Chapter 5

1825 Words
Tahimik akong umiiyak kasabay nang unti-unting pagbaba ng kabaong ni Papa sa lupa, hudyat na ito na ang pinakahuling beses na masisilayan ko ang mukha niya, na mararamdaman ko ang presensya nito. Sa nagdaang taon, hindi ako nagsisi na sa kaniya ako iniwan ni Mama, na hindi ako isinama ni Mama sa kung saan man. Pasalamat ako kay Papa, kung hindi dahil sa kaniya ay hindi ako makakatuntong ng kolehiyo. Wala marahil ako kung saan ang kilalagyan ko, hindi ko siguro mararating kung nasaan na ako ngayon. Vocational course lang ang natapos ko pero sapat na iyon sa akin. Naisip ko noon na may mailagay lang ako sa resume at may mai-submit na diploma bilang requirement sa trabaho ay ayos na sa akin. Hindi na ako nagpumilit sa ganito at ganiyan. Hindi ako naghangad ng iba, hindi ko pinilit si Papa na pag-aralin ako. Bagkus ay siya pa nga itong may kagustuhang pumasok ako sa mga sikat na unibersidad ng Maynila. Naging mabuti sa akin si Papa, hindi ko naramdamang may kulang sa pamilya namin dahil lahat iyon ay napupunan at nagagampanan niya bilang ama— at bilang ina na rin sa akin. Hindi ako nito pinagbuhatan ng kamay, maski ang utusan ay hindi niya magawa. Rason nito— ayaw niyang iwan ko siya dahil katulad ko, takot kaming maiwanang mag-isa. Masasabi kong ibinigay ni Papa ang lahat ng makakaya niya para buhayin ako, kaya rin labis ang naging pagsusumikap ko sa buhay. Nasabi ko noon na gusto kong suklian lahat ng paghihirap nito. Gusto kong ibigay yung mga gusto niya. Nang malaman naming may sakit siya sa puso, nabanggit kong huwag niya akong iiwan hangga't hindi ko nasusuklian lahat ng kabutihan nito sa akin bilang ama. Kaya hindi ko mawari kung paano ko pa ipagpapatuloy ang buhay ko nang wala siya sa tabi ko, parang may kung anong parte sa puso ko ang nawawala, kasabay nang unti-unting pagkawasak nito. Mariin akong napapikit, kasunod nito ay ang malakas kong paghikbi dahilan para takpan ko ang sariling bibig at mapayuko. Nanginig ang balikat ko sa sunud-sunod kong pagsinghot. Hindi ko na tiningnan kung paano nila takpan ang kabaong ni Papa ng lupa. Ako na lang din ang natira roong nakatayo, may nagpunta namang kapitbahay namin para makilamay ngunit kakaunti lang. Siguro ay hindi lalagpas sa bilang ng mga daliri ko sa kamay. Nauna na rin silang umuwi at naiwan ako rito sa malawak na sementeryo, mag-isang nagluluksa habang karamay lang din ang hangin na siyang humahaplos sa balat ko. Kalaunan nang mapatingala ako sa kalangitan, madilim iyon na para bang nagbabadya ang isang napakalakas na ulan. Mapait akong napangiti sa kawalan, bago napailing-iling. Hindi ko mapigilang kwestyunin ang Diyos, bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo ay ako itong napili niyang pahirapan ng ganito? Bakit ako pa? Bakit ako na lang palagi? Hindi ko na kinwestiyon ang pag-alis ni Mama noon pero itong pati si Papa ay kukunin sa akin, bakit? May nagawa ba akong mali? May kasalanan ba ako? Ano iyong pagkukulang ko? Napailing akong muli, kasabay nang pagpunas ko sa basang pisngi. Bago pa man ako abutan ng ulan ay minabuti kong umalis na, ngunit bago iyon ay isang lingon pa kay Papa ang ginawa ko. "Salamat, Pa. Maraming salamat," bulong ko na sana ay narinig niya. Matapos ang libing, tatlong araw lang din ang lumipas nang mahuli si Mang Bogart na noo'y tumakas upang magtago— siya ang may sala sa pananaksak at pagpatay kay Papa. Dahilan nito ay nagkainitan sila ni Papa habang nag-iinuman sa loob ng bahay namin, nagdilim ang kaniyang paningin kaya nagawa nito ang krimen, na patayin ang sarili niyang kaibigan. Hindi naging sapat ang paghingi nito ng tawad sa akin, kahit ang lumuhod sa harapan ko, maging ang buong pamilya niya na nangungulit sa akin, kaya itinuloy ko ang pagsampa ng kaso rito. At bilang seguridad sa sarili, hindi ako nagdalawang-isip na lumuwas ng Tagaytay. Kahit papaano ay naging blessing in disguise itong pagtanggap ko sa offer. Doon na ako maglalagi hanggang sa mismong ang Bluebells Cafè na ang magsasabi sa akin na kailangan ko nang bumalik sa Intramuros, kaya nilubos ko na lahat. Sagot naman nila ang monthly allowance ko sa Tagaytay at ibang expenses na magagastos, katulad ng bayad sa inuupahan kong apartment malapit lang din sa Bluebells Café. Isang pasada ng tingin sa salamin ang ginawa ko bago nagpahid ng pulang lipstick sa nakaawang kong labi. Narito na ako ngayon sa shop at inaayos na lang ang sarili. "Let yourself feel at home, Stacy," anang Ma'am Paula— ang manager dito na kasabayan ko lang din sa pagpasok ngayong umaga. "Thank you po." Tipid akong ngumiti, animo'y nahihiya pa. Hindi rin talaga ako nagkamali ng pinasukang trabaho, Bluebells Café is my dream company. Salamat pa rin at tinanggap nila ang kagaya ko. Huminga ako nang malalim bago tuluyan nang lumabas ng locker area. Kailangan kong magsumikap ulit ngayon sa kadahilanang naubos ang ipon ko sa pagkamatay ni Papa, mula sa pagpapa-hospital ay libing nito, at sa pagsampa ko ng kaso kay Mang Bogart. Ito na ang bagong buhay ko sa Tagaytay. Sana naman ay tantanan na ako ng masamang alaala ko sa Maynila. Gusto kong magsimula ulit kahit pa mag-isa na lamang ako. Hindi ko na rin inisip si Jaxon. Malabo naman nang magkrus pa ang landas namin kaya hindi ko na hahangaring magkikita pa ulit kami sa magulong mundong ito— bahala na. "Good morning, Sir! What's your order?" bati ko sa unang customer na pumasok sa shop. "One cup of espresso," malamig niyang tugon, ganoon pa man ay ngiti ang iginawad ko. Matapos kong ma-encodr ang order nito sa computer ay mabilis din iyong nai-serve sa table niya. Sa pagpupursige ay hindi ko na namalayan ang oras, alas onse na pala ng tanghali. Nagulat pa ako nang biglang may mauntog sa glass door ng shop, rason para manlaki ang dalawang mata ko. Gusto ko sana itong lapitan ngunit mabilis niyang nabuksan ang pinto. Bumungad sa paningin ko ang matangkad na babae, payat lang ito at may mahabang buhok na siyang mamasa-masa pa at tumatabon sa kaniyang pisngi. Sumusunud-sunod pa iyon sa galaw ng katawan nito. Dere-deretso ang naging pagpasok niya sa loob ng counter area, kaya nangunot ang noo ko nang mag-time in ito sa bioclock. Isang malakas na buntong hininga ang pinakawalan niya. "Ma'am, late ako!" sigaw nito sa loob at pumasok na rin sa locker area. "Hello, can I order one cup of black americano?" anang boses sa harapan ko kaya madalian ko itong hinarap. Maagap kong kinuha ang order niya na hindi ko na pinansin ang babae kanina. So, empleyado pala siya ng Bluebells Café? Wala sa sariling nailing ako sa kawalan, kasabay nang pagak kong pagtawa. Ilang minuto pa ang nagdaan nang may maramdaman na lamang akong presenya sa gilid ko. Bahagya ko itong nilingon at nakita iyong babae kanina na ngayon ay nakaayos na. Bumaba ang atensyon ko sa suot nito, pareho kami ng uniporme kaya natanto kong cashier din ito. Nasipat ko pa ng tingin ang kaniyang nametag— her name is Thalia. Ngumiti ito sa akin, iyong tipong kulang na lang ay lumabas ang mapupulang gilagid niya. Hindi sinasadya ay napangiti rin ako, nakakahawa lang ang pagiging masiyahin nito. "Hi, anong pangalan mo?" tanong nito, "Bago ka rito?" "Stacy," tipid kong sabi sabay tango. "Oh! Ilang taon ka na?" Sandali akong tumingin sa paligid, pati na rin sa entrance ng shop. Mabuti at hindi gaano ang customer sa tanghaling iyon kaya kahit papaano ay nakakasagot ako sa kaniya. Hindi ko akalaing madaldal pala itong si Thalia, pero infairness, nakakadala nga ang pagiging jolly person niya, with pleasing personality. Hindi intimidating tingnan, I will rate her 10/10. "Twenty five na ako. Ikaw?" "Pwede pala kitang tawaging ate, ano? twenty three pa lang ako." Nagningning pa ang parehong mata nito na para bang nagagalak. Mahina akong natawa. "Stacy will do. Two years lang naman ang agwat." Sa sinabi ko ay tumawa rin ito, iyong tawa na akala mo ay wala nang bukas, labas pa pati ngala-ngala niya. Bahagya pa ako nitong hinampas sa braso, mahina lang naman kaya 'di ganoon masakit. "Ang funny mo," sambit nito rason para mailing-iling na lamang ako. "So, nabanggit mong bago ka rito." "Yup." Bagong salta. "Sige, tuturuan kita," wika nito na halos ikatawa ng kalooban ko. Pangalan lang ang alam niya sa akin, hindi nito alam na matagal na ako sa Bluebells Café at na-promote pa ngang head cashier. Ganoon pa man ay hinayaan ko si Thalia sa gusto niyang mangyari. Nakangiti kong binalingan ang ginagawa nito sa POS ko, iyong computer na ginagamit sa ganitong retail shop. May ginawa pa siya roon at tahimik naman akong nakikinig sa kaniya. "Bali ito naman, dito mo makikita kung ano na lang ang available sa menu natin. Samantang dito, ito 'yung mga code ng bawat products para mas madali natin siyang ma-encode. Kapag magpapa-void naman, tawagin mo si Ma'am Paula kasi siya lang ang may access no'n. And at the end of your duty, dito mo makikita kung ilan ang transaction mo, pati na rin ang total of transaction." Umawang ang labi ko, sunud-sunod ang naging pagtango ko. Huminga ito nang malalim kaya sandali ko siyang nilingon, nakita ko pa ang paghahabol nito ng hininga. Mahina akong natawa sa loob-loob ko, ang cute lang din niya. Kitang-kita ko pa ang pamumula ng dalawang tainga nito. Mayamaya rin lang nang umayos ako sa kinatatayuan ko at hinarap siya. "Gaano ka na katagal dito?" tanong ko, nakakamangha lang kasi ang pagpapaliwanag nito. "Ahm, one month pa lang ako." Kasabay nito ay ang pagkamot niya sa kaniyang batok. Sa narinig ay mas lalo akong namangha kay Thalia, hindi maiwasan ay napatitig ako sa kaniya. Maganda ang korte ng mukha nito, maliit lang ang hugis ngunit bumagay iyon sa petite niyang katawan. Mala-dahon ang parehong mata nito na may katamtamang laki, matangos ang maliit niyang ilong at may biniyayaang pouty lips. Nakadagdag amor pa ang angking kaputian at kakinisan nito. "Trainee pa lang kung tutuusin. But don't worry, ituturo ko sa 'yo ang lahat ng natutunan ko," pagmamalaki nito. Sabay kaming napangiti, bilang pagsang-ayon ay tumango-tango ako. Hindi rin nagtagal nang lumabas si Ma'am Paula mula sa loob at nilapitan kami. "Thalia, bakit hindi ka pa nagbubukas ng account mo sa kabilang counter ? Magbe-break na si Stacy," ani Ma'am Paula. "Ay, opo! Tinuturuan ko lang kasi si Stacy, Ma'am." Nanlaki ang dalawang mata ni Ma'am Paula sa sinabi ni Thalia, tila ba nahulas ang emosyon nito at napipilan na nilingon niya ito. Gusto ko sanang pigilan siya ngunit naunahan na ako nito. "Anong tinuturuan? Bakit mo tinuturuan?" angil ni Ma'am rason para ibaling ko sa iba ang atensyon. "Two years na iyang si Stacy. Galing lang siya ng Intramuros at pinadala rito bilang kapalit no'ng nag-resign na cashier. Siya rin ang magtuturo sa 'yo." "Pisteng yawa," bulong ni Thalia na alam kong namumula na ngayon ang mukha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD