Chapter 4

1753 Words
Iyon ang naging huling pagkikita namin ni Jaxon, mabilis lang din na lumipas ang araw at hindi ko namalayang higit sampung taon na pala akong naghihintay sa muli naming pagkikita. Ganoon pa man ay sinunod ko ang gusto niyang mangyari. Nagpursige ako sa buhay, ilang trabaho ang pinasukan ko para lang makaipon ng sapat na pera. Natatandaan ko pang nagrenta ako ng pwesto sa palengke at doon ay nagtinda ng mga gulay. Minsan din akong nagpupunta sa Quiapo Church para magtinda ng sampaguita. Habang nag-aaral naman sa kolehiyo ay pumapasok ako sa isang karinderya na malapit sa bus station. Panggabi ako roon ngunit hindi iyon naging hadlang sa akin para pagsabayan ang trabaho sa pag-aaral ko. Marami akong napagdaanan na trabaho, pinatos ko na rin ang tagahalo ng semento noon sa kalapit bahay namin, kapalit ay munting halaga pero ayos lang, dagdag ipon na rin. Lahat iyon ay talagang bukal sa pusong tinanggap ko, lalo pa noong panahon na tumigil na rin si Papa sa pagtatrabaho dahil nagkaroon ito ng kumplikasyon sa puso. Ang daming nagbago, pakiramdam ko nga ay doble iyong sampung taon na iyon. Mas lalo akong nag-mature mag-isip, in a way pa na mas gusto kong mamuhay nang tahimik at mag-isa. Sa sampung taon na 'yon ay masasabi kong hindi na ako iyong Stacy na siyang mahina ang loob, kulang sa confident at walang tiwala sa sarili. Ang dami kong pinagdaanan kaya ngayon ay heto at patuloy akong lumalaban. Mas nagsumikap ako sa buhay dahil gusto ko na pagdating ng araw na magkikita kami ni Jaxon ay hindi na ako mahihiya sa estado ng buhay na mayroon ako. Kung may pagkakataon man nga na hanapin ko siya ay talagang ginawa ko na ngunit kapos ako sa oras. Mas itinuon ko ang atensyon sa sarili, sa buhay ko at kay Papa. Alam ko namang darating din ang panahon para roon. Hindi ko iyon inisip dahil bata pa ako, labing limang taong gulang pa lang ako noon at walang muwang sa totoong nararamdaman. Ngayon ko lang natanto— talaga palang nakuha ni Jaxon ang puso ko. Tunay kong naramdaman ang sinasabi nilang “love at first sight” dahil gabi-gabi akong hindi makatulog kaiisip sa kaniya. At ngayon ngang twenty five years old na ako ay mas lalong tumibay ang paghanga ko kay Jaxon. Sa paglipas ng panahon, wala man ang presensya niya ay mas napapamahal ako rito. Pwede palang mangyari iyon, ano? Gaano man katagal, hindi man kayo magkita ng mahabang panahon, basta kapag minahal mo ay mahal mo talaga. Hindi mo namamalayang umaasa ka na lang pala. Napahinga ako nang maluwang, matapos makababa ng jeep ay kaagad kong sinipat ng tingin ang dalawang palapag na coffee shop na siyang pinapasukan ko ngayon. Bluebells Café, iyan ang pangalan. May kasabihan pang oras na pumasok ka sa kanilang shop, empleyado man o customer ay mahahanap mo na ang matagal mo nang hinahanap— na magkakaroon ka ng forever. Kaya marahil dito ko mas piniling mag-apply noon kahit pa ilang agency ang tumatawag sa akin para sa ibang interview. At heto nga, dalawang taon na ako ritong nagtatrabaho bilang cashier. "Good morning, Stacy." Ang masayang ngiti ni Jeane ang nabungaran ko pagpasok ng shop. Naroon siya ngayon sa counter area kung saan matiyagang naghihintay ng customer. Mabilis kong binalingan ang paligid at nakitang kakaunti pa lang ang tao. Anong oras pa lang naman din kasi, alas sais pa lang ng umaga. Karaniwan ay bandang alas siete napupuno ang Bluebells Café para roon sa mga empleyadong may pasok na alas otso. This shop is one of the branches of Bluebells Café, located ito sa loob ng Intramuros kaya hindi na rin nakapagtataka na dinadayo ito ng mga kalapit naming building. Modern ang interior design ng paligid, tiyak na hindi ka mababagot magkape rito. Ang swabe ng dating ng kulay sa pinaghalong white and gray, mula sa flooring hanggang ceiling. Sa lahat ng naging trabaho ko, this is one of the best. Bukod sa malaki ang sahod ay maganda rin ang benefits, marami akong natutuhan, kaya nga ay tumagal ako ng higit dalawang taon. Nakakatuwa nga na kapag wala ang manager namin ay ako itong pinagkakatiwalaan, ako ang naituturing na officer in charge. Liban doon, mabubuti pa ang mga empleyado. Well-trained ang bawat isa, magmula sa barista, waitress hanggang sa aming mga cashier. Mayroon ding guard at janitor na monitored ang kalinisan at seguridad ng nasabing shop. Napahinga ako nang malalim. Hindi man ganoon kalayo ang narating ko ay maipagmamalaki ko kung ano na ako ngayon, sa kung nasaan na ako dinala ng tadhana. "Good mood ka, ah? Anong mayroon?" puna ko nang malapitan ko si Jeane. "May good news kaya. Hindi mo pa ba alam?" aniya na para bang kinikilig, kita ko pa ang mapulang gilagid nito. Tumaas ang isang kilay ko sa narinig, hindi ko na nagawang sumagot pa dahil pumasok na ako sa back office para ilagay ang bag ko sa locker area. Sandali akong nag-ayos ng sarili. Matapos i-bun ang buhok at lagyan ng hair net ay sunod kong isinuot ang kulay itim na apron. Tinatali ko pa lang iyon sa likod nang malingunan ko si Sir George, ang manager namin. "Good morning, Sir," kaagad kong bati. "Morning din," aniya at huminto lang nang nasa gilid ko na ito. "Aware ka naman na sigurong hindi ka na rito magdu-duty, ano?" Sa sinabi nito ay kusang nangunot ang noo ko, sandali pa akong napatigil sa ginagawa at tuluyan nang hinarap si Sir George. Anong ibig niyang sabihin? Matatanggal ba ako? Wait, what? As far as I remember, wala naman akong ginagawang mali. Lahat ng patakaran dito ay sinusunod ko, walang labis at walang kulang, kaya bakit? May kulang pa ba? Sumobra ba ako? Although may ipon naman ako, ngunit hindi iyon magiging sapat kung sakaling maghahanap ako ng ibang trabaho. Bukod sa requirements ay gumagastos din ako sa maintenance ni Papa. "Bakit ho, Sir? May nagawa po ba akong mali?" Hindi ko na napigilan at umalpas ang kaba sa puso ko. Ito rin ba ang sinasabi ni Jeane na good news para sa kaniya? Okay na ako rito. Sa sinabi ko pa ay bahagyang natawa si Sir George, nagulat pa ako nang mahina nitong tinapik ang balikat ko. "Ano bang pinagsasabi mo? You got promoted, Stacy. Isa ka na sa mga head cashier ng Bluebells Café." Mabilis na nalusaw ang agam-agam sa puso ko, napalitan iyon ng labis na pagkatuwa dahilan para mayakap ko si Sir George. Huli na nang ma-realize ko ang ginawa ko nang biglang pumasok si Jeane sa locker room. "T—thank you, Sir George! Thank you, thank you." Hinawakan ko ang dalawang kamay nito habang walang sawa sa pagsabi ng pasasalamat. "So, tinatanggap mo bang sa Tagaytay branch ka na magdu-duty?" sabi nito, dala ng kagalakan ay sunud-sunod akong tumango. "Oo naman po, bakit hindi?" Malakas ang kabog ng puso ko, hindi ko malaman kung saan ko ibabaling ang sayang nararamdaman. Kalaunan nang tumikhim si Jeane na naroon pa rin pala sa hamba ng pintuan. "Sir, pa-void po," pahayag nito rason para mabilis na tumalikod si Sir George at namaalam sandali. Nang makalabas ito ay kami na lang ang naiwan ni Jeane sa locker room. Nangunot pa ang noo ko nang masilayan sa parehong mata nito ang tila nanghuhusga niyang tingin. "Kaya ka pala na-promote," wika nito at bahagyang lumabi. Hindi ko kaagad nakuha ang nais niyang iparating hanggang sa sundan na nito si Sir Georger palabas. Naguguluhan man ay mas pinili kong maging masaya. Natapos ang buong duty ko sa araw na iyon na malaki ang nakapaskil na ngiti sa labi ko. Hindi na alintana sa akin ang pananahimik ni Jeane, naging ilag ito na para bang may nagawa akong mali. Hindi ko na iyon pinagtuunan ng pansin dahil ayokong masira ang mood ko. Marahil ay nalulungkot lang siya dahil hindi na ako nito makakasama na mag-duty dito sa Intramuros. Nang makauwi ay patalon-talon pa akong naglalakad sa makipot na daang iyon patungo sa maliit naming tahanan, ngunit kaagad ding nagsalubong ang dalawang kilay ko nang may mabangga ako. Kamuntikan pa akong matumba. Dala ng madilim sa lugar namin ay hindi ko na iyon pinansin, isang lingon lang ang ginawa ko rito at mabilis na kumaripas ng takbo papasok sa nakabukas naming pinto. Gumagalaw-galaw pa iyon na para bang may pumasok na ibang tao o 'di kaya ay lumabas. At halos malagutan ako ng hininga nang makita si Papa— nakahandusay ito sa sahig at duguan ang katawan. "Papa!" sigaw ko sa kawalan at maagap itong nilapitan. Nalaglag ang hawak kong pasalubong para sa kaniya, pati ang ulam sana namin ngayong gabi. Awtomatikong bumuhos ang luha ko nang mapaluhod ako sa gilid ni Papa. Napansin ko pa ang isang kutsilyong nakatarak sa bandang tiyan nito. Hudyat iyon upang maging doble ang luha sa mga mata ko. Makailang beses akong sumigaw ng tulong. "Papa!" Niyugyog ko ang balikat nito, wala na sa akin kung madungisan man ang suot kong uniporme sa mga nagkalat na dugo ni Papa. Mahigpit ko itong niyakap habang panay ang pagtangis. "Tulong! Tulong!" sigaw ko pang muli. Nanginginig ang balikat ko sa takot, ang mga daliri ko na halos hindi ko na maigalaw at animo'y naparalisa. Mabilis ang kabog ng puso ko na para bang kakawala na iyon sa dibdib ko. Kasabay nito ay ang malakas kong pag-iyak. Hindi ko malaman ang gagawin sa oras na iyon, para akong pinagsakluban ng langit at lupa nang matantong ang naging kasiyahan ko kanina ay ito ang kapalit. Hindi rin nagtagal nang may mga pumasok sa bahay na kapitbahay namin, tinulungan nila ako at sila mismo ang nagbuhat kay Papa palabas ng eskinita. Mabuti at may tumawag ding ambulance kaya mabilis siyang naisakay doon. Sumama ako sa loob ng ambulance, hawak-hawak ko ang kamay ni Papa habang paulit-ulit akong nananalangin na sana ay okay lang siya, katulad kung paano ko siya kausapin na lumaban ito. Ayokong mawala siya sa akin. Si Papa na lang ang mayroon ako ngayon, siya na lang ang kasangga ko. Ayokong mag-isa, ayokong pati siya ay iiwan din ako, ngunit ganoon na lamang mamatay ang puso ko nang sabihin ng doktor ang mga katagang iyon. "I'm sorry, Miss, but he didn't survive." Ewan ko, pero ramdam ko rin ang tila pagbaon ng isang mahabang kutsilyo sa puso ko. Animo'y lantang gulay na napaupo ako sa kinauupuan kanina at naging triple ang pagbuhos ng luha. "No! Hindi 'to pwede! Papa!" sigaw ko sa kawalan, ngunit naging bingi ang lahat sa mga hinanakit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD