niyang walang laman na bote ng alak ay nakaduro sa gawi namin dahilan para literal na lumuwa ang dalawang mata ko. Tangkang lalapitan kami nito nang mabilis kong hinila si Jaxon palayo, kumaripas kami ng takbo sa maliit at masikip na eskinitang iyon. Baliwala ang ilan na siyang nababangga ko. Muli ko itong hinila pakanan at walang pakundangan na itinulak ang pinto ng bahay namin na gawa lamang sa tagpi-tagping yero kaya naglikha iyon ng malakas na ingay. Binitawan ko si Jaxon upang maisarado ang pintuan. Ilang minuto rin lang nang harapin ko si Jax at napansing sinisipat nito ng tingin ang bawat haligi sa bahay namin. Madilim ang paligid ngunit sapat na ang sikat ng araw na nagmumula sa bintana bilang liwanag doon. Mayamaya rin lang nang malingunan ako nito sa pagitan ng kaniyang balikat. "Ito ang bahay niyo?" mahinang wika nito. "O—oo, may problema ba?" Doon ay parang ngayon lang ako tinablan ng hiya. Maraming nagkalat sa sahig ng bahay namin, kitang-kita pa rito ang kusina na magulo rin habang nakabukangkang naman ang pinto sa kwarto namin. Wala sa ayos ang ilang kagamitan, tantya ko ay nagwala na naman si Papa kanina bago ito umalis dahil walang makitang nakahain na pagkain sa lamesa. Si Mama ang madalas na gumagawa no'n kaya huwag niyang asahan na gagawin ko iyon para sa kaniya, gayong siya ang may kasalanan kung bakit nilayasan kami ni Mama. Sa nagdaang araw ay parating ganoon si Papa, hinahayaan ko na lang itong magwala hanggang sa siya na lang din ang mapagod at makakatulog sa sala kinagabihan. Kapag ganoon ang sitwasyon niya ay umaalis ako, tumatambay ako sa labas at babalik lang kapag alam kong kalmado na siya. Madalas ay inaabot ako ng alas dies sa labas para lang hindi kami magpang-abot. Ayokong dumating sa punto na ako ang aawayin niya dahil hindi talaga ako makikiming sagutin siya. Ayoko rin lang na palayasin ako nito dahil wala akong ibang mapupuntahan. "Ang isang kagaya mo ay hindi nararapat sa ganitong lugar," wika ni Jaxon dahilan para mangunot ang noo ko. "Sinong kasama mo rito?" "Si Papa pero wala siya ngayon at naroon sa trabaho, baka mamaya pa ang uwi." "Ang iyong ina? Nasaan?" Sa sinabi niya ay sandali akong natahimik. Mabilis akong nagbaba ng tingin sa sahig na nangingitim na dahil hindi na nalilinisan. Bumuntong hininga ako, kapagkuwan ay tiningala si Jaxon. "Naroon sa kabilang kanto, nagbibinggo," pagsisinungaling ko. Nakita ko ang marahan nitong pagtango, tuluyan na rin niya akong hinarap at ipinakita sa akin ang nakaaantig nitong ngiti, roon ay nalusaw ang puso ko. Kulang na lang ay sampalin ko ang sariling pisngi dahil sa pagpapantasya ko sa mala-perpekto niyang mukha. May maganda siyang pares ng mata na kulay abo. Matangos ang ilong habang manipis ang labi. Nasa ayos din ang buhok nito kaya malinis siyang tingnan, samantala ay halos mahibang ako sa perpektong hulma ng kaniyang panga, pati na rin sa adams apple nito. Hindi rin nagtagal ang pananatili ni Jaxon sa bahay. Bandang hapon nang magpasya itong umuwi na, natanto kong wala na siguro si Mang Bogart sa labas kaya tumayo na rin ako. "Huwag mo na akong ihatid, dito ka na lang." Pinigilan ako nito sa tangka kong paglabas ng bahay. Naroon na siya ngayon sa labas at maang na nakatitig sa akin, animo'y mine-memorize ang itsura ko dahilan para mapangiti ako sa kaniya. Kalaunan nang tumango ako bilang pagsang-ayon. "Sige, rito lang ako." Huminga ako nang malalim at muling napangiti. "Sa—salamat sa pagligtas mo sa akin kanina, pati na rin itong paghatid mo sa akin. Tatanawin ko itong utang na loob." "Wala iyon, basta ay magpatuloy ka lang sa buhay. Isipin mong mas malakas ka kaysa sa pinagdadaanan mong problema. Maikli lang din naman ang buhay, hindi natin alam kung hanggang saan na lang ang aabutin natin, kaya habang may buhay— magpatuloy ka." "Ka—kailan tayo pwedeng magkita ulit?" utal kong banggit sa nag-aasam na boses. Para kasing kay layo ng agwat naming dalawa. Hindi ko rin naman alam ang takbo ng panahon, marami ang pwedeng mangyari sa bawat pagpatak ng oras. "Kapag hinayaan ulit tayo ng tadhana na magkita," pahayag nito saka pa ngumiti. Napakurap-kurap ako, wala sa sariling tumango ako bilang pagsang-ayon. "May ballpen ka ba riyan?" aniya, naguguluhan man ay mabilis kong nilingon ang paligid. Mabuti at may nakita akong ballpen na naroon sa sapatusan kaya pinulot ko ito. Pinunasan ko pa iyon gamit ang t'shirt ko, bago ibinigay kay Jaxon kaya muli itong natawa. Nang makuha ang ballpen sa akin ay siya ring hawak niya sa kamay ko, nanlaki pa ang mga mata ko nang sumulat siya ng kung ano roon sa braso ko. "Ayan, pwede mo akong tawagan o kontakin sa number na 'yan." Itinuro nito gamit ang dulo ng ballpen ang mga numerong isinulat niya sa braso ko. Nahabag ang puso ko, tila ba nag-uumapaw ang emosyon doon at gusto kong sumigaw sa kawalan. Gusto kong ilabas itong saya sa puso ko, pero naisip kong mamaya na lang kapag wala na si Jaxon. Mapait pa akong napangiti sa reyalisasyong aalis na ito. Inangat ni Jaxon ang kamay niya upang ipatong sa ulunan ko saka marahang ginulo ang buhok ko. Ilang sandali pa nang may kinuha ito sa bulsa ng pants niya, nakita kong coin purse iyon kaya kunot ang noo kong binalingan siya nang ilahad nito sa akin iyon. "Sa iyo na ito, riyan ka mag-umpisa mag-ipon. Punuin mo ng pera, magsikap ka sa buhay. Darating ang panahon na magkikita tayong muli at kapag nangyari 'yon— sisiguraduhin kong hindi na tayo ulit maghihiwalay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD